Ikawalong Kabanata: Huwad na Kalayaan
Ikawalong Kabanata: Huwad na Kalayaan
Nakatulala lang si Marco sa kahoy na sahig. Naghihintay ng oras kung kailan ba s'ya mamamatay.
May pagkakataong dapat nang sumuko lalo na kung ang pag-asang pinanghahawakan mo ay unti-unti nang nauubos.
Pakiramdam ni Marco, taon na ang itinatagal n'ya sa sinumpang lugar na iyon. Nauubos na ang takot n'ya. Nakakasanayan na n'ya ang kaba. Ubos na ang kanyang mga pangamba.
Naririnig na naman n'ya ang mga yabag ng paa. Paparating na naman si Aspasia.
"Gising ka na pala," sabi ng babae sa kanya. Umupo ito sa harapan n'ya at inilapag ang dala nitong pagkain.
Pinanatili ni Marco ang pagtitig kay Aspasia. Aminado s'yang maganda ito sa malapitan. Makinis rin ang balat nito at maputi. Napakaganda ng itim na itim nitong buhok. Maging ang mga mata nito, masasabi n'yang hindi naman nakakatakot.
"Bakit mo kailangang pumatay?" mahinang tanong ni Marco.
Sumandok ito ng pagkain at itinapat ang kutsara sa bibig ni Marco. Hindi na sinagot pa ang tanong ng lalaki. "Kumain ka."
"Bakit mas pinili mong mag-isang manirahan dito?"
"Lalamig ang pagkain mo."
"Bakit hindi mo subukang bumaba ng bundok na 'to?"
Sa wakas ay nagtama na rin ang paningin nilang dalawa. Nagbago ang awra ni Aspasia at ibinagsak ang hawak na kutsara na bumagsak sa mangkong pinaglalagyan ng pagkain ni Marco.
"Subukang... bumaba... ng bundok?"
Nakadama na naman ng kaba si Marco habang nakatingin nang diretso kay Aspasia.
"Nangako ka sa'king bababa tayo ng bundok na 'to..." rinig sa boses n'ya ang panginginig dahil sa lungkot at poot. "Nangako ka, Kuya..." Nangilid ang mga luha sa kanyang mga mata habang malungkot na tinitignan si Marco. Dahan-dahan n'yang hinawakan ang pisngi nito. "Sabi mo, sabay tayong aalis sa lugar na 'to..." Marahan s'yang tumango. "Sabi mo 'di ba... bababa tayong magkasama..." At biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha n'ya. Napalitan ng purong galit at agad n'yang kinalmot ang mukha ni Marco. "Pero nagsinungaling ka!" Isa pang kalmot sa kabilang pisngi. "Niloko mo 'ko! Iniwan mo 'kong mag-isa dito!"
Mahigpit n'yang hinawakan ang magkabilang gilid ng ulo ni Marco at pinandilatan ito ng mata.
"Sinungaling ka...! Napakasinungaling mo...!" mariin n'yang sinabi.
Kitang-kita ni Marco ang panggigigil sa mukha ni Aspasia. Namumula na sa galit ang mukha nito. Nanlilisik ang mga mata nitong halos lamunin na s'ya nang buong-buo. Ramdam n'ya ang malakas na panginginig ng kamay nitong nakahawak sa ulo n'ya.
Dumoble ang lakas ng tibok ng puso ng lalaki dahil sa sobrang kaba.
Pakiramdam n'ya iyon na ang oras n'ya.
Wala pang ilang sandali ay nawala ang galit sa mga mata ni Aspasia at agad na niyakap si Marco. Hinimas-himas nito ang likurang buhok ng lalaki.
"Pero mahal pa rin kita, Kuya... Hihintayin ko pa rin ang araw na magkasama tayong bababa dito sa bundok na 'to..."
Ngayon, mukhang mas naiinintindihan na ni Marco ang kalagayan ni Aspasia.
Napatunayan na n'ya ang isang bagay.
Isa itong baliw.
Baliw na kayang gawin ang kahit anong naisin nito, kahit ang pumatay.
"G-gusto mo bang bu-bumaba ng bundok na 'to...?" mahinahong tanong ni Marco.
Pumayag sana. Iyan ang nasa isip n'ya. Sana pumayag si Aspasia.
Bumitiw sa pagkakayakap si Aspasia na may malungkot na mga mata.
"B-bababa na... tayo." Sandaling napalunok si Marco. Nagdadalawang-isip sa binabalak. "B-bababa na tayo ng... ng bundok na 'to. Gusto mo ba?"
Ngiting may halong lungkot ang sumilay sa mga labi ni Aspasia. Marahan naman s'yang tumango kay Marco.
"Pakawalan mo na 'ko ngayon... bababa na tayo ng bundok na 'to," napakahinahong pakiusap ni Marco.
Dali-daling tumango si Aspasia at agad na tinanggal sa pagkakagapos ang lalaki.
Nakakita ng magandang pagkakataon si Marco.
Isang napakagandang pagkakataon.
Nakaalpas na ang kanan n'yang kamay.
Naghanap s'ya ngayon ng maaaring gamitin kay Aspasia oras na makawala s'ya at manlaban ito.
Walang kahit ano na malapit.
Wala na s'yang magagawa. Bahala na kung ano man ang mangyari.
Nakalag na ang kadena sa kaliwa n'yang kamay.
Ito na ang pagkakataon upang makatakas.
Mabilis n'yang itinulak si Aspasia.
"Ah-!" nasubsob ito sa sahig at mabilis s'yang nilingon. "Kuya!!"
Wala nang panahon upang lumingon pa.
Tumakas...
Kailangan nang tumakas.
Buhay ang kapalit ng pagdadalawang-isip.
"KUYA!!"
Dali-daling lumabas si Marco ng bahay. Kailangang tumakbo habang may lupa pa.
___________________________________________________________________________
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top