Prologo

Nakaupo ako sa burol at pinagmamasdan ang tanawin, kitang-kita sa parteng ito ang kagandahan ng bayan ng Norton, nakakagaan lang ng loob na pagmasdan ang lugar dahil makikita mo ang mga mangangalakal na naglalabas-masok sa bayan, ang mga griffin at pixies na malayang nakakalipad sa bughaw na kalangitan. Nakakatuwang pagmasdan ang pagiging payapa nito.

"Blade! Blade!" Isang sigaw ang aking narinig at habang tumatagal ay mas lalo itong lumalakas. Napalingon ako kung saan ito nanggagaling-- kay Avery at Parisa, parehas silang tumatakbo paakyat din ng burol.

Nung makarating na sila kung saan ako nakaupo ay parehas silang naghahabol nang paghinga. "Sabi ko na nga ba... dito ka lang namin... makikita," sabi ni Avery sa akin. Si Avery at Parisa ay parehas kong kababata, lumaki na kaming tatlo sa bayan ng Norton. Si Avery ay may abong kulay na buhok, maputi ito, at abo rin ang kulay ng kanyang mata. 

"Kapag gusto mong mapag-isa ay alam naming dito mo gustong pumunta, eh. Hinahanap ka na ni Tatay David." Sabi naman ni Parisa. Si Parisa ay hanggang balikat lang ang buhok nito, bilugan ang mata ngunit para ito laging nangungusap at maganda rin ang ngiti nito.

"Pinagmamasdan ko lang ang bayan na poprotektahan ko balang araw." Hindi ko hahayaan na may masamang tao na makapasok sa aming bayan. "Itaga ninyo sa bato, mapapasama ako sa Ixion." Sabi ko sa kanila.

Ang Ixion ay ang pitong kabataan na sinasanay sa Norton upang maging isang malakas na mandirigma at magaling sa paggamit ng mahika.

"Talagang gusto mong mapabilang sa Ixion, 'no?" sabi ni Avery sa akin at ngumisi. "Para sa ating mabababang uri na mamamayan ng Norton, wala tayong tiyansa na makapasok sa ispesyal na grupong iyon."

"Hindi totoo 'yan," humarap ako sa kanilang dalawa. "Lahat ay binibigyan nang pantay-pantay na pagkakataon upang mapili sa grupong iyon. Naniniwala ako, magagawa natin iyong tatlo. Makakapasok tayo sa Ixion, sama-sama nating ipagtatanggol ang bayang ito."

"Walang imposible, magagawa natin iyon," sabi naman ni Parisa at inakbayan niya kaming dalawa ni Avery. Sama-sama naming pinagmasdan ang kagandahan ng Norton. Ito ang nagsilbing tahanan naming tatlo, lumaki kami sa bayang ito kung kaya't ang tingin namin dito ay isang malaki naming tahanan.

Ilang minuto pa kaming namalagi sa itaas ng burol bago nagyaya si Avery na bumaba. "Halika na," tinulungan niya kaming dalawa ni Parisa na makatayo. "Ang huling makababa sa burol ay makakain ng Arimoanga!" Sigaw ni Avery kung kaya't nag-uunahan kami sa pagbaba na tatlo.

Sinasabi na ang Arimoanga ay isang mabangis na halimaw na gumagala sa gubat at kumakain ng tao. Wala pang nakakakita sa halimaw na ito pero madalas na itong gamiting panakot sa aming mga bata.

***

Pagkarating namin sa bayan ng Norton ay nagtatakbo kami patungo sa tindahan ni tatay David na siyang nag-aalaga sa aming tatlo nina Parisa at Avery. Si tatay David ay nagtitinda sa Norton ng mga kalasag at kagamitang pandigma.

Malayo pa lang ay naririnig na namin ang boses ni tatay David. "Sandali lamang! Bakit kailangan ko ulit magbayad ng buwis? Kababayad ko lamang nung nakaraang linggo!"

Nagkatinginan kaming tatlo nina Avery at nagmamadaling tumakbo papasok sa tindahan, dito namin nakita ang tatlong mandirigma ng palasyo na hawak-hawak sa kwelyo si tatay David. "Wala man lang akong anunsyo na natanggap patungkol dito!"

"Sumunod ka na lang tanda, utos ito ng mga nakatataas. Kung hindi ka magbabayad ay ipapasara namin itong maliit mong tindahan!" Sigaw nung guwardiya sa kanya.

"Bitawan mo ang tatay David ko!" Sumampa ako sa isang guwardiya at nilukot-lukot ang mukha nito. "Wala kayong karapatan na saktan si tatay David!"

Mabilis akong hinawakan ng isa sa mga guwardiya at binalibag sa isang kabinet kung saan nakalagay ang ilang mga kagamitan at bumagsak ito sa akin.

"Blade!" Sigaw ni tatay David, nagmamadali niyang binuksan ang kaha at kumuha ng malaking halagang pera. "Eto na ang pera, umalis na kayo. Huwag ninyo lang sasaktan ang mga bata."

Tumawa-tawa ang isang guwardiya. "Madali ka naman palang kausap, eh. Gusto mo pang may nasasaktan. Tara na." Aya niya sa mga kasama niya at naglakad na sila paalis.

Dahan-dahan akong bumangon at dama ko ang pananakit ng aking likod. "Ayos ka lang ba?" tanong sa akin  ni Ace at inalalayan nila ako ni Parisa na makatayo. 

"Blade, 'diba sinabi ko naman sa'yo na huwag na huwag kang lalaban sa mga guwardiya ng palasyo. Hindi mo alam ang maaari nilang gawin sa'yo," paalala sa akin ni tatay David at inayos niya muli ang mga gamit na nahulog at inilagay sa kabinet.

"'Tay, ginugulangan ka lang nung mga manlolokong iyon! Galing akong liwasan kahapon at walang anunsyo patungkol sa pagtataas ng buwis."

Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit gusto kong mapabilang sa Ixion, upang malabanan ko ang mga tiwali na nasa posisyon. Gusto kong labanan ang mga maling ginagawa nila, hindi ko gusto ang ginagawa nilang panggugulang sa mga mamamayan ng Norton. Sila ang dumi sa magandang bayan namin.

"Kahit na, sa susunod ay 'wag mo na iyong gagawin, Blade. Maliwanag ba?" Tanong ni tatay David at pinagpag ang suot kong damit.

"Pero--"

"Blade,"

"Sige, 'tay." Inis kong tugon. "Hayaan ninyo, magiging kabilang ako sa Ixion, 'tay. Kapag napabilang kami nina Avery at Parisa, wala nang makakapanakit sa inyo 'tay. Poprotektahan ka naming tatlo." 

Ngumiti si tatay sa akin at hinimas ang aking ulo. "Hindi ko alam kung matutuwa ba ako na lumaki kang sobrang tapang, Blade."

Tumawa sina Parisa at Avery kung kaya't napatawa na rin ako.

Lumipas ang mga araw at nakarating sa amin ang balitang naghahanap na ang palasyo ng magigiting na kabataan na gustong mapabilang sa Ixion. Agad akong natuwa sa balita at nag-ensayo akong maigi upang mapabilang ako.

"Parisa, Avery, bakit parang hindi ninyo sineseryoso ang pagsasanay, ha!?" Reklamo ko sa kanila habang hawak-hawak ang kutsilyong kinuha ko sa tindahan ni tatay David.

"Hindi naman kami interesado na mapabilang sa Ixion, Blade." paliwanag ni Avery sa akin habang nakahiga sa sa damuhan at nakaunan sa malaking ugat ng isang puno. Nakaupo sa tabi niya si Parisa.

"At isa pa, hindi naman tayo mapapabilang doon. Ang daming nangangarap na mapabilang sa Ixion na ka-edad natin." paliwanag naman ni Parisa. tanging kabataan lang ang nakakapasok sa Ixion na nasa edad labing-anim hanggang labing walo. Kaming dalawa ni Avery ay labing pitong taong gulang na samantalang labing anim naman si Parisa.

"Hindi ninyo... ba... gustong tulungan si tatay David?" Tanong ko sa kanilang dalawa habang sinusubukan kong mag-ensayo ng pag-atake gamit ang kutsilyo.

"Tumutulong naman kaming dalawa ni Parisa sa pagtitinda kay tatay David," sabi ni Avery. "Ikaw lang naman ang sutil sa ating tatlo na paulit-ulit umaakyat sa burol upang makita ang kabuuan ng Norton."

"Parisa! Avery! Blade!" Tumatakbong lumalapit sa direksyon namin si Doris na kalaro namin. 

"May problema ba? May mga siraulo na naman bang nanggugulo sa tindahan ni tatay David?" Tanong ko kay Doris.

"Wala, ngunit may ibinabalita ngayon sa liwasan patungkol sa Ixion, bilisan ninyo." Sabi niya sa amin. Nagkatinginan kaming tatlo nina Avery at Parisa at tumakbo patungo sa liwasan.

Pagkarating namin sa liwasan ay ang daming tao. "Padaan po, makikiraan po," nakipagsiksikan kaming apat upang mapunta kami sa harap ng entablado kung saan nakatayo ang isang lalaki.

Hindi ko maiwasang mamangha habang pinagmamasdan siya, ang makinang niyang kalasag na gawa sa Pilak, ang espada niyang kumikinang kapag nasisinagan ng araw. Walang duda, ito si Alvaro na isang dating miyembro ng Ixion. Para bang kumikinang ang mata ko habang pinagmamasdan siya.

Sa tanang-buhay ko at sa buong pamamalagi ko sa Norton, ito pa lang ang pangalawang beses na makakita ako ng isang mandirigmang kabilang sa Ixion.

"Simula ngayong araw, maghahanap kami ng mga matatapang na kabataan na gustong sumunod sa yapak namin. Ang kung sino mang may lakas ng loob na kalabanin ako ay lumapit lamang dito sa entablado!" Anunsyo ni Alvaro na ikinasinghap ng maraming tao.

"Lalabanan si Alvaro? Imposibleng manalo tayo sa dating miyembro ng pinakamalalakas na mandirigma ng Norton." 

Iyan ang mga salitang madalas kong marinig sa paligid.

Napakuyom ako ng kamao, hindi ko inaasahan na masisindak sila sa ganito. Kung gusto nilang mapabilang sa pinakamalakas na grupo ay dapat ay wala silang kinatatakutan. Ang pagiging matapang ay isang katangian na bubuo sa Ixion.

"Ako!" Malakas kong sigaw habang nakataas ang aking kamay. Napasinghap ang maraming tao at napalingon sa aking direksyon.

"Blade," sabi ni Parisa at palihim na hinawakan ang kamay ko upang pigilan ako. "Paniguradong mapapagalitan ka ni tatay David sa oras na malaman niya itong balak mo."

Kinuha ko ang kamay ko at naglakad patungo sa entablado. "Ako, gusto kitang makalaban." nakangiti kong sabi sa kanya.

Sa totoo lang ay hindi ako natatakot bagkus ay natutuwa pa nga ako dahil isa sa mga pangarap ko ay ang makaharap ang isang miyembro ng Ixion. Para bang isang pabuya na kung tutuusin na si Alvaro ang makakatapat ko dahil isa siya sa mga iniidolo ko.

"Tunay bang gusto mong mapabilang sa Ixion, bata?" Tanong niya sa akin habang dinudukot ang kanyang espada sa lalagyan nito.

Libo-libong tao ng Norton ang nanunuod ngayon dito sa liwasan, parehas pang nasa harap sina Parisa at Avery kung kaya't hindi ako maaaring matalo. "Mula pagkabata ay iyon na ang pangarap ko," sabi ko sa kanya.

Kinuha ko ang kutsilyo at sumugod sa direksyon ni Alvaro, akmang sasaksakin ko siya sa kanyang braso ngunit mabilis niya itong naharangan ng kanyang espada. Tumilansik ako palayo at nahulog sa entablado.

"Aray ko," Hinimas-himas ko ang pwetan ko at umakyat muli sa stage. Tumingin ako sa mata ni Alvaro at mukhang nagulat siya na nagawa ko pang makabangon mula sa kanyang ginawa. "Natatandaan ko dati nung una kitang makita, dito rin sa liwasang ito. Naaalala ko pa ang mga salitang binitawan mo..."

"Tapang ang pinakaimportanteng katangian upang mapabilang sa Ixion. Kung wala ka nito, isuko mo na ang pangarap mo na mapabilang dito."

"Kung kaya't hindi ako sususuko," sabi ko sa kanya at muli siyang sinugod. 

Nasangga muli ni Alvaro ang atake ko at tumilansik ulit ako papalayo. Pagkadilat ko ay nasa harap ko na si Alvaro at akmang iaatake niya sa akin ang kanyang espada.

Hindi ako pumikit at diretso lang nakatingin sa kanyang mata kahit pa papatayin niya na ako. Napasinghap ang maraming tao.

Naramdaman ko ang malamig na hangin sa aking leeg at hindi niya itinuloy ang paghiwa sa akin, halos isang sentimetro lang ang layo ng espada niya sa aking leeg. "Hindi ka natatakot mamatay, bata?"

"Hindi," ngumiti ako sa kanya na ikinabigla niya. "Naniniwala ako na ang gampanin ng Ixion ay protektahan ang mga mamamayan ng Norton kung kaya't alam kong hindi mo ako magagawang saktan."

Ilang segundo akong tinitigan ni Alvaro bago muli niyang ibalik ang sandata niya sa lalagyanan nito. Tinulungan niya akong tumayo at pinagpagan ang damit kong suot. "Pasado ka na, bata. Kabilang ka na sa mga kabataan na maaaring mapabilang sa Ixion." Sabi niya sa akin.

Akala ko noon ay masaya ang mapabilang sa Ixion, akala ko noon ay magiging masaya ako kapag napabilang ako sa grupong ito dahil mapoprotektahan ko ang mga mahal ko sa buhay. Pero nagkamali ako, no'ng mapabilang ako sa grupong ito... doon na naging impyerno ang takbo ng buhay ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top