Kabanata 8: Ang misyon
Bago kami umalis ni Isla sa bayan ng Havoc ay napagdesisyunan na naming mamili ng mga gamit at kagamitan, sikat din naman ang Havoc sa mga magagandang kalidad ng Tabak. "Magkano ang ganito ninyo?" Tanong ko sa nagtitinda habang nakatingin sa Jian. Ang Jian ay isang espada ng mga maginoong lalaki, magandang kalidad ito para sa mga labanang may maliliit na distansya.
Habang nandito ako sa tindahan ng sandata ay hindi ko maiwasang maalala si tatay David, ganitong-ganito rin ang kanyang tindahan. Ang amoy ng metal, ang makikinang na espada. Bigla naman akong nangulila nung maalala sila. Kumusta na kaya sila? Naaalala rin kaya nila ako? Malamang ay hindi, isa akong kriminal sa paningin nila.
"Panginoon," naputol ang aking malalim na pag-iisip nung biglang hatakin ni Isla ang laylayan ng aking damit. "Ang lalim nang iniisip mo. Narinig mo ba ang sinabi ng tindero?" Tanong niya.
"M-magkano?" Tanong ko ulit.
"Magandang kalidad na Jian iyan, hijo. Hindi basta-basta ang mga kagamitan na ginamit diyan, mabibili mo ang Jian na iyan sa halagang isang ginto," sabi niya sa akin. Hinawakan ko ang Jian at sinubukan gumawa nang mga atake.
Magaan lang ito gamitin, matalim din ito. Mukha namang sulit ang ibabayad ko dahil maganda nga ang kalidad nito. "Kukuhanin ko," naglapag ako ng isang ginto sa kanyang lamesa.
Bumili na rin kami ng mga kagayakan at ibinili ko na rin ng bagong damit si Isla na lubha niyang ikinatuwa. Sumatutal ay naubos din ang tatlong ginto na iniabot sa amin ni Fernando sa pamimili. Pinag-iisipan ko pa kung ibebenta ko ang sagisag na huling iniabot sa akin ni Alvaro pero napagdesisyunan ko na lamang na itago ito. Ito lang ang huling alaala ni Alvaro na mayroon ako.
"Kung tutungo tayo sa Sol Invictus, panginoon, ano naman ang pakay mo sa grupong iyon?" Tanong sa akin ni Isla. Nakalabas na kami ng Havoc at itinuloy ang paglalakbay. Natatanaw ko na ang bundok ng Ignis at nararamdaman ko nang malapit na kami sa aming pupuntahan.
"Sasali ako," sabi ko kay Isla. "Sinabi ko naman sa'yo, hindi mo naman kinakailangan na sundan ako. Masama akong tao, kalaban ako ng gobyerno." Dugtong ko pa sa kanya. Hindi ko alam kung maiintindihan iyon nitong pitong taong gulang na kausap ko. Napakabata pa ni Isla pero kakaiba rin ang taglay niyang lakas.
"Kung sasali ang panginoon ko, sasali din ako." Nakangiti niyang sabi sa akin at palukso-lukso muling naglakad.
Habang naglalakad kaming dalawa ay may nakasalubong kaming tatlong manlalakbay. Isang mahikera, isang mamamana, at isang lalaki na may pulang buhok at isang kagaya ko na eksriminador.
"Tingnan ninyo nga naman, isang manlalakbay na may kasamang bata," sabi nung lalaking nasa gitna at nagtawanan silang tatlo. Iniharang ko ang balabal sa aking mukha upang hindi nila ako makilala. "Hindi ka bubuhayin ng bata na iyan, kapwa ko manlalakbay. Sumama ka na lang sa amin dahil mukha ka namang malakas."
"Panginoon..." Humigpit ang kapit ni Isla sa laylayan ng aking damit.
"Sasama lamang ako sa inyo basta ba lahat ng bagay at pera na makukuha ay sa akin lahat mapupunta. Iyon ang patakaran ko kapag isinasama akong manlakbay." Ngumisi ako sa kanila. Siguro naman ay hindi nila ako makikilala dahil natatakpan ng balabal ang kalahati ng aking mukha.
"Ha!? Nagpapatawa ka ba?!" Tumawa na naman silang tatlo. Bakit ko ba sila pinag-aaksayahan ng oras ko ngayon. "Wala ka pa sa kalingkingan ng lakas ko."
"Bakit hindi tayo magkaroon ng kasunduan? Kapag natalo ninyong tatlo si Isla ay sasama ako sa inyo pero kapag natalo kayo ni Isla ay ibibigay ninyo sa amin ang lahat ng ginto at pilak na mayroon kayo," tutal naman ay sila ang nagpasimula nang away na ito kung kaya't mas mabuting seryosohin at sakyan ko na rin.
"Panginoon..." Muling nagsalita si Isla sa aking tabi pero tiningnan ko lang siya. Ibinigay ko na rin kay Isla ang pinaglumaan kong Balaraw upang may gamitin siya, hindi ko lang sigurado kung sanay siyang gumamit nito.
"Hindi ba't magandang pagkakataon ito, Isla para patunayan mo sa akin na karapat-dapat nga kitang isama sa paglalakbay na ito?" Hamon ko sa kanya.
Kailan pa ba ako naging ganito kalamig sa pakikitungo sa tao? Hindi ko rin alam. Sobrang palakaibigan at palatawa ni Blade pero ngayon ay ako si Basil, ang kontrabidang tatapos sa kasakiman ng mga taong nang-aabuso ng kanilang kapangyarihan.
"Makakaasa ka, panginoon." Humakbang pasulong si Isla at tumingin sa tatlong manlalakbay. "Sinong gustong mauna sa inyo? Pwede rin naman na sabay-sabay ko kayong talunin para isang trabaho na lang." Napangisi ako sa ipinakitang ugali ni Isla. Mukhang determinado talaga siyang may mapatunayan sa akin.
"Ha? Minamaliit mo ba kami at ipapalaban mo kami sa isang bata?!" Reklamo muli nung lalaki sa gitna pero ngumisi lang ako sa kanya. "Pero mapilit ka, maayos ang usapan natin." Sinugod niya si Isla at nakamasid lang ako sa kanila.
Kinuha niya ang kampilan niya sa lalagyan nito at mabilis na sumusugod sa direksyon ni Isla. Si Isla ay nakatayo lamang at nakatingin sa lalaking iyon, nung malapit na kay Isla ang lalaki ay mabilis na iniharang ni Isla ang kanyang balaraw sa kampilan upang maiwasan ito.
Malakas na tumalon si Isla at nagpakawala ng bolang tubig tungo sa direksyon nung lalaki. Hindi nakaiwas ang lalaki at nasalo niya ito. Napangiti ako dahil sa nangyari. Walang-wala siyang binatbat sa batang kasama ko.
"Ricco!" Tawag nung dalawang kasamahan niya at silang dalawa naman ang gumawa nang pag-atake at kagaya nang sinapit nung Ricco, bigo silang matalo si Isla.
"Panginoon, nagawa ko!" Nakangiting sabi ni Isla habang tumatakbo sa aking direksyon.
Humarap ako sa tatlong manlalakbay na nakahiga ngayon sa sahig at iniinda ang sakit na kanilang nararamdaman. "Kapag mas malakas na kayo sa batang kasama ko ay tsaka lang ako sasama sa inyo." Kinuha ko mula sa bewang nung lalaki ang ginto at pilak nila na nakalagay sa telang supot. "Maayos ang usapan natin, sa amin na ang lahat ng pera ninyo."
Akmang maglalakad na kami palayo ni Isla nung tinawag ako nung Ricco. "S-sandali lamang," hirap man pero nagawa niya pa rin makatayo. Tumingin ako sa kanya. "G-gusto namin sumama sa paglalakbay mo, isama mo kami!" Sabi niya sa akin.
Ngumisi ako sa kanya at inayos ang pagkakatakip ng aking balabal. "Hindi ko kailangan ng pabigat sa grupo ko." Iniwanan ko na sila at naglakad na paalis.
Habang naglalakad kami ay masayang-masaya si Isla. "Ibig sabihin ba nito, panginoon ay tanggap mo ng ikaw na ang bago kong pagsisilbihan ngayon?" Tanong niya sa akin.
"Hindi pa rin, isa lamang iyong pagsubok sa'yo." Sagot ko sa kanya.
Ngumuso ang bata. "Grabe ka sa akin, panginoon." Napangiti naman ako sa kanyang inasta. Kahit gaano nga talaga kalakas si Isla ay hindi pa rin maipagkakaila na bata lamang ito. Mabilis siyang matuwa sa mga simpleng bagay.
Sa ilang minuto naming paglalakad na dalawa ay narating na namin ang paanan ng bundok ng Ignis. Isang sirang pamayanan ang sumalubong sa amin. Sunog na bahay at ilang mga taong nagkukumpuni para maayos ito. Nakatakaw din pansin sa akin ang hile-hilerang bangkay sa isang gilid.
"Anong nangyari?" Tanong ko sa isang lalaki na gumagawa ng bahay. Lumingon siya sa akin at bakas ang lungkot sa kanyang mukha.
"Kasalanan talaga ito ni Jack!" Malakas niyang sigaw. "Ipinagkalat niya sa buong bayan na binubuo ang Sol Invictus sa aming pamayanan kung kaya't ang ginawa ng gobyerno ay sinunog ang aming kabahayan! Kasalanan ito ng lalaking iyon!" Malakas niyang sigaw.
"Ang ibig mong sabihin ay walang katotohanan ang kumakalat na balitang nabuo na muli ang Sol Invictus?" Tanong ko pa.
"Wala! Sinong tao ang bubuo muli sa masamang grupo na iyon! Nagkalat lang ng pekeng balita si Jack at tingnan mo! Maraming buhay ang nawala at nawalan kami ng tirahan," nadismaya naman ako sa aking narinig dahil naglakbay ako ng ilang araw para makarating dito at malalaman ko lang pala na isang pekeng balita ang kumakalat patungkol sa Sol Invictus.
"Wala din palang saysay ang pagpunta ko rito," bulong ko na lang sa aking sarili habang pinagmamasdan ang mga sira-sirang bahay.
"Hindi mo ba gustong makausap ang sinasabi nilang Jack, panginoon?" tanong sa akin ni Isla. "Malay mo naman ay may alam siya kung kaya't nagpapakalat siya ng balita na nagbalik na ang Sol Invictus." Tama si Isla, nandito na rin naman kami... susubukan ko nang humanap ng maraming impormasyon.
Muli kong hinarap ang lalaking nagkukumpuni ng bahay. "Alam mo ba kung saan ko maaaring makita ang sinasabi ninyong Jack?" tanong ko sa kanya.
"Malamang ay naglalagi iyon sa bundok ng Ignis dahil itinakwil na namin siya sa aming pamayanan." Sagot niya sa akin.
Pinagmasdan ko ang mataas na bundok at ang laki nito, mukhang mahihirapan akong mahanap ang sinasabi nilang Jack. "Halika na, Isla." Aya ko sa aking kasama, maliwanag pa naman malaki ang tiyansa na makita namin ito sa bundok.
***
Kaia's Point of View.
Matapos naming maitalaga bilang miyembro ng Ixion ay hindi pa rin ako makapaniwala na natupad ang isa sa mga pangarap ko. Sa ilang buwan na pagsasanay na aking ginawa ay nakuha ko ang resulta na aking hinahangad.
"Pangarap ko talagang maisuot ang medalyang ito," sabi ni Gandalf habang tinitingnan ang medalya na may sagisag ng Norton.
"Kahit pa anong sabihin mo, Gandalf, hindi mo naman ikakapayat 'yang pagpupuri mo sa medalya." Sabi ko sa kanya at galit na galit niya akong tiningnan. Paanong hindi tataba ang lalaki na ito, nung panahong nagsasanay kami ay laging nangunguna sa hapag-kainan. Minsan ay nauubusan kaming dalawa ni Blade ng pagkain dahil sa katimawaan niya.
"Mga kasama," napukaw ang atensyon namin ni Avery na kakapasok lang sa aming silid. Si Avery ang naitalagang pinuno ng Ixion dahil daw sa kagitingan niyang taglay at dahil na rin sa pagiging tapat niya sa bayan kahit kapatid niya si Blade. "Pinapatawag tayo ni heneral Leo, gusto niya tayong kausapin para sa isang mahalagang misyon."
Naglakad na palabas ang mga kasama ko para makapunta sa silid kung saan gaganapin ang pagpupulong. Naiwan kaming dalawa ni Avery dahil hinihintay niya akong makalabas. "Mukhang nasisiyahan ka naman sa pagiging pinuno mo, Avery?" Nakangiti kong sabi sa kanya.
Tiningnan niya ang kanyang gintong medalya at ngumiti sa akin. "Hindi ko nga rin alam kung bakit napili ako na maging pinuno, mas malakas naman kay--"
"Huwag na tayong maglokohan, Avery. Iyan naman talaga ang gusto mong mangyari. Nagawa mo ngang ilaglag ang kapatid mo para sa pwestong iyan, eh." Naglakad ako patungo sa pinto at nung katapat ko na siya ay tinapik ko ang kanyang balikat. "Nakakaawa ka, pinuno. Bulag na bulag ka sa kapangyarihan."
Tumungo na ako sa lugar kung saan gaganapin ang pagpupulong. Ilang segundo ring nabato si Avery sa kanyang kinatatayuan dahil sa aking sinabi pero agad ding nakabawi at sumunod sa akin.
Nakumpleto na kaming pitong miyembro ng Ixion at dumating na si Heneral Leo. "Nakakatuwa naman pagmasdan ang pitong natatanging kalahok na napili upang maging parte ng Ixion." Nakangiting sabi ni Heneral sa amin.
Kung may dalawa mang karapat-dapat na mapabilang dito... iyon ay si Blade at si Melia. Hindi ko rin alam kung bakit tumigil si Melia na maging kalahok upang mapabilang sa Ixion.
Kinumusta lang kami ni heneral Leo at mayamaya lamang ay dumako na siya sa misyon na kanyang ibibigay sa amin. "Pamilyar naman kayo sa pitong maalamat na hayop na nabubuhay sa ating mundo, hindi ba?" Tanong sa amin ni Heneral Leo.
Nabigla ako sa sinabi niya dahil buong akala ko ay isa lamang iyong alamat o panakot sa mga bata. "Totoo bang nabubuhay ang pitong maalamat na hayop na iyon, heneral?" Tanong ni Avery.
Ang pitong maalamat na hayop na sinasabi nila ay ang Sawa, Arimoanga, Tambakanawa, Laho, Bawa, Minokawa, at Bakunawa. Sila ang pitong maalamat na hayop na nabubuhay sa mundong ito.
"Malapit na ang sinasabi nilang paglalaho, at kapag dumating ang araw na iyon ay muling isang malakas na halimaw na naman ang mabubuhay," Ang paglalaho ay ang pagtatagpo ng Araw at buwan. Eklipse kung tawagin. Bihira lang mangyari ang ganoong bagay. Naging seryoso ang aming mga ekspresyon at seryosong nakinig sa mga sinasabi ni Heneral Leo.
"Sa paglalahong iyon ay sinasabi sa propesiya na ang pitong maalamat na hayop na iyon ang magpoprotekta sa mundo natin. Ang gusto kong gawin ninyo ay hanapin ninyo ang pitong maalamat na hayop na ito at protektahan," paliwanag ni Heneral Leo sa amin. "Gusto kong gawin ninyo ang lahat na makakaya ninyo upang maprotektahan ang ating mundo. Bilang miyembro ng Ixion, nawa'y magampanan ninyo ang inyong tungkulin na protektahan ang lugar na ito at maging kakampi ng gobyerno sa lahat nang gawain." Paliwanag sa amin ni Heneral Leo sa amin.
"Makakaasa ka sa amin, Heneral Leo." Sagot ko sa kanya. Pangarap ko mula pagkabata ang mapabilang sa Ixion kung kaya't gagawin ko nang maayos ang aking trabaho.
**********
Jian- a chinese sword that origin from china.
Ekriminador- swordsman
Balaraw- dagger
Paglalaho- Eclipse
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top