Prologo


"Bakit mo ba 'to ginagawa?"


Rinig na rinig sa kanyang boses ang panghihina. Panghihina sa kadahilanang napapagod na siya— sa pisikal at emosyonal na aspeto. Naghintay siya ng sagot mula kay Aspasia ngunit nanatiling tikom ang bibig nito sa kahit anong tanong na nagmumula sa kanya.


"Balak mo ba 'kong patayin?" mahina niyang tanong. Tanong na nais niyang malaman ang sagot ngunit ayaw niyang marinig.


Isang matipid na ngiti ang natanggap niya mula sa babae.


"Hindi mo ba kayang magsalita?"


Ilang minuto pang katahimikan.


Isang malalim na buntong-hininga ang nagawa nya at napapikit na lang. Nagsisimula na siyang sumuko. Wala na siyang nakikitang pag-asa upang makaalis sa sinumpang lugar na iyon. Damang-dama niya ang lamig ng bakal na kadenang nakakabit sa kanyang mga pulso at paa. Kasing-lamig ng gabi ang mga mata ng babaeng kanina pa nakaupo sa kanyang harapan at pinanonood siyang nahihirapan.


"Natatakot ka ba sa akin?" tanong ni Aspasia sa kanya.


Dumilat siya at tinignan ang maamong mukha ng babaeng limang araw na siyang ikinulong sa luma at abandonadong bahay na iyon. Sa wakas ay narinig na niya itong nagsalita pagkatapos ng napakahabang limang araw na pananatili niya sa gubat. Napakahinhin ng boses nito at napakasarap sa pandinig.


Tinitigan niyang maigi ang mga nakahuhumaling na mata ni Aspasia. Singlalim ng hatinggabi ang mga mata nitong may nais ipahiwatig sa kanya. Tumatama ang liwanag ng buwan sa kanyang mukhang ikinukubli ang isang nakapangingilabot na pagkatao.


"Parang awa mo na... pakawalan mo na 'ko."


Umiling si Aspasia habang nakatingin sa kanyang duguang mukha. Hinawi nito ang kanyang buhok na nanlalagkit na dahil sa pawis at dugo.


"Hinintay ko ang pagdating mo at ngayon ay nagbalik ka." Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya, "Wala ka nang magagawa dahil kahit ano pang mangyari... akin ka na."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top