KABANATA 14: Unang Hakbang | Malaya
MALAYA
ANG PAG-ASA ni Malaya ay parang tubig na tumatagas sa basong may butas—unti-unting nauubos. Ilang araw na ang lumipas mula noong dukutin ang kanyang ate, ngunit hanggang ngayo'y wala pa rin silang natatanggap na balita tungkol kay Mayumi. Maging ang mga ipinadalang tiktik sa siyudad ay wala ring naiulat na bagong impormasyon kung saan dumaan ang mga tagatugis.
Wala nang ibang mapagpipilian pa si Aya kundi paghandaan ang kanyang pagpunta sa posibleng pagdadalhan sa ate niya: sa Polarcus, ang kabisera ng Kaharian. Ni minsa'y hindi niya pinangarap na dumayo roon kahit gaano pa ito kaganda ilarawan ng mga taong nakadalaw na. May mga makikipagpatayan pa nga upang magkaroon ng gano'ng pagkakataon, ngunit hindi siya kabilang sa mga 'yon. Ngunit sa ayaw man niya't sa hindi, kailangan niyang magtungo roon. Para sa kanyang ate.
Ilang araw na siyang nag-eensayo sa labas ng puweblo. Ngayo'y nakaupo siya sa harapan ng isang batis, nakakrus ang mga binti at magkalapit ang mga palad na tila papalakpak siya. Nakapikit ang kanyang mga mata at inilubog ang isipan sa mga alaalang nakapagpapakalma sa kanya. Inalala niya ang masasayang tagpo kasama ang kanyang ama't ina, ang mga asaran niya at ng kanyang ate, at ang mapayapang buhay bago sila napadpad sa puweblo.
May namuong maliit na bola ng tubig sa espasyo sa pagitan ng mga palad niya. Unti-unti itong lumalaki sa paglipas ng bawat segundo. Mas kalmado siya, mas lumalaki ang bola. Halos singlaki na ito ng kamao.
"Aya, nasaan ka na?"
"Aya, tulungan mo ako!"
Biglang binaha ng nakababahalang guni-guni ang isipan ni Aya. Tila nakita niya ang nagmamakaawang mukha at narinig ang halos mapaos na boses ni Yumi. Iniling niya ang kanyang ulo, pilit na nilabanan ang nasa isipan. Nawala ang imahen, ngunit umalingawngaw pa rin sa kadiliman ang boses ng kanyang ate.
Sa halip na lumaki, lumiit nang lumiit ang bola na nalikha niya.
Slap!
"Aray!" inda ni Aya, napamulat ang mga mata at tuluyang naglaho ang pinaghirapan niyang bola ng tubig. Napahawak siya sa kanyang namulang pisngi. Iniangat niya ang tingin at tumitig sa mukha ng babaeng kanina pa siya pinagmamasdan. Nakaupo rin ito sa kanyang harapan, nakakrus ang mga binti at ilang dipa ang layo mula sa kanya. May nakatabing tungkod sa gilid nito.
"Hanggang ngayon, nahihirapan ka pa ring ipokus ang atensyon mo?" tanong ni Auria, isa sa mga residente ng puweblo na nagkusang-loob magturo sa kanya. Mas maigsi ang buhok nito, abot panga ang haba. Hindi rin ito nalalayo sa edad ng ate niya. "Ilang araw na tayong pabalik-balik sa unang leksyon, ah?"
"Pasensya na—"
Slap!
Muling nasampal sa mukha—ngayo'y sa kabilang pisngi naman—si Aya. Hindi kinailangan ni Auria na gamitin ang kanyang kamay para manampal o ang kanyang tungkod para tamaan ang estudyante niya. Isang kumpas ng kamay ay sapat na para ipadama ang kanyang pagkayamot. Kasingbigat ng kamay niya ang hangin na tumama sa mukha ni Aya.
"Hindi ko kailangan ang paumanhin mo." Nakataas ang isang kilay ni Auria. Iniabot niya ang kanyang tungkod at tinulungan ang sarili na tumayo. Napangiwi siya nang mapatapak sa lupa ang isa niyang paa. "Ang kailangan ko ay magpokus ka nang lubusan para mapabilis ang pagkontrol mo sa iyong kapangyarihan."
Ang akala niya ba'y gano'n kadaling magpokus? tanong ni Aya sa kanyang isipan. Kung kayang basahin ni Auria ang iniisip niya, malamang ay nasampal na naman siya. "May bumabagabag kasi sa akin kaya naaantala ang pagpopokus ko. Mabilis naman akong nakalilikha ng bola ng tubig, eh."
"Kung gano'n, iwaksi mo kung anuman ang bumabagabag sa 'yo!" Itinuro siya ni Auria gamit ang tungkod. "Ganyan din ang problema ko kay Avel noon. Masyado siyang maraming iniisip. Minsan mabibigat pa nga ang mga alalahanin niya kaya nahirapan siyang lumutang. Tingnan mo siya ngayon. Kasing natural ng paghinga ang paglutang niya."
Narinig na noon ni Aya na ang masungit na si Auria ang nagturo kay Avel kung paano maging mahusay na aerocaster. Nasabik nga siya nang nalaman na pareho ang kanilang guro. Kaso hindi niya inasahan na sasampalin siya ng hangin sa tuwing magkakamali siya. Napaisip siya kung ilang beses nasampal ng hangin sa mukha si Avel bago ito natuto.
Bumuntong-hininga si Auria, sandaling ipinikit ang mga mata. "Kailangan mo muna sigurong banlawan ang isipan mo para mawala kung anuman ang bumabagabag sa 'yo."
"Ano'ng ibig n'yong sabihin—"
Whoosh!
Sa isang kumpas ng kamay ng kanyang guro, biglang tumilapon si Aya mula sa kinauupuan sa lupa patungo sa batis. Tumilamsik ang tubig nang bumagsak siya roon. Napahilamos siya ng mukha pagkaahon niya. Nabasa ang suot niyang damit at may tumutulong tubig sa kanyang buhok.
Humarap sa kanya ang guro niya, hawak ng parehong kamay sa harapan ang tungkod. "Huwag kang aahon diyan hangga't hindi ka nakagagawa ng bolang tubig sa isang kisap-mata."
Araw-araw, gano'n ang uri ng pagsasanay na pinagdaraanan ni Aya. Minsa'y naisipan na niyang sumuko at mamuhay na lamang nang matiwasay sa puweblo. Ngunit alam niyang hindi niya magagawa 'yon. Hindi siya basta-basta patatahimikin ng konsensya niya kung siya'y nagpapahinga habang ang kapatid niya'y nahihirapan kung saan man ito dinala.
Hindi siya susuko. Wala sa bokabularyo niya ang salitang "suko." Mas pipiliin niyang tiisin ang mga sampal ni Auria kaysa pabayaan ang kanyang ate. Walang sinabi ang pinagdaraanan niya sa posibleng panganib na kaharapin ni Yumi.
Nagpalutang-lutang si Aya sa batis, nakatingala sa maaliwalas na kalangitan habang pinagmamasdan ang mabagal na pagtawid ng mga ulap. Ipinikit niya ang kanyang mga mata't dinama ang pagdaloy ng tubig sa paligid niya. Dahan-dahang kumalma ang isip niya habang pinakikiramdam ang tahimik na daloy nito. Wala siyang ibang inisip kundi ang tubig na kalmadong tumatangay sa kanya.
Itinaas niya ang kanyang mga kamay at muling nagpokus. Hindi muna niya iminulat ang kanyang mga mata. Dinama niya ang mabagal na agos ng tubig at ang kalmadong tunog nito. Hindi muna niya inisip ang kanyang ate at ang kanilang pamilya. Napagtanto niya sa tuwing nagugunita niya ang masasayang tagpo kasama ang mga kaanak, sinusundan ito ng mapapait at nakababahalang alaala. Minabuti niyang iba na lamang ang isipin.
Kalma ka lamang, Aya. Maging kasing kalmado ka ng tubig na 'to.
Nang bumukas ang mga mata niya, mas malaki pa sa kanyang kamao ang nalikha niyang bola ng tubig. Malawak na kumurba ang labi niya. Sa wakas! Napatayo siya't umahon na sa batis. Nagmadali niyang ipinakita kay Auria ang kanyang nagawa.
"Nakita mo na?" komento ng guro niya. "Kung iwawaksi mo ang mga bagay na nagdudulot sa iyo ng pangamba, mas mapadadali ang pagtuon mo ng atensyon. Para sa mga hydrocaster na gaya mo at ni Yumi, dapat ay gaya ng batis na 'yan ang iyong isipan: tahimik at malumanay na umaagos. Sa tuwing may pagkabahala kang nararamdaman, bumibilis ang agos at nagmimistulang daluyong hanggang sa hindi mo na makontrol."
Nagpatuloy sa ganitong klase ng pagsasanay si Aya. Sa bawat araw ay pabilis nang pabilis ang paglikha niya ng bolang tubig. Kailangan lamang niyang alalahanin kung ano ang iniisip at pakiramdam niya habang nakalutang para gumana ang kanyang kapangyarihan. Ngunit hindi pa rin siya nakaligtas sa mga sampal ng kanyang guro sa tuwing nagkakamali siya.
Sa sumunod na araw . . .
"Ang susunod na leksyon natin: ang manipulasyon ng mga elemento," sabi ni Auria na nasa nakagawian niyang katayuan. "Ang unang natutunan mo ay ang konsentrasyon o pangongolekta ng maliliit na partikulo hanggang sa makabuo ka ng bolang tubig. Ang pangalawa nama'y pagkontrol o paghubog sa elementong nariyan na sa paligid natin."
Kumunot ang noo ni Aya. Nakatayo siya sa batis at nakababad ang mga binti sa malinaw na tubig.
Inipit ni Auria sa pagitan ng mga binti ang tungkod niya. Pareho niyang itinaas ang kanyang mga kamay nang magkaharap ang mga palad. May namuong bola ng hangin sa pagitan nito. "Heto ang nakasanayan mong konsentrasyon." Nawala ang bola at saka kumumpas ang kanang kamay niya. "Heto naman ang manipulasyon."
Isang marahang sampal ang tumama kay Aya. Napahawak siya sa kanyang kaliwang pisngi. Hindi na 'yon kasingsakit ng dati. Nagtaka siya kung sinadya bang mahina ang sampal o namanhid na ang kanyang mukha sa kasasampal ng kanyang guro.
Naalala ni Aya na gano'n ang kadalasang ginagawa ng kaibigan niyang si Miro. Hindi na ito bumubuo ng bolang yari sa buhangin. Kinokontrol na lamang nito ang mga batong pakalat-kalat sa tabi at ipinaghahagis sa mga kalaban.
"Ngayon, ikaw naman!" Ngumuso si Auria sa tubig na nasa paanan ni Aya. "Kontrolin mo ang tubig sa paligid mo."
Napatitig si Aya sa umaagos na batis sa paanan niya. Ngayon pa lamang niya susubukang kontrolin ang tubig. Ilang beses na niyang napanood ang ate niya na gawin 'yon. Sa unang tingin ay mukhang madali. Ngunit ngayong siya na ang nasa gano'ng posisyon, hindi niya alam ang gagawin. Pakiramdam niya'y hindi niya kaya.
"Isipin mo na kaya mong hawakan ang tubig kahit hindi ito pisikal na nahahawakan ng mga kamay mo," turo ni Auria. "Isipin mong may isa ka pang kamay na hindi mo nakikita na mas mahaba at mas malaki."
Naningkit ang mga mata ni Aya at itinutok ang kanang kamay sa tubig. Gaya ng sinabi ng kanyang guro, inisip niyang may isang kamay pa siya na abot ang batis. Huminga siya nang malalim bago niya biglang ikinumpas ang kamay pataas. May ilang butil ng tubig ang sumama sa pagtaas nito.
"Eh?" Bahagyang nabasa ang suot niyang pang-itaas.
"Huwag kang masyadong seryoso! Talagang hindi kakapit ang mahika mo!" sigaw ni Auria. Mabuti't hindi niya sinampal si Aya sa pagkakataong 'to. "Alalalahanin mo kung ano ang iniisip at nararamdaman mo tuwing nagpopokus ka para makagawa ng bolang tubig. Gano'n din dapat ang maiisip at mararamdaman mo tuwing mamanipulahin mo ang elemento!"
"Kaya mo 'yan, Aya!"
Umangat ang tingin ni Aya sa puno kung saan nakasilong ang tatlo pa niyang makasasama sa torneo: sina Miro, Avel at Elio. Muli siyang nabuhayan ng loob nang malamang sinusuportahan siya ni Avel.
"Oo nga! Kaya mo 'yan!" sunod na sigaw ni Miro, tila ayaw magpatalo sa nauna sa kanya.
Muling huminga nang malalim si Aya at ipinikit ang mga mata. Nakakahiya kung hindi ko magagawa ang ganitong kasimpleng bagay . . . lalo na sa harap ni Avel. Pagmulat ng mga mata, marahan niyang ikinumpas pataas ang kanang kamay. Isang latigo ng tubig ang sumunod mula sa batis at tumama sa mga batong nasa harapan niya.
"Mukhang nakukuha mo na!" sigaw ni Auria. "Sige pa!"
Nabaling ulit ang tingin ni Aya kay Avel bago pumikit. Inalala niya ang kanyang paglutang sa batis at ang pakikiisa ng katawan niya sa daloy nito. Sa kanyang pagmulat, marahan na naman niyang ikinumpas ang kanyang kamay pataas. Mas maramig tubig na ang tumilamsik kumpara sa una niyang subok.
"Magaling!" Pumalakpak si Auria. "Ipagpatuloy mo lamang 'yan hanggang sa mas mabilis at mas tumagal ang pagkontrol mo sa tubig."
SA IKAAPAT na araw ng pagsasanay, nakatayo na naman sa batis si Aya habang kaharap niya si Auria. Sa paglipas ng mga araw, nabawasan ang bilang ng mga pagsampal sa kanya. Dala na rin ng kanyang motibasyon at inspirasyon kaya nagsumikap siyang matuto.
"Ang susunod na leksyon natin: ang transpormasyon o paghubog ng elemento. Nagawa mo nang lumikha, nagawa mo nang kumontrol. Ngayon, oras na para bigyang-anyo mo ang elementong gamay mo."
Napasimangot si Aya. Naalala niya ang araw na inatake sila't dinukot ang kanyang ate. Bago ang masaklap na sandaling 'yon, ipinakita muna sa kanya ni Yumi kung paano nito binigyan ng porma ang bolang tubig na nilikha niya noon.
"Elio!" tawag ni Auria sabay lingon sa likuran. "Bakit 'di mo pakitaan si Aya kung paano ang transpormasyon ng mahika mo?"
Nagmadaling tumayo at lumapit ang nakangising pyrocaster sa may batis. Dismayado si Aya. Umasa siya na si Avel ang ipatatawag ng kanyang guro.
Inilahad ni Elio ang kamay niya at sa isang kisap-mata, may bola ng apoy na nabuo roon. "Una, ipokus mo ang iyong kapangyarihan sa kamay mo. 'Tapos, kapag pakiramdam mo'y sapat na ang lakas nito . . ." Humaba at numipis ang bolang apoy hanggang sa magmukhang latigo. Iwinasiwas niya 'yon sa paligid, muntik pang matamaan sina Aya at Auria. "Mag-isip ka ng hugis o anyo na gusto mong gayahin. Para sa 'kin, mas pinili ko ang latigo dahil mahaba ang abot nito at madaling mabaluktot."
"Para sa patimpalak na sasalihan n'yo, mas mainam kung makaisip ka ng sandata," dagdag ni Auria. Isa-isa niyang pinagtuturo ang mga lalaking nanonood. "Kay Elio ay latigong apoy, kay Avel ay sibat na hangin, kay Miro ay guwantes na lupa . . . at kay Yumi ay espadang tubig."
Napakamot si Aya nang nalaman ang napiling sandata ng kanyang ate. Nakita niya na 'yon dati, ngunit parang may hindi siya maintindihan. "Paano magagamit ang espada na gawa sa tubig sa isang labanan? Baka tumagos lamang sa kalaban ang talim n'on."
"Depende sa antas ng konsentrasyon. Mas siksik ang mga partikulong bumubuo sa espadang tubig, mas makasasakit ito sa sinumang matatamaan. Ang maganda pa sa piniling armas ng ate mo, hindi basta-basta mababasag o mapuputol ang espada. Depende sa kontrol niya, pwedeng tumagos ang talim sa anumang sandata o pananggalang at direktang maatake ang kalaban."
"Mas mabuti kung pumili ka ng sandata na babagay sa 'yo at madali mong makokontrol." Biglang naglaho ang nag-aalab na latigo na hawak ni Elio. "Siguro'y huwag masyadong mabigat at malaki para hindi ka mahirapan."
"Hindi mo kailangang sundin kung ano ang pinili ng ate mo," dugtong pa ni Auria. "Basta ang importante'y maging komportable ka sa paggamit nito at kaya mong patagalin ang porma nito sa 'yong kamay."
Inilahad ni Aya ang kanang palad niya at kalmadong tinitigan 'yon. Isang bolang tubig ang nabuo. Patuloy ang paglutang nito habang pinagmamasdan niya. Wala pa siyang ideya kung anong hubog ng sandata ang gusto niyang gayahin ng tubig.
Latigo rin ba gaya kay Elio? Pwede, ngunit wala 'yong orihinalidad. At sa lahat ng maaaring pagkopyahan, si Elio ang pinakahuli sa listahan niya.
Paano kung sibat gaya kay Avel? Gustuhin man niyang magtugma sila, hindi niya alam gamitin ang gano'ng sandata. Ni hindi pa nga siya nakahahawak ng tunay na sibat.
Paano kung guwantes gaya kay Miro? Madaling dalhin dahil didikit lamang sa kamay niya ang tubig. Ang problema'y hindi siya marunong makipagsuntukan o makipaglaban nang harapan.
Ano pa ba'ng pwede kong gamitin? tanong ni Aya sa sarili. Ayaw ko namang gayahin si ate. Tsaka hindi rin ako marunong mag-espada.
Nag-isip pa siya ng ibang opsyon hanggang sa may napili siya. Hindi niya alam kung tama ba 'yon, ngunit mas mabuti nang meron kaysa wala.
Nahati sa dalawa ang bolang tubig, 'tapos nahati pa ulit. Nagkaroon ng apat na maliliit na bolang lumulutang sa palad ni Aya. Naging manipis at matulis gaya ng kutsilyo ang mga 'yon. Halos magsalubong ang kilay ng mga kasama niya nang nabaling ang tingin sa kanya.
"Ano 'yan, Aya?" nagtatakang tanong ni Miro.
"Uhm . . ." Sa halip na sumagot, ibinato ni Aya sa malayo ang mga patalim na gawa sa tubig. Sinundan ito ng tingin ng mga kasama niya.
"'Yon na ba 'yon?" tanong ni Elio, mukhang hindi napabilib. "Parang nagtapon ka lamang ng tubig—"
Ikinumpas patalikod ni Aya ang kanyang kanang kamay. Mabilis na bumalik sa direksyon niya ang mga patalim, muntik pa ngang madaplisan si Elio. Sa sobrang bilis ng galaw ng mga 'yon, hindi niya nagawang kontrolin para pigilan. Tumama ang dalawa sa mukha niya, habang lumampas ang dalawa pa. Sumabog ang mga tubig sa buhok at mukha niya bago siya tuluyang bumagsak sa batis. Nawalan siya ng malay.
"AYA!"
Agad na tumakbo at saka tumalon sa batis si Miro. Hindi naman gano'n kalalim ang pinagbagsakan ni Aya, ngunit sa asta ng kaibigan, tila nasa peligro ang buhay niya. Dinala siya sa tabing-ilog at maingat na ibinaba ang katawan sa lupa.
"Mukhang kailangan niya pang paghusayan ang pagkontrol para hindi na siya muling tamaan sa mukha," natatawang sabi ni Auria.
SA MGA sumunod na araw, nagpatuloy sa pag-e-ensayo si Aya hanggang sa humusay na siya sa pagkontrol ng tubig. Ilang beses pa siyang nasampal ng hangin ni Auria at natamaan sa mukha ng mga patalim niya gawa sa tubig. Sa bandang huli, nagbunga ang lahat ng oras at pagod niya. Kumpara noong nagsisimula pa lamang siya, mas bumuti na ang kanyang kakayahan.
Dumating ang araw na pinakahihintay ng mga taga-puweblo ng Polesin. Nagtipon-tipon ang mga residente nito sa plasa sa pangunguna ni Punong Generoso. Mala-piyesta ang datingan dahil may mga banderitas, may mga pagkain, at may bandang tumutugtog na ang tanging gamit ay pagkumpas sa hangin.
At ang mga bida sa tagpong 'yon? Ang apat nilang sugo sa torneo. Tumayo sina Aya, Miro, Avel at Elio sa entablado kung saan tanaw ang mga nakangiti at masasayang mukha ng mga residente. May mga kumakaway sa kanila. May mga sumisigaw ng kanilang mga pangalan. May mga nagpapabatid ng pagpapala.
Hindi alam ni Aya kung ano ang kanyang mararamdaman. Sa isang banda'y sabik siya dahil matutuloy na ang paghahanap sa kanyang ate sa kabisera. Sa kabilang banda nama'y kinakabahan siya dahil wala siyang ideya kung ano ang naghihintay sa kanila sa patimpalak.
"Huwag kang mag-alala," bulong ni Miro nang napansing nanginginig ang mga kamay at tuhod ng babaeng kaibigan. "Nandito ako. Nandito kami. Hindi ka nag-iisa."
Lumingon si Aya sa kanya at sumagot ng matamis na ngiti. Bahagyang napawi ang pangamba niya at gumaan ang kanyang loob. "Maraming salamat, Miro."
"Hahanapin natin ang ate mo," dagdag ni Avel. "Hindi tayo aalis ng Polarcus kahit matapos na ang torneo hangga't hindi natin siya nakikita."
Ngumiti rin si Aya sa kanya bago mabilis na ibinaling ang ulo sa ibang direksyon. Ramdam niya ang pag-iinit at pamumula ng pisngi. Daig pa yata niya ang nasampal ni Auria.
At 'yon ang dapat niyang tandaan. Hindi siya nag-iisa sa paglalakbay na 'to. May tatlo siyang kasama na nandyan para gumabay sa kanya. May masasandalan siya sakaling siya'y magkaroon ng problema.
Lumapit si Punong Generoso sa apat at may iniabot na nakatuping papel na may tali. "Narito ang aking mga habilin. Bubuksan n'yo lamang ang sulat na 'yan kapag nakasalamuha n'yo na ang sugong magpapakita sa inyo ng kulay asul na balahibo ng ibon sa Polarcus."
Nagkatinginan ang apat na sugo, nagtaka sa kakaibang panuto sa kanila.
"Puno, bakit hindi pa namin maaaring buksan ngayon?" tanong ni Elio, napakamot tuloy ng ulo. "Pinapakaba n'yo pa kami, eh!"
"Siya lamang ang makapagbubukas niyan. Kapag sinubukan n'yong buksan ang sulat, mabubura ang bawat titik sa loob. Magmumukhang isang blangkong papel 'yan kapag nagka-gano'n. Kaya huwag na huwag n'yong susubukang buksan."
Si Aya na ang tumanggap sa sulat. Mabilis niya itong sinuri. Sa kahit anong anggulo tingnan, tila walang espesyal sa ginamit na papel o pantali. Hindi rin niya naramdaman na may mahika o kahit anong kakaiba rito.
"Parang isang malaking lihim ang nakapaloob diyan, ah?" bulong ni Miro. Napaangat ang tingin niya mula sa sulat patungo sa kulubot na mukha ng matanda. "Gano'n ba kasensitibo ang nilalaman nito, Puno?"
"Ito ang tunay na misyon n'yo sa Polarcus. Sana'y maintindihan n'yo kung bakit ganito ako kaingat. Sa oras na mapasakamay 'yan ng mga hindi karapat-dapat, malalagay tayong lahat sa peligro. Hindi lamang tayo na taga-Polesin, kundi maging ang mga taga-ibang puweblo. Kaya pakaingatan n'yo sana."
Isa-isa silang niyakap ng kanilang puno, maging ni Auria na nagturo sa kanila.
Hindi naiwasang mapasimangot ni Aya. Siya dapat ang yumayakap ngayon kay Yumi at pinapaalalahanan na mag-ingat sa paglalakbay patungong Polarcus. Si Yumi dapat ang pinupuri ng mga residente, hindi siya. Si Yumi dapat ang aalis, hindi siya.
Ngunit wala na siyang magagawa kundi tanggapin ang kanyang kapalaran at gampanan ang kanyang responsibilidad bilang kahaliling sugo.
"Pagpalain nawa kayo ng mahabaging Arcanus," sabi ni Punong Generoso.
Bumaba na sa entablado ang apat at sinimulan ang paglalakad palabas ng puweblo. Sila'y sinalubong ng sunod-sunod na mga pagbati at pagkaway. Sumunod sa kanila ang dalawang bantay na maghahatid sa kanila sa siyudad ng Polesin, ang unang lugar na kanilang daraanan patungong kabisera.
Bumuntonghininga si Aya at napahawak sa dibdib. Sana'y nasa maayos kang kalagayan, ate.
Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito? Ibahagi ang inyong komento rito sa comment section o sa Twitter gamit ang hashtag na #ArcaneWP!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top