Kabanata 7: Ang bagong kasama

Pagkaahon namin sa balon ni Isla ay sinalubong kami ng mga mamamayan ng bayang ito. Lahat sila ay naghihintay sa balita kung naging matagumpay nga ba ang ginawa kong paglalakbay sa loob ng balon.

"Ginoo, anong nangyari?" Tanong sa akin ng isang bata. Sa pagkakatanda ko ay siya ang batang tinulungan ko kanina at inabutan ng tubig.

"Malulutas na ang problema ninyo," malakas na nagsigawan ang mga tao na para bang isang napakalaking balita ang aking sinabi. Sinong hindi? Ilang araw ng walang tubig sa bayan nila kung kaya't malaking ginhawa ito para sa kanila.

"Pero bago iyon," biglang nagsalita ang batang si Isla na nasa aking tabi. "Gusto ko'y mangako muna ang bawat isa na hindi ninyo na aaksayahin ang tubig at gagamitin na ito sa makubuluhang paraan." Hiling niya.

"Gawin mo na lang ang usapan natin, Isla," sabi ko sa kanya.

Lumagitik ang kanyang daliri at may malakas kaming puwersa na naramdaman sa ilalim ng lupa. Ilang segundo lamang ang lumipas ay bumulwak ang masaganang tubig mula sa balon at nagsaya ang mga tao sa kanilang nakita. Ang iba sa kanila ay dali-daling sumalok ng tubig dahil sa uhaw.

"Maraming salamat ginoo," sabi ni Fernando. Nagdasal din siya at tumingin sa kalangitan. "Maraming salamat, bathala."

"Nawa'y maging mas maayos na ang paggamit nila sa tubig," narinig kong sabi ng bata sa aking tabi habang nakangiti sa mga tao. "Saan tayo sunod na pupunta, Basil?" Tanong niya sa akin. Akala niya yata ay talagang isasama ko siya sa gagawin kong paglalakbay. Hindi ko hahayaan na masama ang batang ito sa gulo sa pagitan ng Sol invictus at gobyerno.

"Hindi kita isasama." Sabi ko sa kanya.

"Fernando," tawag ko sa matandang lalaki na masayang nakatingin sa kanyang nasasakupan. "Baka nakakalimutan mo ang ating pinag-usapan, hindi libre ang aking serbisyo."

"Leo, kuhanin mo ang nakahandang tatlong ginto at mga rubi para kay ginoong Basil." Tumakbo ang kawal at mayamaya lamang at may hawak na siyang isang lalagyanan kung saan naglalaman ito ng ginto at rubi. "Hindi basta-basta ang mga rubi na namimina sa aming lugar, mataas ang kalidad nito at maaari mong maibenta sa mataas na presyo."

Naglakad na ako paalis at nakasunod sa akin ang batang si Isla. Palukso-lukso pa siyang tumatalon habang nakasunod. "Hindi ka ba nakakaintindi? Hindi kita isasama,"

"Hindi maaari iyon. Ikaw na ang panginoon ko ngayon kung kaya't sa'yo lamang ako susunod. Sa ayaw at sa gusto mo ay sasama ako sa mga gagawin mong paglalakbay." Nakangiti niyang sabi sa akin.

"Bahala ka," sabi ko at itinuloy ang paglalakbay. Paniguradong mananawa rin si Isla sa pagsunod sa akin. Paniguradong iiwan niya rin naman ako, walang permanente sa buhay ng tao.

"Ginoo sandali lamang," napahinto ako sa paglalakad kung kaya't napalingon ako kay Fernando. "Magkakaroon kami ng pagsasalo bilang pagpapasalamat kay Bathala mamayang gabi, bakit hindi na kayo sumabay?" Tanong niya sa akin.

"Hindi na," Lubhang importante ang lugar na pupuntahan ko at hindi ko kayang manatili sa iisang lugar upang magsaya. Iniisip ko pa lang na nagsasaya sila Avery habang ako naman ay nagdudusa ay nag-iinit na ang ulo ko, kailangan ko nang makabawi sa kanila, kailangan ay makaganti na ako sa lalong madaling panahon. "Gawan mo na lang ako nang pabor."

"A-ano iyon? Gagawin ko ang lahat para lang sa taong nagpabalik ng tubig sa aming lugar." 

"Ipagkalat mo sa buong mundo o sa lahat ng bayan na mapupuntahan mo na nagbalik na ang Sol Invictus. Sabihin mo na humanda ang gobyerno dahil pababagsakin namin ito." Bilin ko sa kanya. Gusto kong magbigay babala sa mga tao sa gobyerno, gusto ko silang takutin.

"Pero hindi ba't masamang grupo ang Sol--"

"Miyembro ako ng Sol Invictus," pagsisinungaling ko. "Iyon lang ang pabor na hihilingin ko sa'yo, Fernando." Isinuot ko na muli ang aking balabal at nagpatuloy na sa paglalakbay.

***

"Hindi ka miyembro ng Sol Invictus, 'diba?" Sabi ng bata na pilit na sumasama sa aking paglalakbay, palukso-lukso pa siyang naglalakad sa damuhan na para bang natutuwa sa mga nangyayari.

Hindi ako kumibo. "Tatanggapin ko ang pananahimik mo bilang 'oo.' May dala kang mapa at ibig sabihin lamang nito ay hinahanap mo pa lang ang lugar na pinagtataguan ng Sol Invictus, tama ba?" Habang tumatagal ay mas lalo akong naiinis sa prisensya ni Isla. Ang liit-liit niya pero kung umasta siya ay para bang alam niya ang lahat tungkol sa akin.

"Panginoon, hindi ako basta-bastang bata lang. Bata man ako pero mas malakas ako sa ibang manlalakbay at hindi ka magsisising sinama mo ako sa paglalakbay na--"

"Hindi kita sinama, kusa kang sumunod." Pagtatama ko sa kanya.

"Basta! Alam kong sumusunod ako sa tamang tao," nakangiti niyang sabi sa akin. "Isang malakas na tao ngayon ang kasama ko at nararamdaman kong may maganda kang plano sa mundong ito."

Tumingin ako sa kanya at sumalubong na naman sa akin ang inosente niyang ngiti. "Kahit malaman mong isa akong kriminal?" Bahala na siya kung matatakot siya, mas ayos nga iyon upang lumayo na siya dahil hindi ko kailangan nang isang pabigat sa mga plano ko.

Kahit pa sabihing malakas na mahikera si Isla, hindi pa ring maitatanggi na isa lamang siyang bata na pitong taong gulang. Hindi pa siya bagay na makialam sa gulo laban sa gobyerno, masyado pa siyang inosente para rito.

"Mahalaga pa ba ang nakaraan mo, panginoon?" Tanong niya sa akin na ikinabigla ko, hindi ko inaasahan na lalabas iyon sa bibig ni Isla. "Ang mahalaga ay maganda ang plano mo sa mundong ito. At isa pa, ikaw ang kauna-unahang tao na umintindi ng mga bagay na pinaglalaban ko."

"Ewan ko sa'yo," nauna akong naglakad.

"Aminin mo na, panginoon, kinilig ka sa mga sinabi ko." Natatawa niyang sabi pero hindi ko na siya binigyan nang pansin. Sabi ko na nga ba't maling ideya na isama ang batang ito sa paglalakbay ko.

Gabi na nung huminto kaming dalawa sa paglalakbay. Nasa gitna kami ng gubat ng Hunstal. Gumawa rin ako ng apoy gamit ang aking magi upang magkaroon kami ng liwanag ngayong gabi. Pinagmasdan ko ang batang si Isla na mahimbing na natutulog habang nakasandal sa puno.

Bumaling ang tingin ko sa kalangitan at pinagmasdan ang makikinang na bituin. Dati ay madalas kong ihambing ang bayan ng Norton sa mga bituin dahil ang ganda nitong pagmasdan, ngunit ngayon ay kinasusuklaman ko na ang lugar na iyon. "Maghintay lang kayo, Avery, sa susunod na magkita tayo ay lalabas kung sino ang tunay na bayani."

Kinaumagahan ay nagising ako sa malakas na ingay, dahan-dahan kong iminulat ang aking mata at nakita ko si Isla. "Panginoon!" Malakas niyang tawag sa akin habang may hila-hila siyang isang malaking Ursa (isang uri na mabangis na oso.) "May umagahan na tayo, Panginoon!" Magiliw niyang sigaw sa akin.

"Sinong humuli niyan!?" Nawala ang antok ko dahil sa nakita ko, hindi ko nga rin alam kung paano niya nagagawang hatakin ang Ursa na iyon lalo na't ang laki nito.

"Ako, para hindi ka na mahirapan sa paghahanap ng kakainin natin, panginoon." Sabi niya sa akin at binitawan mismo sa harap ko ang Ursa. "Sabi ko naman sa'yo, hindi ako magiging pabigat sa'yo."

Napailing-iling ako at ako na ang nagluto nung Ursa. Pinagsaluhan nga naming dalawa ni Isla ang Ursa, sa katawan ng batang ito ay hindi mahahalatang malakas siya kumain. Hindi ko alam kung magandang ideya ba na isama siya sa paglalakbay na ito pero hanggang hindi siya sasagabal sa plano ko ay hahayaan ko na lamang.

***

Ilang oras din kaming naglakad na dalawa ni Isla bago makarating sa isang malaking bayan. Ito ang bayan ng Havoc. Isa ito sa pinakamasisiglang bayan noon ngunit simula nung nilindol ito ay para bang marami sa kabuhayan nila ang nasira. Sikat na bayan pa rin naman ang Havoc ngunit karamihan sa mga iprastraktura rito ay may lamat ng lindol.

Ibebenta ko sana ito. "Iniabot ko ang mga rubi sa isang mangangalakal."

"Mga rubi!" May salamin siyang hawak at mukhang sinisiyasat niya ang bawat pirasong ito. "Mababang uri lamang ng mga rubi itong dala ninyo, ginoo. Maaari itong mabenta sa halagang tatlumpung pilak." Sabi niya sa akin.

"Hindi basta-basta ang mga rubi na namimina sa aming lugar, mataas ang kalidad nito at maaari mong maibenta sa mataas na presyo."  

Naalala ko bigla ang sinabi sa akin ni Fernando at alam kong hindi naman ako lolokohin ng matandang iyon. Masama kong tiningnan ang mangangalakal na may malaking ngisi sa akin. Mabilis kong hinablot ang kanyang kwelyo at masamang tiningnan. "Huwag na tayong maggaguhan," patago kong itinutok sa kanyang tiyan ang aking balaraw. "Kung ayaw mong dumanak ang dugo rito."

"O-oo na! Oo na! Ano ba ang nais mo!?" Padabog kong inalis ang pagkakakwelyo ko sa kanya at doon lamang siya nakahinga ng maluwag.

"Bigyan mo ako ng tamang presyo." Sa mundong ito ay hindi talaga nawawala ang mga manloloko. Pati kapwa manlalakbay ay dinuduga na nila para lamang sa sariling kasiyahan.

"Ang halaga ng bawat rubi ay isang daang pilak," tiningnan ko siyang maigi at mabilis niyang iniling ang kanyang kamay. "Hindi na ako nagsisinungaling sa pagkakataong ito."

Mukha naman siyang nagsasabi ng totoo kung kaya't inabot ko sa kanya ang pitong rubi na ibinigay sa akin ni Fernando at kumita ako ng pitong daang pilak. Bago ako umalis ay masama siyang tiningnan ni Isla. 

"Anong problema mo sa'kin, bata?" Inis na sabi nung mangangalakal.

Nakita ko na may tubig ng namumuo sa kamay ni Isla at hindi maganda kung dito pa siya gagawa ng komosyon. Iniharang ko maigi ang aking balabal upang walang makakilala sa akin. "Isla, halika na." 

Nagiging maingat ako sa pagkakataong ito dahil marami sa manlalakbay mula sa Norton ang paboritong bumisita sa Havoc, baka mamukhaan nila ako.

Isa sa mga lugar na nais kong puntahan sa bayang ito ay ang Taberna, sa lugar kasi na ito ay madalas uminom ang mga manlalakbay kung kaya't marami akong pwedeng makuhang impormasyon mula rito. Iniwan ko muna si Isla sa bahay na tinutuluyan namin, mabuti na lamang at hindi na siya sumunod dahil may mga bata naman siyang kalaro rito.

Pagkarating ko sa taberna ay umupo ako sa bangko malapit sa tagagawa ng alak. Hinarang ko maigi ang balabal ko sa aking mukha dahil lubhang mapanganib ang aking ginagawa lalo na't baka may makakilala sa akin.  "Isang alak," sabi ko at inihanda naman ito sa akin.

"Nabalitaan ko na may isang kriminal ang nakatakas sa Norton," hindi nga ako nagkamali, maraming manlalakbay ang nag-uusap-usap dito. "Ang kriminal daw na iyon ay dapat magiging parte ng Ixion ngunit pinatay raw nito si Alvaro."

Napahigpit ako ng hawak sa alak. Hindi ko pinatay si Alvaro. Gusto kong sumagot pero pinigilan ko na lamang ang aking sarili. "Kahit naman makatakas iyon sa Norton ay malaking gubat ang labas ng Norton, paniguradong namatay na iyon doon dahil sa mababangis na hayop." Sagot sa kanya ng kanyang kausap.

"Siguro nga, pero sayang pa rin dahil isang daang ginto ang patong sa kanyang ulo."

Humigop ako ng alak at pinakinggan ang mga sinasabi pa ng ibang tao. "Maiba nga tayo, napili na raw ang pitong magiging bagong Ixion." Tila ba naging interesado ako sa pinag-uusapan ng dalawang manlalakbay sa kabilang banda.

"Talaga, sino-sino raw?"

"Malamang ay parte doon si Avery na isang magiting na mandirigma," paliwanag niya, na kay Avery na ngayon ang lahat ng papuri. Ang kanyang ginawa lang naman ay ituro ako sa kasalanang hindi ko naman ginawa. "Si Kaia, Gandalf, Sabrina, Moses, Rufus, at Tami." Sabi ko na nga ba't magiging parte rin ng Ixion si Kaia, tunay na malakas ang kaibigan ko na iyon.

"Hindi kasama si Melia?" Tanong ko sa sarili ko, si Melia ay anak ni Adara at isa sa pinakamagagaling na nakalaban ko nung nagsasanay ako upang maging parte ng Ixion.

Pagkatapos kong uminom ay inilapag ko na lamang sa lamesa ang bayad ko at naglakad na palabas ng taberna. Ang pitong nabanggit ng manlalakbay na iyon ang siyang magiging pangunahing kalaban ko. Ang pitong iyon ay ang magsisilbing bayani sa mundong ito. Ako? Ako ang magiging matindi nilang kalaban.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top