KABANATA 08: Pagdanak ng Dugo | Malaya
MALAYA
ANG PUWEBLO ay isang bukas na kulungan. 'Yan ang tingin ni Malaya sa komunidad na ipinatayo para sa kanila. Oo, meron na silang lugar sa lipunan. Meron na silang mauuwian pagkatapos ng isang nakapapagod na araw. Hindi na nila kailangang magtago sa mga kagubatan at kabundukan. Hindi na nila kailangang tumakbo tuwing may maririnig na kaluskos sa 'di-kalayuan. Ngunit may kulang pa rin.
Sa kanilang paninirahan doon, sila'y nahiwalay sa mga bayan at siyudad kung saan pwedeng makihalubilo sa iba pang mamamayan. Kailangan pang maglakbay ng kalahating oras para makarating doon. Maaari nilang bisitahin ang siyudad ng Polesin anumang oras nila nainisin. Ngunit kailangan ba talaga nilang bumukod? Tila meron silang taglay na nakahahawang sakit kaya inihiwalay sila sa ibang tao.
Mapagbigay naman ang Kaharian. Hindi lamang puweblo ang itinayo para sa mga tinugis. Pinagkalooban din sila ng malawak na lupain na pwedeng pagtamnan ng iba't ibang prutas, gulay at namumungang puno. Pwede rin silang mangisda sa malawak na dagat na tanaw mula sa puweblo.
Ang Polesin ay probinsya sa pinaka-kanluran ng isla. Ito ang nagsisilbing sentro ng kalakalang pandaigdigan dahil sa mga pier nito. Bago sumiklab ang digmaan, dito nagpapalitan ng mga kalakal ang Kaharian, ang Imperyo ng Yuan at ang Alyansa ng Eurosia. Dahil sa digmaan, isinara ang mga pier at ngayo'y nakadepende na sa pangingisda ang probinsya. Kapag may sobra sa kanilang huli, ibinebenta ang mga 'yon sa karatig na probinsya ng Darsche, ang sentro ng lokal na kalakalan.
Kaya tuwing may pagkakataong makalabas, hindi 'yon pinalalampas ni Aya. Minsan, sumasama siya sa mga mangangalakal na nagtutungo sa siyudad. 'Di hamak na mas malaki ang lungsod ng Polesin—mas maraming gusali at mas maraming tao. Minsa'y lumalabas siya kasama ang kanyang ate para manghuli ng mga hayop. May gubat sa silangan ng puweblo na sampung minuto lamang ang layo.
Sa araw na 'to, sinamahan niya ang kanyang ate at ang iba pang sugo ng Polesin para sa kanilang pagsasanay. Hindi lamang siya magpapalipas ng oras, gusto rin niyang matuto kung paano makontrol ang kanyang kakayahan. Bago pa siya matatakan sa palad, laro lamang ang tingin niya sa mahika. Ngayong isa na siyang ganap na arcaster, minabuti niyang seryosohin 'yon lalo na't tila walang kasiguraduhan ang kapalaran ng mga tinugis gaya niya dulot ng pagpanaw ng hari.
"Malapit na ang torneo, kaya dapat puspusan na ang ensayo natin!" sigaw ni Mayumi, nakakrus ang mga braso at palakad-lakad sa harapan ng tatlong lalaki. Bilang nakatatanda, siya ang tumatayong pinuno ng grupo. "Kung gusto nating manalo at mabiyayaan ang puweblo natin, kailangang maging mas mahusay ang pagkontrol natin sa mga elemento."
Nasa lilim ng mayabong na puno si Aya, nakaupo at pinapasa-pasa sa kamay ang bola ng tubig. Naisipan niyang ihagis 'yon kay Elio bilang katuwaan, ngunit hindi na niya tinuloy. Baka makagambala siya sa diskusyon. Huwag muna ngayon. Mamaya na, kapag hindi na nakatingin ang ate niya.
"Teka, Yumi!" Nagtaas ng kamay si Elio. "Hindi pa tayo sigurado kung matutuloy ang torneo, 'di ba? Wala pa tayong natatanggap na balita mula sa kabisera kung isusulong nila 'yon. Baka pwedeng huwag muna nating pagurin ang ating mga sarili?"
Sa limang kabataan na nasa kagubatan, si Elio ang pinaka-kakaiba sa kanila pagdating sa itsura. Una, ginto ang kulay ng buhok niya na nagmumukhang alab ng apoy kapag natatamaan ng liwanag ng araw. Halos karamihan ng mga nakatira sa puweblo ay kulay itim ang buhok. Pangalawa, hindi hamak na mas maputi ang kanyang balat kumpara sa mga kasama niya na kayumanggi ang kutis.
May mga usap-usapan noon sa puweblo tungkol sa pinanggalingan ni Elio. Miyembro raw ng maharlika ang ama nito sa kabisera habang ang ina niya'y kaanak ng mga tinugis. Tinangka raw ng ama na isuplong siya at ang kanyang ina sa mga tagatugis, ngunit nagawa ng dalawang makatakas mula sa kabisera at nagtago sa Polesin hanggang sa ilabas ang Proklamasyon ng Reparasyon ng yumaong Haring Bennett.
"Matuloy man o hindi ang torneo, kailangan nating patuloy na magsanay." Huminto si Yumi sa tapat ni Elio. "Sa sitwasyon ngayon, kailangan nating maging handa sa mga posibilidad. Alam n'yo na siguro kung ano ang ibig kong sabihin. Kung magpapabaya tayo, tayo rin ang malalagot."
Pumutok ang bolang tubig na lumulutang sa kamay ni Aya. Naantala ang kanyang konsentrasyon. Para maayos niyang makontrol ang kanyang mahika, hindi dapat maapektuhan ng kahit anong negatibo ang puso at isipan niya. Sinubukan niyang lumikha ulit ng bolang tubig, ngunit nahirapan siya. Nang nagawa niya, mas maliit 'yon kaysa sa una. Ginagambala siya ng isang nakatatakot na posibilidad.
Tatlong araw na ang lumipas mula nang nabatid nila ang pagpanaw ng butihing hari. Nagpatawag agad ng pulong ang puno ng puweblo. Nagsimula na kasing gumapang ang takot sa puso ng mga tinugis. Nanumbalik na naman ang kagipitan na kanilang dinanas noon. Pinaalalahan niya ang bawat isa na maging kampante at mapagmatyag habang sila'y naghihintay ng panibagong balita mula sa kabisera.
Nagsilbing kalasag ang Proklamasyon ni Haring Bennett para sa mga tinugis na nakatira sa mga puweblo. Maliban sa pabahay at pangkabuhayan, mahigpit na ipinagbawal ang panghuhuli o pagmamaltrato sa kanila. Mabigat ang parusang ipapataw para sa mga lalabag nito. Ngayong pumanaw na ang hari, hindi malayong ituring na kapirasong papel na lamang ang Proklamasyon na maaaring pagpira-pirasuhin ng mga taong gusto silang mawala sa mundo.
Hindi kaaya-aya ang kinabukasan para sa kanila.
Simula noong gabing 'yon, nadagdagan na ang mga nagbabantay sa puweblo. Dati'y lumilipas lamang ang dilim sa pagpikit ng kanilang mga mata. Ngayon, hindi na. Wala ni isa sa mga naninirahan doon ang mahimbing na nakatutulog. Pwede silang atakihin anumang oras. Maging si Aya'y hindi na maayos na nakapagpapahinga magmula noon.
Sakali mang lumala ang sitwasyon, kakailanganin nina Aya, Yumi at ng iba pang tinugis na lumaban at depensahan ang mga sarili nila. Nangako sila na hindi na sila basta-basta magpapaapi. Marami nang nagbago mula noon. Hindi na magiging madali ang trabaho ng mga tagatugis.
"Ngayong araw, magkakaroon tayo ng duelo para makita natin kung hanggang saan ang ating kakayahan." Muling naglakad-lakad si Yumi sa harapan ng tatlo. "Kailangan nating sanayin ang ating mga sarili na makalaban ang iba't ibang elemento. Miro at Avel, kayo ang unang magtatapat. Elio, tayo naman ang kasunod."
"Talagang ako ang pinili mo?" Tila nagningning ang mga mata ni Elio. "Sabi ko na nga ba, may gusto ka talaga sa 'kin—"
Splat!
Ibinato ni Aya sa mukha ni Elio ang pinaglalaruan niyang bola ng tubig. May kalayuan ang agwat niya rito, ngunit nagawa pa rin niyang ipatama ang bola eksakto sa target niya. Bumagsak ang bangs nito at napapunas ng mukha. Para tuloy itong naghilamos nang wala sa oras.
"Sumisimbolo ba 'yon ng pagsangyon mo, Aya?" Sinuklay ni Elio ang ginintuan niyang buhok gamit ang mga daliri. "Mukhang gusto rin ako ni Yumi kasi ako ang pinili niya. Pwede namang si Miro o kaya si Avel. Pero ako talaga—"
"Tubig ang papatay sa apoy," singit ni Yumi. "Dapat masanay ka na kalabanin ang gaya ko. Paano kapag may nakaharap kang hydrocaster sa torneo? E 'di talo ka na agad?"
"Pwede bang ka-love-anin na lamang—"
Splat!
Muli siyang binato ng tubig ni Aya. Tumindig ang bawat balahibo ng katawan niya sa banat nito.
"Miro! Avel! Pumuwesto na kayo!" tawag ni Yumi. "Elio, tumabi ka muna riyan kung ayaw mong madamay." Tinungo niya ang puno kung saan nakaupo si Aya at tumabi sa nakababatang kapatid. "Sino sa tingin mo ang mananalo?"
Lumingon si Aya sa dalawang lalaki sa harapan na ilang hakbang ang layo sa isa't isa. Sa kanyang kaliwa nakapuwesto si Miro. Pansin niya kahit sa malayo ang maiitim at malalaking bilog sa ilalim ng mga mata nito. Isa ang kaibigan niya sa mga boluntaryong nagpapatrolya sa puweblo tuwing gabi. Hindi basta-basta makalilimutan ni Miro ang gabing sumalakay ang mga tagatugis at pinaslang ang mga magulang niya.
Sa kanan naman nakatayo si Avel. Teka, hindi na pala nakatayo—lumulutang na ang mga paa at sumasayaw kasabay ng hangin ang buhok nito. Wala masyadong alam si Aya tungkol sa buhay niya. Ninais niyang magtanong dati, ngunit napangungunahan siya ng hiya tuwing tatangkaing makipag-usap sa lalaki. Maliban sa pag-alis sa puweblo, isa si Avel sa mga rason kung bakit sumasama si Aya sa pagsasanay ng kanyang ate.
Ang kanyang kaibigan o ang lalaking gusto niya? Sino ang susuportahan at papalakpakan ni Aya? Sino sa tingin niya ang magwawagi sa dalawa? Wala siyang maisagot sa ate niya. Wala rin sa kapangyarihan niya ang malaman kung sino ang lamang. May gusto siyang panigan, ngunit paano naman ang isa pa? Ayaw niyang may magtampo sa dalawa.
"Ganito kaya?" Hininaan ni Yumi ang boses nito. "Kapag nanalo si Avel, ipagtatapat mo ang nararamdaman mo sa kanya."
"Eh?" gulat na tugon ni Aya sabay baling ng tingin sa ate niya. "B-Bakit ako magtatapat kay Avel? Ano ba'ng pinagsasabi mo, ate?"
Lumawak ang ngiti sa mga labi ni Yumi, siniko pa sa tagiliran ang kapatid. "Huwag ka na ngang magmaang-maangan diyan. Akala mo ba, 'di ko napapansin kung gaano katagal ang titig mo kay Avel tuwing nanonood ka ng ensayo namin? Sumasama ka lamang yata kasi nandito siya?"
"M-May masama ba kung titigan ko siya nang matagal? Kasalanan ba kung mamangha ako sa kanya—este, sa galing niya?" Ang hindi alam ni Aya, namumula na parang kamatis ang kanyang mukha.
"Ay, sus! Ate mo ako, Aya. Hindi mo ako basta-basta mapapaniwala sa mga palusot mo. At saka, dumaan na ako sa ganyang karanasan. Alam ko na ang kahulugan ng mga ganyang titig."
"W-Wala namang kahulugan! I-Ikaw lamang ang nagbibigay ng malisya sa mga titig ko! E, ikaw ate? Baka may gusto ka kay Elio kaya lagi mo siyang binabara?"
"Naku! Nililihis mo pa ang usapan!" Ginulo ni Yumi ang buhok ng kapatid. "Kapag nalaman 'to ni Miro, tiyak na masasaktan 'yon."
"Si Miro, masasaktan?" inosenteng tanong ni Aya. Wala siyang kamuwang-muwang kung bakit biglang nabanggit ang kaibigan niya. "Bakit naman?"
"Wala! Huwag mo na lamang pansin ang huling sinabi ko," sagot ni Yumi sabay lingon sa dalawang lalaki sa kanilang harapan. "Hoy! Ano pa'ng hinihintay n'yo riyan? Lumubog ang araw? Simulan n'yo na!"
"Pasensya na!'" sigaw ni Miro at saka sumulyap kay Aya. "Hinihintay kasi namin ang senyales mula sa 'yo!"
"Sandali!" Mabilis na tumayo si Yumi at nagmadaling tumakbo papunta kay Miro. May ibinulong siya rito at sabay na napatingin ang dalawa sa kanyang nakababatang kapatid.
"Ano?!" Nanlaki ang mga mata ni Miro, muling napasulyap sa walang muwang na si Aya. Nagbato naman ng kunot-noong tingin ang dalaga.
"Malinaw na usapan natin 'yan, ah?" Kinindatan siya ni Yumi. "Kaya galingan mo kung 'di . . . alam mo na."
"Teka, hindi pa ako pumapayag! Bakit naman kasi—"
Ngunit hindi na siya pinansin ni Yumi. Bumalik na siya sa tabi ni Aya sa lilim ng malaking puno.
"Ano'ng ibinulong mo kay Miro?" kunot-noong tanong ng nagtatakang kapatid. "Bakit gano'n ang reaksyon niya?"
"Basta!" nakangiting sagot ng ate niya. "Ginawa kong mas kapana-panabik ang laban na 'to."
Halos magsalubong ang mga kilay ni Aya. Wala siyang makukuha na matinong sagot mula sa kanyang ate, kaya ibinaling na niya ang tingin sa dalawang lalaki. Muli siyang lumikha ng bolang tubig na pinagpasa-pasahan ulit ng dalawa niyang kamay.
"SIMULAN N'YO NA!"
Umangat pa si Avel sa ere at itinaas ang kaliwang kamay. Kumuyom ang kamao niya na parang may hinawakang bagay na hindi basta-basta makikita ng mga pangkaraniwang mata. Ibinato niya 'yon sa kinatatayuan ng kalaban. Ngunit mabilis ang galaw ni Miro. Agad na kumumpas ang kanang kamay niya't kinontrol ang malaking bato sa gilid. Imbes na ihagis 'yon kay Avel, sa ere niya idinerekta. May tinamaan ang bato kahit wala namang nakalutang.
"Walang seryosong sakitan, ah? May torneo pa tayong lalahukan!" sigaw ni Yumi. Pagkababa ng mga kamay niya, tumingin siya sa kanyang kapatid. "Kita mo ba ang mahabang sibat ni Avel? Kung hindi naharangan ni Miro, baka natuhog na siya n'on."
"Sibat?" ulit ni Aya. Nanliit ang mga mata niya't sinubukang hanapin ang sibat, ngunit wala siyang napansin sa paligid.
"Hindi mo basta-basta makikita kasi hindi nakikita ng mga mata natin. Halos. Kung alam mo kung saan dapat itutuon ang atensyon mo, makikita mo ang anyo ng inipong mahika ni Avel. Matalas ang mga mata at pandinig ni Miro kaya napansin niya agad."
Nalito si Aya kung kanino siya mamamangha. Ito ang unang beses na narinig niya ang sibat na hangin ni Avel. Hindi rin niya maitatanggi na magaling ang pangontra ni Miro doon. Muli niyang itinuon ang kanyang atensyon sa dalawang lalaki.
Sunod-sunod na naghagis si Miro ng mga bato kay Avel na patuloy sa pag-angat sa ere. Wala ni isa sa mga 'yon ang tumama sa kanya. Sa bawat bato ni Miro, kinukumpasan lamang 'yon ni Avel gamit ang kaliwa nitong kamay.
Napagtanto ni Aya na dehado ang kaibigan niya. Hindi nakatapak sa lupa si Avel, kaya hindi basta-basta magagamitan ni Miro ng mahika ng lupa. Hindi rin matatamaan si Avel dahil madali lamang nitong iiwasan ang mga ibabato sa kanya.
'Yon naman ang punto ng duelo na 'to: pagtapatin ang mga arcaster na may magkaibang elemento at subukan kung makahahanap sila ng paraan upang mautakan ang lamang na kalaban.
Huminga muna nang malalim si Miro bago hinampas ang palad niya sa lupa. Biglang umusbong mula sa kinaluluhuran niya ang hagdang gawa sa buhangin na naglapit sa kanya sa lumulutang na si Avel. Sinubukan siyang patumbahin nito mula sa kinatatayuan gamit ang malakas na bugso ng hangin, ngunit hinarangan niya 'yon gamit ang pananggalang na yari sa mga bato. Sinubukan pang umangat ni Avel, ngunit hindi na niya kaya. Kinakapos na siya ng hininga.
Hindi nagtagal, naabot na ni Miro ang posisyon ng katunggali. Tumalon siya mula sa umangat na hagdang buhangin at umunday ng suntok sa mukha nito. Nawalan ng konsentrasyon at balanse si Avel, dahilan para siya'y mahulog mula sa taas. Ngunit inalalayan siya ni Miro gamit ang pagpapalambot sa lupang babagsakan nito.
Pigil-hiningang pinanood ni Aya ang laban. Hindi niya inasahang itotodo ng kanyang kaibigan ang mahika nito para maabot ang katunggali. Kahanga-hanga man ang taktika, alam niyang malakas ang epekto n'on sa katawan ng kaibigan. Paniguradong masakit agad ang pali nito. Tama nga siya. Napahawak sa tagiliran si Miro at napangiwi pagkababa sa lupa.
"Mukhang ayaw patalo ni Miro, ah?" nakangiting tanong ni Yumi, patango-tango habang pinagmamasdan ang binata. "Ayaw niyang patalo sa pustahan namin."
Pustahan? Itatanong sana ni Aya kung ano 'yon, ngunit baka hindi siya sagutin nang matino ng ate niya.
Tinulungan ni Miro na makatayo si Avel at tinanong kung ayos lamang ba ito. Nagpasalamat si Avel dahil sa buhanging sumalo sa kanya kaya hindi masyadong masakit ang paglagapak niya sa lupa.
"Isang puntos kay Miro!" sigaw na may kasamang palakpak ni Yumi. "Ikalawang tagisan na!"
Muling nagkaharap ang dalawang lalaki at pumostura na handang makipaglaban. Napalunok ng laway si Aya. Sandali siyang nakahinga nang maluwag, ngunit bumalik na naman ang tensyon sa paligid.
"Kapag bihasa ka na sa pagkontrol ng elemento mo, magiging tulad ka rin nila." Lumingon si Yumi sa kapatid. Pinanood niya ang paglutang ng bolang tubig sa kamay nito. "Ano na'ng kaya mong gawin maliban diyan?"
"Ganito pa lamang, ate." Tinitigan ni Aya ang bola hanggang sa mahati ito sa dalawang mas maliit pang bola. Sandaling nawala ang atensyon niya sa dalawang lalaking nagbabatuhan sa harapan. "Sinusubukan ko pang gumawa ng mas malaking bola."
Bahagyang itinaas ni Yumi ang kanang kamay niya, dahilan para mapunta sa kanya ang bolang tubig. Sinubukan itong bawiin ni Aya, ngunit hindi na nakabalik sa kanya. Doon niya napagtanto ang agwat ng kanilang kapangyarihan.
"Kapag mataas na ang antas ng pagkabihasa mo at may nakaharap ka na kasing elemento mo, magagawa mong kontrolin ang kahit anong ilalabas niya." Pinaglaruan ni Yumi ang bola sa kanyang kamay. Lalo pa iyong lumaki habang iginagalaw niya. "At saka huwag mong ikulong ang kapangyarihan mo sa iisang anyo."
"Paano 'yon, ate?"
Humaba at numipis ang bola ng tubig at nag-anyong latigo. "Tandaan mo na walang anyo ang tubig. Ikaw ang magdidikta kung ano ang magiging itsura nito. Susunod siya sa kagustuhan mo." Nag-anyong bloke ang tubig, 'tapos nag-anyong ulap.
Ibinalik ni Yumi sa kapatid ang tubig na nag-anyong bulaklak. Nang nakontrol na ulit ni Aya, nasira ang korte nito hanggang sa lumiit at bumalik sa pagiging bilog.
"Tuturuan kita mamaya kung paano mo mas madaling makokontrol ang tubig," sabi ng ate niya sabay kindat.
"Sige, ate." Bumalik na sa panonood ng laban si Aya. Mukhang wala pa namang natatalo o sumusuko sa dalawa. Ngunit may napansin siyang kakaiba.
"Sandali!" sigaw ni Miro sabay taas ng kamay kay Avel na muntikan na siyang hagisan ng kung anumang nabuo gamit ang hangin. Luminga-linga sa paligid ang binata, tila may hinahanap. Napagaya rin sa kanya ang mga kasama.
Nagmadaling tumayo si Yumi, sumeryoso ang ekspresyon ng mukha. "Ano'ng meron? Bakit kayo tumigil?"
Lumuhod si Miro sa lupa, sandaling ipinikit ang mga mata. Bumaba rin mula sa pagkakalutang si Avel.
"May nararamdaman akong paggalaw sa lupa. Tatlo? Hindi, apat na pares ng mga paa ng tao. Tapos . . . may apat na kabayo."
"Galing sa puweblo? Mga kakilala ba natin?"
Umiling si Miro. "Naka-bota ang mga 'to."
Mabilis na hinawi ni Yumi ang kanang kamay niya. Sumabay sa galaw nito ang paglitaw ng tubig na naghugis ahas. Tatlong metro ang haba nito at umikot sa kanya. "Aya, lumapit ka sa amin."
Walang tanong na tumakbo papunta sa kanya ang kapatid. Luminga-linga rin ito sa paligid, sinusubukang pakinggan kung meron nga bang mga taong papalapit sa kanila. Ngunit wala siyang naulinigan.
"Aya," tawag ni Miro. Namuo ang lupa at maliliit na bato sa kanang kamao niya. "Diyan ka lamang sa likuran ko. Huwag kang aalis diyan."
Tumango si Aya't napalunok ng laway. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari. Hindi niya alam kung ano ang susunod niyang gagawin. Kung may labanan mang magaganap, hindi pa siya gano'n kahanda upang makibaka. Hindi ito gaya ng kanilang laban kay Elio sa puweblo noong isang araw na katuwaan lamang. Seryoso ito, halata sa mukha ng ate niya.
"Meron yatang may balak na manggulo sa atin, ah?" Lumapit na rin si Elio at iwinasiwas ang nagliliyab na latigo. "Huwag na kayong magtago riyan! Lumabas na kayo't harapin kami rito!"
"Matutukoy mo ba kung saan sila?" tanong ni Yumi sa katabing lalaki.
Mariing umiling si Miro. "Hindi pa gano'n kahasa ang kakayahan ko. Masasabi ko lamang na may gumagalaw sa paligid, ngunit hindi ko maituturo kung saan galing. Pasensya na."
"Ako na ang bahala." Lumutang si Avel at mabagal na umikot sa ere. Tumingala sa kanya si Aya. "Parang may gumagalaw sa banda roon—"
Bang!
Bumagsak si Avel sa lupa, nakahawak ang kamay sa kaliwang braso. Umagos ang dugo at tumulo sa buhangin. Pagulong-gulong siya at walang tigil ang pag-aray. Umalingawngaw sa kagubatan ang pag-inda niya sa sakit.
"Avel!" Agad siyang nilapitan ni Aya at sinuri ang nagdurugong braso. Hindi bumaon ang bala sa braso—nadaplisan lamang—ngunit patuloy ang pagbulwak ng dugo. "B-Bakit walang tigil ang pagdurugo niya?"
"Balang kontra-arkano?" bulong ni Yumi sabay upo sa tabi ni Avel. Pinaikutan siya at ang mga katabi niya ng kanyang tinawag na tubig-ahas. Itinapat niya ang palad sa sugat ng binata at marahang pinaikot. May hinila siyang sinulid ng dugo mula sa sugat. "Kahit daplis, kaya nitong lasunin ang dugo natin. Kailangang matanggal ang lason bago pa kumalat sa katawan niya."
"A-Ano'ng mangyayari kapag hindi natanggal?"
Tumingin si Yumi sa kapatid, nawala ang ngiti na kanina'y sumasayaw sa labi nito. "Kailanma'y hindi na siya makagagamit ng mahika."
Hinaplos-haplos ni Aya ang buhok ni Avel, umaasang maiibsan nito ang sakit. Nabawasan naman ang pag-aray ng binata at mukhang kumalma na ang katawan.
Bang! Bang!
Iniangat ni Miro ang lupa upang magsilbing pananggalang. Hinarang nito ang dalawang bala na muntik nang tumama sa kanila. Hinampas niya ang pader na bato gamit ang kanang kamay, dahilan upang magkapira-piraso ito. Ibinato niya ang mga 'yon sa direksyon kung saan galing ang putok ng mga baril.
"LUMABAS KAYO!" sigaw niya. "MGA DUWAG!"
Pagtama ng mga bato sa puno, lumabas na mula sa pinagtataguan ang apat na lalaki. Sabay-sabay nilang itinutok ang mga hawak na rebolber kina Aya. Pare-parehong naka-sumbrero at nakasuot ng kapang yari sa balat ang mga ito.
"Mga tagatugis?!" Sinimulang iwinasiwas ni Elio ang kanyang nagliliyab na latigo habang si Miro'y nagpaangat ng pader mula sa lupa bilang proteksyon nito.
"Aya," tawag ni Yumi. "Ikaw na muna ang bahala kay Avel. Kailangan kong tulungan sina Miro at Elio. Huwag kang mag-alala, halos natanggal na ang lason sa katawan niya."
"A-Ano'ng pwede kong gawin?"
"Ipokus mo ang tubig sa sugat niya para mabigyan ng pressure at tumigil ang pagdurugo." Ipinasa sa kanya ng ate niya ang bola ng tubig na nakapatong sa sugat ni Avel. "Baka maubusan siya ng dugo kapag hindi natin naagapan."
Nanginginig na tumango si Aya at itinuon ang atensyon sa ngayo'y kontrolado na niyang bola ng tubig. Dala ng takot at pangamba, unti-unting lumiit ang bilog. Hindi 'yon maganda! Isinara niya muna ang kanyang mga mata at kinalmahan ang pag-iisip. Inisip niyang palutang-lutang siya sa dagat sa tabi ng Polesin. Kumalma na ang kanyang isipan.
Muli niyang iminulat ang kanyang mga mata. Lumaki na ang bola ng tubig at tumigil na ang pagdaloy ng dugo mula sa braso ni Avel.
Sandali niyang iginala ang kanyang tingin sa paligid. Pinipilantik ng kanyang ate Yumi ang tubig-ahas sa mga kalaban. Nilalatigo ni Elio ang kamay ng mga tagatugis upang mabitiwan ang mga hawak na rebolber. Naghahagis naman ng malalaking bato si Miro sa direksyon ng mga lalaki. Sunod-sunod ang pagputok ng mga baril, mabuti't nasasalag ang mga bala bago tumama sa kanila.
Pinanood ni Aya kung gaano katinding lumaban ang mga kasama niya, ngunit alam niyang may hangganan ang kanilang lakas. Napaluhod at napahaplos sa tagiliran si Miro habang napahawak sa dibdib si Elio. Tanging si Yumi ang nakatayo nang tuwid, ngunit maging siya'y napangingiwi na rin sa sakit.
Kung sanang kasing-lakas nila ako, isip ni Aya. Kung sanang kasing-galing nila ako . . . May magagawa ako sa sitwasyon na 'to.
"Don't aim at their heads or any of their vital organs! Shoot them in the arms or limbs!" sigaw ng isa sa mga tagatugis sabay bunot ng panibagong rebolber. "Our instruction is to capture, not to kill! We need to bring them alive to the capital!"
"Miro, Elio, itinakbo n'yo na sina Aya at Avel pabalik sa puweblo," utos ni Yumi. "Ako na'ng bahala sa mga 'to."
"Ate!" tawag ni Aya. "Ano ba'ng pinagsasabi mo riyan? Hindi mo sila kayang mag-isa!"
"Ano'ng akala mo sa amin, mga asong mababahag ang buntot?" tanong ni Elio. Inalis na niya ang pagkakakapit sa dibdib. "Hindi kita iiwang mag-isa rito!"
"Namin," pagtatama ni Miro. "Basta sama-sama tayo, matatalo natin ang mga 'yan."
"Huwag kayong maging hangal!" bulyaw ni Yumi, muling lumingon sa kanila. "Kita n'yo naman na may mga bala pa sila habang tayo, malapit nang mahapo sa pagod. Kung magpapatuloy ito, tayong lima ang matata—"
Bang!
"ATE!"
"YUMI!"
"ARGH!" Umalingawngaw sa kagubatan ang sigaw ni Yumi, napahawak nang mahigpit sa kanang braso niya. Nagulo ang hugis ng tubig-ahas na nakapalibot sa kanila. "UMALIS NA KAYO! AKO NA'NG BAHALA RITO!"
"Pero—"
"WALA NANG PERO-PERO!" Iwinasiwas ni Yumi sa tatlong tagatugis ang kanyang alaga. Muling bumalik sa hugis ang ahas, dumoble pa ang haba at laki. Pumulupot ito sa katawan ng mga kalaban.
Bang!
"ARGH!"
Sunod na tumama ang bala sa kanang braso ni Yumi. Tila pumutok ang tubig-ahas at naging daan-daang butil na bumasa sa mga tagatugis.
"YUMI!" Ihahampas na sana ni Miro ang palad niya sa lupa, ngunit biglang bumagsak ang katawan niya. Napahawak siya sa tagiliran at napaaray, mukhang hindi na kayang lumaban pa.
"TAKBO NA!" Sinubukang bumuo ni Yumi ng mga bolang tubig, ngunit agad na nawala. Sinubukan niya sa ikalawang pagkakataon . . . at sa ikatlo, ngunit naglaho ang mga iyon bago pa tuluyang mabuo. "TAKBO!"
"ATE!" Sunod-sunod na pinagbabato ni Aya ng mga bolang tubig ang mga tagatugis, paliit nang pallit sa bawat kumpas niya. Ayaw niyang iwan ang kanyang ate.
"TARA NA, AYA!" Bigla siyang kinarga ni Miro sa balikat nito. Tumawag muna siya ng pader na bato na nagsilbing harang habang sila'y tumatakbo palayo. Si Elio naman ang bumuhat kay Avel.
"Bitiwan mo ako, Miro!" Paulit-ulit na sinuntok ni Aya ang mga kamao niya sa likod ng kaibigan. Himalang hindi ito umaray. "Tutulungan ko si ate!"
"Hindi mo kaya, Aya! Mapapahamak ka lamang!"
"Pero paano na ang ate ko?! Hahayaan natin siyang mag-isa?! HA?"
Hindi nakasagot si Miro. Patuloy lamang ang kanyang pagtakbo.
Gumuho na ang pader na yari sa bato. Nasilayan ulit ni Aya ang kanyang ate na pinalilibutan ng apat na lalaki. Wala na itong malay. Pumito ang isa sa kanila't lumapit ang apat na kabayo. Isinampa roon ang katawan ng ate niya.
Umagos ang mga luha sa pisngi ni Aya. Pilit na iniabot ng kanang kamay niya ang kinalalagyan ng kanyang ate, umaasang mahahawakan ulit ang kamay ni Yumi at mahihila pabalik sa kanila. Nanumbalik na naman ang masasakit na alaala. Sumagi ang itsura ng kanyang patay na mga magulang. Sumagi ang itsura ng kanilang bahay na nasunog at halos wasakin ng mga tumugis sa kanila.
Halo-halo na ang nararamdaman niya. Lungkot. Pagkabahala. Galit. Pangungulila.
"Tuturuan kita mamaya kung paano mo mas madaling makokontrol ang tubig."
"ATE!" Ikinuyom ni Aya ang nanginginig niyang kamao.
Pop.
Pumutok ang ulo ng isa sa mga tagatugis na nakaharang ang katawan sa paningin ni Aya. Tumalsik ang dugo at laman-loob nito sa paligid. Tila may bombang sumabog. Nagmadaling sumakay sa kabayo ang tatlo nitong kasama.
Nanlambot ang kanang kamay ni Aya at napapatong ang ulo niya sa likod ni Miro. Tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito? Ibahagi ang inyong komento rito sa comment section o sa Twitter gamit ang hashtag na #ArcaneWP!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top