Chapter 3
ZOREN
Isa-isa kaming tinatawag ni Detective Salerno upang sumalang sa interrogation. Naunang pinapasok si Creah. Hindi nga yata siya inabot ng sampung minuto ro'n sa loob dahil agad rin naman siyang lumabas at nagpaalam sa dahil may mga importanteng bagay pa raw itong aasikasuhin. Nilapitan lang nito si Finn upang sabihing pinatatawag na siya ni Detective Salerno sa loob at umalis na. Ang lalaki naman ay hindi nagtagal sa loob ng interrogation room at nakapamulsa pa nang makalabas mula roon. Tulad ni Creah ay tila nautusan din ito ni Detective Salerno na papasukin ang susunod niyang iinterogahin.
Si Kloe naman ang pumasok ngayon sa loob ng silid habang si Finn ay hindi naupo sa bakanteng upuang naiwan ng babae, bagkus ay huminto ito sa harapan ko at sinabing, "Yosi lang ako sa labas, pare. 'Wag kang kabahan kay Detective." sabay angat ng kamao niya sa harapan ko upang makipag-fist bump.
Hindi naman kami close.
Pinigilan ko na lang ang sariling sabihin kung ano man ang nasa isip ko at nakipag-fist bump na lang din ako sa kaniya upang hindi siya mapahiya. Tumango na lang din ako bilang sagot sa sinabi niyang wala naman akong pakialam upang hindi niya isiping masungit ako kahit medyo totoo naman.
Sinundan ko siya ng tingin habang naglalakad palayo. Nang lumiko siya pakanan at hindi ko na makita pa ay saka ko lang ibinalik sa cellphone ko ang atensyon kung saan naka-pause ang pinanonood kong series na pinagbibidahan ng isa sa mga iniidolo kong rom-com actress.
Bago ko muling i-play 'yon upang ituloy ang panonood ay nabaling saglit sa natitirang dalawang babaeng nakaupo. Hindi nagkikibuan ang dalawa at kapwa hawak lang ang kani-kanilang cellphone.
Total ay mukhang wala rin namang pakialam sa 'kin ang dalawa ay itinuloy ko na lang ang panonood. Hindi ko nadala ang earpods ko, kaya binuksan ko na lang ang automatic subtitle upang maintindihan ko ang mga nagaganap na usapan. Nakakahiya naman kasing maglagay ng volume sa pinanonood ko lalo na't halos walang dumaraang tao sa hallway na 'to, kaya maririnig ng mga katabi ko ang pinanonood ko. Hindi naman sa nahihiya akong marinig nila na ang pinanonood ng isang action star na katulad ko ay isang romantic comedy series. Hindi ko rin alam kung bakit ako nahiya. Kung dahil ba iniisip kong baka nakakaistorbo ako o masyado akong bida-bida kapag naglagay ako ng volume. Basta nahihiya ako!
Dahil sa panonood ay hindi ko napansing iisa na lang pala ang kasama ko. Nagpalinga-linga ako sa paligid at napansing si Elaine Varona na lang 'yong natitirang katabi ko pa. Malamang ay si Roxy na 'yong nasa loob, dahil huli kong napansing pumasok ay si Kloe. Lumabas na rin siguro ang babae nang hindi ko napapansin dahil nga sa tutok na tutok ako sa pinanonood.
Medyo napatagal tuloy ang tingin ko sa katabi ko at saglit na napagmasdan ang hitsura niya.
Matagal na simula no'ng huli ko siyang nakatrabaho at masasabi kong malaki ang ipinagbago ng kaniyang hitsura. Mas mukha na siyang matured tignan ngayon! Hanggang bewang na ang dating hanggang balikat niya lang na paalon-along buhok at may manipis na bangs na sakto lang ang haba upang hindi matakpan ang kaniyang mga matang may kulay violet contact lenses. Alam kong contact lenses 'yon dahil sa pagkakaalam ko ay light gray ang natural na kulay ng mga mata niya. Medyo manipis na ang kaniyang kilay, may kahabaan ang pilikmata na naka-curl at black mascara, tumangos nang kaunti ang ilong na sa tingin ko ay pina-retoke, at hindi na kulay barbie pink ang lipstick niya gaya ng dati! Kulay rose berry ito ngayon na talaga namang bumagay sa kaniya. Mas maputi na rin siya na sa tingin ko ay alagang-alaga ng mga whitening products.
Napangiti ako at binawi ang tingin sa babae, ngiting tila naging proud sa mga improvement niya.
Maya-maya pa ay lumabas na rin si Roxy. Marahan niyang tinapik sa balikat si Elaine at sinabing, "Pasok ka raw sabi ni Detective." bago bumaling sa 'kin at bahagyang ngumiti.
Pagkapasok ni Elaine sa loob ng silid ay siya namang pagpapaalam ni Roxy na mauuna na siyang umuwi. Tinanguan ko lang din siya at hindi na masyadong pinansin pa.
Nagpatuloy na lang ako sa panonood dahil hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan ngayong ako na lang ang natitira rito sa labas. Nawala na ang focus ko sa pinanonood nang dumating si PO1 Meneses, 'yong naghatid sa 'kin at kina Elaine at Roxy kanina rito. May kasama siyang lalaking sa tingin ko ay ilang taon lang ang tanda ko. Maputi at medyo payat tignan dahil sa suot nitong itim na slacks at puting button down polo shirt na nakabukas ang unang butones.
Nagawi ang tingin ko sa kaniyang mukha. Namumula ang magkabila niyang pisngi na hindi ko alam kung dahil mainit rito sa presinto o iba ang dahilan. Matangos ang maliit niyang ilong na parang ilang oras na inayos ng diyos para lang maging perpekto. Medyo singkit ang mga mata na bumagay sa hindi kakapalan niyang kilay at saktong haba ng pilikmata. Mukha siyang masungit.
Kagat-kagat niya rin ang pang-ibabang labi at tila kinakabahan habang akay-akay siya ni PO1 Meneses. Namumula na iyon dahil sa diin ng pagkakakagat niya.
Wala sa sariling napangiti ako.
Nang dumaan siya sa harap ko ay binalingan niya ako ng tingin, dahilan upang magtama ang aming paningin. Doon ko lang nakita ang kulay ng kaniyang mga mata. Kulay asul 'yon at dahil medyo malapit kami sa isa't isa gawa ng maliit na espasyo sa hallway ay kita ko ang ganda ng kulay berdeng detalye niyon na tila tintang masusing ikinalat sa paligid ng asul.
Hindi ko namalayang sinundan ko pala siya ng tingin, kung hindi lang kumatok si PO1 Meneses sa pinto ng interrogation room. "Sir, narito po ang kapatid niyo," saad nito.
Ah! Kapatid pala ni Detective Salerno!
"Paupuin mo muna riyan at mamaya ay lalabas na rin ako," rinig kong sagot ng detective.
Muli namang isinara ni PO1 Meneses ang pinto ng interrogation room at binalingan ang kapatid ni Detective Salerno. Katulad ng sinabi ng detective ay pinaupo niya muna ang lalaki bago umalis. Hindi naman nagsalita ang huli at tahimik na lang na naupo sa tabi ko habang kagat-kagat pa rin ang namumula niya nang labi.
Hindi ko naman namalayang hindi ko pa pala inaalis man lang ang tingin ko sa kaniya at sa kamalas-malasang pagkakataon ay bigla niya akong nilingon at kapagkuwan ay pinagtaasan ng kilay.
Pinagtaasan niya ako ng kilay!
AREN
Kinakabahan akong naglakad papasok sa presinto ng Quintessa kung saan paniguradong naroon si Kuya Anton dahil siya ang detective in charge sa kaso ng kamamatay lang na tagapagmana ng Crown Entertainment, si Creo Alexander Moran.
Pagkapasok ko pa lang sa lobby ay nakilala na ako kaagad ni PO1 Meneses, isa sa mga palagi kong naaabutan sa tuwing dinadalhan ko si kuya ng pagkain dahil nakakalimutan niya nang magdala gawa ng sobrang dami niyang inaasikaso sa trabaho. Nilapitan niya ako kaagad at nagpresinta nang ihatid ako sa kung nasaan si kuya, sa interrogation room.
Hindi ako makakibo dahil iniisip ko pa kung paano kakausapin si kuya nang hindi ako napipingot sa tainga o kaya naman ay nakukurot sa tagiliran.
Paano ba naman kasi! Kaninang umaga, sa unang klase namin, ay maagang nag-dismiss ang propesor at akala namin ay hindi na papasok pa ang susunod na guro dahil halos kalahating oras na siyang late. Kaya naman ay napagpasiyahan namin ng mga kaibigan kong 'wag na lang pumasok at gumala na lang sa pinakamalapit na mall. Babalik na lang sana kami bago magsimula ang unang afternoon class.
Kaya lang ay palabas pa lang kami sa sikretong daan ng mga nagcu-cutting class nang saktong dumaan si Dean Lamaro!
Kung minamalas ka nga naman!
Napunta tuloy kami sa Office of the Perfect of Discipline at pinatatawag ang mga magulang o guardian namin. At dahil ulila na kami sa parehong magulang ay si Kuya Anton na ang tumatayong guardian ko.
Lagot ako nito.
Habang naglalakad ay nabaling ang tingin ko sa isang magandang babaeng nakaupo sa isang monoblock chaur sa hallway na mugtong-mugto ang mga mata at may kausap sa telepono. Kilala ko siya. Siya 'yong girlfriend ni Creo, si Kloe Li!
Napako ang tingin ko sa kaniya at habang papalapit sa kinauupuan niya ay napapatango ako. Hindi na nakapagtatakang nagustuhan siya ni Creo. Napakaganda niya! Maputi ang balat na akala mo'y paulit ulit na sinabon at kinuskosng brush upang lalong pumuti. Lagpas lang ng kaunti sa balikat ang medyo umaalon niyang buhok na kulay midnight black. Bumabagay 'yon sa napakaganda ring kulay brown na tila kulay dilaw sc tuwing nasisinagan ng liwanag niyang mga mata. Maganda ang pagkakagawa ng medyo manipis niyang kilay at halatang nagpa-eyelash extension. Matangos ang ilong at naka-cherry red lipstick na sa opinyon ko ay hindi bagay sa maamo niyang mukha.
Pero hindi ko naman siya pwedeng i-realtalk na magpalit siya ng lipstick shade, kaya itinikom ko na lang ang bibig ko at tahimik na sumunod kay PO1 Meneses.
Pagliko naman sa isang pasilyo ay nakasalubong namin ang isa pang magandang babae na nakilala ko bilang isa ring modelo sa kaparehong kompanya. Si Roxy Vienna na bali-balitang kabit raw ni Creo Alexander Moran. Hindi naman ako naniniwala kaagad dahil alam ko naman kung paano gumawa ng tsismis ang media.
Napaismid na lang ako.
Kagaya kay Kloe ay hindi ko rin napigilang pagmasdan 'yong si Roxy. Minsan lang ako makalapit sa mga sikat na personalidad kaya susulitin ko na kahit na presinto at hindi fan meeting ang set up namin.
Hanggang balikat lang ang kulot at kulay blonde na buhok nitong si Roxy na nagbibigay ng intimidating look sa may kaliitan niyang mukha. Maputi rin, pero hindi kasing puti no'ng si Kloe. Sakto lang. Drawing din ang medyo makapal at mataray na ayos ng kilay. Hindi ko alam kung eyelash extension din ang sa pilikmata niya o may fake lashes siya, pero ang masasabi ko lang ay bagay 'yon sa mataray niyang look. Katulad ng sa mga modelo ay matangos na hindi ko rin alam kung natural or retokado ang ilong niya dahil napakaganda niyon. Too good to be true, sabi nga nila. Hindi ko alam kung anong shade ang lipstick niya, pero medyo mukhang maroon 'yon na sobrang bagay talaga sa look niya. Medyo pouty at may kakapalan din 'yon at talaga namang five star review siya sa 'kin sa susunod niyang magazine issue!
Pagdaan niya sa tabi ko dahil nagkasalubong nga kami ay nilingon ko pa siya. Bahagyang natawa si PO1 Meneses sa ginawa ko at nang ibalik ko sa dinaraanan namin ang paningin ko ay tumawa na lang din ako.
Ilang hakbang lang din ay narating na namin ang tapat ng interrogation room. May isang lalaking naka-hoodie ang nakaupo sa isa sa mga upuang nakahilera sa tabi, ngunit hindi ko na lang siya pinagtuunan ng pansin. Hinayaan ko na lang din na si PO1 Meneses ang kumatok at kumausap kay kuya dahil muli na naman akong ginapangan ng kaba. Ni hindi ko na nga naintindihan kung ano ba ang naging usapan nila ni kuya dahil nabibingi na ako sa lakas ng tibok ng puso ko. Natauhan na lang ako nang marinig ko ang pagsara ng pinto at ang pagbaling muli sa 'kin ni PO1 Meneses.
Pinaupo niya ako sa isa sa mga bakanteng upuan bago nagpaalam. Walang imik akong sumunod at naupo na lang sa tabi no'ng lalaking naka-hoodie, isang pagitan mula sa kinauupuan nito.
Maglalabas na lang sana ako ng cellphone upang maglaro muna ng mobile game habang hinihintay si kuya para kahit paano ay mawala ang kaba ko nang mapansin kong may nakatingin sa 'kin. Paglingon ko sa katabi ko ay nanlaki ang mga mata nito nang mahuli ko siyang hindi tinatanggal ang tingin sa 'kin. Ilang segundo akong nakipagtitigan sa kaniya bago ko pagtaasan ng kilay.
Tingin nang tingin amp*ta!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top