Asha

"Tatlong butil ng Oro, binibini."

Inirapan ko ang matandang kutsero bago ko isa-isang ibinagsak sa marumi niyang palad ang tatlong butil ng ginto. Panay ang lunok niya na para bang takam na takam siya. Noong nakaraang buwan ay isang butil lamang ng Oro ang singil niya, ngayon ay tatlo na. Noong nakaraang buwan din ay hindi pa humpak ang pisngi ng matandang kutsero, ngayon ay buto't balat na lamang siya.

Isinuot ko ang pandong ng itim kong kapa at nag-umpisa na akong baybayin ang mabaho at madilim na lagusan patungong emporyo. Inikot ko ang singsing sa aking kanang kamay at kusang naglabas ito ng liwanag na sapat para mailawan ang dinaraanan ko.

Nandito pa rin ang babaeng baliw na nakakadena sa pader, ngunit nilalangaw na at hindi gumagalaw. Ilang hakbang mula sa kaniya ay ang dalawang paslit, parehong may hawak ng lata at namamalimos. Sa tapat nila ay may inang tumatangis habang hinihele ang natutulog niyang sanggol, ngunit ang labi ng bata ay kulay ube na.

Bago ako makalabas ng lagusan, nakasalubong ko ang isang binatilyo, pasan-pasan niya ang isang kabang Oro. Napaismid ako nang mapansin ang duguan at gula-gulanit niyang pantalon.

Ano kayang kahindik-hindik na memorya ang ibinenta niya sa emporyo kapalit ng sakong bitbit niya? Bakit kahit nakangiti siya ay lumuluha ang mga mata niya?

Taong 2168, isang daang taon matapos tamaan ng mapaminsalang bulalakaw ang mundo na naghatid ng matinding taggutom, nahati sa dalawa ang bawat komunidad. Ang mga mayayamang kagaya ko at ng aking ama ay nanirahan sa loob ng Sanctuario. Sagana kami sa pagkain at sanay sa karangyaan, malayo sa mga taong nakita ko sa lagusan kanina.

Isang daang taon matapos mabura ang lagpas sa kalahati ng populasyon, wala nang halaga ang pera. Tanging butil ng mga Oro ang pambayad sa anumang transaksyon. At para magkaroon ka noon, kailangan mong ipagbili ang mga memorya mo rito sa emporyo.

Iginala ko ang mga mata ko sa kabuuan ng salaming eskaparateng nasa bungad ng unang tindahan sa emporyo. Maayos na nakasalansan ang mga babasaging bolang may iba't ibang kulay ng usok na nakakulong sa loob. May puti, dilaw, pula, abo, at itim. Dumiin ang titig ko sa nag-iisang kulay itim. Panigurado akong iyon ang pinakamahal.

"Narito ka na naman, binibini?" bungad sa akin ng babaeng kubang bantay sa tindahan ng mga memorya.

"Bibili ka na naman ba ng itim?" dugtong niya kasabay ng paglapit niya sa akin.

Napaatras ako dahil hindi ko gusto ang amoy niya. Kung hindi lang dahil sa mga kaibigan ko ay hindi talaga ako lalabas ng Sanctuario upang bumili ng mga memorya. Nakasanayan na kasi naming manood ng mga iyon buwan-buwan. Nakatutuwang malaman ang mga pinakatatagong sekreto ng mga tao sa labas ng Sanctuario. Nakaaaliw panoorin kung hanggang saan ang kaya nilang gawin para sa isang piraso ng tinapay o sa isang dakot ng bigas o kahit para sa katiting na pag-asa.

"Ilang butil para sa nag-iisang itim?"

"Sampung libong butil ng Oro, binibini." Gumuhit sa nagbabalat niyang mga labi ang isang malapad na ngiti.

Napahagikgik ako. Kung ganoon kamahal ang memoryang iyon, panigurado akong nakapangingilabot ang masasaksihan naming palabas mamaya.

"Heto ang bayad." Nakangiti kong inabot sa matanda ang isang supot ng Oro. "Huwag mo nang bilangin dahil sobra pa iyan sa sampung libo."

Nanlaki ang mga mata niya at agad na kinuha ang bangkito upang tungtungan at abutin ang itim na memoryang nasa pinakataas ng eskaparate.

"Sa susunod na buwan ulit, binibini..."

"Kung may itim ulit," mataray kong balik. "Hindi kami nasisiyahan sa ibang memorya kung hindi ito itim..."

Yakap-yakap ko ang bola ng itim na memorya habang tumatakbo papunta sa mga kaibigan ko. Naabutan ko sila sa loob ng aking silid, kumakain ng hamon at umiinom ng alak. Nakababad pa ang mga paa nila sa tinunaw na Oro.

"Bakit ang tagal mo?" naiiritang tanong ni Olga kasabay ng paghawi niya sa tuwid niyang buhok.

"Napakabagal kasi ng kutsero... paano'y naghihingalo na yata!" Napabungisngis ako na sinabayan naman nilang dalawa ni Lilith.

"Ano pa'ng hinihintay mo, Asha? Basagin mo na 'yan at nang mapanood na natin!" Nginuso ni Lilith ang bolang nakakulong sa mga bisig ko.

Tumayo ako sa pagitan ng mga upuan nila at buong lakas kong ibinato sa marmol na sahig ang itim na memorya. Parang yelong natunaw ang mga bubog. Binalot ng itim na usok ang buong kuwarto ko.

Mabilis din namang nawala ang usok at napalitan ito ng liwanag na unti-unting naging kawangis ng isang napakaganda ngunit napakapayat na babae. Nakaupo siya at kalong-kalong ang isang sanggol. Humihikbi siya at tila may ibinubulong sa sanggol na karga niya.

"Sigurado ka ba, mahal ko?"

Napaigtad kaming tatlo nang marinig ang nanginginig na boses na iyon ng isang lalaki galing sa likuran namin. Sa kaniya marahil ang itim na memoryang ito.

"Memorya na naman ng lalaki ang nabili mo, Asha!" reklamo ni Lilith.

"Shhh!" saway ko sa kaniya. Muli kong ibinalik ang pansin ko sa babae.

"W-Wala nang ibang paraan, mahal ko. K-Kailangan mong gawin ito para sa anak natin..."

Lumakas ang pagtangis ng babae na gumising sa sanggol. Tumayo siya at inugoy-ugoy ang anak niya.

"P-Pero hindi ko kaya. Hindi ko kayang gawin ang inuutos mo..."

"Mahal... isang kabang Oro ang katumbas ng memoryang gagawin mo. Siguradong may makakain kayo araw-araw ng anak natin. Sigurado akong hinding-hindi na kayo maghihirap pa... mabubuhay kayo."

Narinig namin ang paghagulgol ng lalaki. Hinalikan ng babae sa noo ang anak niya at saka niya ito maingat na inilagay sa kuna. Muli siyang humarap sa amin.

"Sige na, mahal ko... gawin mo na."

"Mahal kita, Cara. Huwag kang mag-aalala... pangako, ibibigay ko ang magandang buhay para kay Asha..."

Isang punyal ang gumilit sa leeg ng babae. Muling umalingawngaw ang pagtangis ng lalaki sa buong silid ko kasabay ng paghagulgol ko.

Akala ko ay nakaaaliw panoorin kung hanggang saan ang kayang gawin ng tao para sa isang piraso ng tinapay o sa isang dakot ng bigas o kahit para sa katiting na pag-asa.

Hindi pala.

***

MsLynLuna

─── ☾ ⋆*・゚:⋆*・゚✧˖*°࿐ ───

Asha - a girl's name meaning wish, desire, hope

─── ☾ ⋆*・゚:⋆*・゚✧˖*°࿐ ───

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top