Kabanata 63: Ang Huling laban
Sa unang pagkakataon, nagtulungan ang mga bayani at ang pinakamasamang grupo ng lugar na ito. Iisa lang ang nais namin ngayon, iyon ay ang mapigilan si Deathevn sa paggawa ng mas malaking pinsala.
"Mas magaan na ba ang pakiramdam mo?" tanong sa akin ni Flavia matapos niyang gamutin ang sugat ko sa aking tiyan. "May mararamdaman ka pa ring sakit pero binigyan ko na ito nang paunang lunas," lumingon siya kay Avery. "Ganoon din sa'yo."
Tumayo si Avery at gamit ang kanyang kamay ay naghukay siya sa lupa. Nagtaka ako ngunit may kinuha itong kwintas mula sa kanyang bulsa. Natatandaan ko ang kwintas na iyon, iyon ang kwintas na ginawa namin nina Parisa noong mga bata kami tanda nang aming pagsasama at pagkakaibigan.
"Kay Parisa ang kwintas na ito," sabi ni Avery at tinabunan na muli ng lupa ang kwintas. "Naglaho man siya bilang si Arimoanga ngunit ito ang magiging tanda na siya ay nabuhay kasama natin. Na hanggang ngayon ay kasama natin siya sa laban ng kapayapaan."
Tama siya, alam kong kasama pa rin namin si Parisa sa labang ito. Uuwi kaming dalawa ni Avery kay tatay David dala ang alaala niya.
"Ako na lang ang lalaban mag-isa kay Deathevn," paalam ko sa kanila at dahan-dahang tumayo. May naramdaman akong kirot sa aking tagiliran ngunit mukhang namamanhid na rin ang aking katawan kung kaya't nasasanay na ako sa sakit.
"Nasisiraan ka na ba ng bait!?" tanong ni Kaia sa akin. "Hindi basta-bastang nilalang ang lumilipad ngayon sa kalangitan. Hindi mo siya kakayaning mag-isa Blade."
"Protektahan ninyo na lang ang mga tao sa mga bayang naapektuhan. Ayoko na kayong madamay sa mas malaking gulo."
"Madamay!?" Itinulak ako ni Melia. "Simula pa lang ay damay na kaming lahat dito Blade, hindi mo lang ito laban kun'di laban nating lahat. Hindi ito ang tamang oras na magpakabayani ka at sumugod mag-isa Blade." inis niyang sabi sa akin.
"Tama si Melia, laban nating lahat 'to." sagot ni Flavia. "Hayaan mong magtulungan ang Ixion at ang Sol Invictus."
Bumuntong hininga ako at tumango sa kanilang desisyon. Ayoko na dapat silang madamay sa laban na ito dahil sa oras na may buhay pang nawala dahil sa akin... baka hindi ko na ito kayanin. Pero tama sila, kailangan ko lang magtiwala sa mga kasama ko at magkakasama naming maaayos ang gulong ito.
"Kailangan natin makuha ang atensyon ni Deathevn," hindi nawawala ang tingin ko sa dragon na lumilipad sa kalangitan. Patuloy ito sa pagbuga ng apoy sa kung saan-saang lumalop ng mundong ito at maraming pamayanan at bayan na ang nasira dahil dito. Malaking bahagi din nang kagubatan ang nagliliyab dahil pa rin dito.
"Kailangan din nating makalipad sa kalangitan," wika ni Avery.
Napatingin ako kay Jacko at ngumiti ito sa akin. "Alam ko na ang gagawin ko."
"Kailangan mahati tayo sa maliliit na grupo at hindi tayo lahat pwede makipaglaban kay Deathevn lalo na't nandiyan pa ang Lawa na isa sa mga maalamat na hayop at may mga bayan pa tayong dapat tulungan" paalam ko sa kanila.
Nahati kami sa ilang grupo para gawin itong misyon na ito, ang iba ang maglilikas sa mga tao para dalhin sila sa mas ligtas na lugar, ang iba ang pupuksa sa mga halimaw na nawawalan ng kontrol, at ang iba ay tutungo sa lokasyon ng Lawa upang mapigilan ito sa paggawa ng gulo.
Naglabas na si Jacko ng griffin at napagdesisyunan namin na ako, si Kaia, Lucas, Avery, at Jacko ang sasakay sa mga griffin upang kuhanin ang atensyon ni Deathevn. Ito ang pinakadelikado sa lahat dahil hindi namin alam kung ano ang hangganan nang kakaibang nilalang na ito.
Pasakay na ako sa griffin at pinagmasdan ko ang mukha ng lahat ng Sol Invictus.
Ngumiti sa amin si Melia. "Kung ano man ang mangyari sa labanang ito. Masaya ako na nakilala ko kayong lahat." pinahid niya ang kanyang luha. Batid niya ang kapahamakan na kaakibat ng labang ito.
"Para sa bayan!" sigaw ni Kaia at napangiti kaming lahat.
"Para sa sa kapayapaan." dugtong ko pa rito. Hindi ko lubos na naisip na magiging isa ang Sol Invictus at ang Ixion. Oo, magkaiba ang paniniwala namin at ilang ulit din kaming nagkaroon nang engkuwentro na muntikan nang humantong sa aming pagkamatay ngunit hindi pa rin mapagkakaila na iisa lang ang gusto nang aming mga grupo at iyon ang mapanatiling payapa at maayos ang mundong ito.
Sumakay na ako sa Griffin at lumipad sa himpapawid. Kailangan lang namin makalapit sa dragon na ito upang makuha namin ang atensyon nito.
Malamig na simoy na hangin ang sumasampal sa amin habang mabilis na lumilipad sa himpapawid. Mula rito ay matatanaw na ang malaking pinsala sa malaking bahagi ng mundong ito.
"Lucas, paulanan mo nang bolang apoy ang dragon!" malakas kong sigaw upang marinig ni Lucas. Sa aming lahat ay si Lucas ang may mas malawak na kapasidad pagdating sa mahika.
"Kaia, subukan mong panain si Deathevn!" sigaw naman ni Avery.
Ginawa naman nila itong dalawa at sa wakas ay nasa amin na ang atensyon ni Deathevn. Hindi ko alam ngunit may kakaibang kaba na
Hinila ko ang tali ng grffin at mas lumipad ito ng mas mataas. Kailangan ay makalapit ako kay Deathevn ng mas malapit. Kailangan ay magawa kong makatuntong sa katawan nito upang mas mapadalit ang pagkuha namin ng atensyon nito.
"Basil, masyado nang mataas ang lipad ng griffin mo! Kung tataasan mo pa ay baka hindi na kayanin ng mahika ko ang pagkontrol dito!" sigaw ni Jacko sa akin.
Hindi ko siya pinakinggan. Ilang metro na lamang ang layo ko mula sa buntot ni Deathevn kung kaya't dahan-dahan na akong tumayo at binalanse ang aking sarili sa likod ng griffin.
"Blade, delikado iyan!" sigaw nila ngunit tuluyan na akong nakatalon. Mabilis akong kumapit sa makaliskis na buntot ni Deathevn. Itinusok ko ang aking Jian sa buntot nito at malakas na umangil si Deathevn. Hindi matatapos ang paglalaho na ito hangga't hindi siya napupuksa kung kaya't gagawin ko ang lahat para maayos na maisagawa ito.
Kahit nasa buntot ako ay tanaw na tanaw ko ang itim na liwanag na unti-unting namumuo sa bibig ni Deathevn. Noong una ay nagtataka ako ngunit napansin kong nag-iipon siya ng lakas para sa isang malakas na pag-atake.
"Iwas!" utos ko kanila Lucas. "Huwag kayong dumikit kay Deathevn! Magtago kayo mula sa likod niya!"
Unti-unting lumaki ang itim na apoy sa bibig nito hangga't sa tuluyan niya itong ibinuga. Malakas ang naging puwersa nito, ramdam na ramdam ko ang pagsampal sa aking ng malamig na hangin. Mahigpit man ang pagkakahawak ko sa Jian na nakatusok sa balat ni Deathevn ngunit napabitaw rin ako dito sa lakas.
"Blade!" sigaw ni Avery. Gamit ang kanyang griffin ay sinalo niya ako at muntik pa kaming mahulog na dalawa.
Kitang-kita namin kung paano bumulusok ang itim na bolang apoy na ginawa ni Deathevn at rumagasa ito tungo sa isang bayan. Malakas na pagsabog ang nangyari sa bayan ng Havoc at kitang-kita namin kung paano ito nabura sa mapa dahil sa isang atake lamang.
Napakagat ako sa ibabang labi ko dahil sa inis. Batid ko na libo-libong tao ang naninirahan sa Havoc at alam kong libo-libo rin ang namatay sa atake lamang na iyon. "M-mag-iingat tayo." alam kong natakot si Avery sa kanyang nasaksihan. "Hindi natin alam kung gaano pa kalalakas na atake ang kayang gawin ni Deathevn."
Mabilis na lumipad palayo si Deathevn at bumaling ang tingin sa aming lima. Masama ang tingin sa amin ng dragon at hindi niya yata nagustuhan ang ginawa naming panggugulo sa kanya. Sa wakas, tuluyan na naming nakuha ang atensyon nito pero may kakaibang kaba na gumapang sa aking dibdib. Pakiramdam ko ay sa titig pa lang ni Deathevn ay parang pinapatay na ako, ganoon kalakas ang kanyang prisensya.
Malaking hayop si Deathevn kung kaya't inasahan ko na magiging mabagal ang pagkilos nito ngunit sa isang kurap lamang ng aking mata ay nasa harapan na namin siya. Nakaamba ang kuko nito na aatakihin kaming lima ngunit mabilis na nakagawa si Lucas ng mahika upang protektahan kami.
Kumpara sa lakas ni Deathevn at sa mahikang ginawa ni Lucas... mabilis nabasag ang mahikang ginawa ni Lucas at nahulog kami sa kanya-kanyang griffin na aming sinasakyan. Pinagmasdan ko ang aming babagsakan at ito ay ang bayan ng Norton.
"Lucas, kaya mo bang--" napalingon ako sa kanyang direksyon at walang malay na ang aming kasamahan dahil siguro sa lakas na ginawa ni Deathevn na sirain ang kanyang mahika. Masyadong mataas ang aming babagsakan.
"Nayari na..." mahina kong bulong sa aking sarili. Mabilis kong kinuha si Lucas sa ere at nag-isip. "Gumamit kayo ng mahika at patamain sa lupa! Kahit papaano ay mababawasan no'n ang pwersa nang pagbagsak!" utos ko sa kanila. Kinuha ni Kaia si Jacko dahil hindi niya kaya ang ganoong klaseng mahika.
Pababa na kami nang pababa at nakahanda na ang gagawin kong mahika pero noong malapit na kami bumagsak ay may kakaibang pwersa na kumontrol sa amin at lumutang kami panandalian sa ere bago bumagsak sa lupa kung kaya't hindi kami napuruhan sa pangyayari.
Napatingin ako kung sino ang may gawa no'n at iyon ay si Sabrina na kasalukuyang nasa bayan ng Norton upang ilikas ang mga tao sa mas ligtas na lugar. "Ayos lang ba kayo?" tanong niya sa amin at tinulungan kaming makatayo.
"Ikaw na muna ang bahala kay Lucas," bilin ko sa kanya at tumingala muli sa kalangitan. Hindi ito ang tamang oras para magkwentuhan kami dahil ang bawat minutong nasasayang ay may buhay na nawawala. "H-hindi maaari." lumilipad patungo rito si Deathevn.
Oo, gusto namin makuha ang kanyang atensyon pero hindi rito sa bayang ito. Maraming tao ang madadamay kung sakali na pumunta rito si Deathevn. "K-kailangan nating madala si Deathevn sa burol. Delikado rito!" sigaw ko kanila Jacko.
Hinang-hina man ay nagawa pa rin ni Jacko na magpalabas ng dalawang kabayo. "P-pasensya na, kailangan ko na rin magpahinga. Masyadong madaming lakas ang nawala sa akin." sabi sa akin ni Jacko.
"Ayos lang, magpahinga ka na lang din muna at tumulong sa pagpapalikas ng mga tao. Ikaw din, Kaia." utos ko at sumakay kaming dalawa ni Avery sa dalawang kabayo.
Masyadong malapit na si Deathevn dito sa bayan ng Norton pero nagulat na lamang kami noong lumabas si Zardo sa isang gilid at ginamit ang kakayahan niya upang balutin ang Norton sa matibay na bato.
Si Zardo ang isa sa mga nakalaban namin sa koliseo at dinakip siya nina Avery sa ginawa niyang pagtulong sa amin. Ngayon ay nandito siya at tumutulong sa amin.
"Salamat," wika ko.
"Huwag kang makampante ginoo, ilang minuto lamang ang itatagal ng mga bato na iyan. Ginawa ko lamang iyan upang maiwasan ang pagpasok ni Deathevn sa bayang ito. Hinayaan kong bukas ang pangunahing lagusan sa bayang ito. Doon kayo lumabas upang madala si Deathevn sa burol." wala mang kakayahan si Zardo na makakita ngunit alam na alam niya ang dapat gawin sa ganitong klaseng sitwasyon.
"Halika na, Blade!" aya sa akin ni Avery at pinaandar na namin ang kabayo paalis ng bayan. Habang tumatakbo ang kabayo ay biglang lumabas si Melia sa isang gilid.
"Blade, salo!" sigaw niya sa akin at ibinato sa akin ang isang espada na nakabalot sa tela. Laman nito ang Xiphos na kanyang gamit sa pakikipaglaban. Naiwan kong nakatarak sa katawan ni Deathevn ang sandata ko.
Ngumiti ako sa kanya at tuluyan ko na siyang nilagpasan. Hindi ako nag-iisa sa labang ito. Marami kaming nagtutulungan para iligtas ang mundong ginagalawan namin kung kayat hindi ako pwedeng sumuko. Hangga't may lakas ako ay gagawin ko ang aking makakaya upang masigurado ang kaligtasan ng lahat.
Nakalabas na kaming dalawa ni Avery ng bayan ng Norton. Pinailaw ni Avery ang kanyang kamay at nagpakawala ng bolang apoy mula rito. "Hoy Deathevn! Nandito kaming hinahanap mo!" sigaw niya.
Napalingon sa aming direksyon si Deathevn at nabigla kaming dalawa noong nagbago ito ng anyo ay naging isang mabangis na leon. Marami nga talagang kayang gawin si Deathevn. "Kailangan nating magmadali!" sigaw ko.
Hindi man namin madala si Deathevn sa mismong burol ay dapat mailayo man lamang namin siya sa bayan ng Norton.
Nakapokus ang aking mata sa aming dinadaanan. Hinila ko ang tali ng kabayo na aking sinasakyan at mas bumilis ang takbo nito.
"Blade, mag-ingat ka. Naghahanda muli si Deathevn sa pag-atake!" napalingon ako sa leon na humahabol sa amin at may namumuo muli ng itim na apoy sa bibig nito.
"Maghiwalay tayo! Ikaw sa kanan at ako sa kaliwa!" nilihis ko ang direksyon ng kabayo pakaliwa pero tumatakbo pa rin ito sa tungo sa burol.
Naghiwalay kami ng landas ni avery. Bumubulusok na lumilipad sa ere ang ginawang atake ni Deathevn at isang malakas na pagsabog ang umalingawngaw sa paligid, maging ako ay nahulog sa kabayo na aking sinasakyan dahil sa lakas nito.
Nasira ang malaking bahagi ng gubat sa paanan ng burol. Nagpagulong-gulomg ako sa damuhan pero agad din akong tumayo at nagpatuloy sa pagtakbo.
Mabuti na lamang at hindi sa Norton naganap ang pagsabog dahil pagsisisihan ko talaga kapag iyon ang nangyari. Marami akong kaibigan at kakilala na nasa bayan na iyon at punong-puno nang pangamba ang kanilang nararamdaman.
"Sige lang, ako ang habulin mo." panay ang lingon ko sa aking likuran. Nasa akin ang atensyon ni Deathevn.
Hindi man ako makarating sa tuktok ng burol ay sapat na ang distansiya na ito upang maiwasan ang malalaking klase ng pinsala.
Tumigil ako sa pagtakbo at humarap kay Deathevn. Matalim ang titig na binigay sa akin ni Deathevn. Tinanggal ko sa sisidlan ang Xyphos na ipinahiram sa akin ni Melia. Pakiramdam ko ngayon ay hindi ako nag-iisa sa pakikipaglaban dahil pakiramdam ko ay kasama ko si Melia sa labang ito.
Tumatakbo tungo sa direksyon ko si Deathevn. Nangako ako kay Melia na babalik ako sa Norton, magkasama naming lilinisin ang aking pangalan at tutuparin namin ang mga bagay na hinahangad namin para sa bayan. Hindi ko sisirain ang bagay na iyon.
Tumakbo din ako tungo sa direksyon ni Deathevn. "Ako... ang tatapos sa iyo!" malakas kong sigaw. Akmang kakalmutin niya muli ako ngunit mabilis akong nakayuko.
Nasa ilalim ako ng leon na uto at ginamit ko ang buong lakas ko para masugatan siya sa kanyang kanang paa. May kasamang kidlat ang ginawa kong atake at malakas na napaungol si Deathevn.
Nagpagulong-gulong ako palayo at ngumisi sa kanya. "Sabi ko sa'yo. Ako ang tatapos sa iyo. Ito ang aking misyon... ang patayin ka."
Hindi ko napansin na kumawag ang buntot nitong Leon at malakas na inihampas sa akin. Huli na noong napansin ko ito, malakas niyang ipinalo ito sa akin at lumipad ako ng ilang segundo sa hangin bago ako nagpagulong-gulong sa damo. Lubhang napuruhan ang aking tiyan at panandalian pa akong nahirapang makahinga.
Dahan-dahan akong tumayo at pinulot muli ang Xyphos, pinunasan ko ang dugo sa gilid ng aking labi. Hindi ako susuko.
"Sige, lumapit ka!" malakas kong sigaw kahit na hirap na hirap na akong gumalaw.
Manilis na tumatakbo ang leon na si Deathevn. Akmang kakagatin ako nito ngunit mabilis akong tumalon at kumapit sa mabalahibo nitong ulo. Pilit na naglilikot si Deathevn upang matanggal ako ngunt hindi ako bumibitaw. Tatapusin ko na ang lahat ng ito rito.
"Haaa!" malakas kong sigaw at ibinaon ang Xyphos sa ulo nito. Umungol ng malakas si Deathevn at mas lalo ko pa itong ibinaon.
Napabitaw ako sa Xyphos at nahulog pababa. Nagpagulong-gulong ako sa damuhan hanggang tumama ang likod ko sa sanga ng isang puno. Humihingal akong tumingin kay Deathevn.
"B-bakit?" akala ko ay sapat na ang ginawa kong pag-atake para kahit papaano ay mapuruhan si Deathevn ngunit para lang balewala ang ginawa kong pagsaksak dito.
Hindi nagbabago ang lakas ni Deathevn kahit ilang oras na ang nakakalipas simula ng naganap ang paglalaho.
Sumugod ito sa aking direksyon. Wala na akong sandata na hawak ngayon dahil parehas nakatusok sa kanya ang Xyphos at ang Jian ko. Ikinuyom ko ang aking kamao at inipon ang buong lakas ko sa aking kamao. "Sige lumapit ka, hindi kita susukuan. Hindi ko hahayaan na saktan mo ang mga mahal ko sa buhay!" malakas kong sigaw.
Tumalim muli ang kuko ni Deathevn at akmang ikakalmot niya sa akin ang kanyang kuko ngunit napatigil ang kamay nito sa ere noong biglang may apoy na bumubulusok tungo sa kanyang direksyon at tumama ito sa pisngi.
"Hoy gago! Tigilan mo si Blade! Hindi lang siya ang kalaban mo dito!" malakas na sigaw ni Avey habang mahigpit ang pagkakahawak sa kanyang espada.
Tumakbo sa direksyon niya si Deathevn. "A-Avery huwag! Tumakbo ka na!" malakas kong sigaw.
Inatake siya ni Deathevn ngunit mabilis niya itong sinangga gamit ang kanyang espada.
Hinang-hina man ako ay nagawa ko pa rin tumayo at tumakbo upang kalabanin si Deathevn. Habang na kay Avery ang atensyon nito ay mabilis akong kumapit sa buntot nito at hinugitnko ang Jian kong nakabaon. Gamit ang mahika ko ay pinagapang ko ang kuryente mula sa aking kamay pababa sa katawan ni Deathevn. Ang gusto ko ay ibaling niya sa akin ang atensyon niya. Ayokong masaktan si Avery. "Ako ang papatay sa iyo!" malakas kong sigaw.
Ginamit ni Deathevn ang kanyang buntot upang ihampas ako sa damuhan. Unang tumama ang aking likod at napasuka ako ng ilang dugo. Naghahabol ako sa paghinga at pakiramdam ko ay nanlalabo na ang aking paningin pero hindi ako pwede sumuko.
Para kay tatay David.
Para sa bayan ng Norton.
Para sa mundong ito.
Para sa buong Sol Invictus
Humigpit ang hawak ko sa aking espada at dahan-dahang pinilit tumayo pero parang nawalan ng lakas ang tuhod ko. Nakaamba muli ang kuko ni Deathevn upang itusok sa aking katawan. "H-hindi mo ako mapapatay!" malakas kong sigaw at patuloy pa rin akong tumatayo.
Hindi ako pumikit noong tatama na ang kuko sa akin ni Deathevn dahil handa akong tanggapin ang kapalaran ko. Kung may bagay man akong pagsisihan ay iyon ay hindi ko nagawang pigilan ang paglalahong ito.
"Blade!" isang sigaw ang narinig ko at nakita ko na lang ang sarili ko na puro talsik ng dugo mula sa taong humarang sa akin. Napuno ng dugo ang buo niyang katawan at may malaki siyang hiwa sa kanyang tiyan. Umaagos mula roon ang pulang likido.
Nanginginig ang ibabang labi ko at nagsimulang magluha ang aking mata. "A-Avery!" mabilis akong gumapang sa katawan ni Avery na ngayon ay nakahandusay sa sahig. May luhang tumulo sa aking mata. "Avery gumising ka, huminga kang malalim. Huwag kang mamamatay." paulit-ulit kong sabi at hinaplos ang kanyang mukha.
"Basil! Napatay na namin ang Lawa!" sigaw nina Luntian at kinuha ang atensyon ni Deathevn. Samantalang ako ay parang huminto ang mundo ko sa nangyayari.
Mahigpit na humawak sa braso ko si Avery at may luhang namuo sa kanyang mata. "A-ayoko pang mamatay--" napasuka siya ng dugo. "Blade ayoko pang mamatay."
Humagulgol ako ng iyak. "H-hindi ka mamamatay. Flavia! Tulungan mo si Avery!"niyakap ko si Avery at pinunit ko ang suot kong damit upang talian ang malaking sugat niya sa kanyang tiyan. Sinusubukan ko ang lahat upang pigilan ang pag-agos ng dugo mula rito.
Nanginginig man ang labi ni Avery at naghahabol man sa paghinga ay patuloy niya akong kinausap. "P-pasensya... na. Naging masama akong... kapatid sa'yo." sabi niya at hinawakan ang aking pisngi.
Walang tigil ang luha sa aking mata. "Huwag kang mamamatay. Huwag kang mamatay. Babalik pa tayo kay tatay David. Malalagpasan natin 'to."
"Pasensya... na. W-wala kang kasalanan sa pagkamatay... ni Alvaro. Nililinis ko... na ang pangalan... mo." pilit siyang naghahabol ng kanyang paghinga. "T-tapusin mo ang gulong ito... p-para kay tatay David, para sa bay--"
"Avery," tinapik-tapik ko ang kanyang pisngi. "Avery..." tuluyan nang napuno ng luha ang aking mata. "Avery!" malakas kong sigaw. Alam kong kinakalaban nilang lahat si Deathevn pero para sa akin ay huminto na ang mundo ko sa puntong ito.
Pakiramdam ko ay patay na rin ako. Wala na si Parisa, maging si Avery ay wala na. Wala na akong dahilan para lumaban.
Yakap-yakap ko ang walang buhay na katawan ni Avery at walang tigil ang luha sa aking mata. Malakas man ang mga pagsabog at kaguluhan sa paligid pero wala na akong ibang naririnig kun'di ang sarili ko.
Hindi man lang ako nabigyan muli nang pagkakataon na makasama sina Parisa at Avery. Kung kailan nagkaayos at nagkita-kita na muli kami ay tsaka nangyari ang bagay na ito.
"Blade!" yumakap sa akin si Melia. Wala siyang ibang sinabi ngunit ramdam na ramdam ko ang init ng kanyang yakap.
"W-wala na si Avery, Melia." para akong bata na nagsusumbong at mahigpit na yumakap sa kanya. "Kasalanan ko 'to, wala na si Avery."
Kung dating Blade siguro ang tatanungin ay baka gustong-gusto niyang mawala si Avery sa landas niya lalo na't siya ang nagdala rito sa maraming kapahamakan. Ngunit iba ngayon, naintindihan ko na kung bakit niya nagawa ang bagay na iyon. Hindi niya iyon ginawa para sa pansariling kagustuhan pero ginawa niya iyon para iligtas kaming dalawa ni Parisa.
"N-naiintindihan ko, pero hindi ito ang tamang oras para sumuko ka Blade." sabi ni Melia at ramdam ko ang pagkabasa ng aking balikat dahil sa kanyang pag-iyak. "Kailangan ka namin. huwag kang susuko."
"Para saan pa?" tanong ko. Wala nang rason para lumaban pa.
"Hinihintay ka ni tatay David. Nasa maayos siyang kalagayan. May tao pang naghihintay sa'yo. Ako, si tatay David, at maging ang hustisya." paliwanag niya sa akin.
Hindi ako kumibo dahil pakiramdam ko ay humihinga na lang ako pero kasabay akong namatay ni Avery. "Blade, naiintindihan kong masakit ang pagkawala ni Avery pero kapag sumuko ka ngayon ay mas maraming tao ang mawawala. Pare-parehas tayong pagod dito. Kahit ako... namatay na si ina dahil sa labang ito. Pinrotektahan niya ako sa Lawa." naiiyak niyang sabi.
Napatingin ako sa kanya. "P-pakiusap, huwag ka munang sumuko. Ayoko nang mawalan ng iba pang mahal sa buhay." naiiyak niyang sabi.
Nakita ko ang buong Ixion at Sol Invictus na nakikipaglaban kay Deathevn pero karamihan sa kanila ay mga pagod at sugatan na rin. Kapag tumama ang kuko ni Deathevn o pangil lang nito sa kanila ay magagaya sila sa sinapit ni Avery.
"Blade. Huwag kang mawala sa akin. Babalik pa tayo sa Norton at tutuparin ang mga pinangako natin sa isa't isa!" sigaw ni Melia sa akin.
Hindi ko alam kung bakit kailangan kong paulit-ulit na umakto na malakas. Dahil ba ako ang itinakdang magliligtas sa mundong ito? Sa totoo lang ay napapagod din ako pero hindi ko magawang sumuko dahil sa mga taong naniniwala sa akin.
Dahan-dahan kong pinulot ang Jian ko at dahan-dahang tumayo. "Ipaghihiganti ko si Avery. Ililigtas ko ang bayang ito. Uuwi ako kay tatay David. Makakasama ko si Melia sa aking pagbabalik." mahina kong bulong sa aking sarili at tuluyan na akong nakatayo.
Dahan-dahan akong naglakad tungo sa direksyon ni Deathevn. "Tatapusin kita... tatapusin kita."
"Madali lang hindi ba?" sabi sa akin ni pinunong Goryo nang ipakita niya sa akin kung paano niya ikinulong ang mahika sa isang kwintas.
"May tanong ako pinunong goryo," wika ko at umupo sa isa mga upuan sa kanyang silid. "Kung naikukulong mo ang mahika sa isang maliit na bagay kagaya ng kwintas. Maaari din kayang ikulong ko ang isang tao o bagay gamit ang mahika ko?"
Nag-isip si pinunong Goryo. "Maaari ngunit malaking magi nang iyong katawan ang kinakailangan para maisagawa ito. Kung isang halimaw ang ikukulong mo sa isang mahika ay maaaring makalipas ng ilang taon o dekada ay mawalan ng bisa rin ito. Bakit?"
Naglakad lang ako patungo sa direksyon ni Deathevn hanggang ang mga lakad na iyon ay naging takbo. Ginamit ko ang buo kong mahika sa katawan upang mabalot ang buo kong katawan. Kung imposibleng mapatay ko si Deathevn ay gagawin ko ang lahat para mapigilan ko siya.
"Luntian! Pigilan mo siyang makagalaw!" ginamit ni Luntian ang lahat ng kanyang makakaya at may ugat na gumapang sa katawan ni Deathevn.
Naglakad muli ako hanggang sa makatapat ko si Deathevn. Ginagamit ni Luntian ang kanyang buong makakaya para hindi makagalaw si Deathevn.
Bago ko hawakan si Deathevn ay tiningnan ko muna ang mga mukha na nandito na tumulong sa akin sa labang ito. Mga taong tumulong sa akin sa paglalakbay ko hanggang sa mahanap ko ang hustisya.
"Maraming salamat sa inyo." nakangiti kong sabi at tuluyan kong hinawakan si Deathevn. Inilabas ko ang lahat ng mahika mula sa aking katawan at nagliwanag ang buo kong katawan hanggang sa may kakaibang sisidlan ang bumabalot kay Deathevn.
"Blade... anong ginagawa mo!" malakas na sigaw ni Melia ang narinig ko at pinigilan siyang makalapit sa akin nina Jacko. "Itigil mo 'yan! Maglalaho ka sa oras na itinuloy mo 'yan! Mauubos ang mahika sa iyong katawan!" malakas niyang sigaw.
Lumingon ako sa kanya at ngumiti. Mas itinodo ko pa ang mahika na lumalabas sa aking katawan hanggang tuluyang mabalot si Deathevn sa isang matibay na bato na punong-puno ng mahika. Hindi ko man nagawang mapatay si Deathevn ngunit napigilan ko naman siya.
Napasuka ako ng dugo at ramdam ko ang dugo na rumaragasa mula sa aking ulo pababa sa aking katawan.
Natapos ang paglalaho at muling bumalik ang liwanag.
"Blade!" sigaw ni Melia at kumawala siya sa pagkakahawak ni Jacko. Akmang yayakapin niya ako ngunit tumagos lamang siya sa katawan ko. Punong-puno ng luha ang kanyang mata.
Unti-unti na akong naglalaho.
"Blade anong ginawa mo!" sigaw niya sa akin. "Ang dami nating pinangako sa isa't isa. Sabi mo gusto mong makita na matupad ko ang pangarap ko para sa sarili ko at sa bayan. Huwag kang maglaho! Huwag kang maglaho Blade!" sigaw niya.
Naluha din ako pero malambot akong ngumiti sa kanya. "Pasensya na... hindi ko matutupad ang pangako kong iyon."
"Blade..." sinubukan niya muli akong yakapin ngunit tumagos lang siya sa akin.
Kinuha ko ang isang kwintas sa aking bulsa. "Kwintas iyan na ginawa ko kasama sina Parisa at Avery. Mayroon ding kwintas si Avery sa kanyang bulsa at nasa tuktok naman ng burol ang kwintas ang kay Parisa." kwento ko sa kanya.
Umiling-iling si Melia at walang tigil ang kanyang luha. "Gusto ko ay iabot mo ang tatlong kwintas na iyan kay tatay David... sabihin mo sa kanya ay umuwi kaming tatlo..." naiiyak kong sabi.
Unti-unti na akong naglalaho na parang abo. Tiningnan ko ang mukha ng mga kasama ko... mula sa buong grupo ng Sol Invictus hanggang sa Ixion.
"Maraming salamat sa inyo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top