Ikaapat na Kabanata: Kalungkutan


*********************************

Ikaapat na Kabanata: Kalungkutan

*********************************



Mabigat ang kanyang pakiramdam. Sumasakit ang kanyang ulo. Naaamoy nya ang pawis ng sariling katawan. May malamig sa kanyang mga pulso. Nangangawit ang kanyang mga braso. Nakayuko sya at naaaninag ang isang kahoy na sahig.


"Guys... Tulong..." mahina nyang sinabi.


Nakarinig sya ng yabag ng paa. Pinikit-pikit nya ang mga mata para masanay sa liwanag ng lugar kung saan man sya naroon.


"Guys, nandyan ba kayo?" basag na basag ang kanyang boses. Tumingala sya.


Naningkit ang mga mata nya habang tinitignan ang babaeng nakatayo sa kanyang harapan.


"S-sino ka...?"


Umupo ito sa sahig at inilapag ang isang babasaging mangko na may napakagandang disenyo. Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya.


Unti-unting nagbago ang kanyang reaksyon nang makita ang napakaamo mukha ng napakagandang dilag na nasa kanyang harapan.


"Miss... Yung-" natigilan sya at tinignan ang magkabilang kamay na nakaangat sa hangin. Nanlaki ang mga mata nya nang makitang nakakadena ang mga pulso. Pinipigilan sya ng kalawanging bakal upang makagawa ng kahit anong malaking kilos. "Si-sino ka?! At- at anong- anong balak mong gawin sa'kin?!"


Nagpumiglas si Marco. Sinubukan nyang makawala sa pagkakagapos habang masama ang tingin sa babaeng nasa harap.


Sinubukang hawakan ng dilag ang kanyang mukha ngunit agad syang umiwas.


"Tulong! Tulungan nyo 'ko! Tulong!" paulit-ulit na sigaw ni Marco na tanging sya at ang babaeng nasa harap nya lamang ang nakaririnig. "Parang awa nyo na! Tulungan nyo 'ko dito!"


Nanatiling kalmado ang babae. Inalok nya ang mangko na may lamang mainit na sabaw kay Marco.


"Tulong! Tulungan nyo 'ko!"


Patuloy lang sa pagwawala si Marco dahilan upang matabig ng kanyang pisngi ang mangko na hawak ng babae.


Nalaglag ang mangko sa kahoy na sahig at natapon ang laman nitong sabaw.


Napahinto silang dalawa at napatingin sa mangko at sa natapon nitong laman.


Tinignan ni Marco ang mukha ng babae. Nakatulala lang ito sa sahig.


"Pakawalan mo na 'ko dito..." may tapang sa tono nyang sinabi, "Ang sabi ko, pakawalan mo 'ko. Naiintindihan mo ba 'ko?"


Kinuha lang ng babae ang mangko at tumayo na. Wala man lang kahit anong reaksyon ang makikita sa kanyang mukha.


"Ano bang kailangan mo sa'kin?! Magsalita ka!"


At tila walang narinig ang babae at tuloy-tuloy lang ito sa pag-alis sa lugar kung saan nakakulong si Marco.


"Pakawalan nyo 'ko dito! Tulong!"


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top