KABANATA 19: Tropa ng Manlalakbay | Malaya

MALAYA

ILANG ARAW na magmula nang simulan ni Malaya at ng tatlo niyang kasama ang kanilang paglalakbay patungo sa siyudad ng Polarcus. Una silang nakarating sa bayan ng Polesin kung saan sila sandaling nagpahinga at bumili ng karagdagang pagkain at kagamitan. Ibang-iba ang lugar na 'to kung ikukumpara sa kanilang puweblo. Mas maraming gusali na yari sa bato at marmol. Sementado ang mga pangunahing kalsada. Marami ring mga karwahe at kariton na dumaraan.

"Pwede ho bang magtanong, manong?" sabi ni Aya sa tindero ng prutas sa bukana ng bayan. "Meron ba kayong nakita na mga lalaking nakakabayo at may kasamang isang babae na kulay asul ang mga mata?"

"Pasensya na, ineng. Sa dami ng mga pumapasok at lumalabas ng bayan, hindi ko na tanda kung ang hinahanap mo ang nakita ko," sagot ng lalaking napakamot ng ulo. "Marami rin kasing manlalakbay at mga dayo rito araw-araw. Mahihirapan kang hanapin ang mga 'yon maliban na lamang kung sobrang sikat siguro."

"Aya," mahinahong tawag ni Miro.

Hindi pa rin sumusuko si Aya sa paghahanap sa kanyang ate. Nagtanong-tanong na rito ang mga tauhan ni Punong Generoso mula sa puweblo at wala rin silang nakalap na bakas kung saan dinala ang ate niyang si Mayumi. Ngunit umaasa pa rin siya na susuwertehin siya at may makukuha siyang impormasyon sa bayan.

Sa halip na magpahinga bago ang mahaba-habang paglalakbay, tumulong sina Miro, Avel at Elio sa pagtatanong-tanong sa iba't ibang mamamayan. Sa kasamang palad, wala silang nakuha na kahit anong detalye. Karamihan sa mga sagot ay "Hindi ko alam," "Wala akong napansin," o "Maraming ganyan na dumaraan dito."

Nagpatuloy ang kanilang pagtatanong hanggang sa sumapit na ang gabi. Tumuloy sila sa bahay-panuluyan na nasa bukana ng bayan. Dahil kakaunti lamang ang kanilang dalang mercs, kinailangan nilang tipirin 'yon hanggang sa makarating sila sa Polarcus.

Isang kuwarto na may dalawang kama ang kanilang inupahan para sa gabing 'yon. Dalawa ang magtatabi sa bawat kama. Wala sanang problema sa ganitong arrangement ngunit hindi pantay ang bilang ng mga lalaki at babae. Tatlo ang mga lalaki—Miro, Elio at Avel—habang iisa ang babae—Aya.

"Diyan ka na sa kama, Aya," sabi ni Miro sabay kuha sa unan. "Dito na ako sa sahig."

"Eh?" pagulat na reaksyon nito. "Hindi ka ba malalamigan niyan? Wala namang problema sa akin kung magkatabi tayong matulog. May tiwala naman akong wala kang gagawing masama."

"Ano ka ba? Lupa ang elemento ko kaya hindi problema sa akin ang pagtulog sa sahig," nakangiting tugon ni Miro.

"Sus!" nang-aasar na hirit ni Elio. "Itong si Miro, kunwari nahihiya pang—" At binato siya ng unan, dahilan upang matigil ang kanyang pang-iintriga.

Wala namang problema kay Aya kung magtatabi silang magkaibigan sa kama. Matagal na niya itong kilala. Matagal na rin silang magkasama. Tiwala siyang nasa ligtas siyang kalagayan kapag nasa paligid niya si Miro. Ngunit nirerespeto ni Aya ang desisyon ng kanyang kababata kaya hinayaan na niya ito.





BAGO PA man sumikat ang araw at tumilaok ang mga manok, bumangon na agad si Aya at niyugyog ang mga kasama para gisingin. Mas mainam na maglakbay nang ganito kaaga bago pa uminit ang panahon.

"Hoy, Elio! Huwag ka nang tatamad-tamad diyan!" sigaw nito na parang magulang. "Bumangon ka na kaya! Maaga ka namang natulog kagabi, 'di ba?"

"Ano ka ba, Aya? Ang aga-aga pa, eh!" Tinakpan ni Elio ng unan ang mukha. Siya na lamang ang nakahiga sa kanilang apat. "Mamaya na tayo kumilos! Hindi naman tayo tatakasan ng Polarcus, eh."

Pasimpleng tinadyak ni Miro ang lupa kaya umangat ang kamang kinahihigaan ni Elio. Bumangon na ang binata at hinabol ang gumising sa kanya. Natawa naman si Avel sa gilid, nagpamalas ng ngiti na nagpapula sa pisngi ni Aya.

Nang natapos na ang habulan, nagsiligo ang apat at nagpalit ng damit bago bumaba ng bahay-panuluyan. Kinuha na nila ang kanilang mga kabayo sa kuwadra, sinakyan ang mga iyon at umalis na ng bayan. Nagpatuloy ang kanilang paglalakbay patungong Polarcus.

Ilang araw din ang kakailanganin bago marating ang kanilang destinasyon. Daraanan pa nila ang Darsche, ang pinakamalaking probinsya sa Kaharian, 'tapos ay makararating na sila sa kabisera. Tuwing may madaraanang ilog o lawa, sandali munang nagpapahinga ang apat at kukuha ng sariwang tubig sa kani-kanilang lalagyan. Tuwing titirik na ang araw, sisilong muna sila sa ilalim ng malalaking puno, maghahanap ng makakain sa malapit at magpapahinga.

Gano'n ang naging gawain ng apat na manlalakbay mula sa Polesin. May isa o dalawang pagkakataon pa nga na kinailangan nilang maghanap ng sapin at matulog sa labas dahil hindi nila narating ang pinakamalapit na bayan. Deretso ang tulog ni Aya habang salitan ang mga lalaki sa pagbabantay sa kanilang maliit na tulugan.

"Hoy, Avel!" tawag ni Elio. "Sigurado ka bang hindi pa tayo naliligaw?"

Dahan-dahang lumutang si Avel hanggang sa maabot ang tutok ng matayog na puno. May hawak-hawak siyang mapa na ipinabaon sa kanila ni Punong Generoso. "Sinusundan ko ang mga palatandaan dito sa mapa. Mukhang tama ang landas na tinatahak natin."

Tumingala si Aya sa kanya. Pakiramdam niya'y masuwerte sila dahil may kasama silang gaya ni Avel na kayang lumipad at tingnan mula sa ere ang kanilang ruta. Kung si Miro o Elio lamang ang kasama niya, malamang ay naligaw na ang kanilang grupo.

"Isa o dalawang araw na lamang, mararating na natin ang Polarcus," sabi ni Avel pagkababa niya mula sa ere. "Meron akong nakitang isang kampo sa norte sa 'di-kalayuan. Baka pwede muna tayong makisilong at magpahinga roon? Sa tantiya ko'y manlalakbay rin sila gaya natin."

"Sana'y may masarap silang pagkain," bulong ni Elio. "Sawa na 'ko sa prutas na kinakain natin halos araw-araw. Kailangan ko ng karne! Kailangan ko ng kanin!"

"Wala tayong magagawa," komento ni Miro. "'Yon lamang ang pagkain na makukuha natin dito sa labas. Hindi rin natin pwedeng ubusin ang mercs na ipinagkatiwala sa atin ni Punong Generoso."

"Dapat kasi nagpasobra tayo para pwede tayong gumastos nang higit pa sa kailangan!" padabog na reklamo ni Elio. "Tingnan n'yo, nahihirapan tuloy tayong namnamin ang paglalakbay na 'to. Kailangan natin maging matipid. Kailangan natin maging masinop. Maraming bawal!"

"Isipin mo na lamang na bahagi ito ng pagsasanay natin," mahinahong sabi ni Avel.

"Pagsasanay? Paanong pagsasanay? Sa pagtitipid? Paano makatutulong 'yon sa torneo?"

"Sa displina."

"Alam n'yo, kaysa mag-aksaya tayo ng laway rito, tumuloy na tayo patungo sa kampo," suhestiyon ni Miro. "Mas maaga tayong makararating doon kung ipopokus natin ang ating enerhiya sa paglalakad at babawasan natin ang pagsasalita."

"Ewan ko ba rito kay Elio. Masyadong madaldal," patutsada ni Aya. "Miro, pwede ka bang lumikha ng pantapal sa bibig gamit ang lupa?"

"Pwede naman. Gawan ko na ba si Elio?"

"Oo na, oo na! Mananahimik na ako!"

Nagkasundo na ang apat at ipinagpatuloy ang kanilang paglalakbay. Tirik pa rin ang araw kaya tagaktak ang kanilang pawis. Inabot ng hapon bago nila natanaw ang ilang tolda sa 'di-kalayuan. Kulay kahel na ang kalangitan—saktong palubog na ang araw—nang sila'y nakarating doon.

"Bale sinong kakausap sa kanila para hayaan tayong magpahinga riyan?" tanong ni Elio at saka lumingon sa mga kasama. "Hindi pwedeng basta-basta natin papasukin ang kanilang kampo. Baka pagtatagain tayo ng mga 'yan."

"Ikaw ang pinaka-madaldal at may kumpiyansa sa ating apat. Dapat ikaw siguro," sagot ni Miro. "Ang kapal ng mukha mo minsan kaya hindi magiging problema sa 'yo."

"Ayos na ako sa may kumpiyansa 'tapos dinagdagan mo pa," balik ni Elio. "Minsan, kailangan mong maging mayabang para mapansin ka at makuha mo ang gusto mo. Hindi sapat ang kapal ng mukha. Teka, ibang usapan na 'to. Parang hindi ako bagay na kumbinsihin sila na patuluyin tayo."

"Ako na lamang," sabi ni Avel sabay taas ng kamay niya. "Kailangang mahinahon nating kausapin ang mga taong iyon para mas tumaas an tiyansa na pagbigyan nila tayo."

"Hulog ka ng langit, Avel!" puri ni Elio. "Siya na ang kakausap, ha?"

"Samahan na kita!" habol ni Aya na lumapit kay Avel. "Baka mas magiging epektibo kung dalawa tayo."

Ngumiti sa kanya ang binata. "Sige, mas mabuti pa nga."

Naunang naglakad ang dalawa patungo sa entrada ng mga tolda. May dalawang lalaking nakabantay roon na gusgusin ang mga suot na damit. Abala sila sa pagkain ng mansanas at pagkukuwentuhan hanggang sa mapansin ang lalaki't babae na lumapit sa kanila.

"May kailangan ba kayo?" tanong ng lalaking may makisig na pangangatawan. Tumayo siya at ipinagkrus ang mga braso. "Ano'ng sadya n'yo rito?"

"Magandang hapon po!" bati ni Aya na may kasamang ngiti. Umasa siya na ang pagiging mabait niya ay makatutulong sa kanilang misyon. "Kumusta ho kayo?"

"Mga manlalakbay kami mula sa Polesin," dugtong ni Avel sabay turo sa mga kasama niya. Kumaway si Elio habang ngumiti si Miro. "Patungo kaming Polarcus para lumahok sa isang paligsahan doon. Malayo-layo na rin ang nilakad namin ngayong araw."

"Itatanong sana namin kung maaari bang magpahinga muna kami at palipasin ang gabi rito sa kampo n'yo?" malumanay na tanong ni Aya. "Pangako, aalis din kami agad pagsikat ng araw bukas."

"Galing kayo ng Polesin? Ang layo n'on, ah! 'Tapos patungo kayong Polarcus? Seryoso kayo?" tanong ng matangkad na lalaki. "Medyo magulo ro'n ngayon."

"Oo nga!" dagdag ng kasama niya. "Pinatay 'yong hari 'tapos pinatay 'yong maraming senador! May mga gusali pang nasira! Sobrang higpit na nga ngayon do'n, eh!"

"Nahirapan nga kaming makalabas ng siyudad sa sobrang istrikto na. Mabuti nga't nakapuslit pa kami."

"Kailangan ho naming makarating do'n agad, eh," paliwanag ni Avel. "Papapasukin naman siguro kami kapag nalaman ng mga bantay ang sadya namin."

"Kaya kailangan talaga namin ng mapaglilipasan ng gabi," dugtong ni Aya. "Malayo pa ang susunod na bayan kaya kayo lamang ho ang mahihingan namin ng tulong. Parang awa n'yo na, mga manong."

"Teka, itanong ko muna sa pinuno namin," sabi ng lalaki bago siya pansamantalang nagpaalam sa apat. Ilang minuto rin ang hinintay bago siya nakabalik sa labas. "Magandang balita! Pumayag ang pinuno namin na magpalipas kayo ng gabi rito. Karangalan para sa amin na makasama ang mga gaya n'yo."

Lumawak ang ngiti sa labi ni Aya habang napabuntonghininga ang mga kasama niya. Hindi kasi niya alam kung tatalab ba ang kanyang pagmamakaawa sa kanilang kausap. Sakaling hindi palarin, pwede silang matulog sa labas ngunit mas ligtas kung sila'y nasa kampo.

Pinatuloy na ang apat sa kampo. Napagmasdan nila ang apat na malalaking tolda na nakatayo. May mga kabayo at baka sa isang gilid. May mga kariton din na may iba't ibang laman na kahong magkakaiba ang laki. Inihatid sila ng lalaki sa pinakamalaking tolda. Hinawi nito ang tabing at pinapasok ang apat sa loob.

"Kayo pala ang magiging panauhin namin sa gabing 'to," sabi ng babaeng may suot na panakip sa kaliwang mata. "Kadalasa'y hindi kami pumapayag na may makituloy sa amin para palipasin ang gabi. Pero no'ng nalaman kong taga-Polesin kayo, nagbago ang aking isipan. Sino ba naman ang magtutulungan kung hindi tayo-tayo rin?"

"Taga-Polesin din kayo?" tanong ni Elio.

"Ipinanganak ako at lumaki sa Polesin hanggang sa tumuntong ako sa edad na sampu. Teka, nakalimutan kong magpakilala sa inyo. Ako nga pala si Rubeo, ang pinuno ng grupong 'to. Isa kaming grupo ng manlalakbay na dumarayo sa iba't ibang bahagi ng Arcerea para magbigay saya at aliw sa mga mamamayan. Nabalitaan n'yo na ba ang mga insidente sa Polarcus?"

Sabay-sabay na tumango ang apat.

"Higit sa ngayon, kailangan ng mga tao ang distraksyon mula sa nakapangingilabot na reyalidad," dugtong ni Rubeo. "Kaya kami nandito ngayon. Balak naming pumunta sa pinakamalaking bayan sa Darsche para doon susunod na magdala ng saya. Siya nga pala, ano ang mga pangalan n'yo?"

"Ako nga po pala si Aya."

"Ako naman si Miro."

"Elio!"

"Avel naman ang ngalan ko."

"Ikinalulugod namin kayong makilala," sabi ni Rubeo. "Osia, bakit hindi natin bigyan ng upuan at maiinom ang mga panauhin natin? Nakahihiya naman sa mga kapwa ko taga-Polesin kung hahayaan natin silang mangawit at mauhaw!"

Dinalhan ng tig-iisang baso ang apat at binuhusan ang mga 'yon ng katas mula sa prutas. Ilang sandali pa silang nagtanungan at nagkuwentuhan bago sila inihatid sa isa pang tolda kung saan sila mananatili at makapagpapahinga.





PAGSAPIT NG dilim, inanyayahan ang apat na samahan ang grupo sa hapunan. May apoy na sinindihin at pinalibutan ng mga kasama ni Rubeo. Inabutan nila ng mangkok ang mga kabataan. Mainit-init pa ang sopas na inilagay roon. Tahimik na kumakain ang lahat hanggang sa naisipan ni Aya na magbato ng tanong. Baka dito na niya mahanap ang sagot.

"Meron ho ba kayong nakasalubong na tatlong lalaki na may kasamang babae nang paalis kayo ng Polarcus? Halos kamukha ko po 'yong babae. Pareho kaming may asul na mga mata."

"Tatlong lalaki?" Lumingon si Rubeo sa mga kasama niya. May mga umiling, may mga nagkibit-balikat. "Marami na kaming nakasalubong na ibang manlalakbay kaya hindi namin masabi kung ang mga tinutukoy n'yo ba ay ang mga nakita namin."

"Meron kasing insidente sa Polesin," kuwento ni Miro sabay baba ng mangkok niya. "May apat na tagatugis na biglang sumulpot para atakihin at dukutin kami. Nakaligtas kaming apat, pero isa sa amin ay nahuli at tinangay nila. Ang duda nami'y dinala siya sa kabisera."

"Ate ko ang dinukot nila," dagdag ni Aya, natulala sa mangkok na kalahati pa ang laman. "Hindi ko alam kung ano ang pakay ng mga lalaking 'yon, ngunit nangako ako sa aking sarili na hahanapin ko sila at ang ate ko."

"Teka," singit ng babaeng kasama ni Rubeo, "sabi n'yo may apat na tagatugis. Pero tinanong n'yo kung may nakita kaming tatlong lalaki. Hindi yata pareho ang bilang. Nagkamali ba kayo o . . ."

Tumingin kay Aya ang mga kasama niya. Siya ang dahilan kung bakit nabawasan ng isang kasama ang apat na tagatugis. Ngunit dapat ba nilang ipabatid kung paano niya nagawa 'yon?

"Nahuli namin ang isa nilang kasama," salo ni Miro. Nabaling sa kanya ang tingin ni Aya. Hindi niya kinailangang magsinungaling, ngunit ginawa pa rin niya.

"Hmmm . . ." Napahawak si Rubeo sa kanyang baba, pinaglalaruan ang tubig sa baso niya. "May nakasalubong kaming tatlong lalaki na mukhang armado pagkalabas namin ng Polarcus. Pero wala silang kasamang babae. Ang tanging dala-dala nila ay isang malaking kahon na nasa kariton."

Nagkatinginan si Aya at ang mga kasama niya. Hindi man tumugma ang sinabi ni Rubeo sa kanilang hinahanap, malakas ang kutob niya na posibleng isinilid sa nabanggit na kahon ang kanyang ate. Hindi basta-basta maipapasok ng mga dumukot si Mayumi sa kabisera nang hindi nakatago at nakabusal ang bibig o nakatali ang mga kamay o paa. Ang importante'y alam niyang posible ngang nasa Polarcus ang nakatatanda niyang kapatid.

"Baka pwede n'yong pagtanong-tanong sa mga guwardiya ro'n," payo ni Rubeo. "Dahil sa paghihigpit ng seguridad sa siyudad, bawat pagpasok at paglabas ay binabantayan. Hindi ka basta-basta makapapasok kung hindi mo sasabihin at lalagdaan ang isang papel kung sino o saan ang sadya mo."

"O kung hindi makatulong ang mga guwardiya, baka pwede n'yong hanapin ang isang sikat na tracker doon."

"Isang tracker?" Nagawi ang tingin ni Aya sa babaeng kulot ang buhok at kayumanggi ang balat.

"Criselda, tinutukoy mo ba 'yong lalaking nanloko sa 'yo?" tanong ni Rubeo, pinipigilan ang pagtawa.

Tumango ang babaeng tinawag niya. "Akala ko talaga nahulog agad ang tingin niya sa akin. 'Yon pala, kumakalap lang siya ng impormasyon tungkol sa isang insidente. Huli na nang nalaman kong sikat at magaling pala siya sa paglutas ng mga kaso sa siyudad."

"Saan namin siya matatagpuan?" tanong ni Aya. "At ano'ng pangalan niya?"

"Hindi ko alam kung saan, pero baka pwede n'yong ipagtanong-tanong kung saan makikita ang tracker na si Lucius. Matangkad siya, matipuno ang pangangatawan, kulay itim ang buhok at may itsura din. Baka matulungan niya kayo sa paghahanap. Kung makita n'yo siya, pakisampal siya para sa 'kin."

Tinandaan ni Aya ang paglalarawan ni Criselda. Sakaling mahirapan siya sa paghahanap sa ate niya, baka ang lalaking nabanggit ang makatulong na padaliin 'yon.

Pagkatapos ng kanilang hapunan, nagsibalik na sa kani-kanilang tolda ang mga tao sa kampo. Mabuti't may mga sobrang banig na ipinamahagi sa apat. Pinilit ni Aya na makatulog nang maaga dahil maaga rin ang kanilang alis, ngunit hindi siya nahimbing dahil sa mga impormasyong nalaman niya.

Nakita niya ang pag-asang magkita ulit sila ng kanyang ate.

Bago pa man sumikat ang araw, bumangon na ang apat at nagpaalam sa bantay sa labas. Nagpatuloy na sila sa kanilang paglalakbay patungong Polarcus.

Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito? Ibahagi ang inyong komento rito sa comment section o sa Twitter gamit ang hashtag na #ArcaneWP!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top