Chapter 4

AREN

Hindi ko na lang pinansin 'yong lalaking tingin nang tingin sa 'kin at nag-focus na lang sa nilalaro ko. Lagpas walong minuto rin yata mula nang magsimula ako ng isang ranked PVP match bago bumukas ang pinto ng interrogation room. Iniluwa niyon ang isang mala-artista ring babae sa ganda.

Pagharap nito ay pinagkunutan pa ako ng noo. Nagtataka siguro kung sino ako. Ako naman ay napatitig bigla nang mamukhaan kung sino ito.

Pakshet!

Si Elaine Varona pala!

Katatapos lang ng Haciendera Placido nitong nakaraang buwan, ang isa na namang hit teleserye mula sa Crown Entertainment sa direksiyon ni Vivoree Bernardino at pinagbibidahan nina Elaine Varona at Markus Loid!

G*gi, tatlong artista at mga modelo na ang nakasalubong ko ngayong araw. Fair talaga si lord. Alam niyang mapapagalitan ako ni kuya mamaya, kaya nagpadala na agad siya ng advanced blessing!

Although... hindi naman talaga ako fan.

Wala lang.

Totoo nga pala talaga ang sinasabi ng ibang kahit hindi ka fan ng mga celebrity ay mas-starstruck ka kapag nakita mo sila sa personal.

Saglit lang akong sinulyapan ni Elaine bago lumapit sa katabi ko. "Zen, ikaw na," tawag nito sa lalaki.

Agad namang tumayo ang lalaki at tinanguan si Elaine bago mabagal na naglakad patungo sa pintuan ng interrogation room. Wala sa sariling sinundan ko siya ng tingin. Bago naman nito pihitin ang seradura ng pinto ay tinapunan akong muli ng ilang segundong tingin.

Teka lang...

Tinawag siyang "Zen" ni Elaine Varona.

Binawi niya ang tinging ibinigay sa 'kin at saka pumasok na ng silid. Ako naman ay napakurap ng ilang beses.

'Yong lalaki!

Awit!

Si Zen Santora! Sikat na action star 'yon ng Crown Entertainment!

Napasimangot tuloy ako nang maalala ang ginawa kong pagtataas ng kilay sa kaniya kanina. Hindi ko nga napansing umalis na pala si Elaine dahil nang ibalik ko sa kaninang kinatatayuan niya ang paningin ko ay wala nang katao-tao ro'n.

Hindi na rin ako nakabalik sa paglalaro. Na-flag as afk na ako at gumagalaw na mag-isa ang hero na ginagamit ko. Ilang minuto lang din ay natalo na kami at galit na galit ang mga kakampi ko. Tin-rash talk pa ako! Kung hindi lang ako na-distract ay binuhat ko pa sila!

Dahil nawala na rin naman ako sa mood na maglaro ay in-exit ko na lang nang tuluyan ang game at nagbukas ng tiktok app upang manood ng videos. Gano'n lang ang ginawa ko hanggang sa muling bumukas ang pinto ng interrogation room at lumabas si Zen. Ngingitian ko na sana siya upang mabawi naman ang paniguradong bad impression niya sa 'kin nang kasunod niyang lumabas si Kuya Anton. Nang makita ako nito ay ako naman ang nakatanggap ng pagtaas ng kilay!

"K-kuya!" kinakabahan kong salubong sa kaniya.

Lalo namang tumaas ang kilay nito bago ako tanguan.

Si Zen naman ay bahagyang nakakunot ang noo nang magpaalam kay kuya. Pagdaan nito sa harapan ko ay tinapunan akong muli ng nagtatakang tingin, dahilan kung bakit muli rin akong mapatingin sa kaniya. Tuloy ay parang inihatid ko siya ng tingin hanggang sa pagliko niya sa isang pasilyo patungo sa lobby kung nasaan ang parehong entrance at exit nitong Quintessa Police Department.

"Huy, Aren!" tawag sa 'kin ni kuya na may kasamang hampas sa braso, dahilan para agad kong alisin ang paningin sa pasilyong dinaanan ni Zen Santora.

"Aray! Parang 'di tao," reklamo ko naman habang hinihimas ang braso kong nahampas ng kapatid kong akala mo'y hindi ako nasasaktan sa impact.

Imbes na mag-sorry siya ay nang-aasar niya pa akong kinurot sa ilong na siya namang ikinainis ko lalo. "Bakit ka ba nandito? Nagtra-trabaho ako, Aren. Sana ay nag-text ka na lang kung may kailangan ka," sagot niya lang sa 'kin.

Napakamot naman ako sa ilong kong kinurot nito at saka bumuntong-hininga. Bahala na! "Punta ka ng guidance, kuya," sabi ko.

"Ha? Bakit?"

"Pinapatawag ka."

"G*go, anong ginawa mo?"

Hindi ko siya matignan ng diretso sa mata, kaya yumuko na lang ako at pabulong na sumagot ng, "Hinahanap guardian ko."

"Bakit nga?" tanong niyang muli.

"Basta. Sige na, kuya. Punta ka, please," pagmamakaawa ko habang umiiwas  rin sa mga mata niyang pilit akong pinaaamin.

Napaiwas ako habang nakatakip sa mukha ang dalawang palad nang inambahan akong muli ni kuya ng hampas. "Puro ka kalokohan! Tara na at nang matapos na 'yang... kung ano man 'yang rason para ipatawag ako ng eskwelahan mo!" bulyaw nito sa 'kin bago naunang maglakad palayo. Kakamot-kamot naman akong sumunod sa kaniya. Hindi na lamg ako umimik dahil baka lalo lang akong mapagalitan.

Pagdating sa parking lot ng QPD ay nakayuko akong naglalakad habang nakabuntot lang kay kuya. May lumapit na pulis sa amin na kaagad kinausap ni kuya. Sasabay pala sa 'min sa biyahe dahil wala raw itong dalang sasakyan ngayon gawa ng na-flat ang gulong kahapon, kaya pinaaayos ngayon sa junk shop. Tuloy ay imbes na sa shotgun seat, backseat ako naupo dahil pinandilatan ako ni kuya ng mata nang mauna ako sa pagbubukas ng pinto sa may shotgun seat.

Awit.

Parang 'di kapatid!

Habang nasa biyahe naman ay hindi na lang din ako nagsalita. Si kuya at ang hindi pamilyar na pulis sa akin ang siyang nag-uusap ng tungkol sa kasong hinahawakan nila ngayon. Hindi ko nga alam kung dapat ko bang marinig ang mga pinag-uusapan nila dahil sa tingin ko ay confidential muna sana 'yon sa ngayon.

Tuloy ay alam ko nang ang mga artista at modelo palang nakita ko kanina ay ilan sa mga persons of interest sa kaso ng pagkamatay ni Creo Alexander Moran, 'yong tagapagmana sana ng Crown Entertainment.

Grabe! Na-curious tuloy ako kung ano ang naging dahilan kung bakit kasama sila sa mga pinaghihinalaang pumatay sa biktima.

Naiiling na lang akong yumuko nang hindi ko talaga maisip kung bakit sila kasama sa mga 'yon.

Ilang minuto lang din ay nakarating na kami ng Saint Bernard International kung sa'n ako nag-aaral. Ewan ko nga kay kuya kung bakit dito niya ako in-enroll kahit na mala-ginto ang tuition fee rito.

Bago tuluyang pumasok ay ibinaba muna ni kuya ang pulis na nakisabay sa 'min. Nang makapasok naman kami sa main gate at makapag-park ng sasakyan ay saka lang ako muling tinakasan ng hangin sa katawan. Nang tumigil kasi ang mahinang tunog ng  makina ng sasakyan ay tumigil na rin yata ako sa paghinga dahil sa kaba! Nagmamadali kong binuksan ang pinto at lumabas nang hindi tinitignan si kuya.

Nauna na rin akong maglakad patungo sa building na nasa left wing kung saan naroon ang guidance office habang nakasunod lang sa 'kin si kuya na hindi na lang din umiimik. Hawak-hawak niya pa ang cellphone niya at ilang beses kong nasilip ang paglalabas nito ng maliit niyang notepad mula sa bulsa ng suot na pantalon. Papasadahan niya 'yon ng tingin at saka muling ibabalik sa bulsa nang nakakunot ang noo at umiiling-iling pa.

Nang huminto ako sa paglalakad dahil nasa tapat na kami ng guidance office ay saka lang din siya huminto sa paglalakad.

Nag-angat siya ng tingin at binigyan ako ng nagtatakang tingin bago iginala ang paningin mula sa kinatatayuan. Nang mapagtantong nasa tapat na kami ng guidance office dahil sa karatulang nakasabit sa pinto nito ay nagbuntong-hininga lang siya bago patayin ang cellphone at itago 'yon sa bulsa.

Kahit kinakabahan ay ako na ang naglakas-loob na humakbang papalapit sa pinto ng opisina upang kumatok. Ilang segundo lang din ay bumukas 'yon at sinalubong kami ng isa sa mga student assistant na naka-assign sa guidance counselor at sa opisina nito.

Nakangiti kami nitong binati bago luwagan ang pagkakabukas ng pinto upang makapasok kami ni kuya. Pagkapasok ay pnaupo naman kami nito sa mga upuang nakahilera sa tapat ng desk ng guidance counselor. Kami pa lang ang naroon, kaya lalo akong kinabahan. Mabuti na lang at mukhang distracted talaga si kuya at wala sa 'king ang focus niya, kung hindi sa hawak niyang kaso. Paminsan-minsan niya pa ring nilalabas ang dalang notepad at hindi ako pinapansin.

Ilang minuto lang din kaming naghintay bago dumating ang guidance counselor, halos kasabay ng mga kaibigan kong pinatawag rin kasama ang kani-kanilang magulang o guardian.

Nang makumpleto na kami ay saka nagsimula ang diskusyon sa pagitan ng mga kasama naming parent o guardian at ng guidance counselor. Hindi ako umiimik at hinahayaan lang na si Kuya Anton ang makipag-usap. Tumatango o umiiling na lang ako sa tuwing mapupunta sa 'kin ang tanong. Gano'n din ang mga kaibigan kong kapwa nakayuko lang at walang imik na nakikinig sa usapan.

Sa huli ay napakiusapan rin naman nila kuya ang guidance counselor na hindi kami isuspend. Magkakaroon nga lang kani ng tatlong araw na mandatory community service kung saan maaari kaming mamili kung maglilinis ba kami sa isang lugar, mamimigay ng pagkain sa mga batang nagpapalaboy-laboy sa lansangan, o tutulong sa isa sa mga orphanage na sponsored ng SBI board of directors. Pinili namin ang pamimigay ng pagkain sa mga bata at bukas na namin 'yon sisimulan.

Pagkalabas ng opisina ay kaagad na ring nagpaalam si kuya dahil marami pa nga raw talaga siyang gagawin. "Umayos ka, Genesis, ah? Marami pa akong gagawin. Mauuna na ako. Umuwi ka ng maaga kung matatapos kaagad ang klase mo, hindi 'yong gagala ka na naman sa kung saan!" paalam nito sa 'kin sabay pitik sa noo ko.

"Aray ko, kuya!" reklamo ko.

Tumawa lang ito at naglakad na palabas ng building habang nakataas ang kanang kamay na ikinakaway niya sa ere. Umismid naman ako at umalis na ro'n dahil gutom na ako, mag-a-alas doce y media na't lahat lahat ay 'di pa rin ako nakakakain! Hindi ko na hinintay pa ang mga kaibigan ko't nauna na sa canteen dahil paniguradong sesermonan pa ang mga 'yon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top