Chapter 10: Ang Vomit na Third Wheel
Noah:
Ang mga taong kanina pa naglalakad sa bazaar ay napatigil dahil sa pag-awit ko. Matapos kumanta ay marahan kong ibinaba ang bitbit kong gitara. Nang muli kong iangat ang aking ulo, bigla akong dinumog ng mga tao. Panay ang kanilang ngiti at palakpakan. Tila alon ng mga mukha na puro pagbati ang sumalubong sa akin. Ngunit hindi sa kanila ako nakatingin. Sa dagat ng tao ay pinipilit kong tumalon upang mahanap ang binatang muntik nang maglaho.
"Ang galing-galing mo naman!"
"Are you on social media?"
"Pa-picture, please?"
Ilan lamang ang mga ito sa mga sinasabi ng mga taong nasa harap ko. Bahagya akong yumuko at hinawi ang ilan sa kanila hanggang sa tulyan akong makalusot.
"Ah, eh, pasensya na po kayo. Libangan ko lang ang tumugtog," saad ko. Mabilis akong tumalikod at tumakbo patungo sa aming lamesa.
Doon ay natagpuan ko siya. Tulala sa kanyang kamay na tila hindi makapaniwala na hindi na siya nagiging transparent.
"Grabe!" bati ni Ethan. Nakanganga pa ito habang hindi ko mabilang ang kulubot sa kanyang noo. "Pamangkin ka nga talaga ni Mrs. Arroyo."
"Pare, ang galing mo! Bakit ngayon ka lang tumugtog? Kanina pa kami nag-aabang ng may kakanta sa stage," sambit ni Alex. Mabilis akong inakbayan nito habang ginugulo ang aking buhok.
Nagtungo ako sa aking upuan. Sa harapan ko ay ang nag-aalalang si Adam. Magkasalubong ang magaganda niyang kilay. Tila hindi ito makapaniwala dahil narito pa rin siya sa bazaar.
Kumalma na ang mga tao. Maging ang dalawa naming kasama ay bumalik na sa mga kinakain nila. Samantalang siya ay sinusuri pa rin ang kanyang bawat daliri sa pag-aalalang tumatagos ang liwanag sa mga ito.
Bigla ko siyang tinadyakan at nang matauhan.
"Aray! Taran-" bulyaw ni Adam. Ang kabadong mukha nito ay muling sumungit. Agad na nainis dahil sa ginawa ko.
"Ay, nako, sorry, malamok kasi. Okay ka lang ba?" kunwaring kong tanong. Malamang sa ginawa kong iyon ay nasigurado na niyang hindi siya maglalaho.
Tinitigan niya ako ng masama. Tinaasan niya ako ng hinlalato. Ang pagbabalik ng may saltik niyang ugali ay senyales na ayos na talaga siya. Marahan siyang tumayo bago sinenyasan ang dalawa pa naming kasama.
"Hay, nako. Tara, balik na tayo," yaya ni abnuy. Niligpit na niya agad ang kinakain at nagsimulang maglakad kahit hindi pa tapos kaming tatlo.
"Ganyan ba talaga iyang kasama ninyo?" natatawa kong tanong kay Alex.
"Depende kung may dalaw siya," biro ni Ethan.
"Baliw," saway ni Alex. "Mabait naman si Adam, Noah. Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit nagkakaganyan iyan simula noong dumating ka."
Ako, alam ko ang sagot. Pinagseselosan niya ako kay Jade.
Tinaasan ko silang pareho nang balikat. Nagpanggap akong walang alam kahit alam ko namang pinagseselosan ako ni Adam. Naunang naglakad sina Alex at Ethan bago ko sila sinundan. Naabutan namin si Adam na nakahinto sa dulo ng kalsada na tila kinakausap ng isang dalaga.
"Excuse me, can I talk to you just for a minute?" ani ng babae. Nakatingin ito kay Adam. Lalo ito napangiti nang dumating ako malapit sa puwesto nilang dalawa.
"Bakit po?" nagmamadaling tanong ni Adam.
"My name is Lily. Ang guguwapo ninyo kasi," sabi ng babae. Muli niya akong nilingon bago nagpatuloy. "We are looking for commercial models for our company. Ikaw, ang galing mong tumugtog, ang lakas ng karisma mo."
"Salamat po," tugon ko. Ang mukha ko ay nagkukutis kamatis na, samantalang ang lalaking may sumpong ay nakabusangot na naman.
"Ito namang kaibigan mo, sobrang guwapo. Half American ka ba? Nag-standout ka kasi sa-" Hindi pa tapos magsalita si Lily nang biglang umalis si Adam.
Agad itong sinundan nina Alex at Ethan na tila sanay na sa ganoong pangyayari.
Mabilis akong tumakbo sa harapan ni Lily. Marahan akong yumuko at napakamot sa aking ulo.
"Ah, eh, pasensya na po kayo. Nagmamadali lang po kasi kami," pagdadahilan ko.
Agad kong tinakbo ang tatlo. Naabutan ko sina Alex at Ethan samantalang ilang dipa na ang layo sa amin ni Adam. Nakakamao ang kanyang mga kamay at mapapansin ang mabibigat nitong hakbang.
Nakatitig lamang ako sa kanyang likuran. Hindi ko mapigilang magtaka sa kanyang inasal sa babaeng lumapit sa amin kanina.
"Huwag mo nang pansinin iyang si Adam," sabi ni Alex. Mabilis nito akong inakbayan. Agad ko siyang nilingon. Nakangiti ito ngunit halatang nalulungkot para sa kaibigan niyang nasa unahan.
"Ganyan talaga si Adam. Pang ilan na ba iyon Alex?" tanong naman ni Ethan. Panay naman ang tingin nito sa loob ng supot ng mga alak na dala niya. Tila abala sa pag-iingat sa mga bote kaysa sa inasal ni Adam kanina.
"Pang bente? Hindi ko na rin mabilang ang mga talent scout na lumapit sa kanya. Ni-isa ay wala siyang kinausap," sagot ni Alex.
"Bakit daw? Ayaw ba niyang sumikat?" pagtataka ko.
"Ayaw niyang pinagkakaguluhan siya. He does not want any attention. Kahit nga magpa-picture sa mga babae sa school, ayaw niyan, eh," paliwanag ni Ethan.
"Sila G.A.S. lang ang pinagbibigyan niya kasi alam niyang wala namang nagbabasa sa blog ng mga iyon," dugtong ni Alex.
May bigla akong naaalala.
Ang ginawang pagtago ni Kuya Adam sa likod ng puno noong muntikan na siyang mahuli ni Daddy. Ngayon, dahil sa mga ipinaliwanag ng mga kaibigan niya, at dahil sa ikinikilos niya, nauunawaan ko na nang bahagya ang lahat.
Para rin ito sa kanyang kaligtasan.
Mas mahihirapan siyang magtago sa bawat pag-time travel kung mas maraming tao ang nakakakilala sa kanya.
"Teka! Okay lang ba talaga na mag-inuman sa condo mo?" biglang tanong ni Alex. Sinasaway nito si Ethan na gusto nang ilabas ang isang bote ng alak.
Hindi ko sila pinapansin. Sa mag-isang binata sa aming harapan ako nakatuon. Ang matikas niyang likod. Ang manipis niyang baiwang. Ang malalapad niyang balikat habang hinahawi ang buhok niyang may halong ginto ng hangin nagmumula sa tuktok ng matataas na gusali.
Nakarating kami sa condo. Tatlong upuan lamang ang meron ako sa sala. Kumuha ako ng sitsirya at mani sa kusina. Sa gitnang upuan nakaupo si Adam, sa kabilang bahagi ng lamesa na kaharap niya ay umupo ako sa karpet. Sa magkabilaang sofa naman nakaupo sina Ethan at Alex.
Nilapag ni Ethan ang mga dala nitong beer at nagsimula kaming mag-inuman. Kumuha ako ng isa bago ko masayang binuksan. Nakalapat na sa aking bibig ang alak at dumampi na sa aking lalamunan ang unang lagok.
Sa aking tainga ay umalingawngaw ang isang kakaibang tanong.
"So Noah, wala ka pa bang girlfriend?" bungad ni Ethan.
Ramdam ko ang pagragasa ng alak pataas sa aking ilong. Mabilis akong nasamid at akmang ibubuga ang iniinom ko sa may topak na lalaki sa aking harapan.
"Oh, sige. Gago, isa pa!" babala ni Adam habang sinesenyasan ako ng kotong. Malamang ay naalala nito ang pagbuga ko sa kanya ng tubig nang dumating siya sa unit kaninang umaga.
Mabilis akong napalingon kay Ethan. Para itong inosenteng bata sa kanyang tanong. Walang reaksyon sa mukha nito. Nakangiti lang ito na tila nagtataka sa aking reaksyon.
Muli kong nilingon si Adam. Magkasalubong na naman ang makakapal niyang kilay. Ang kanyang mga bughaw na mata ay tila nag-aabang rin ng kasagutan mula sa akin.
Pinipigilan kong tumawa habang sumisirit ang ilang alak sa ilong ko. Pinilit kong lunukin ang beer kakapigil kong huwag maibuga sa mukha niya. Tinangka akong tulungan ni Alex sa pamamagitan ng pagtapik sa likuran ko.
"Anyare? May naalala ka ba?" tanong ni Alex.
"Grabe! Talagang iyan ang una mong tanong, Ethan?" pilit kong tugon habang inuubo pa. Gusto kong magtampisaw katatawa habang itong tatlong mokong ay nagtataka sa reaksyon ko.
"Hay, nako. Ang dami kasing nagtatanong sa classroom. Maigi nang malaman hanggat maaga pa. Lalo na iyang si Jade. Halos malaglag na panty niya tuwing nakikita ka," bulalas ni Ethan.
Mabilis akong natigilan dahil sa tanong ng baliw na si Ethan at ang walang prenong bibig nito. Napaupo ako nang maayos at napatitig kay Adam na nasa harapan ko.
"Psst! Umayos ka nga, Ethan!" saway ni Alex.
Lumipad ang isang tansan mula sa kamay ni Alex patungo sa tuktok ng ulo ni Ethan. Sinesenyasan nito si Ethan na tumingin sa nakasimangot na si Adam. Halata ang pagkabanas nito. Pinunasan ko ang aking bibig bago muling uminom ng alak. Sa gilid ng aking mata ay napansin ko ang pagyuko ng ulo ni Adam.
Malamang ay tanggap na nitong hindi siya talaga ang gusto ni Jade. Isang bagay na dapat ikatuwa ko. Ngunit sa kanyang reaksyon ay lalo akong nasasaktan.
"Actually, hindi ko type si Jade," sambit ko. Seryoso ang tono ko habang pinagmamasdan si Adam. Unti-unting umaangat ang mukha nito dahil sa aking sinabi. Hindi ko alam kung natutuwa ba ito para kay Jade o para sa-
"Bakit nga? Siguro ay may jowa ka na, ano?" tanong ni Alex.
Hindi ko na natuloy ang iniisip ko. Imposible namang magkagusto talaga sa akin itong si abnuy dahil patay na patay ito sa magandang babae kahilera namin sa class room.
Napagpasyahan ko na lang patulan ang tanong ni Alex kaysa pabulaanan ang mga iniisip ko.
"Sa ngayon-" nauutal kong tugon. Nginitian ko si Adam na nakatitig sa akin bago ko nilingon si Alex. Tumagay ako ng beer upang lumakas ang aking loob sa mga nais kong sabihin. "Sa ngayon, wala... pa."
"Wala pa? So, meron ka nang nililigawan?" usisa naman ni Ethan.
Pabiro nitong sinisiko si Adam na tila may sarili silang usapan. Tumatawa ito na parang baliw habang panay naman saway sa kanya ang nakabusangot na si Adam.
"May matagal na akong gusto simula pa noong bata ako," saad ko. Hindi ko sigurado ngunit tila nakita kong kumurba pababa nang bahagya ang mga labi ni Adam. "Pero halos isa o dalawang beses sa isang taon na lang kami magkita. Kaya, ewan ko kung magiging kami ba talaga."
Inaral kong mabuti ang mukha ni Adam. Nakatitig lang siya sa akin. Para kaming nakikipag tagisan ng titigan dahil walang kumukurap sa amin. Kumuha ako ng chips at nagsimulang ngumuya.
"So, parang long distance relationship?" saad ni Alex.
Natalo ako sa tunggalian namin ni Adam dahil natawa ako sa tanong ni Alex.
"Sorry, kinilig ako sa salitang 'distance'. Buti sana kung iyon lang ang kaso namin pero hindi, eh," sagot ko. Nakangiti ako sa kanila ngunit ang totoo ay parang may kumikirot sa puso ko.
Muli akong tumagay. Bigla kong naalala ang Kuya Adam na baka napapaano na naman sa hinaharap o sa kung saan mang lugar na napupuntahan niya.
"So technically, you're single, Noah?" usisa ni Ethan. Tinatapos na nitong ang iniinom niyang beer.
"Yes, for now. Hanggang hindi pa nagiging kami," sagot ko.
Napatitig ako sa bote ng beer sa aking harapan. Sa salamin ng bote ay kita ko ang aking repleksyon. Naaninang sa aking anyo ang malungkot na batang halatang may palaging hinihintay na tao. Isang taong nasa harapan ko lang.
Muli kong inangat ang aking ulo. Nahuli ko na naman si Adam na nakatitig sa akin. Mabilis na nagsalubong ang kanyang mga kilay bago umiwas ng tingin.
"Oh, Alex, amin na 100 pesos ko," utos ni Ethan. Abot-tainga ang ngiti nito habang inaabot ang palad niya sa kanyang kaibigan.
"Badtrip!" Inabot ni Alex ang isang daang piso. Padabog nitong isinuksok ang pitaka pabalik sa kanyang bulsa. Bigla silang nakatanggap ng malalakas na batok.
"Mga baliw talaga kayo! Pinagpustahan ninyo ba si Arroyo?" sermon ni Adam.
Humahagalpak ang dalawa niyang kabarkada samantalang panay ang duro niya sa mga ito.
"Okay lang. Maliit na bagay, bro," naiinis kong tugon. Napalingon siya sa akin. Agad ko siyang inirapan. Hindi ko pansin ngunit tila nahihilo na ko habang inuubos ang isang bote.
Nagpatuloy ang aming inuman na may kasamang kulitan. Puro hagalpak ko lamang at ni Ethan ang maririnig sa sala. Hindi masyadong umiimik si Adam habang si Alex naman ay masayang umiinom habang panay ang kuwento tungkol sa G.A.S.
"Nasusuka na ako. Noah, nasaan ang banyo?" Matapos ang ilang oras na pag-iinuman ay napatayo si Ethan dahil naduduwal na ito.
"Pangalawang pinto sa kaliwa," turo ko.
Napatakbo si Ethan sa direksyon na binigay ko. Nagsimula itong sumuka. Naririnig namin mula sa sala ang bawat pagduwal nito. Ako at si Alex ay puro tawa lang dahil sa rami ng aming nainom samantalang si Adam ay hindi pa rin nalalasing. Panay lamang ang tingin niton sa direksyon ko na mabilis niyang iniiwas sa tuwing nahuhuli ko siya.
Matapos ang ilang minuto ay napansin naming hindi pa bumabalik si Ethan.
"Bakit ang tagal ni Zaragosa?" usisa ni Adam.
"Teka nga, sundan ko," saad ni Alex. Gumegewang itong tumayo at naglakad palayo. Naiwan kaming dalawa ni Adam sa sala.
Sinitsitan ko si Adam na panay ang panakaw na sulyap sa akin. "Ambrosi, anong problema mo?"
"Mahinang nilalang," bulong niya. "Ang bilis mong malasing, Arroyo."
Tinaasan ko siya ng hinlalato bago ako muling bumalik sa tinatagay ko. "'Yan lang ang lamang mo sa akin, Kuya Abnuy."
"Kuya Abnuy?"
Bigla kaming natigilan nang may umalingawngaw na sigaw mula sa direksyon ni Alex.
"Hala ka! Noah, Adam, tingnan ninyo ito, dali," bulyaw nito.
Nahihilo pa ako habang tumatayo samantalang mabilis na tumakbo si Adam sa direksyon ni Alex. Sa halip na sa banyo magtungo si Adam ay nakita nitong nakatayo si Alex sa pinto ng kwarto ko.
"Bakit? Anong meron?" tanong ni Adam.
"Ayan, tingnan mo!"
Kasunod lamang ako ni Adam at sabay kaming napatingin sa tinuturo ni Alex. Sa isang sulok ng kuwarto kung saan nakaayos ang extra na foam na hihigaan ko sana ay nakayuko si Ethan.
Mahimbing na natutulog.
Nagkalat sa higaan ang suka nito.
Napakamot sa buhok niya si Alex. Mabalas itong tumakbo papasok at pinagsisipa si Ethan. Nang walang makuhang reaksyon ay agad na inalalayan ni Alex si Ethan patayo.
"Pasensya na kayo. Walang hiya lang talaga itong si Ethan."
"Nako, okay lang," sagot ko habang tumatawa sa pinto.
"Sige, iuuwi ko na ito," saad ni Alex. Napatingin ito sa kanyang relo bago kami muling nilingon. "Andyan na rin siguro ang sundo ko. Baka mas lalo pa itong magkalat."
"Sige, ingat kayo," paalam ni Adam.
Tuluyan na ngang umalis ang dalawa. Kinuha ko ang floor mop sa labas at gumegewang pa akong bumalik sa kuwarto. Pagbalik ko ay inalis na ni Adam na ang cover ng higaan para malinis agad ito. Napalingon ito sa akin. Tila umiikot ang buong paligid habang pinipilit kong tumayo.
"Akin na nga iyan. Humiga ka na doon. Ako na ang bahala dito!" bulyaw niya. Masungit na naman ang mukha nito habang tinatangka akong alalayang maglakad.
"Huwag ka ngang magulo, kaya ko na ito," pilit ko.
"Ang tigas ng ulo mo, bro. Amin na!" naiinis na saway ni Adam.
Nagpanting na naman ang tainga ko sa salitang binanggit niya.
"Ako na... Bro!"
"Akin na sabi, eh!"
Sa pag-aagawan namin ay natumba kaming pareho sa kama. Nakahiga ako sa kama habang nakapatong naman si Adam sa sa ibabaw ko.
Sa aking harapan ay ang paborito kong pares ng bughaw na sapiro. Mga mata ng pamilyar na binata na katagpo ko lagi sa ilalim ng puno. Ang mukha nitong kanina pa naiinis ay biglang nagliwanag at nagsimulang mamula dahil sa sobrang lapit sa akin.
Lasing na ata talaga ako. Sa aming posisyon ay tila tumigil ang oras. Nakarinig ako ng mabilis na pagtambol habang may huni ng mga ibon sa paligid.
"Lub dub. Lub dub. Lub dub."
"Ang guwapo mo talaga, Kuya," hindi ko napigilang sambit.
Nakangiti pa rin ako habang bakas sa mukha niya ang pagtataka. Kinalabit ko ang ilong ni Adam hanggang sa tuluyan na akong napapikit. Mabilis siyang napalayo. Sa mababaw kong idlip ay pinilit kong imulat ang aking mga mata.
Nakayuko si Adam habang naiinis. May tinatakpan siya sa kanyang harapan. Parang sumikip ang suot nitong pantalon.
"Ouch! Tangina, ito na naman?" reklamo ni Adam.
Gusto ko nang matulog. Ngunit pinipilit kong gisingin ang aking diwa sa pag-aalalang muling maglaho ang binatang nasa harapan ko.
Muli siyang tumalikod. Pinilit niyang kumilos at tapusin ang paglilinis. Pati ang mga pinag-inuman sa labas ay kanya ring niligpit. Matapos magbihis ay napatingin si Adam sa kama.
"Hay, saan ako matutulog nito? May suka ang extrang foam. Maliit lang ang mga upuan sa sala. Hindi naman ako pwede sa sahig," rinig kong reklamo niya.
Napatingin ito sa aking direksyon. Tila inaaral niya ang aking mukha. Pansin ko ang bahagyang pagngiti ng kanyang mga labi sa pag-aakalang tulog na nga ako.
Nag-aalangan pa itong lumapit. Marahan itong humiga sa aking tabi. Agad naman akong napatayo nang maalalang siya nga pala ang itinakda kong matulog sa kama bilang aking panauhin.
"Nako, sorry. Sa foam nga pala ako matutulog," paalam ko nang maalimpungatan. Ako ay lasing pa rin habang pinipilit kong tumayo.
"May vomit ang foam. Dito na tayo pareho matulog," yaya ni Adam. Nakahiga na si Adam at naiinis sa nahihilo kong kilos.
"Lilinisin ko," pilit ko. Nagtangka akong tumayo.
"Ang kulit mo!"
Hinila ako ni Adam bago pa ako makatayo. Agad akong napatumba at sumubsob sa dibdib niya. Dahan-dahan kong inangat ang aking mukha. Napalunok ako ng laway. Ilang sentimetro na lang ang layo ng mga labi namin. Nakita ko kung paano niya binasa ang kanyang makakapal na labi. Agad ko siyang nginitian at kinalabit ang ilong niya.
"You're always so naughty, Kuya," natatawa kong sambit bago muling mapahiga sa tabi niya.
Iniwan ko siyang tulala samantalang ako ay umayos na ng puwesto sa kama.
"Kuya?" pagtataka ni Adam. "Badtrip, ganoon na ba ako katanda?"
Hindi ko siya sinagot. Nakaunan ako sa aking mga kamay habang nakaharap sa kanya. Nakatagilid kaming pareho at nakatapat sa isa't isa.
Napansin ni Adam na nakangiti pa rin ako kahit gusto ko na talagang humimbing.
"Ah, eh, bro? Gising ka pa?" tanong ni Adam. Pinipilit ko siyang tignan. Hindi niya napansin na wala na ang kanyang pagkainis habang nakatitig sa mukha ko. "Hey, Noah-"
"Po?" sagot ko.
"Maka po ka naman. About sa pinag-uusapan natin sa inuman kanina. Talaga bang may ka-long distance relationship ka?"
Natatawa na lang ako sa tanong ni abnuy. Hindi ko alam kung totoo na ba ang mga nangyayari.Hindi ko sigurado kung siya nga ba talaga ang nagsasalita. Sa baba ng tolerance ko sa alak ay madalas hindi ko na alam ang mga ginagawa o mga naririnig ko sa tuwing malalasing.
"Gusto mo ba talagang malaman?" nakangiti kong bulong.
"Eh... Oo, sana," sabi ni Adam.
Sinubukan ko siyang tignan. Ngunit malabo na ang aking paningin. Naaninag ko lamang ang isang pamilyar na mukha ng isang binata na laging malungkot.
Kusang gumalaw ang kamay ko. Dinala ng kalasingan ang aking mga palad patungo sa malambot na pisngi ng binatang katabi ko.
"Meron," aking tugon.
Wala akong sunod na narinig. Purong katahimikan ang sumalubong sa akin. Tila may malamig na hangin umikot sa pagitan naming dalawa.
Aalisin ko na sana ang kamay ko sa kanyang pisngi nang magulat ako sa sunod niyang ginawa. Pinigilan niya ang kamay ko at lalo niyang idinikit sa kanyang mukha.
"Sino ba ang karelasyon mo? Kababata mo ba? From your previous school?" sunud-sunod niyang tanong.
Pinilit kong gumising. Gusto kong siguraduhing ang may topak na Adam ng kausap ko. Maging ako ay nagtataka na rin sa kanyang mga kinikilos.
Nang medyo luminaw ang aking paningin ay nakita ko siyang muli. Hawak niya ang aking kamay. Ang mga mata niyang nakatitig sa akin na tila nag-aabang ng kasagutan.
Sa pag-aakalang siya ang Kuya Adam na mula sa hinaharap ay nagsimula akong ngumiti. Lalo kong nilapit ang mukha ko sa kanya. Inisip kong mabuti ang aking sasabihin ngunit iba talaga ako kapag nasa impluwensya ng alak.
"Ikaw, dummy!" bulong ko.
Hindi ko alam kung narinig ba niya dahil tuluyan na akong nakatulog.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top