Babaylan on Vacation
Genre: Romance, Boy x Girl
Matapos ang isang buong taon ay nakauwi na ulit ako sa probinsya. Iniwan ko ang lahat ng libro ko sa dormitoryo. Wala akong bitbit maliban sa mga ilang damit at gamot na hindi basta-basta mabibili dito sa munti naming baryo sa Sagada. Hindi gaya ng magulong siyudad ng Baguio, dito ay walang kahit anong tunog ng sasakyan. Walang maingay na kapitbahay. Walang kumakanta ng karaoke lalo na ang may boses sintunado. Tanging ako lamang, kasama ang mga tahimik kong kapitbahay sa payapa naming baryo.
"Tatlong dahon ng acapulco, limang pilas ng bulaklak ng banaba at isang dakot ng yerba buena," umaawit kong enkantasyon.
Pinaghalo ko ang mga halamang gamot sa isang sisidlan sabay dinikdik ng dalawang daang beses. Dapat eksakto, walang mintis. Kailangang paikot pakanan habang dinidikdik. Gamit ang aking daliri ay marahan kong tinikman ang ginawa ko.
"Taragis! Ang pait!" bulalas ko sa kuwarto.
Nagtungo ako sa aparador. Sa tuktok ay garapon na naglalaman ng puting likido. Tinangka kong abutin ito ngunit sadyang masyadong mataas.
"Lupe, sabi na kasing humanap ka ng ng nobyo o kaya asawa para hindi ka nahihirapan nang ganyan," naalala kong sermon sa akin ni Lola noong isang taon.
Siguro nga kung may katuwang ako sa buhay ay mas naging madali ang ilang gawaing bahay para sa akin.
Napahinga ako nang malalim. Sa salamin na pintuan ng aparador ay nakita ko ang aking repleksyon. Ang mukha kong makinis, ang buhok kong napaka unat at ang simple kong damit.
Ang ganda ko! Daig pa marahil ang commercial model ng mga sabon sa telebisyon.
"Sa itsura kong ito? I don't need a man," pagyayabang ko sabay hawi ng aking buhok. Ako ay nagtalukbo. Kumuha ako ng silya at siyang aking tinuntungan upang maabot ang likidong kailangan ko.
Binuksan ko ang garapon bago inamoy ang loob. Humalo nang wasto ang inilagay kong lavender sa dagta ng puso ng saging na magdamag kong dinasalan sa ilalim ng kabilugan ng buwan.
Tumalon ako pababa. Para akong isang bata na tuwang-tuwa at hindi makapaghintay sa binabalak ko. Ibinuhos ko lahat ng ito sa isang malaking kawa sa banyo. Nagsindi ako ng mga puting kandila malapit sa lababo. Bumalik ako sa aking sala upang sindihan rin ang mga kandilang inihanda ko. Nagsimulang mangamoy bulaklak sa aking tahanan. Pinaghalong halimuyak ng mirasol, rosas at liryo.
Pinagmasdan ko ang bawat sulok. Tahimik, payapa, perpekto para sa gagawin kong engkantasyon.
"Ishliva ashte sintos—"
"Taow poh," pagputol ng isang boses lalaki.
Ang maganda kong engkantasyon ay pinutol ng kung sino mang asungot. Umalingawngaw ang tinig ng isa na namang turista sa baryo namin. Isang lalaking may punto at halatang hindi marunong mag tagalog.
Hindi ako kumibo. Wala akong nilikhang ingay sa pagbabakasakaling kusa siyang aalis. Matapos ang ilang minuto ay hindi na siya kumatok pa. Huminga ako nang malalim bago nagpatuloy sa aking rituwal.
"Hangin, hangin. Magpakita ka sa ak–"
"Taow poh! May taow poh ba diyan?"
Pambihira!
Inalis ko ang pagkakatalukbo ng aking suot at kusang lumugay ang buhok kong kasing itim ng gabi. Itinaas ko ang mangas ng aking damit gayundin ang aking kaliwang kilay. Padabog akong naglakad patungong pinto, handang sapakin ang kung sino mang gumagambala sa akin sa alas dose ng gabi.
"What?" bulyaw ko. Ang lalim ng aking hininga. Ramdam ko ang pagkulo ng aking dugo. Halos lumipad pabukas ang pinto nang hilain ko ito.
"Sorry–" nauutal niyang bigkas.
Sa pinto ay may isang lalaking nakayuko. Ang buhok ay kulay dilaw at ang katawan ay kagaya ng kay Lam-Ang na laging ikinukuwento ni Lola. Ang kanyang kutis ay tila porselana. Wala siyang pang-itaas. Malamang ay galing sa hot spring na malapit sa bahay ko.
Hawak niya ang kanyang tiyan. Ibinaba ko ang aking tingin. Sa ibaba ng kanyang matipunong dibdib ay tila may nakaukit na anim na pandesal.
Inangat niya ang kanyang ulo at napatitig sa akin. Mabilis kong inayos ang aking manggas at klinaro ang aking lalamunan. Gusto kong magtaray ngunit hindi ko mapigilan ang ngiti ko. Hindi ako makapalag sa lalaking may matangos na ilong, makapal na kilay at matang kulay sapiro.
Ang kilay kong pang ikatlong palapag ng gusali na ang taas ay bumagsak pababa.
"Are you, Loop?" usisa niya. Hindi ko siya maunawaan dahil panay ang kanyang pag-pipigil ng iri. Nakasingkit ang kanyang mga mata. Nakangisi ang kanyang mga ipin na tila may iniindang sakit.
"Loop?" pagtataka ko.
"Yes, Loop. The Beybeylen?" dagdag pa niya.
Taragis talaga!
"Lupe, tanga!"
Sa sobrang inis ay ibinagsak ko ang pinto sa kanyang harapan. Napahawak ako sa aking mukha. Para akong nilalagnat. Ngunit hindi dahil sa galit. Iba ang aking nararamdaman. Napasandig ako sa likod ng pinto hawak ang aking dibdib. Tila may tumatakbong kabayo na gusto kumawala sa katawan ko.
"Loopeh!" Maayos na ang pagtawag ng lalaki sa likod ng pinto. Panay ang katok nito. Malalim at malakas ang kanyang boses habang kinakalampag ang pintuan. "I need you!"
Nagsitayuan ang aking balahibo sa kanyang sinabi. Lalong uminit ang dalawa kong pisngi. Naalala ko ang kakaiba niyang titig kanina. Ang mga mata niyang nakasingkit. Ang ngiti niyang nakakaakit. Ang mukha niyang namumula marahil dahil sa hiya. Inayos kong muli ang aking sarili. Ibinotones ko ang aking suot.
Muli kong binuksan ang pinto para sa binatang nahumaling sa ganda ko.
"Yes?" malambing kong tugon sa kanya. Nakangiti pa rin siya sa akin habang namimilipit.
"Do you have anything for diarrhea?"
Pambihira talaga!
Isasara ko na sana muli ang pinto nang hinarang niya ang kanyang katawan.
"Please, Lupe. I forgot to bring some meds," pakiusap niya. Nanginginig na ang kanyang kamay na nakasingkil sa kahoy kong pintuan.
Ako ay napabuntong hininga. Inalis ko ang aking pag-ipit sa binata. Malugod ko siyang pinapasok.
Nagtungo ako sa mga lagayan ko ng langis at halamang gamot. Inisa-isa ko ang mga inayos kong sisidlan kakahanap ng lunas para sa iniinda niya.
"What's your name?" usisa ko. Nakatalikod ako sa kanya habang abala sa paghahalungkat sa luma kong baul.
"Trevor," saad niya. Ramdam ko ang pagkamangha niya sa aking kuwarto at ang mga kakaibang bagay na nakita niya rito. "This place is a bomb! Are you gonna make me some concoction with some herbs?"
"No," pabalang kong sagot. Inisa-isa ko na ang mga lalagyan upang makita ang hinahanap ko.
"Any magic water with snake venom and salt crystals?" pangungulit niya.
"Hindi rin."
"Then what will you give me?"
"Do you understand Tagalog"
"Kaunteh lungs"
"Very good," saad ko. Napipikon na ako sa kanya nang masagi ko ang mga bagay na hinahanap ko. "Nakita ko na!"
Natatawa akong naglakad papunta sa kanya. Binuksan ko ang kanyang palad at may inilagay ang dalawang maliit na bagay. Abot-tainga ang kanyang ngiti sa kung ano mang mahiwagang handog na binigay ko.
Nang tingnan niya ang kanyang kamay ay mabilis na nawala ang tuwa sa kanyang mukha.
"What's this?" pagtataka ni Trevor.
"Loperamide Imodium." Agad ko siyang tunulak palabas ng kuwarto. "Take two with or without meals."
Puro hagalpak siya sa labas. Maging ako ay nakangiti habang naririnig ang mga tawa niya sa gamot na inabot ko. Ngunit mabilis siyang tumahimik nang humilab na naman ang kanyang tiyan.
Abot-tainga na ang aking ngiti habang inaalala ang kanyang mga reaksyon.
Bumalik ako muli sa ginagawa ko. Tuluyan nang lumubog ang mga bulaklak dahil napabayaan ko na ang mga ito. Sa sobra inis ko ay inulit ko ang lahat. Naglabas ako ng mga bagong halaman, kinuha ang ikalawang bote ng dagta ng puno at nagsindi na naman ng panibagong mga kandila.
Hindi na ako nang-aksaya ng oras sa pagtatadtad ng mga halaman. Kinuha ko na ang aking blender. Sa katahimikan ng gabi ay maririnig ang makinang gamit ko habang nadudurog ang mga halamang gamot sa loob. Inihagis ko ang mga sangkap sa kawa bago muling nagdasal.
"Auro istemon bathaluma—"
"Taow poh! Loopeh"
"Taragis talaga, Tibol!"
"It's Trevor. Sorry na!"
Wala nang daing sa tono ng kanyang boses. Tila mabilis na umepekto ang gamot na ibinigay ko. Panay ang kalampag niya sa pintuan habang sinisigaw nang baluktot ang maganda kong pangalan.
"Loopeh!" Ramdam ko ang mga ngiti niya sa kanyang boses.
Hindi ko siya ulit pinansin. Ibinaling ko ang aking atensyon sa mababangong kandila na halos nangalahati na. Binuksan ko ang gripo upang siguraduhing maligamgam ang tubig na gagamitin ko.
"Loopeh, hello?" umaalingawngaw niyang tawag. Nakasilip na siya sa bintana. Nakangiti sa akin na tila nang-iinis.
"Stay out!" Mabilis kong isinarado ang bintana sa kanyang harapan.
Bumalik siya sa pinto. Doon niya ipinagpatuloy ang walang humpay niyang pagkatok.
"I have something to say!" bulyaw niya.
Gusto kong mamaluktot. Gusto kong magwala. Naiiyak na 'ko sa inis dahil gusto ko nang tapusin ang ginagawa ko dahil anong oras na. Napahawak ako sa aking batok dahil tumataas na naman ang presyon ng aking dugo. Kinalma ko ang aking sarili bago ko tuluyang hinipan ang mga kandila. Mabuti nang apulahin ko ang mga ito kaisa masayang.
Muling lumipad ang pinto pabukas sa kanyang harapan.
"Ano na naman, Tibol?"
"It's Trevor, from Queens, New York" pagtama niya sa kanyang pangalan. May kasama pang address. Nakangiti siya sa akin habang maayos nang nakabihis.
"Wala akong pake. Nakakaabala ka sa ginagawa ko! Alam mo kayong mga Amerikano, akala niyo madadala ninyo lahat sa pagpapapogi—"
"Want some chocolate?" alok niyang bigla. Hawak niya ang isang malaking bar ng tsokolate. May mga larawan pa ng mani sa balot nito. Halos isang metro ang haba at parang libro ang kapal. "In exchange for the meds earlier."
Sa tagal ko na dito sa Sagada, bihira na lang akong makatikim ng tsokolateng imported. Kung pupunta naman ako sa Baguio City upang mag-aral, wala naman akong budget pambili ng mga ganito. Lalo na iyong galing sa Amerika.
"So?" muli niyang sambit. "Do you want it?"
Natulala ako sa hawak niya at hindi ko mapigilang maglaway. Nakangiti siya habang nag-aalok. Nakasuot na siya ng sando at wala na ang pananakit sa kanyang tiyan. Nakadantay ang kanyang balikat sa gilid ng pinto habang nakatayo sa isang paa. Pumapagaypay pa ang kanyang mga pilik mata. Halatang nakaraos na siya sa kanyang itsura.
"Ayaw ko," pagsisinungaling ko. Pero ramdam ko ang pagtulo ng aking laway sa aking kamay habang nakahalukipkip. Hindi ako sa kanya nakatitig kundi sa tsokolateng dala niya.
"You sure?" udyok niya. Binuksan niya ang dulo ng tsokolate at pasimpleng kinagatan.
Halos mabingi ako sa malutong niyang pagkagat. Dinilaan niya ang ibaba niyang labi at hindi ko mapigilang ngumanga. Mabilis niya akong nginitian. Natunghayan ko ang mapuputi niyang ngipin.
"Amin na nga iyan!" Hinablot ko ang hawak niya at isinarado ang pinto. Sumandal agad ako sa kabilang bahagi ng pintuan at agad na kinagatan ang bahaging kanyang isinubo.
Napaupo ako dahil sa sarap ng kinakain ko. Puro ako ungol habang tumitirik ang aking mga mata. Para akong nasa langit dahil sa sarap ng tsokolate. Hindi ito gaanong matamis. May halong pait gaya ng mga purong pulbo ng cacao at tablea.
"Loopeh," tawag niyang muli. Agad ako naubo. Nagbalik ako sa katinuan bago pa ako mabilaukan.
"Ano na naman?" reklamo ko habang nilalantakan ang dinala niya.
"I heard you were making some incantations earlier. Was that magic?" tanong ni Trevor.
Hindi ako sumasagot. Abala ako sa pagngatgat. Hindi ko siya kailangang sagutin tutal naman sinira na niya ang gagawin ko.
"I'll give you more if you let me see some magic," halakhak ni niya.
Mabilis pa sa alas dose ang pagtayo ko. Inayos ko ang aking suot. Pumunta ako sa salamin upang tignang muli ang aking itsura. Nakita ko ang hawak kong pagkain. Nakalahati ko na ang tsokolate na binigay niya. May mga naiwan pang mantsa sa aking pisngi.
"Taym pers!" sigaw ko.
Kumuha ako ng bimpo at pinunas sa aking mukha. Inilapag ko ang hawak ko at tumakbo pabalik sa pinto. Pinagbuksyan ko siya nagad. Nakatalikod siya sa akin habang inaaral ang kalangitan sa labas.
"This place is really nice," pagkamangha ni Trevor. "You can see the Andromeda galaxy from here."
Hawak niya ang isang basket ng mamahaling tsokolate. May mga tatak na imported na ngayon ko lamang nakita. May mga mukhang may halong gatas. Ang iba naman ay may lamang pasas.
Aagawin ko na sana ang dala niya nang bigla niyang iiwas ito.
"I'll give it to you if you promise to let me in?" alok niya.
"Deal!" bulalas ko.
Hinatak ko siya sa loob. Wala naman siyang makikita sa kuwarto. Wala naman akong itinatago. Panay ang aking ngiti habang inaabot niya ang kanyang handog. Magalang niya itong ipinatong sa aking mga kamay matapos kong tuluyang papasukin sa loob.
"So are you really a beybeylan?" usisa ni Trevor. Sinimulan niyang igala ang kanyang mata sa aking kuwarto.
"Babaylan. More like the village healer," paliwanag ko sa kanya.
"Aren't you too young for that?"
"I'm already eighty years old!"
"Hold up! No way!"
Tinawanan ko siyang bigla.
"I'm joking! Do I look like I'm in my 80s?
Marahan ang kanyang mga hakbang sa sahig kong yari sa matibay na kawayan. May mga lumang kagamitan sa sulok at kabinet na naglalaman ng emergency kit sa sulok. Ito ang mga ginagamit ko sa tuwing may hindi inaasahang pangyayari sa baryo at kinakailangan kong magbigay ng paunang lunas.
"Isn't there anyone else who could take your place?"
"Wala akong choice, eh," saad ko. May halong panghihinayang sa aking boses habang inaayos ang kanyang uupuan. "Clan duty. No one else would do it anyway."
"You're always here?" usisa niya ulit.
"Only on summer break. I'm in the city the rest of the year."
Hinihingal na ako dahil nauubusan na ako ng Ingles.
"Cool! What course are you taking?"
"Nursing. No more questions! No habla Ingles!"
Tinawanan niya lamang ako. Pero patuloy pa rin siya sa kanyang mga tanong. Sinubukan ko pa ring sagutin siya sa abot ng aking makakaya. Kung pipilitin kong magtagalog lalo lang hahaba ang sasabihin ko. Pareho lamang kaming mahihirapan.
Kalahating oras kaming nagkuwentuhan. Inakala kong gusto niyang usisain ang mga gamit ko ngunit panay sa akin ang kanyang tingin.
"So, what language were you chanting before I came in?"
Natawa ako sa kanyang tanong. Naalala ko ang hinahalo ko sa banyo. Ang mga halamang gamot at mga kemikal na inihanda ko.
"Wanna see what I was doing instead?" Nilaliman ko ang aking tono. Nilakihan ko ang aking mata upang sindakin siya. "If you are prepared for the consequences?"
"Yes!" Nakangiti niyang tugon.
Abnormal ba ito? Sa pag-aakala kong siya ay matatakot, nauna pa siya sa aking tumayo.
Painis ko siyang hinatak sa banyo. Medyo maugat ang kanyang kamay. May katigasan ang kanyang braso. Pinadulas niya ang kanyang braso sa aking hawak at hinawakan niya mismo ang palad ko.
Mabilis akong natigilan. Agad ko siyang nilingon. Itinaas niya ang mga kamay naming magkahawak bago ako nginitian.
"You have nice hands." Nakangiwi ang kanyang labi.
"Quit it!" naiinis kong saway.
Ramdam kong muli ang pag-init ng pisngi ko. Agad ko siyang binitawan. Nauna akong maglakad habang itinatago ang mukha kong hindi mapigilan ang ngiti.
Dumadabog ang aking paa sa sahig na yari sa kahoy para kunyari ay naiinis ako sa kanya. Maamoy ang halimuhak ng banaba sa labas pa lang. May kakaibang pakiramdam na nagmumula sa banyo. Ang lahat ng ito ay mga naiwang bakas ng engkantasyong iniwan ko. Isa-isa kong sinindihan ang mga kandila.
"Ito ba ang tinutukoy mo?" tanong ko.
Nakangiti siyang pumasok sa banyo. Inaral ang kawang hinahalo ko. Tinignan niya itong mabuti bago nakilala ang mga bagay na ginagamit ko sa paghahalo.
"Wait, is that?" Napahawak siya sa kanyang bibig.
Mabilis na nawala ang pagkamangha sa kanyang mukha. Nakita niya ang mga mababangong dahon at bulaklak, mga uri ng bulaklak na makikita lamang sa sagada. Magaganda ang kulay at pangmatagalan ang gamit. Sa ibaba ng kawa ang may mga galon na panglinis. Napansin din niya baking soda sa gilid.
"Gumagawa ako ng sabon," natatawa kong tugon. "Side-line ko iyan dito. Binebenta ko as souvenir."
Tumakbo siya palabas ng banyo. Takip pa rin niya ang kanyang bibig. Nang mapunta sa sala ay mabilis siyang humagalpak. Umalingawngaw sa aking kuwarto ang tawa niyang malalim habang tila naluluha na dahil sa sobrang tuwa.
Nagtatampisaw siya sa sahig.
"That was what all those magic words were for?" tanong niya nang magsimula na siyang kumalma.
Natatawa ako sa itsura niya. Mabilis ko siyang tinanguan.
Pinipilit niyang umupo kahit hindi na niya kaya. Nang nakakahinga na at nagsawa na kakatawa ay pumuwesto na siya sa sofa. Hawak na niya ang kanyang tiyan na kanina ay namimilipit sa sakit. Ngayon ay mukhang namamaga na dahil puno na nanghangin dahil sa kanyang mga halakhak.
"So, what brings you to Sagada?" usisa ko.
"Well, to be honest." Pinupunasan pa rin niya ang kanyang mata dahil sa luha ng kaligayahan. "I'm a blogger. I travel to places where they practice magic. It's a nice job actually. I get to see wizards and witches."
"Mukha ba akong witch?" pagtataray ko.
"Well, I'm glad you're not," nakangisi niyang tugon.
Magkatapat kami sa sala. Masaya kaming nagkukwentuhan. Ibinahagi niya sa akin ang mga paglalakbay niya dahil mahilig rin pala siya sa mga mahika. Inisa-isa niya ang bawat bansa upang mahanap lamang ang hiwagang pupuno sa kanyang kuryosidad. Hanggang dinala siya ng kanyang mga paa rito sa Sagada.
Nagtimpla ako ng tsaa. Inabot ko sa kanya ang isang tasa. Tama lamang ang init nito upang balutin niya ng kanyang palad. Kahit papaano ay hindi siya ginawin sa lamig nang gabi lalo na rito sa Sagada dahil sa inabot ko.
"How about you, when will you go back to Baguio?" usisa ni Trevor.
"I just arrived here yesterday," pagtatapat ko sa kanya. "I just broke-up with my boyfriend and I guess I'll be staying here the entire summer."
"I'm so sorry to hear that," saad niya. Bigla niya akong tinawanan. "Well, it's his lost."
Napatitig siya sa tsaa. Inaral ang umiikot na mga durog na dahon at mababangong bulaklak.
Panay ang panakaw kong mga titig kay Trevor. Hindi ko mapigilang mamangha sa malalambing niyang mga mata, matangos na ilong at ngiting kasing puti ng niyebe. Lumipas ang gabi at puro na lang kami tawanan at halakhakan sa loob ng aking kuwarto.
Ang sinag ng buwan ay tumatagos sa salamin ng bintana. Tanging kaluskos ng hangin at mga tunog ng sikada ang maririnig sa labas. Pareho kaming natahimik nang wala na kaming mapag-usapan.
"So, where are you going next?" nahihiya kong tanong kay Trevor. "You can go visit Visayas, they have a lot of magical places. Siquijor is a top spot for witches. You could also be the one to find Biringan—"
"Nah, I think I found something more beautiful than magic," pagputol niya sa mga paliwanag ko. Ibinaba niya ang hawak niyang tasa bago itinungkod ang kanyang mga siko sa kanyang mga tuhod. Yumuko siya sa harap ko. Pinapagaypay niya ang kanyang mga pilikmata. Binigyan niya ako ng matamis na ngiti. "There is something more amazing in this place than magic."
"Ano naman?" Umiwas ako ng tingin. Medyo umiinit na ang pisngi ko dahil sa hiya. Bahagya niyang kinuha ang kamay ko. Ipinatong niya sa kaliwa niyang kamay bago niya tinakpan ng isa pa.
"You," marahan niyang tugon. Kasabay ng mga huni ng kulisap at malamig na simoy ng hangin mula sa bintana, binanggit niya nang maayos ang pangalan ko. "Ikaw, Lupe."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top