Kabanata 61: Ang paglalaho
Ayon sa kwento, bihira maganap ang ganitong klaseng pagkakataon. Ang paglalaho ay isang kaganapan na kung saan mabubuhay ang isang malakas na halimaw at siyang sisira sa mundong ito. Lumaki ako sa kwento na ang pitong maalamat na hayop ang magpoprotekta sa mundong ito kung sakaling mangyari iyon at pananatilihin ang kapayapaan, pagkakaisa, at tahimik na pamumuhay ng indibidwal.
Ngunit buhat nang pamunuan ko ang Sol Invictus ay nagbago ang pananaw ko. Namulat ako sa maraming bagay at isa sa sinabi sa amin ni tatang ay hindi ang pitong maalamat na hayop ang magliligtas sa mundong ito bagkus siyang sisira katulong ang isang malakas na halimaw.
Pinagmamasdan ko ang kalangitan na unti-unting nagkukulay dugo. Nilalamon ng itim na buwan ang araw kung kaya't mas lalong dumidilim ang paligid. Ito ang unang beses na kinabahan ako nang ganito. Nasa dulo na kami ngayon at ito ma ang magiging huli naming laban.
"Lucas, malayo pa ba tayo?" tanong ko sa kanya dahil hanggang ngayon ay malayo pa rin kami sa lokasyon ng Arimoanga.
"Natatanaw ko na ang bayan ng Hangga," sagot niya sa akin.
"Basil, may problema tayo." umakyat ako sa itaas kung nasaan si Flavia. "Mukhang pinaghandaan ng Ixion ang maaari nating pagsugod sa kanilang bayan." Malayo pa man din kami sa bayan ng Hangga ay natatanaw ko na ang ilang mandirigma ng Norton na may hawak na mga pana na handa kaming paulanan sa oras na lumapit kami.
"Isla, kaya mo bang kontrolin ang alon ng dagat na ito?" tanong ko sa kanya. Tumango si Isla sa akin. "Bibigyan natin sila ng isang magandang salubong."
"Lucas, huwag mong itigl ang paglayag. Ibangga mo. Huwag kang matakot. Ipapakita natin sa kanila kung gaano kasama ba ang Sol Invictus. Ipapakita natin sila kung bakit tayo ang pinili na maging kalaban ng mundong ito." ngumisi sila sa akin.
Humingang malalim si Isla at iwinasiwas ang kanyang braso. Sumusunod ang alon sa kanyang bawat wasiwas. Lumalaki ang alon na gumagalaw na parang naiipon ang tubig na kinokontrol ni Isla.
Tumayo ako sa mismong harap ng barko at ako mismo ang unang sasalubong sa mga mamamayang ito. Walang pagkukubli, haharapin ko sila bilang si Basil na pinuno ng Sol Invictus.
Kaunting lapit pa. "Lucas bilisan mo ang pagmamaneho. Ibangga mo sa pader kung saan maraming kawal." utos ko.
"Jacko, sa oras na makarating tayo sa bayan ng Hangga ay ihanda mo agad ang kabayo papunta sa bayan ng Norton."
Napatingala ako sa kalangitan at malapit na maging buo ang eklipse. Mukhang hindi na namin mapapatay ang dalawa pang maalamat hayop, haharapin na namin sila sa mismong paglalaho.
Nagsimulang magpaulan ng palaso ang lahat ng mamamana tungo sa aming direksyon.
"Isla ngayon na!"
Ginamit ni Isla ang buong lakas niya upang papuntahin ang malaking alon sa direksyon ng mga kawal. Tinangay nito ang bawat palaso at malakas na humampas sa mga kawal, nasira ang isang bahagi ng pader na kanilang inaapakan.
Palapit kami nang palapit at kagaya nga ng sabi ko kay Lucas ay huwag siyang matakot na ibangga ito sa pader.
Maraming mga kawal ang nakahiga ngayon sa lapag at wala nang buhay. Bumaba ako ng barko at mas madaming kawal ang nag-aabang sa akin. Seryoso ko silang tiningnan lahat, kitang-kita ko ang takot sa kanilang mukha ngunit pilit lang nilang nilalakasan ang kanilang loob.
"H-hindi ka makakapasok sa aming bayan!"
"Sigurado kang kayo ang makakapigil sa akin?" Sa ilang hakbang na aking ginawa ay ilang beses din silang umatras.
Tumingala ako sa kalangitan. "Luntian, Isla. Kayo na ang bahala rito." utos ko. Kailangan naming magmadali na makapunta sa burol.
"Jacko!" naghanda si Jacko ng apat na kabayo na masasakyan namin papunta sa bayan ng Norton.
"Pigilan sila!" sigaw nung pinunong kawal ngunit hindi sila nakagalaw dala ng mga ugat na pinakapit ni Luntian sa kanilang mga paa.
Iilang tao lang kami sa Sol Invictus ngunit hindi ko sila pinili dahil sila lang ang gustong tumulong sa akin. Pinili ko sila dahil sa kakaiba nilang galing at talino sa pakikipaglaban na kayang tumapat sa Ixion.
Sa paglabas ng malaking pinto palabas ng bayan ng Hangga ay nakaabang ang ilang miyembro ng Ixion— sina Moses at Rufus.
Ngumisi sila sa akin at tumakbo habang hawak ang kanilang mga espada. "Hindi ka makakalagpas sa amin dahil dito pa lang ay babagsak na ang iyong katawan! Hindi ka makakarating sa Norton ng buhay."
"Daming sinasabi." sabi ni Lucas at siya mismo ang bumaba ng kabayo.
"Mauna ka na Basil. Kami na ang bahala rito." sabi ni Flavia. Tumingala siya sa kalangitan at mas tumitingkad ang pulang kalangitan. "Wala na tayong panahon na dapat sayangin. Kami na ang bahala sa dalawang tuta ng gobyernong ito."
Napangisi ako sa sinabi ni Flavia. Pinatakbo ko ang kabayo.
"Sa tingin ko ba ay hahayaan ka namin!" sigaw ni Gandalf at pinana niya ang paa ng kabayo at nagpagulong-gulong ito. Bumagsak ako sa lupa pero agad din akong bumangon at tumakbo.
"Sundan sila!" sigaw ni Rufus pero bago pa nila ako masundan ay isang apoy ang biglang lumabas sa kanilang harapan.
"Kami ang kalaban ninyo." sabi ni Lucas.
Mag-isa akong tumatakbo patungo sa burol. Kailangan kong makapunta agad sa Norton lalo na't nandoon ang mga taong importante sa akin. Nandoon ang mga importanteng tao na ibig kong protektahan. Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa kanila.
Isang napansin ko sa kalangitan ay may kung anong itim na mahika na animo'y isang lagusan ang unti-unting lumilitaw.
Takbo lamang ako nang takbo. Kailangan ay makarating ako sa burol bago pa man din dumating ang paglalaho. Pagkapasok ko sa gubat ay naririnig ko ang malalakas na sigaw ng mga halimaw at iba pang hayop. Para bang nawawalan sila ng kontrol sa kanilang sarili.
Mababait ang mga hayop at halimaw na naninirahan dito sa gubat na ito. Hindi sila mang-a-atake ng isang manlalakbay kung hindi sila tatakutin pero iba ngayon. May mabangis na oso ang lumapit sa aking direksyon akmang sasakmalin niya ako ngunit mabilis kong hinugot ang aking Jian at hiniwa ang tiyan nito.
Nagsisimula nang umaktong agresibo ang mga hayop dito. Hindi dapat ako tumigil sa pagtakbo. Kailangan kong lumaban.
Natatanaw ko na ang dulo ng burol. Kaunti na lamang ay mararating ko na ang bayan ng Norton. Poprotektahan ko ang bayang uto kung sakali mang sumulpot ang Arimoanga.
Sa tuktok ng burol... may dalawang tao akong nakita na animo'y nagtatalo. Si Avery at Parisa.
"Parisa! Bumalik ka sa bayan ng Norton at manatili sa iyong silid." sigaw ni Avery. Unti-unti akong naglakad tungo sa kanilang direksyon. Mukhang hindi pa nila napapansin ang aking prisensya dahil tuloy lang ang kanilang pagtatalo.
"Ayoko! Ngayon babalik si Blade, gusto kong salubungin si Blade mula sq kanyang pagbabalik!"
"Parisa, hindi na siya ang Blade na kilala natin. Taksil siya sa bayan," bumuntong hininga si Avery at lumambot ang boses niya. "Pakiusap, bumalik ka na sa silid mo. Ayokong madamay ka sa paparating na paglalaho. Malaking laban ito at kinakailangan namin protektahan ang maalamat na hayop."
"Avery bakit kailangan nating kalabanin si Blade! Nagdusa na siya para sa akin! Hindi pa ba iyon sapat? Naging masalimuot ang pamumuhay niya dahil lang sa pagtatakip niya sa kasalanang nagawa ko. Nangako tayo na sama-sama tayong babalik kay tatay David, hihintayin ko si Blade!"
"Kalaban na siya ng bayan natin. Ayoko ring kalabanin si Blade pero hadlang siya sa misyon at sinumpaang tungkulin namin. Ako ang pinuno ng Ixion, kinakailangan ko pamunuan ang buong grupo at ang buong bansa. Maraming tao ang umaasa sa kung paano ko poprotektahan ang lugar na ito. Hindi ko sila bibiguin."
Kung hindi ba ako naging pinuno ng Sol Invictus at hindi siya naging pinuno ng Ixion. Kumusta kaya kami ngayon?
"Magagawa mo iyon nang hindi mo pinapatay si Blade." sagot ni Parisa.
"B-Blade?" Mukhang napansin na ni Parisa ang aking prisensya. "Ikaw ba 'yan, Blade?" Lumapit sa akin si Parisa at mahigpit akong niyakap. Ramdam ko ang luha niya dahil nababasa ang aking damit. "Nagbalik ka! Masaya ako at ayos ka lang."
Hinugot ni Avery ang kanyang espada. "Bitawan mo si Parisa!"
Sumugod si Avery sa aking direksyon at itinago ko sa aking likod si Parisa. Hawak ko ang aking Jian at hinarang ang kanyang atake.
"Tumigil kayong dalawa!" sigaw ni Parisa. "Hindi ba kayo masaya na nakumpleto ulit tay..."
Napatigil kaming dalawa ni Avery sa paglalaban noong mapansin ang panginginig ng katawan ni Parisa. Napasabunot siya sa kanyang buhok at napahiga sa damuhan.
"Parisa, anong nangyayari sa iyo! Parisa! Parisa!" lumapt ako sa kanya at inuga-uga ang kanyang braso. Sinubukan ko siyang pakalmahin ngunit tila ba may masakit sa kanyang katawan. Naiiyak na siya at paulit-ulit na inuuntog ang kanyang sarili sa damuhan.
Napatingala ako. Tuluyan nang nilalamon ng buwan ang araw. Nagaganap na ang paglalaho.
Itinulak ako ni Avery dahilan para mawala ako sa tabi ni Parisa. "Lumayo ka kay Parisa!" hindi niya ibinababa ang kanyang espada at nasa likod niya si Parisa habang nakatingin sa akin ng masama."Hinding-hindi ko hahayaan na saktan mo si Parisa." Nanggagalaiti niyang sabi.
Unti-unting nagbago ang poghra at hitsura ni Parisa. Namilog ang aking mata at napaupo ako sa damuhan. Naging isang higanteng leon si Parisa na may sungay.
"H-huwag mong sabihing isang maalamat na hayop si Parisa, Avery?" tanong ko.
"Heto ang pinakarason kung bakit ko pinoprotektahan ang mga maalamat na hayop. Hinding-hindi ko sasaktan si Parisa... ang Arimoanga." wika niya sa akin.
Malakas na kumidlat at may kung anong halimaw na dragon ang lumalabas sa kalangitan. Kulay itim tong dragon at nagbuga ng apoy at nasunog ang malaking bahagi ng kagunatan.
Nagaganap na ang paglalaho.
Tuluyan nang nabuhay si Deathevn.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top