Chapter 5: Amorphous

Noah:

Ilang linggo ang lumipas. Nakagaanan ko na ng loob ang iba kong kaklase. Nakakausap ko na silang lahat nang maayos maliban sa binatang nagngingitngit sa inis habang nakaupo sa kanan ko.

Ipinapapaypay ni Mrs. Aguilar ang mga index card sa mukha nito. Nakasulat dito ang iba't ibang tanong tungkol sa subject namin. "Okay, so what is the name of Isaac Newton's three extremely important laws?" malakas na tanong nito.

Tinaas ni Adam ang kamay niya. May dalawang segundo bago ito sumagot. "Laws of Motion," ani ni Adam.

"Right again, Mr. Ambrosi!" bulyaw ni Mrs. Aguilar. Nakasuot ito ng scarf kahit mainit sa loob ng kuwarto. Malalaki ang kanyang hikaw bagay sa hugis ng pabilog niyang mukha. "Okay class, we need two representatives for the district Physics Quiz bee. Adam is currently leading this selection process. Galingan ninyo naman!"

Tahimik lamang ako kahit naririnig ko na ang bulungan ng iba kong kaklase sa likod. Pinipigilan kong tumawa habang sinusulyapan ko ng tingin si Adam na magkasalubong pa rin ang kilay sa akin.

"As if naman may gusto talagang sumali," biro ni Alex. Abala ito sa pagguhit sa notebook niya habang walang pakialam sa mga tanong ng guro namin.

"Taenang selection process iyan, daig pa surprise quiz," reklamo ni Ethan. Malamang ay iniisip niya kung anong oras matatapos ang klase dahil ilang minuto nang lagpas ito sa itinakdang oras. Humahagikgik silang dalawa sa likuran.

"Psst! Ang iingay ninyo, marinig kayo ni Ma'am. Baka i-compare na naman tayo sa ibang section," saway ni Bien.

Matiyagang iginala ni Mrs. Aguilar ang mata nito. Hindi ako sa kanya nakatingin dahil tila minamagnet ng mga mata ni Adam ang ulo ko.

"How about you Mr. Arroyo?" Nagulat ako nang tawagin ni Mrs. Aguilar ang aking apelyido. Mabilis akong napaupo nang tuwid at napatingin sa gitna. "Mukhang hindi ka pala-recite, ha? Baka magalit ang Tita Norma mo niyan. In this school, you gain more merits with recitation. I heard you have a good record from your previous school?"

"Yes po," barotono kong sagot. Minsan lamang akong magsalita sa klase dahil tinatantsa ko pa kung paano sila pakikisamahan. Malalim ang boses at pinilit kong huminahon kahit alam kong nakatitig si Adam mula sa aking likuran.

"Okay, please stand up," utos ng aming guro.

Dahan-dahan akong tumayo at maririnig ang mahinang tilian ng mga babae sa likod. Natatawa pa ako tila tumatagos sa batok ko ang matatalim na tingin ni Adam.

"Tss!" narinig kong bulong niya.

Halata ang pagkabanas ni Adam sa reaksyon ng mga classmate namin. Napalingon ako kay Jade. Ang lagkit ng tingin nito sa akin. Bihira ko lang rin siya kausapin dahil naiilang ako sa kanya. Halatang excited itong marinig muli ang boses kong bihira kong iparinig sa kanila.

"Tsk, let's see nga kung may ibubuga ka," bulong muli ni Adam. Nanggagalaiti ito dahil sa mga reaksyon ng crush niya. Pasimple kong nilingon si Adam ngunit bago ko pa siya ngitian ay humataw na ng tanong si Mrs. Aguilar.

"Who is the physicist who is more famous for his cat than for his equation?"

"Schrodinger, Erwin," napakabilis kong sagot. Wala pang isang segundo umalingawngaw ang malalim kong boses sa loob ng silid.

"Ano ang term na ginagamit to describe an orbit's farthest point from Earth?" malakas na tanong ni Mrs. Aguilar.

"Apogee po," mas mabilis kong tugon. Nanlalaki na ang mata ng buong klase gayon din ang guro kong binabalasa na ang mga index card niya.

"What does the word LASER stand for?"

Ito na iyon? Pathetic!

"Light Amplification by Stimulated Emission of Radiation," matulin ngunit napakalinaw kong sagot. Maangas kong nilingon si Adam. Napangaga ito sa kinauupuan niya. Sa unang pagkakataon ay nakahanap siya ng katapat.

"What do you call a solid whose arrangement of atoms and molecules has no definite–" Hindi na natapos ni Mrs. Aguilar ang tanong niya dahil sumagot na agad ako.

"Amorphous," perpekto kong bigkas. Sa tuwa ko sa mga simple niyang tanong ay hindi ko napigilang ngumiti. Naglabasan ang magkabilaang dimples ko na sinundan ng tilian ng mga babae kong kaklase.

"Grabe! You didn't even let me finish. Very good! Tama lahat ng sagot! We have our second representative!" natutuwang sigaw ni Mrs. Aguilar.

Nagpalakpakan ang buong klase. Sinimulan nilang isigaw ang pangalan ko. Napalingon muli ako kay Adam at nakaharap na naman ito sa pader. Nakahalukipkip habang nakakamao ang mga kamay nito.

"Tsk, show off," banas na bulong ni Adam. Halatang nadagdagan ang inis nito sa sa ginawa ko. Nagpanggap akong hindi ko ito narinig. Nakasimangot akong umupo.

"Okay, Adam and Noah. Meet me in the department after school so we can discuss your strategies for the Quiz Bee in two months," bilin ng Science teacher namin bago lumabas ng kuwarto.

Nang matapos ang klase ay agad akong kinalabit ni Jade. May mga kislap sa mga mata nito. Namumula pa ang pisngi dahil sa kolorete na lalo niyang dinadamihan mula nang una akong pumasok.

"Hi Noah, ang galing-galing mo naman," panimula ni Jade. "Parang alam mo na ang mga sagot bago pa itanong ni Ma'am. Paturo naman minsan."

Sasagot na sana si ako nang bigla akong unahan ni Adam.

"Hey Jade, I can teach you, too. Sa 'kin ka na lang magpaturo."

Natawa ako sa sinabi niya. Yumuko ako bigla upang itago ang mga gamit ko.

"Tsk! I want him to teach me, huwag kang magulo," bulong ni Jade habang sinesenyasan si Adam na tumahimik na. Mukhang naiirita ito dahil nasisira ang diskarte niya sa akin. Tatayo na sana ako upang iwan ko na silang dalawa sa sarili nilang mundo nang biglang hatakin ni Jade ang aking braso. "Wait lang, Noah. Will you teach me?"

Agad ko siyang nilingon. Nakalingis na siya sa aking braso. Nakatitig siya sa akin na parang isang batang nagsusumamo. Napakamot ako ng ulo. Sasagot na sana ako nang may maramdaman akong malamig na hanging nakakasindak mula sa kanan ko.

Nilingon ko si Adam. Hindi nga ako nagkakamali at ang talim na naman ng mga tingin nito sa akin. Magkasalubong ang mga kilay nito na ni minsan ay hindi ko nakita sa mga bersyon niyang dumadalaw sa akin sa ilalim ng puno.

"Nako, pasensya na. Medyo busy kasi ako with my violin practice," pagsisinungaling ko. "I may not be able to help you out. Sa kanya ka na lang magpaturo."

Ang akala ko ay tatantanan na ako ni ni Jade dahil sa sinabi kong iyon ngunit laking gulat ko nang lalong ngumiti si Jade at biglang niyakap ang aking katawan.

"OMG! I love the sound of violins! Let me hear you play, please!"

Mabilis pa sa alas dose nang muli kong lingunin si Adam. Hindi na ito nakatingin sa akin. Nakasimangot na ito habang mabilis na isinuksok ang mga gamit niya sa kanyang bag. Padabog itong tumayo at lumabas ng kuwarto.

"Ah, eh, Jade. Teka lang, ha," ani ko.

Mahinahong kong inalis ang pagkakayakap ni Jade at sinundan ang lalaking may toyo. Naabutan ko si Adam na paakyat sa isang hagdan na walang tao malapit sa banyo.

"Ambrosi!" sigaw ko.

Mabilis siyang napahinto. Napahigpit ang hawak niya sa kanyang bag. Mabilis niya akong nilingon habang nakataas ang isa niyang kilay.

"What do you want, Arroyo?" masungit niyang tugon.

Napaupo siya sa pinaka-unang hakbang ng hagdan. Inilapag niya ang kanyang bag. Masama pa rin ang kanyang tingin sa akin. Kitang-kita ko kung paano manggigil ang kanyang mga kamao habang nakadantay sa hagdan. Halatang may puot sa boses nito at parang gusto na niyang manakit dahil sa sobrang inis.

"Galit ka ba sa akin?" nag-aalala kong tanong.

"Hindi ba obvious?" pagmamaasim niya.

Hindi ako mapakali dahil sa ikinikilos nito. Gusto ko na siyang yakapin at magpakilala na talaga sa kanya. Kung sino ako. Kung ano ang papel namin sa buhay ng isa't isa.

Ngunit hindi puwede. Kailangan kusang manggaling sa kanya ang lahat. Ang lahat ng emosyon. Ang lahat ng pakiramdam. Ang lahat ng itinakda  alaala niya sa akin ay dapat siya mismo ang makatuklas. Kung hindi ay mawawalan ng saysay ang lahat.

"Ano bang ginawa ko?" mahinahon kong tugon. Nakayuko na ako dahil hindi ko na kayang titigan ang mga nanlilisik niyang mata.

Natawa siya sa tanong ko. Halata ang pagkabanas sa kanyang boses. Bahagya siyang yumuko upang habulin ang aking mga tingin.

"Well, isa ka lang namang dakilang epal! Inagaw mo ang seat ko. Inagaw mo ang fans ko. Inagaw mo ang class standing ko. At mukhang pati ang crush ko ay aagawin mo pa?"

Nang marinig ko ang salitang 'crush' ay nanghina ako dahil alam kong si Jade ang tinutukoy ni Adam. May kirot na sa aking dibdib habang parang mga patalim ang mga katagang kanyang binitawan.

"Well, we could start naman by exchanging seats para mas makatabi mo si Jade," mugkahi ko. Sa tagal nang paghahanap ko sa kanya, ni minsan ay hindi ko inisip na ganito ang magiging unang impresyon niya sa akin.

"Hindi mo ba narinig ang sinabi ni Jade last time? She will not talk to me for a year kapag ginawa ko 'yan!" sigaw ni Adam. Sa gilid ng aking mga mata ay nakikita ko ang mga kamao niyang nanggigil na sa galit.

"So, what do you want me to do?" nauutal kong tugon. Maluha-luha na ako dahil hindi ako sanay sa ganitong ugali niya. Sa ganitong ugali ng lalaking kinalakihan ko.

"I dunno. Get lost? Transfer to a new school?"

"Hindi pwede kasi–" mahinang kong saad.

"See? Tatanong-tanong ka tapos 'di mo naman pala kaya," bulalas niya.

Nagsimula nang manginig si Adam dahil sa sobrang galit. Napatingin ito sa mga kamay nitong unti-unti nang naglalaho. Maging ako ay napaangat ang ulo dahil sa pamilyar na reaksyon mula sa kanyang katawan.

"Shit!" sigaw ni Adam.

Tanging kaming dalawa lamang ang nasa lugar na 'yon. Alam kong ramdam na ni Adam na tatalon na naman siya sa ibang timeline dahil sa panginginig niya at sobrang emosyon. Tinangka niyang tumayo upang tumakbo sa banyo pero napapikit na lamang ito. Alam niyang huli na ang lahat. Muli siyang napatitig sa akin ngunit hindi na matalim ang mga tingin niya. Nakatingin siya sa akin na tila isang batang nagmamakaawa. Huminhingi ng saklolo.

"Focus!" bulalas ko. Bigla ko siyang sinunggaban.

Hawak-hawak ng dalawang kong kamay ang mga pisngi ni Adam habang pinipilit kong pagdikitin ang aming mga noo. Sa dulo ng aking mga daliri ay ramdam ko pa rin ang panginginig niya.

"Focus! Titigan mo ang mga mata ko. Don't look anywhere else," muli kong utos.

Nakita kong tumigil ang pangingig mula sa kanyang mukha. Nakatitig ang mga asul niyang mata sa mga mata kong madalas niyang ihawig sa kulay ng champorado. Matagal kami sa ganoong posisyon hanggang sa bumagal ang panginginig ni Adam at muli kong maramdamang hindi na siya maglalaho. Hindi na siya nanginginig. Nakatulala lang siya sa akin na tila naliligaw sa mga titig ko.

"Lub dub."

Hindi ko alam ngunit tila narinig kong tumibok ang puso niya. Pinigilan kong ngumiti. Tiniis ko siyang huwag yakaping tuluyan. Piniglan ko siyang hagkan. Sa unang pagkakataon sa kasalukuyan ay nakita kong namula ang kanyang mga pisngi. Tila mga rosas gaya nang sa binatang palagi akong dinadalaw sa nakaraan.

Noong bata pa ako ay madalas niyang ikuwento sa akin na kung saan-saang kalsada siya napapadpad tuwing siya ay tumatalon. Ilang beses nang nanganib ang kanyang buhay. Madalas ay nahahagip siya ng sasakyan o hindi kaya ay nahuhulog sa lawa nila sa Finland. Sa posisyon namin ngayon ay tuluyan na akong napangiti. Kahit papaano ay napigilan ko ang ano mang disgrasyang kakahantungan niya.

Nakatitig pa rin kami sa isa't isa. Pareho kaming walang reaksyon. Tila inaaral namin ang mga susunod naming hakbang. Nakatingin ako sa makinis niyang leeg. Panay ang kanyang lunok habang siya naman ay nakatingin sa aking mga labi.

Biglang may mga babaeng tumili malapit sa amin. Parehas kaming napakalas at napatingin sa magkasalungat na direksyon.

"Oh em gee! Parang BL series! Nakakakilig!" sabay-sabay na tili ni Grace, Angelica at Steffanie.

Agad na tumayo si Adam at umakyat ng hagdan. Sinasabunutan nito ang kanyang buhok habang padabog ang kanyang mga hakbang. Tila hiyang-hiya ito sa nangyari. Naiwan akong nakangiti habang nakatitig sa malapad niyang mga balikat.

***

Year: 2001, Metro Manila (Past)

Unang araw ko sa Maynila. Hinagis ko ang aking mga sapatos at nagmamadaling pumasok sa loob ng condo unit na binili ng aking ama. Nakatitig ako sa orasan at nag-aalalang hindi darating ang taong hinihintay ko.

"Sabi niya, rito raw ako umupo sa gilid ng kama and then he will–" hindi pa ako natatapos magsalita nang biglang nakaramdam ako ng mabigat na bagay na biglang pumaibabaw sa kama. Nang makita ko ang pamilyar niyang anyo ay pumalakpak ang aking mga tainga dahil sa tuwa. "Kuya Adam!"

"See? I told you I'd be here," nakangiti niyang bati. Agad nitong tinakpan ng kumot ang kanyang katawan mula baywang hanggang paa. Ikinalat nito ang kanyang tingin sa kuwartong tila pamilyar na sa kanya. Gaya ng dati, todo kurba pataas ang mga labi nito nang makita ako.

Agad akong tumalon sa kama. Mabilis ko siyang niyakap habang panay ang pisil ko sa ilong niya. Nakahinga ako nang maluwag dahil nagkatotoo nga ang pinangako niya.

"Yey! Are you from 2007?" bulalas ko.

"Yup!" sagot ni Kuya Adam.

"Kuya, sorry. Wala akong dalang damit mo. Mahuhuli na kasi ako ng flight kanina kaya hindi na kita nakuhaan ng damit."

"It's fine. Lagi naman akong nandito na walang damit sa future– este, saglit lang naman ako," natatawang paliwanag nito. May mga pasimpleng siyang tawa habang nagkukuwento. Halatang naiilang ito sa akin habang wala siyang pangloob. Natatawa ito na tila hindi alam kung paano kakausapin sa pamilyar kuwarto ang batang bersyon ng kanyang nobyo.

Maliksi akong tumalon pababa ng kama. Nakangiti lamang siya sa akin habang pinagmamasdan ako. Nagsimula akong mag-ayos ng mga gamit. Tahimik lamang siyang pinapanood ako mula sa aking likuran. Maingat ko nang nilalagay ang mga dala ko sa drawer nang may bigla akong naalala.

"Kuya Adam. Talaga bang hindi mo nakokontrol ang power mo?

"Power?" natatawa niyang tugon. Marahan ko siyang nilingon at napansin kong mabilis siyang napasimangot. "Hindi, eh."

Bumalik ako sa pag-aayos ng mga gamit. Muli kong nakita ang journal na madalas kong bitbit. Marahan kong binuksan bago isinuksok sa aking bulsa.

"Eh, bakit mo ako binigyan ng listahan ng mga dates kung kailan ka magti-time travel papunta sa 'kin? Paano mo nalaman ang mga dates kung 'di mo kayang kontrolin ang power mo?"

Muli kong ibinaling ang aking atensyon sa kanya. Nagpakawala siya ng malalim na hininga bago napatingin sa kisame. Napahiga si Kuya Adam at nilagay ang mga kamay niya sa likod ng kanyang ulo.

"It's a time paradox," sagot nito.

"Ano iyon?" usisa ko. Iyon ang unang beses kong narinig ang salitang paradox. Mabilis kong binitiwan ang mga gamit ko at napaupo sa gilid ng kama.

"Paano ko ba ie-explain ito in simpler terms? Hmmm–" panimula niya. Napangiti siya sa kisame. Napabuntong hininga ito habang iniisip kung paano niya ako sasagutin. "Sa hinaharap, ikaw ang nagsabi sa akin ng mga petsa kung kailan tayo magkikita. So ako naman, sinasabi ko sa iyo rito sa nakaraan ang lahat ng petsa para maabangan mo ang bawat pagdating ko."

"Ha? So, parang base rin ang lahat ng ito sa mga nararanasan ko ngayong pagbisita mo?" pagbuod ko sa kanyang paliwanag.

Gustung-gusto ko talagang matutunan kung paano gumagana ang kakayahan niya. Kahit noong nasa Batanes pa, nahilig na ako sa pagbabasa ng libro tungkol sa Physics at panonood ng mga pelikulang hango sa Time Travel. Nais ko siyang matulungan balang araw kaya sinusubukan kong aralin kung paano gumagana ang kanyang kondisyon. Sa ganoong paraan man lang ay makabawi ako sa ginawa niya noong una kaming nagkita.

"Oo, Paradox," muli niyang sambit.

Kinuha kong muli ang journal ko. Mayroon itong napakaraming listahan. Mga petsa mg mga itinakdang pagtatagpo namin ni Kuya Adam.

"Grabe, ang dami pa lang beses nating magkikita. Buti na lang ay isinulat ko ang lahat ng mga sinabi mo," saad ko. Tuluyan ko na siyang tinabihan. Nakaunan pa rin siya sa kanyang malalaking braso. Yakap ko naman ang aking mga tuhod habang nakaupo sa kama. Napatingin ako sa orasan na nasa pader. Tinangka kong iproseso ang mga sinasabi niya. Sa lalim ng aking iniisip ay hindi ko napaghandaan ang unang mahinang humampas sa aking pisngi. "Aray!"

"Nag-aaral ka bang mabuti?" nang-aasar na tanong ni Kuya Adam. Tumatawa ito habang hawak ang unang inihampas niya sa akin.

"Oo, naman," nakangiti kong sagot. Dumampot ako ng isa pang unan at ipinalo sa kanya. "Lagi ko ngang binibida sa 'yo ang mga medals ko noong nasa Batanes pa tayo, eh."

"Sige nga, naalala mo ba yung mga pinakabisado ko sa iyong mga tanong at sagot sa Physics?" tanong ni Kuya Adam.

"Kuya naman. Ang dami noon. At saka matagal ko pa magagamit iyon," naiinis kong sagot. Panay pa rin ako sa pagpalo sa kanya. Hinahayaan lamang niyang hampasin ko ng unan ang matigas niyang dibdib. "Akala ko sa Batanes ka lang magtu-tutor, dito rin pala?"

Humahagikgik si Kuya Adam dahil sa mga reklamo ko. Inagaw niya ang unang hawak ko at itinakip sa kanyang pumuputok na abs.

"Importante ang mga iyon. You should know them by heart," nakangiti niyang paliwanag. Bahagya siyang lumapit at hinawakan ang aking mukha. "Doon nakasalalay ang magiging simula ng relasyon natin."

"Aysows!" reklamo ko. Umupo ako muli sa gilid ng kama. Mabilis kong tinakpan ang aking mga tainga dahil halata namang tatadtarin na naman niya ako ng mga Science question gaya ng mga ginagawa namin sa ilalim ng puno.

Humahagalpak siya sa reaksyon ko. Hinintay niya akong mangawit sa pagtakip sa aking mga tainga bago siya nasimulang magtanong.

"Sige nga. What does the word L.A.S.E.R. stands for?" mabilis na tanong ni Kuya Adam.

"Light amplifi..." nauutal kong sagot.

"Amplification by Stimulated Emission of Radiation! Tsk, ang bagal naman," pagputol niya sa sinasabi ko. Tumatawa pa ito na tila nagyayabang. "What do you call a solid whose arrangement of atoms and molecules has no definite pattern?"

"Amor–" nakalimutan ko ulit ang salitang iyon. Pinagbigyan niya akong mag-isip ngunit nang wala na akong mailabas na salita ay napatingin na ako sa kanya. "Ano nga iyon, kuya?"

"Amorphous! Kaunting praktis pa, Noah."

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top