Kabanata 9: Sol Invictus

Pinasok namin ni Isla ang kabundukan paakyat sa Mount Ignis. Sabi nung lalaking pinagtanungan ko kanina ay maaaring dito namin matagpuan si Jack na kanilang sinasabi. Sana lang ay kahit papaano ay may mabigay na impormasyon sa akin ang lalaking iyon upang hindi masayang ang paglalakbay ko tungo rito.

"Jaaack! Jaaa--" mabilis kong tinakpan ang bibig ni Isla bago pa siya makasigaw muli.

"Huwag kang sumigaw, baka kung ano pang mabangis na hayop ang matawag mo. Hangga't maaari ay iniiwasan natin na makasagupa ang mga ganoong halimaw dahil ang layunin lang naman natin ay mahanap si Jack." Paliwanag ko kay Isla at napatango-tango siya sa akin.

Palalim kami nang palalim sa gubat ni Isla. Hindi naman iyon alintana ng bata kong kasama dahil tila ba natutuwa pa siya sa nangyayari. "Hindi ka ba napapagod sa palukso-lukso mong ginagawa?" Tanong ko sa kanya.

"Hindiii!" Masigla niyang sagot sa akin habang nakangiti. "Sa buong buhay ko ay ngayon lang naman ako naisama sa isang paglalakbay kung kaya't natutuwa ako sa mga nangyayari. Sa totoo nga lang ay inaabangan ko pa ang maaaring mangyari sa mga susunod na araw, eh." Kwento niya sa akin.

Habang naglalakad kaming dalawa ay isang malakas na alulong ang dumagundong sa buong gubat. Nagliparan ang mga ibon mula sa puno at humigpit ang kapit ko kay Isla. Kahit pa sabihing kaya ni Isla ang kanyang sarili ay nasa puder ko pa rin siya. Isa sa mga dapat ko rin isipin ang mga kaligtasan niya. 

"Maging alisto ka, Isla." Utos ko sa kanya. Humawak ang kamay ko sa lalagyan ng Jian ko at nakahanda na ako kung sakaling may biglang sumugod sa amin.

Tahimik lang ang buong paligid nung may marinig akong kaluskos sa may makakapal at mayayabong na halaman. "Sa likod mo, Isla!" Sigaw ko. Agad na kinuha ni Isla ang kanyang balaraw at sa saktong pag-atake niya paglingon ay nakasugod ang isang Bungisngis. Ang bungisngis ay isang dambuhalang hayop na may isang mata at mapangil na ngipin, parati itong nakangiti pero masakit ang mga atake nito na kayang sumira ng buto ng isang tao.

Saktong-sakto ito sa tiyan ng bungisngis at bumulwak ang masaganang malapot na dugo, napuno ng dugo ang damit ni Isla pero parang hindi niya ito alintana. Wala man lang bakas ng takot o pandidiri sa mukha ni Isla. Dito ko napatunayan na kakaiba nga ang batang ito. Habang lumalaon ay hindi ko na pinagsisisihan na sumama sa akin si Isla.

Lalapitan ko sana si Isla ngunit may narinig akong dumadagundong na hakbang tungo sa aming direksyon. Malayo pa lang natanaw ko na ang pigura nito-- isang Sarangay. Parang isang Toro ang sarangaw, ang kaibahan nga lang ay nakakapaglakad ito na parang tao, malaki rin ang katawan nito at may hawak na maso. Kulay puti ang buong mata nito at mahahaba ang sungay.

Papalapit nang papalapit ang Sarangay sa direksyon namin kung kaya't sinugod ko rin ito. Gamit ang Jian ay sinubukan ko itong saksakin ngunit mabilis niya itong nasangga gamit ang kanyang maso.

Napaatras ako at pilit pinakapit ang paa ko sa lupa, malakas ang pwersa niya. "Hindi nga isang biro na kalabanin ang kagaya mong isang malakas na halimaw," pagkausap ko rito kahit naman hindi ako naiintindihan nito. "Oras na para seryosohin ang laban na ito." Nakangisi kong sabi habang tinitignan ito.

"Du norn kali." Pagkasabi ko nang enkantasyon ay pakiramdam ko ay ang gaan ng pakiramdam ko, naging mas mabilis ang pagkilos ko ke'sa kanina.

Akmang ihahambalos sa akin ng Sarangay ang kanyang maso ngunit mabilis akong nagpadausdos sa lupa, dahil bukas ang kanyang depensa, naging pagkakataon ko iyon upang atakihin siya. Hiniwa ko siya gamit ang aking Jian at naputol ang kanang braso nito, sumirit ang masaganang dugo. 

"Hindi pa ako tapos." Sabi ko, malakas akong tumalon at bumwelo, sunod kong inasinta ay ang leeg nito. Nahiwa ito at humiwalay sa kanyang katawan. Gumulong sa lupa ang pugot na ulo nito.

Matapos ang pakikipaglaban ay bumuntong hininga ako at ibinalik ang Jian sa lalagyan nito. Nakangiting tumatakbo sa direksyon ko si Isla. "Ibang klase talaga ang lakas mo, panginoon." Puri niya sa akin.

Kinuha ko ang panyuwelo sa aking bulsa at iniabot kay Isla. "Punasan mo ang mukha mo, puro dugo ka pa mula sa kalaban." Agad niya naman itong ginawa.

"Sino kayo?" biglang may nagsalita at naging alisto muli kami ni Isla. Mayamaya ay isang lalaki ang bumaba mula sa isang mataas na puno. Isa itong lalaki. Kulay krema ang kanyang buhok, bughaw ang mata. Sakto lang ang pangangatawan nito at sa tingin ko ay kasing edad ko lang siya.

"Kami'y parehas na manlalakbay," paliwanag ko sa kanya. "Hinahanap namin ang lalaking nagngangalang Jack. Sinasabi ko sa'yo, hindi mo gugustuhin na makalaban kami." Paliwanag ko sa kanya habang binabato siya nang masamang titig.

"Nakita ko na ang lakas ninyong dalawa, sa totoo nga lamang ay natalo ninyo na ako," sabi niya sa amin. "Ako si Jack, pero tawagin ninyo lamang ako bilang Jacko. ako ang taong hinahanap ninyo. Kaya kong kumontrol ng mababangis na halimaw. Ako ang kumokontrol sa Sarangay at Bungisngis na nakasagupa ninyo kanina."

"Maaari ka ba naming makausap?" Tanong ko sa kanya. Tumingin sa akin si Jacko na parang inuusisa kung ano ang kailangan namin sa kanya.

Nagbitaw siya nang malalim na paghinga. "Huwag tayo rito mag-usap dahil maraming mababangis na hayop ang naggagala sa paligid lalo na't papakagat na ang dilim." Paliwanag niya at sumunod kaming dalawa ni Isla sa kanya.

***

Dinala kami ni Jacko sa isang kweba, ilang oras din kaming naglakad bago narating ang lugar na ito. "Pasensya na kung dito ako tumutuloy ngayon, pinalayas ako sa bayang tinitirahan ko." Paliwanag niya sa akin.

"Nakarating sa amin ang balitang iyon," sabi ko sa kanya. Umupo kaming dalawa sa malaking tipak ng bato. "Sasabihin ko na sa'yo ang pakay ko, Jacko. Anong kinalaman mo sa Sol Invictus?"

"Nandito ka rin ba para pagsabihan ako dahil sa pagkakalat ng balitang iyon?" Tanong niya sa akin.

"Hindi." Diretso kong sagot na ikinabigla niya. "Nandito ako para malaman kung may katotohanan ang sinasabi mong iyon.

Umayos nang pagkakaupo si Jacko. "Sa totoo lamang ay totoo ang sinasabi ng lahat na hindi totoong nagbalik ang Sol Invictus. Pero ako, gusto kong ibalik ang Sol Invictus... gusto kong labanan ang gobyerno lalo na't basta na lang nilang hinuli ang buo kong pamilya dahil lamang hindi kami nakapagbayad ng buwis. Gusto ko silang gantihan." Para bang may apoy na nag-aalab sa mata ni Jacko habang sinasabi ang bawat salitang iyon.

Kagaya namin ni Isla, may bagay din siyang ipinaglalaban. "Ibig sabihin... ikaw ang may gustong ibalik ang Sol Invictus?" tanong ko sa kanya at tumango-tango siya.

"At ang sabi ni tatang ay kailangan ibalik ang Sol Invictus para iligtas ang mundong ito. Siya ang nagbigay ideya sa akin na buuin ang Sol Invictus." Kumunot ang noo ko sa sinasabi niyang tatang. "Si tatang ay ang taong naninirahan sa loob ng kwebang iyan. Gusto mo ba siyang makausap?"

"Panginoon, mukhang may makukuha kang impormasyon sa matandang sinasabi niya." Sabat ni Isla. Tumingin muli ako kay Jacko at tumango.

Pumasok kaming tatlo sa loob ng kweba. habang palalim kami nang palalim ay isang boses ng matanda ang umalingawngaw sa lugar. "Isang malakas na prisensya ang aking nararamdaman! Isang malakas na mandirigma ang padating!" Sigaw niya na parang natutuwa.

Sa kweba ay nakaupo ang isang matanda sa lapag. Diretso siyang nakatingin sa aming tatlo. "Ikaw mandirigma! Kakaiba ang iyong lakas! Kakaiba ang iyong prisensyang taglay!" Sabi niya sa akin. Para na itong matandang hermitanyo, mahaba ang buhok sa baba at kulubot na rin ang balat nito.

"Tatang na lang ang itinatawag ko sa kanya dahil nakalimutan na niya ang pangalan niya." Bulong sa akin ni Jacko.

Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa sa aking pakay. "Anong gusto mong mangyari at bakit gusto mong ibalik ang Sol Invictus?" Tanong ko sa kanya.

Nawala ang ngiti sa labi ng matanda at tumingin sa akin. "Nalalapit na ang paglalaho na magaganap sa susunod na limangbuwan," panimula niya. "Bago mangyari ang paglalaho na iyon ay kailangan may magigiting na mandirigma at may sapat na lakas upang patayin ang pitong maalamat na hayop. Ang Sawa, bakunawa, arimoanga, minokawa, bawa, Laho, at Tambakanawa."

Naguluhan ako sa kanyang sinasabi. Minsan na sa aking naipaliwanag ni Alvaro ang tungkol dito. "Mali ka, ang sabi sa akin ni Alvaro ay kailangan protektahan ang pitong maalamat na hayop na ito dahil ito raw ang magpoprotekta sa sanlibutan kung sakaling dumating ang araw ng paglalaho." Paliwanag ko sa kanya.

"Mali nga ba ako o mali sila?" Tanong sa akin ni tatang na ikinabigla ko. "Iyon ang sinasabi ng bituin sa akin, mali nang nalalaman ang ibang tao. Hindi ang pitong maalamat na hayop na ito ang magpoprotekta sa atin. Sa oras na dumating ang paglalaho, mas lalakas ang pitong ito at magiging agresibo. Kasabay nang pagkabuhay ng pinakamalakas na halimaw ay siya ring pag-atake ng pitong ito sa iba't-ibang bayan sa ating lugar... at sila ang tatapos sa ating mundo,"

"Iyon ang dahilan kung bakit ko gustong ibalik ang Sol Invictus dahil ito ang pinakamatinding kalaban ng gobyerno, mali ang bagay na ipaglalaban ng Ixion. Bago pa man dumating ang paglalaho ay kailangan patayin na ang pitong hayop na ito upang maiwasan ang malaking pinsala. Kailangan silang patayin imbes na protektahan." Dugtong pa ni Tatang.

Nakinig lamang ako sa kanya. Habang tinitingnan ko siya sa kanyang mata ay parang napapaniwala niya ako sa kanyang sinasabi. Walang bahid ng kasinungalingan ang bawat salitang binitawan niya... naniniwala ako roon.

"Papayag ka ba tatang kung ako ang bubuo sa Sol Invictus?" Tanong ko sa kanya at lumaki ang ngiti sa mukha ng matanda. "Sisiguraduhin ko sa'yong bubuuin ng malalakas na mandirigma ang Sol Invictus. Wala akong pakialam kahit maging masama ang tingin sa amin ng ibang tao basta ay gagampanan namin ang misyon na ito." Pagsumpa ko sa kanya.

At isa pa, magiging isang magandang pagkakataon din ito upang mag-krus ang landas namin ng Ixion dahil ang misyon pala ay protektahan ang mga maalamat na hayop ito. Magkukrus muli ang landas naming dalawa ni Avery. Sa pagkakataong iyon... sisiguraduhin kong sa bibig niya mismo lalabas ang katotohanan. Ang katotohanan na wala akong kasalanan sa mga nangyari, katotohanan na maglilinis ng pangalan ko sa buong Norton.

"Ang nag-aapoy mong determinasyon, ang lakas mong taglay... hindi maipagkakaila na ang isang tulad mo ang dapat mamuno sa grupong ito." Sabi ni tatang. "Ibinibigay ko sa'yo ang aking basbas, sa pagkakataong ito, inaatasan na kita bilang pinuno ng Sol Invictus.

May sinabing enkantasyon si Tatang at bigla na lamang umilaw ang braso ko... may isang pinta ang lumabas sa kanang braso ko. Isang pinta na para bang mukha ng isang dragon ngunit ang gilid nito ay parang araw.

Tumingin ako kanila Isla at Jacko. "Ikaw Isla, alam kong gusto mong protektahan ang lahat ng buhay na nananatili sa ilalim ng dagat at gusto mong magdala ng mensahe sa maraming tao. Tatanungin kita, gusto mo bang sumama sa akin?"

Ngumiti sa akin ang batang si Isla. "Kahit saan ka magpunta, at kahit sino ang makalaban mo panginoon... sasama ako sa'yo." 

Bumaling ang tingin ko kay Jacko. Sa maiksing panahon ay nakita ko rin naman ang potensyal ni Jacko. Bihira na lamang sa mundong ito ang kaya magpasunod ng mababangis na hayop. "Ikaw Jacko... gusto mong bigyang katarungan ang pamilya mo na inapi ng gobyerno hindi ba? Ito na ang magandang pagkakataon na iyon."

"Isasama mo 'ko sa misyon mo?" Manghang tanong ni Jacko at tumango ako sa kanya. "Malugod kong tinantanggap ang iyong paanyaya." Parehas silang nagkaroon ng pinta sa kanang braso na katulad sa akin.

"Magmula sa araw na ito, tayong tatlo ang magiging unang miyembro ng Sol Invictus. Tayong tatlo ang magsisimulang maghanap sa pitong maalamat na hayop at papatayin sila. Pagbabayarin din natin ang mga tiwali sa gobyerno na nang-aabuso ng kanilang kapangyarihan."

"Nawa'y magawa ninyo ang misyon ninyo." Sabi ni tatang sa amin.

Maghintay ka lang, Avery, magkukrus ulit ang landas natin.

*******

Hi guys, I am trying to associate this story with Philippines Mythology creatures but at the same time may sarili ko pa rin namang atake. Medyo hassle isulat 'to kasi pure tagalog, pero natutuwa din ako at the same time kasi ang challenge din niya para sa'kin. lol.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top