Chapter 14: Baril-barilan


Noah:

Year: 1997, Batanes (Past)

Bakasyon, wala kaming inatupag ni Nico kundi ang maglaro sa talampas. Masaya kaming naglalaro ng baril-barilan sa ilalim ng punong Narra. Tanging halakhak ng dalawang bata ang umaalingawngaw sa buong paligid. Mga batang walang muwang sa mundo.

Para sa aming dalawa ni Nico, ang mga nangyayari sa totoong buhay ay ang mga napapanood lang namin sa telebisyon. Sa mga oras na ito, pilit naming ginagaya ang isa sa mga eksenang aming napanood. Nagpanggap akong pulis samantalang kunyari ay kawatan naman si Nico.

"Hoy, Nico! Sumuko ka na. Napalilibutan na kita," halkhak ko. Nakataas ang aking kamay gamit ang maliit na sangang hawak ko habang nasa likod ng puno.

"Tanga! Isa ka lang, paano mo ako papabilibutan?" bulol na sigaw ni Nico habang sinisipon pa sa likod ng puno. Mayroon siyang hawak na manipis na kahoy na binali namin upang mag hugis baril.

"Bulol! Ang baho ng hininga mo, tumatagos sa puno!" pagtukso ko sa kanya. Hindi namin magawang maging seryoso dahil natatawa kami sa mga pinagsasabi namin.

"Hindi mo ako mahuhuli. Magpadala ka ng isang sampung piso kung gusto mong pakawalan ko ang mga hostage," udyok ni Nico. Nilaliman nito ang kanyang tono upang gayahin ang mga kontrabida sa telebisyon.

"Time first! Teka lang, bakit may hostage?" tanong ko. Biglang akong napalabas sa tinataguan ko at humarap kay Nico. Lalo akong natawa nang makita ko ang seryoso niyang mukha na tila alam niya ang mga pinagsasabi niya.

"Eh, iyon ang napanood ko sa T.V., eh," paliwanag ni Nico. Ang dungis ng mukha nito at may natuyo pang sipon sa kanyang pisngi.

"Okay. Tapos, bakit isang sampu lang ang hinihingi mo?" pagtataka kong muli.

"Eh, hindi ba iyon ang pinakamahal? Iyon kasi ang pinaka malaking binibigay sa akin ni Daddy, eh," paliwanag ni Nico habang sinusubukang magbilang sa daliri nito.

Natatawa na ako sa itsura niya. Inipit niya ang kahoy sa kanyang kilikili habang nagbibilang gamit ang maliit niyang mga daliri. Halatang hindi pa pamilyar si Nico sa mga salapi.

Nagtatawanan kami at nagpatuloy sa paglalaro nang biglang mahulog si Kuya Adam sa gilid ng puno.

"Oops!" sigaw ni Kuya Adam nang magawa nitong bumagsak sa kanyang mga paa. Napatingin ito sa pamilyar na tanawin sa kanyang harapan. Nakataas pa ang kanyang mga kamay sa langit habang pinagmamasdan ang malawak na dagat. "Yes, my favorite place!"

"Kuya Adam!" sabay naming tawag ni Nico. Pareho kaming napayakap nakahubong binatang matiyaga naming hinintay. Mabilis na napaupo si Kuya Adam at tinakpan ang harapan niya.

"Mamaya na ang yakap. Noah, may dala ka bang damit ko?" tanong ni Kuya Adam.

Nginitian niya ako habang pinanggigigilan ang aking mga pisngi. Muli siyang napatingin sa mga dahon sa itaas namin. Pumikit siyang saglit habang humihinga nang malalim.

"Ito po, oh." Mabilis kong inabot ang bag na dala ko. Hinawakan ko si Nico na muling binalikan ang pagbibilang ng kanyang mga daliri. "Nico, tara. Doon muna tayo. Magbibihis lang si Kuya Adam."

Matapos ang ilang minuto ay natapos sa pagbihis si kuya. Lumapit ito sa amin ni Nico na nakaupo sa likod ng puno. Abala si Nico sa pagaayos ng kanyang baril na yari sa kahoy habang ang nakuha kong sanga ay sapat na para sa akin.

"Anong ginagawa ninyo?" tanong ni Kuya Adam.

Lumuhod ito upang mas mausisa ang mga ginagawa namin ng aking pinsan. Sinimulan niyang haplusin ang magulong buhok ni Nico.

"Baril-barilan po, Kuya Magic," sagot ni Nico. Sinisipon pa ito. Mabilis itong napatingala. Binigyan niya ng malaking ngiti si Kuya Adam. Natutuwa ito dahil nakakita na naman siya ng magic mula sa pagsulpot ni kuya.

"Oh, Nico pogi. Singa dali," utos ni Kuya Adam. Lumapit si kuya kay Nico at gamit ang dulo ng kanyang damit ay pinasinga niya ito. Kung iisipin, para na namin siyang tatay dahil sa agwat ng edad namin. Sa kanyang tindig at tangkad, halos kaitsura na niya ang mga magulang ng mga kamagaral ko sa paaralan.

Mabilis namang suminga si Nico at nagbalik sa nilalaro nito. Inilihis ni kuya ang tingin niya at naabutan niya akong nagsusulat. Sa aking mga kamay ay hawak ko ang isang notebook.

"Ayan, tapos na!" sigaw ko. Tuwang-tuwa ako sa isinulat ko at syempre, dahil narito ngayon ang paborito naming bisita ni Nico.

Inangat ko ang aking ulo. Nakita ko kung paano titigan ni Kuya Adam ang hawak ko. Nakangiti ito habang pinagmamasdan ako habang isinasarado ang dala kong notebook. Bagamat alam kong alam na ni KuyaAdam kung para saan iyon ay inusisa pa rin niya ako.

"Ano ba iyan, Noah?"

"Dito ko po nilalagay ang mga petsa na binibilin ninyo," magalang kong tugon.

Muli niya akong nginitian. Tinabihan niya ako sa ilalim ng puno bago halikan ang aking bumbunan.

"You are always taking care of me, do you know that?"

Namula ako sa sinabi niya. Marahan akong yumuko habang tumatango.

"Kaya nga gustong-gusto kong mapadpad dito. Maaliwalas, may puno ng Narra, may dagat, may makulit na Nico at higit sa lahat, may malambing na Noah."

Itinakip ko na ang hawak kong notebook sa mukha ko. Sa ganoon ay hindi na niya makita ang pisngi kong kulay kamatis.

Biglang napansin ni Kuya Adam ang sanggang hugis baril sa harapan ko. Napatingin ito kay Nico at sa laruan kinakalikot nito.

May bigla siyang naalala.

"Noah, listen. Nico, makinig ka rin," seryoso ang tono ni Kuya Adam.

Wala na ang ngiti sa mukha nito. Mabilis akong napalingon sa kanya maging si Nico ay natigil sa paglalaro.

"Isulat mo ito riyan sa notebook mo, Noah. August 23, 2005," utos ni Kuya Adam.

Bilang lang sa aking mga daliri ang mga panahon nakita ko siyang nag-aalala. Isa ito sa mga tagpong iyon. Isa sa mga kakaibang araw na mararanasan namin pagdating ng panahon.

***

Year: 2005, Metro Manila (Present)

Nagising ako na wala na si Adam sa aking tabi. Napabalikwas ako mula sa pagkahiga at agad na hinanap siya sa kuwarto.

"Ambrosi!" aligaga kong tawag. Lumabas agad ako kahit wala akong saplot.

Wala ito sa buong unit. Nagsimulang akong kabahan. Sinilip ko ang bawat sulok at wala akong napansin na naiwang nagkalat na damit. Walang bakas na maaring senyales na nag time travel muli si Adam.

"Abnuy talaga! Saan na naman kaya nagpunta?" bulyaw ko. Hindi ako mapakaling nagtungo sa aparador at isinuot ang pinakaunang damit na nakita ko.

Kinuha ko ang aking cell phone at tinangkang tawagan si Adam. Bahagya akong nakahinga nang mag-ring ito.

"Abnuy talaga!" Muli akong nabuwisit nang makita ko ang cell phone niya na tumutunog sa ilalim ng kama ko. "Papatayin mo ata talaga ako sa nerbyos, Adam!"

Binalikan ko ang cell phone ko at humingi ako ng saklolo.

"Hello? Bakit? Ang aga-aga, ano ba?" reklamo ni Nico. Naiinis ito dahil wala pa siyang maayos na tulog buhat nang dumating siya sa Pilipinas.

"Napansin mo ba si Adam na lumabas kanina bago ka umuwi?"

"Hindi, sarado 'yong kuwarto mo, eh. Malay ko ba anong ginagawa niyo. Baka makaisorbo pa ako."

"Baliw!"

"Sige na, matutulog pa ako," huli niyang sinabi bago ako makarinig ng hilik. Pinatay ko ang telepono at muli siyang tinawagan.

"Hey, Nico, get up!" bulyaw ko. Rinig na siguro hanggang kabilang building ang boses ko. "May emergency tayo!"

"Ano na naman?" reklamo ni Nico. Rinig ko ang paggalaw niya sa kama at ang mga malakas niyang hikab.

"Nawawala si Adam!" bulalas ko. Nagsisimula na akong magsuot ng sapatos.

"Baka nandyan lang siya sa labas. Bumili ng pagkain."

Hindi, eh. May mali. May mali talaga.

"Nico, anong date ngayon?"

"August 23, 2005. Sinong may birthday?"

"Walang may birthday!"

Hindi ko na siya pinatulan. Nakaipit sa tainga ko ang cell phone habang muli kong naririnig ang hilik ni Nico sa kabilang linya.

Muli kong binuksan ang journal ko upang alalahanin ang nakasulat para sa araw na ito. Pamilyar talaga ang August 23. Pero hindi ko maalala kung tungkol saan. May suspetsa na ako pero sana ay hindi totoo. Kinakabahan ako at nagdarasal na hindi totoo ang iniisip ko.

Biglang sumikip ang dibdib ko nang makita ko ang pahina sa aking notebook na patungkol sa petsa na ito.

"Fudge! Nico!" bulyaw ko.

"Oh?" tanong ni Nico habang humihikab pa.

"Maki-kidnap si Adam ngayon!" hiyaw ko. Mabilis kong binasa ang iba pang nakasulat sa notebook ko at mga habilin ni Kuya Adam tungkol sa mga nangyari sa kanyang sa araw na ito.

***

Sa isang malayong parke sa kabilang dulo ng siyudad ay naglalakad si Adam. Mula nang magising noong gabi ay magdamag itong naglalakad upang painitin lalo ang katawan niya. Hindi pa rin niya maramdaman ang ilang bahagi ng kanyang daliri sanhi ng sobrang lamig.

Napagpasyahan din nitong magmunimuni dahil hindi nito maalis ang kung anumang bumabagabag sa kanyang isipan.

Napansin nitong mataas na ang araw sa lugar na kanyang napuntahan. Tinititigan na siya ng mga tao na halatang nakapako sa guwapo niyang mukha. Naka hoodie, shorts at rubber shoes lamang si Adam, mga bagay na una niyang nakita sa aking kuwarto. Mabilis na tinakip ni Adam ang hood ng kanyang damit sa kanyang ulo.

"I think I should head home," bulong nito.

Hindi na bago kay Adam na titigan ng mga tao sa publiko sa itsura niya. Panay siya yuko hanggang sa makakita siya ng isang liblib na daan. Naglakad si Adam sa madilim na eskinita upang hindi siya maging sentro ng atensyon.

Walang katao-tao sa masikip dinadaanan kanyang tinatahak. Nakarinig siya ng mga hakbang sa kanyang likuran. Unti-unting kinakabahan ito dahil napansin niyang kanina pa may sumusunod sa kanya.

"Badtrip!" bulalas niya. Sinubukan ni Adam na maglakad nang matulin hanggang sa makalapit ito sa kabilang dulo ng eskinita.

Bago pa ito makatapak sa kalsada ay may mga lalaking humarang sa kanya at tinakpan ng sako ang kanyang ulo.

"Huli ka!" saad ng matabang lalaki na naka maskara.

"Tangina ninyo! Sino kayo? Ipapakulong ko kayo!" bulyaw ni Adam. Natatakot ito dahil mabilis na itinali ng mga lalaki ang kanyang mga galamay. "Tulong! Saklolo!"

"Tahimik!"

Biglang hinampas ng lalaki ang batok ni Adam hanggang sa mahilo ito. Bilang nanghihina pa sa pagkalunod niya kahapon, mabilis na nahilo si Adam at agad na hindi nakapagsalita.

"Miss Lily, nakuha na po namin. Ito na ang pamangkin ng may-ari ng minahan ng ginto na sinasabi ninyo," bulong ng matabang lalaki sa kausap nito sa telepino. Tumatawa pa ito at gayak na gayak na kinakapkapan ang mga bulsa ni Adam. "Wala man lang dala ito na kahit ano?"

"Pare, hindi naman na siguro kailangan hampasin iyan. Bata lang iyan!" saway ng isa pang lalaki.

"Baliw! Eh di mas lalong nag-ingay iyan. Ikaw, kabago-bago mo, ang dami mong hirit!" sigaw ng matabang lalaki. Mabilis nilang ipinasok sa van si Adam. Walang ibang nakasaksi sa nangyari. Sa loob ng van ay walang malay si Adam hanggang sa dalhin siya ng mga nakamakarang lalaki sa isang tagong lugar.

***

"No way! I'll call Tito Dan!" bulyaw ni Nico. Nag-aalala na ito habang kausap ako sa cell phone.

"No need. Sabi rito sa notes, tayo daw ang magliligtas kay Adam. May darating daw na ibang tulong," ani ko.

"Hindi puwede! At least we should let someone know about this. Nakuha ko na ang address na ipinadala mo. Pupunta kami ni Tito Dan doon agad," giit ni Nico. Halatang hinihingal na rin at dahil nagsisimula na siyang tumakbo. "Huwag kang aalis diyan Noah, okay? Okay? Noah! Noah?"

Hindi na ako sumasagot sa kabilang linya dahil nasa abandonadong pabrika ng pantalon na ako. Mabilis kong pinatay ang cell phone bago pa man may makapansin sa akin sa likod ng mga lumang tela at sirang damit.

"This is the place he told us noong naglalaro pa kami ng baril-barilan ni Nico," bulong ko.

Nag-aabang ako sa labas. Maingat akong nagtago nang makita ko ang paparating na van na sinasakyan ni Adam. Kulay puti, may plakang nagsisimula sa letrang Y kagaya ng nakasulat sa notebook ko.

Marahan kong sinundan sila papasok. Gusto ko nang lumabas upang takbuhin si Adam ngunit kailangan pag-isipang mabuti ang aking bawat hakbang. Mula sa likod ng tumpok ng mga retaso ako ay nagtago. Isang metro mula sa tabi ng van ay matiyaga akong nanod.

May dalawang lalaki na bumaba sa sasakyan. Kasunod ng dalawa ang nakabusal na si Adam. Hindi ito makasigaw dahil sa takip sa kanyang bibig.

May mga nagkalat na damit sa loob ng bodega. Ayon sa notebook ko ay dati itong gawaan ng pantalon. Medyo may kadiliman rito. Ilang taon na itong abandonado at sinamantalang gawing kuta ng mga taong dumukot sa pasaway kong kaklase.

"Adam. I'm here, ako bahala sa iyo," bulong ni ko mula sa malayo. Mula sa loob ng bodega ay may lumabas na babae. Mula sa madilim na sulok ay marahang naiilawan ang kanyang mukha. Nanlaki ang mata ko nang lalo siyang lumapit. Unti-unti ko siyang namukhaan. "Hindi ba siya iyong talent scout sa bazaar?"

"Very good boys. I'll take it from here," sabi ni Lily. Pumapalakpak ang tainga nito sa tuwa dahil mukhang balak talaga nilang pagkakakitaan si abnuy.

"Boss, tiba-tiba tayo riyan. Ang yaman ng Tito niyan. Ilang araw na nating inaabangan," halakhak ng isang lalaki. Napakamot ito ng ulo habang nakatitig kay Adam. "Ang tagal nating inabangan. Hindi natin mahuli kasi laging kasama iyong batang may parang pulang buhok."

"Oo, buti napadpad siya sa kabilang bahagi ng siyudad. Mahigpit kasi ang security malapit sa condo nila. Nakakainis," sagot ni Lily.

Lumapit ito kay Adam. Napansin nitong nanlilisik ang mga mata ng biktima nila. Inalis nito ang busal sa bibig ng kaklase kong pasaway na wala sana rito kung hindi lang siyang shungang lumabas ng kuwarto habang tulog pa ako.

"Sino kayo? Ikaw iyong telang scout, hindi ba? Sabi na nga ba, masama kang tao, eh!" sigaw ni Adam. Panay ang tadyak nito upang maabot ang mga dumukot sa kanya ngunit mahigpit ang tali sa kanyang mga paa. "Wala kayong mapapala sa akin. Hindi ninyo maco-contact ang Uncle ko!"

"We will see about that!" Mabilis na kinuha ni Lily ng cell phone niya at may tinawagan. Ilang minuto itong naglakad-lakad ngunit wala pa ring kumakausap sa kanya. "Shit! Bakit walang sumasagot?"

"Ha! I told you!" natatawang sigaw ni Adam. "This is not the first time I got kidnapped. Sanay na sanay na ako sa ganito! Laging busy ang Uncle ko sa trabaho, hindi iyon basta-basta sumasagot ng telepono."

Minsan nang naikuwento sa akin ni Kuya Adam ang mga ganitong eksena. Madalas na siyang ma-kidnap kahit noong nasa kinder pa. Ngunit lagi siyang nakakaligtas. Madali niyang natatakasan ang mga ito dahil sa kakayahan niyang mag-time travel. Madalas ay naglalaho ito habang nakatali o minsan habang nakabusal sa loob ng sasakyan. Tuwing napapansin ng mga dumudukot sa kanya na wala na siya ay agad na tumatakas ang mga ito.

Ngunit, may kakaiba sa pangyayaring ito ngayon. Hindi pa rin siya naglalaho kahit kanina pa siya nagwawala sa upunang kinagagapusan niya.

"Ano ba iyan? Hoy, ikaw! Bantayan mo itong si tisoy," utos ni Lily sa mas payat na kidnapper. Binigyan niya ito ng baril at binantayan si Adam. "Hahanap kami ng ibang paraan."

Mabilis na umalis si Lily at ang mas malaking lalaki. Ilang segundo pa ay pinaharurot nila ang sasakyan mula sa pabrika.

"Pagakataon ko na," bulong ko. Marahan akong umangat sa bundok ng mga retaso.

Naiwan si Adam at ang isa pang kidnapper sa loob ng bodega. Umupo ang bantay sa isang upuan sa gilid ni Adam. Nakayuko lamang ito. Sa kanyang kinikilos ay halatang hindi siya sanay sa ganitong gawain.

"Pasensya ka na bata. Napag-utusan lang," sabi ng lalaki. Inilagay muli nito ang busal sa bibig ni Adam ngunit napansin nitong walang takot sa mga mata ng biktima nila. Muli siyang bumalik sa kanyang puwesto at napayuko. "Kailangan ko lang ng pampagamot ng anak ko."

Muli kong nilingon si Adam. Sa sinabi ng lalaki ay mabilis na nawala ang inis sa mukha nito. Ang kaninang pagpupumiglas ni Adam ay mabilis na napalitan ng agarang katahimikan. Ilang saglit pa ay iniwan siya sa gitna ng bodega habang nagtungo ang lalaki sa pinto upang magbantay.

"Wala na sila," bulong ko.

Marahan akong nagtungo sa nakabusal na pasaway kong kaklase.

***

Adam

Umalis ang nagbabantay sa akin. Mukha man akong kalmado ay natatakot pa rin ako para sa aking buhay. Maigi na rin dahil gaya ng dati, inililigtas ako ng kakayahan ko. Nanginginig na ako sa kaba. Napatingin ako sa aking mga paa. Bagamat nakabusal ay abot-tainga ang ngiti ko.

Ayan na! Unti-unti na akong naglalaho. Come on stupid ability! Bring me home! Puwede ring sa police station or kahit saan—

"Psst, huwag kang maingay. Nasa pinto ang bantay," sabi ng pamilyar na boses. Malalim, barotono at minsan ko lamang marinig kahit magkatabi kami sa classroom.

Shit!

Nagulat ako nang marinig ko si Noah na nasa likod ko. Hindi ako makapagsalita tahil sa busal sa bibig ko.

Anong ginagawa nito rito? He's not supposed to be here!

Napatingin akong muli sa aking mga paa at napapikit. Nakita kong nagiging transparent na ang katawan ko.

Pucha, hindi ako puwedeng mag-time travel. Maiiwan siyang mag-isa rito. Baka mapaano si Noah. Focus, Adam, focus!

Muli akong napatingin sa aking mga paa at tumigil na sa paglaho ang mga ito. Nakahinga ako nang maluwag habang abala si baliw sa pagkalas ng tali sa likod ko.

"Kakalagan lang kita," nanginginig na saad ni Noah. Natatakot na ito at nagmamadali akong pakawalan. Kanina pa ako umuungol ngunit hindi niya ako maintindihan dahil sa nakabusal sa bibig ko. Gusto ko siyang sawayin ngunit hindi niya ako pinapansin. "Huwag kang magulo, malapit na akong matapos."

"Anong ginagawa mo rito?" sabi ng bantay. Bigla itong sumulpot sa harapan naming dalawa.

Buwiset talaga! Noah, huwag kang gagalaw!

Hindi ko tuluyang mailabas ang mga salita sa aking bibig dahil sa takip nito. Nanigas ako sa susunod na nangyari. Dahan-dahang itinaas ng bantay ang baril at itinutok sa amin. Nanlaki ang mga mata ko.

Tangina naman! Noah, takbo!

Nanginginig pa ang kamay ng bantay habang hawak ang baril. Halatang hindi siya sanay sa ganitong gawain. Panay ang tulo ng kanyang pawis habang hindi alam kung kay Noah o sa akin itututok ang baril.

Naramdaman kong tumayo si Noah sa aking likuran. Napaatras ito nang kaunti. Marahil ay natakot ito dahil ngayon lang siya napunta sa ganitong sitwasyon, hindi gaya kong sanay na.

Ayan, tama. Ganyan nga, Noah. Tumakbo ka palayo.

Pinilit kong tumayo upang iharang ang katawan ko at makatakbo palayo si Noah. Naalis ko na ang tali ng aking tuhod at tatayo na sana ako nang biglang—

"Maawa po kayo kay Adam. Hindi po maganda ang pakiramdam niya. Pakawalan niyo na po siya," pakiusap ni Noah.

Nagulat ako nang sa halip na tumakbo palayo si Noah ay bigla itong pumunta sa aking harapan at hinarang ang katawan niya.

Gago ba ka ba talaga, Noah?

Nanginginig na ako sa sobrang pag-aalala. Kung wala lang nakatakip sa aking bibig ay kanina ko pa siya nasigawan. Muli kong pinagmasdan ang aking paa upang siguraduhing hindi ako naglalaho.

"Pasensya na bata, umalis ka na rito. Baka dumating pa ang amo ko at idamay ka pa," sabi ng bantay.

Maging ito ay naguguluhan sa mga nangyayari. Pinipilit kong magsalita ngunit puro ungol lamang ang lumalabas sa aking bibig. Sinasaway ko si Noah mula sa kanyang likod ngunit hindi niya ako pinapansin.

"Kapag hindi ka umalis diyan, mapipilitan akong barilin ka," babala ng bantay.

Bigla akong kinabahan dahil sa sinabi nito. Pero ang mas ikinainis ko, hindi gumagalaw itong si baliw sa harapan ko.

"Ako na lang po ang kunin ninyo." Natulala ako sa sinabi ni Noah. Biglang tumigil ang mga ungol mula sa aking bibig. Nakatitig ako sa malapad niyang balikat habang lalo niya akong tinatakpan sa kanyang likuran. "Pakawalan niyo na po si Adam. Naninigas pa ang ibang daliri ng kaibigan ko dahil sa lamig."

Pati ba naman kidnappers ko aagawin mo pa? Bakit mo ginagawa ito?

Bakit?

Bakit mo ako tinutulungan?

Wala naman akong ginawa kundi ang awayin ka!

Nakatutok pa rin sa kanya ang baril. Itinaas ni Noah ang kanyang mga kamay sa tagiliran niya upang harangan ang bantay at hindi makalapit sa akin.

"Ang kulit mo! Umalis ka na sabi. Iyang kaibigan mo lang ang kailangan namin," hiyaw ng lalaki.

Tama, Noah. Umalis ka na.

Kinakabahan na ako pero natahimik lamang si Noah. Inaaral ko ang kanyang mga kilos. Nagulat ako nang may bigla siyang pinunasan sa kanyang mukha.

Hindi ko napigilan ang mga sunod na salitang lumabas sa bibig ko. "Shit! Don't cry, baby—"

Fuck! WHAT AM I SAYING?

Hindi ko mapigilang ma-guilty. Dati ko pa siyang gustong paiyakin pero hindi sa ganitong paraan. Para akong nalunod sa mga imahe noong mga panahong inaaway ko siya sa paaralan. Noong sinigawan ko siya sa hagdan, noong pinaringgan ko siya sa canteen, lalo na ang mga hindi ko magandang asal sa kanyang condo.

Inalog ko ang ulo ko. Pinilit kong paluwagin ang aking busal. Ilang pagkalas pa ay marahan nang nahulog ito.

"Noah–"

"His name is Adam Ambrossi," sabi muli si Noah bago ko pa siya masigawan. Natigilan ako nang marinig ko ang kanyang sunud-sunod na hikbi. "He's not even 18 years old yet. Sa bahay at paaralan lamang umiikot ang buhay niya. His parents died in a car accident when he was a baby. Hindi na niya halos maalala ang itsura nila."

How did you—

"Kahit na!" biglang sigaw ng bantay.

"He's just a junior high school student. He has an Uncle. Silang dalawa na lamang ang magkasama sa buhay," pagpipilit ni Noah. "Marami pang taong magmamahal sa kanya. Ni hindi– hindi– hindi pa niya nararanasang umibig."

I was stunned. Those were my thoughts that I can't put into words. Those were the exact struggles I had as a time traveler.

Tila tumigil ang pag-ikot ng mundo dahil sa sinabi niya. Ang mga katagang iyon ang matagal nang nagtatago sa aking puso. Bigla akong nakaramdam ng mga tubig na umaagos sa pisngi ko.

"That's where you're wrong, Noah," bulong ko sa kanyang likod. Hindi ko sigurado kung naririnig niya akon dahil abala siya sa pagkumbinsi sa bantay na pakawalan na kami.

Napayuko ako at unti-unting nagiging klaro ang mga agam-agam ko. Mga bagay na gumugulo sa akin kanina pa ng umaga.

Hindi.

Hindi lang pala kanina. Mag-iisang buwan na.

Hindi ako sigurado tungkol sa maraming taong nagmamahal sa akin.

Ngunit tingin ko alam ko na ang pakiramdam ng umiibig.

"Parang awa mo na, Sir. Marami pa siyang pangarap sa buhay. Marami pa siyang gagawin sa future. He just started living. Nagsisimula pa lang ang kwento ng buhay niya!" bulyaw ni Noah. Ramdam ko ang pinaghalong kalungkutan, awa at takot mula sa nanginginig na boses nito.

Matagal na nakatitig sa amin ang bantay. Panay lamang ang hikbi ni Noah sa aking harapan. Pareho kaming nakatitig sa baril na natutok sa amin. Ilang segundo pa ay akmang kakalabitin na ng lalaki ang gatilyo.

Sabay kaming napapikit ni Noah.

Ngunit wala kaming narinig na putok. Sa halip, ay nagsalita ang bantay sa aming harapan. Marahan kong minulat ang aking mata at nakita kong nakayuko na ito. Nakababa na ang kanyang baril.

"May anak rin akong lalaki. Nasa Operating Room siya ngayon at kailangan niya agad maoperahan," saad ng lalaki. Itinago niya ang kanyang sandata sa kanyang likuran. Tumakbo ang lalaki sa likod ko sinimulan niya akong kalagan. "Pero hindi siya matutuwa dahil sa ginagawa kong ito. Pasensya na kayo."

Nakalas na niya ang tali sa likod ko. Mabilis na humarap sa akin si Noah upang kalagan naman ang mga tali sa aking paa.

"What the hell are you doing?" sigaw ng babaeng may pasimuno ng lahat. Nakatayo na si Lily sa aming harapan. Siya at ang kasama niyang mas matabang lalaki ay nakatitig sa aming tatlo at may nakatutok na baril sa amin. "Sabi ko, bantayan mo iyan, hindi pakawalan mo!"

"Itigil na natin ito! Maawa kayo sa mga bata," sigaw ng bantay. Mabilis siyang pumunta sa harapan namin ni Noah at itinaas ang kanyang mga kamay.

"Tangina ka talaga. Palpak ka! Hindi ka para rito," sabi ng kasama ni Lily habang papalapit ito.

Hindi maliwanag sa bodegang pinagdalhan sa akin. May isang pirasong bumbilya sa itaas na nagbibigay liwanag sa madilim na lugar na ito. Prinoprotektahan kami ng bantay habang papalapit si Lily at ang kanyang kasama.

Nakatutok lamang ang mga baril nila sa amin na tila handa na nilang paputukin dahil sa sobrang inis.

"Huwag kang kikilos," narinig kong bulong ni Noah. Bigla niya akong niyakap. Sinubukan ko siyang lingunin ngunit tila may sinesenyasan ito sa likod ko.

"Ha?"

"Basta, parating na ang tulong," dagdag pa ni Noah.

Biglang namatay ang ilaw at nagdilim sa buong paligid.

"Anong nangyari?" sigaw ni Lily sa gitna ng dilim.

"Boss, huwag kang babaril, baka ako ang matamaan mo," hiyaw ng katabi nito.

"Aray!" muling sigaw ni Lily.

Bigla ako nakarinig ng mga yapak ng paa. Sunod ay mga tunog ng kahoy na hinahampas sa mga katawan ng tao.

"Sinong nariyan?" usisa ng matabang alagad ni Lily.

Sunod noon ay may narinig akong kumalabog sa sahig.

Biglang sumindi ang ilaw. Nakahilata na sina Lily at ang matabang lalaki sa sahig.

"Ano, ayos lang ba kayo?" tanong sa amin ng bantay. Nagakayuko ito sa amin ni Noah na tila tinatakpan kami ng kanyang katawan.

Pinilit kong silipin ang mga nakahandusay na mga kidnapper. Nagulat na lang ako dahil tila pinagtulungan silang bugbugin ng kung sino.

"Opo, tumakas na po kayo!" sigaw agad ni Noah. "Parating na po ang pinsan ko at baka may kasama siyang mga pulis."

"Kaya niyo na ba rito?" tanong ng lalaki.

"Opo! Takbo na, dali!" bulalas ko.

Mabilis na tumakbo palayo ang lalaking nagbantay sa amin. Marahil ay takot na takot itong mahuli ng pulis at tuluyang mawalay sa kanyang anak. Tuluyan nang inalis ni Noah ang mga tali ko.

"Teka lang po!" sigaw ko. "Ano pong pangalan ng anak ninyo?"

"Carlos," nakangiting saad ng lalaki bago ito tuluyang naglaho.

Naiwan kami ni Noah sa bodega. Pinapanood ko siya habang humihikbi. Pero panay naman ang pagsuri niya sa katawan ko.

"Ano, may sugat ka ba?" ani nito habang umiiyak. Panay ang singhot niya ng kanyang sipon habang pinupunasan ang kanyang mga luha. "May masakit ba sa iyo?"

"Tapos na, huwag ka nang umiyak," tugon ko. Inangat ko ang aking kamay upang yakapin sana siya nang bigla akong natigilan. Gusto ko siyang hawakan pero baka iba ang isipin niya. Napalingon ako sa gitna ng bodega. "Sino ang gumulpi sa dalawang iyan?"

Marahang inangat ni Noah ang ulo niya. Pero hindi siya sa akin nakatingin. Tila may tinitignan ito sa madilim na dulong bahagi ng bodega.

"Noah, tara na. Baka magising pa ang mga ito," yaya ko.

Mabilis siyang kumilos. Nauna siyang maglakad habang ako naman ay kinukuha ang cell phone ko.

Bigla akong nakarinig ng tunog ng lata sa pinaka loob ng bodega. Mabilis akong napalingon.

"Shit!" bulyaw ko. "Anong ginagawa nila rito?"

Sa loob ng bodega ay nakita ko ang apat na bersyon ko. Mga mas matanda sa akin ng ilang taon. May isang balbas sarado, may dalawang magkasing tangkad, may isang tila ilang taon lamang ang tanda sa akin. Pawang lahat sila ay nakasuot lamang ng maong na pantalon na napulot nila sa bodega. May hawak silang mga pamalo habang kumakaway sa akin.

Mabilis akong napangiti. Marahil sila ang mga tumulong sa amin ni Noah.

Sa sobrang tuwa ko, hindi ko napigilang kawayan rin sila.

"Sinong kinakawayan mo?" nakangiting tanong ni Noah sa aking likod. Mabilis itong lumapit sa akin. Akmang lalagpasan niya ako pabalik sa direksyon ng tinitingnan ko nang bigla ko siyang hilain at iharap sa akin.

"Ah, eh wala," pagdadahilan ko. "Umalis na tayo."

"Pero parang may apat na lalaki roon," nakangiting tugon ni Noah. Nakataas ang isa niyang kilay na tila inaasar pa ako.

"Ha? Anong apat?" usisa ko. Pinipilit niyang lumingon habang ako naman ay pinipigilan ang kanyang katawan.

"Doon, may mga tao," halakhak niya.

"Wala nga!"

"Weh?"

"Halika nga rito," bulyaw ko. Nagpanting ang tainga ko sa kakulitan niya. "Ikaw, sa susunod, mind your own business. Paano kung may nangyaring masama sa iyo?"

Nakatitig lang siya sa akin. Hindi ko na namang napigilang siya ay masigawan. Ang nakangiti niyang mukha ay mabilis na sumimangot. Ang mga mata niya ay tila nanunubig na.

Tangina talaga! Ang lakas mang guilt trip ng itsura niya!

Mabilis ko siyang binitawan. Yumuko ako bigla. Marahan kong inabot ang kanyang kamay. Hindi ko na siya matitigan sa mata.

"Sa susunod huwag mo nang gagawin iyon," bulong ko. Hininaan ko pa lalo para hindi na siya matakot sa boses ko. "Kaya ko na ang sarili ko."

"Teka lang, ikaw na nga ang tinulungan, ikaw pa ang galit?" pabalang niyang sagot.

Ako galit? Binabaitan ko na nga!

Inangat ko agad ang ulo ko. Wala nang bahid ng maluha-luhang bata sa kanyang mukha. Magkasalubong ang kanyang mga kilay. Maangas ang kanyang tingin sa akin.

Muling bumalik ang pagkulo ng dugo ko sa kanya.

"Ang kulit mo!" bulyaw ko. Sinimulan kong alugin ang mga balikat niya dahil a inis. " Paano kung may nangyaring masama sa 'yo?"

Napatingin ako sa apat na bersyon ko sa malayo. Akmang susugod ang isa sa mga ito papunta sa amin dahil sa ginagawa ko ngunit piniglan ito ng tatlo pa.

Muli akong napatingin kay Noah. Hindi ko sigurado ngunit tila natutuwa ito habang naiinis ako sa kanya.

Pinipilit lumingon ni Noah sa apat na lalaki ngunit panay ang hawi ko sa mukha niya. Patuloy lang ako sa pagsermon hanggang sa maglaho sa hangin ang mga bersyon ko.

"Baliw!" bulalas ni Noah sa mukha ko.

"At ako pa talaga ang baliw, ha?" ani ko. Pinakawalan ko na si Noah at tuluyan na siyang nakalingon. Wala na siyang nakitang ibang tao. Muli siyang humarap sa akin at nagpatuloy ako sa pagsermon. "Sa susunod, huwag mo nang gagawin iyon."

Hindi siya sumasagot.

Tinatawanan lang ako ni gago!

"Hoy! Nakikinig ka ba?" bulyaw ko kay Noah.

Nagpatuloy ako sa bulyaw sa kanya nang biglang bumukas ang malaking gate ng bodega.

"Noah!" sigaw ni Tito Danilo. Kasama nito si Nico at may kasunod silang mga pulis. Patakbo itong pumunta sa kanyang anak. Mabilis nitong niyakap si at niyapos ang buhok nito. "Bakit ka pumunta rito mag-isa?"

"Iyan nga po ang sinabi ko sa kanya," naiinis kong gatong. "Ang tigas ng ulo, kainis!"

Mabilis na dinampot ng mga pulis si Lily at ang katabi nito. Maging ako ay inasikaso ni Tito Dan. Tinignan nito kung may galos ba kami sa katawan. Hindi ito mapakali.

"Adam, anong pangalan ng mga magulang mo? Para masabihan ko."

"Wala na po akong mga magulang," sagot ko. Marahan akong napayuko.

"Wala ka bang ibang guardian? Para matawagan ko?" muling tanong ni Tito Danilo.

Muli kong naalala ang mga ganitong eksena sa aking kabataan. Kung paano ako hindi pinapasok sa eskwelahan ni Uncle Claude ng ilang buwan noong minsan akong mailigtas sa mga kidnapper.

"Tito Dan, huwag na po please. Ibabalik ako ng Uncle ko sa Europe kapag nalaman niya," pakiusap ko.

"Pero kasi—" pilit ni tito. Muli niyang nilingon ang mga kidnapper at nagsalubong ang kanyang mga kilay.

"Huwag na po, Dad. Tayo na lang magsampa ng kaso," saad ni Noah.

Hindi pa rin kumbinsido si Tito Danilo nang biglang may lumapit sa aming pulis.

"Actually, Sir, matagal nang wanted ang mga ito. Habang buhay na kulong na talaga ang hatol sa kanila," sabi nito.

Tumayo si Tito Dan at sinamahan ang pulis sa malayo upang makapag-usap silang dalawa.

Nakatingin ako kay Tito Danilo. Kung paanong panay ang kamot ni Tito Danilo sa kanyang ulo habang nililingon ang direksyon ng anak nito. Ang mga kilos ng kanyang kamay na tila nagagalit na may halong pag-aalala dahil sa dinanas ni Noah.

Bahagya akong nakaramdam ng lungkot.

Paano kung buhay pa kaya ang mga magulang ko. Ganito rin kaya sila sa akin?

"Oh, okay ka lang ba, Adam?" tanong ni Noah. Bumalik ako sa reyalidan nang marinig ang kanyang boses.

Muling nagsalubong ang mga kilay ko. Mabilis akong naglakad palayo. Hindi ko siya kinikibo dahil sa sobrang inis.

Inis na inis ako kay Noah "Nakakainis" Arroyo!

Higit sa lahat, hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may nangyari sa kanya.

***

Matapos ang ilang araw ay bumalik sa normal ang lahat. Nagpatuloy kami sa pag-review. Nakatanggap ng mensahe si Noah. May nakalusot na maliit na papel sa ibaba ng kanyang pinto. Limitado lamang ang nakasulat dito. Pinanood ko siyang pumunta sa pinto upang kunin ang liham habang nakaupo ako sa sala.

"Salamat sa pagpapagamot sa anak ko, Adam," malakas niyang basa sa liham na nakapaloob

Nakatitig ako sa kanya. Mabilis akong tumingin sa ibang direksyon bago pa siya mapalingon sa akin. Pinilit kong bumusangot sa sala habang nanonood ng telebisyon. Pero alam ko, nakangiti siya sa akin habang inaaninag ko siya sa gilid ng aking mga mata.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top