Kabanata 60: Ang senyales

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata. Pakiramdam ko ay masyadong naging matagal ang aking naging pagtulog, ang huling natatandaan ko ay kinalaban namin ang sawa at matapos no'n ay bumagsak na ang aking katawan dala ng pagod.

Bumukas ang pinto ng silid na aking pinagpapahingahan at pumasok si Isla. "G-gising ka na, Panginoon!?" sigaw niya at nagmadaling lumabas ng silid upang tawagin ang atensyon ng iba naming kasamahan.

Nandito ang buong Sol Invictus at napatingin ako sa benda na nakabalot sa aking tagiliran. Hindi nga pala naging maganda ang bagsak ko noong naglaban kami ng Sawa. "Ilang araw akong nakatulog?" tanong ko sa kanila. Nasabi naman sa akin ni Flavia ang patungkol sa masamang epekto ng mahika kung kaya't alam ko ang nangyari sa akin.

"Apat na araw." sagot ni Flavia. "Hindi muna kami umalis dito sa Fragkula upang maayos kang makapagpahinga at maayos kang mapasalamatan nina Aimer dahil sa ginawa mong pagligtas sa kanilang bayan."

"Aalis na kamo tayo," akmang tatayo ako ngunit kumirot ang aking tagiliran. "Apat na araw na ang nasayang natin sa lugar na ito. Kailangan na nating magmadali dahil may ilang linggo na lamang ang mayroon tayo bago ang paglalaho."

"Makakarating kay Aimee ang iyong sinabi." sabi ni Jacko.

Hindi ko naman pinagsisisihan ang aking naging desisyon na gamitan ako ni Flavia ng mahika dahil natalo at napatay namin ito. Ngayon ay dalawang maalamaat na hayop na lamang ang kinakailangan naming patayin at makakabalik na ako sa Norton.

Narinig namin ang katok sa pinto at napatingin kaming lahat doon. Nakatayo si Aimer at nakangiting naglakad tungo sa aming direksyon. "Masaya ako't gising ka na, Basil, maayos na ba ang iyong pakiramdam?" tanong niya.

"Masakit lang ang aking tagiliran ngunit handa na muli kaming magpatuloy sa paglalakbay. Masaya ako at nalinis mo ang iyong pangalan. Nabawi mo ang titulo bilang prinsipe ng bayang ito." sabi ko sa kanya. Tumayo ako at isinuot ang aking damit.

"Ako man, bilang kinatawan ng aming bayan ay nagpapasalamat sa iyo. Kung hindi dahil sa iyo ay baka tuluyan napagharian ng sawa ang aming isla. Hinintay talaga namin ang iyong paggising dahil may inihandang salo-salo ang aking ama upang pasalamatan ka sa iyong kabayanihan."

"Hindi na Aimer, kinakailangan din naming umalis sa lugar na ito sa lalong madaling panahon. May misyon pa kaming dapat tapusin."

"Pero panginoon..." nakangusong sabi ni Isla. "Maaari naman na mamayang gabi na lamang tayo maglayag para hanapin ang ibang maalamat na hayop. Sayang ang pagkain na niluto nila para sa atin. Masarap pa naman."

"Oo nga Basil, siguro naman ay ayos lang na magkaroon tayo ng selebrasyon lalo na't nagawa nating mapuksa ang Sawa." dugtong ni Jacko. Napatingin ako sa aking mga kasama, wala na akong magagawa dahil halos lahat ay nais manatili rito para makipagsaya.

"Sige," natuwa sila sa aking sambit. "Pero mamayang gabi ay sisimulan na natin ang paglalayag para hanapin ang natitirang maalamat na hayop. Jacko at Lucas, kailangan ninyong magtrabaho maigi para rito." utos ko sa kanila.

"Masusunod!" sagot ni Jacko.

Umalis na sila ng aking silid upang maghanda sa magaganap na pagsasaya habang ako ay nagdesisyon na mag-ikot-ikot muna sa bayan kasama si Aimer.

"Dito sa bahaging ito nagaganap ang kalakalan sa pagitan ng mga dayo at ng aming mga mamamayan," turo ni Aimer sa isang lugar. "Maraming salamat ulit Basil dahil kahit hindi ninyo ako kilala masyado ay tinulungan mo ako na mapatunayan na ako ang tunay na anak ni ama. Utang na loob ko sa'yo ang aking buhay."

"Hindi totoo 'yan." pinagmasdan ko ang hampas ng alon sa buhanginan. "Kagaya nang sinabi ng hari ay alam niya nang ikaw ang kanyang anak. Sinubok ka lang niya kung maaari ka ng maging hari ng Fragkula."

"Hindi ko talaga maintindihan kung bakit sa lahat ng bayan na napuntahan ko ay ikaw ang pinakakinatatakutang nilalang," wala akong magagawa sa bagay na iyon dahil pinalabas ko naman talaga na masama ang aking sarili. Ginawa ko iyon para protektahan ang aking sarili dahil wala naman ding naniniwala sa akin bukod sa Sol Invictus. "Sana makita rin ng ibang tao ang kabutihang nakita namin sa'yo."

"Hindi ko kailangan ng opinyon ng ibang tao. Sa totoo lang ay wala na akong pakialam sa iniisip nila patungkol sa akin. Ang gusto ko na lamang mangyari ay mailigtas ang mundong ito sa nalalapit na kapahamakan. Masaya na ako na naniniwala sa akin ang buong Sol Invictus at ang bayan ng Kamora."

May napadaan na dalawang mamayan ng Fragkura sa aming harap ni Aimer at yumuko sila bilang paggalang at nag-abot sa akin ng isang supot na naglalaman ng pilak. "Maraming salamat po sa pagtulong ninyo sa amin. Alam kong maliit lang na halaga lamang iyan pero iniligtas ninyo ang buhay naming lahat kung kaya't sana'y inyong tanggapin."

"Hindi lang ang bayan ng Kamora ang naniniwala sa iyo ngayon kun'di ang bayan din ng Frakula." tinapik ni Aimer ang aking balikat. "Halika na sa liwasan at mukhang handa na ang lahat sa magaganap na pagsasalo." aya niya.

Alam kong sinabi ko na hindi ko kailangan nang pasasalamat ng ibang tao pero sa loob-loob ko ay kailangan ko rin pala ng mga taong makakapansin ng aking ginagawa. Kakaibang saya at lakas ang naibigay sa akin nito.

Pagkatungo namin sa liwasan ay naayos na ito at wala nang bahid na gulo na nagawa ng Sawa. Sa bagay ay apat na araw din akong nakatulog.

Malakas ang tunog ng tambol sa paligid at marami sa mga tao ang nakikisabay sa saliw ng tugtugin. Isang mahabang lamesa ang nasa sentro ng liwasan kung saan nakahain ang napakaraming pagkain at inumin.

"Nandito na pala ang aking anak at maging ang taong nagligtas sa ating bayan," sigaw ng hari noong mapansin niya kaming dalawa ni Aimer na naglalakad.

"Gusto kong maging paraan ang munting salu-salo na ito upang pasalamatan ka sa kagitingan na iyong ipinakita at pagpaslang sa isa sa mga hayop na nagtangkang guluhin ang aming isla." Ngumiti ako. Hindi ko alam kung tama bang sabihin na isa lang itong munting pagsasalo dahil sa daming nakahain na pagkain.

Agad akong lumapit sa Sol invictus na kumakain. "Panginoon, subukan mo itong manok nila! Ang sarap." turo ni Isla sa akin. Nasanay na lang din ako sa kakulitan ni Isla dahil kasama ko siya simula umpisa ng misyon na ito.

"Lucas anong ginagawa mo?" tanong ko nung mapansin siyang nagbabasa ng libro.

"Nag-aaral, ang sabi mo kasi ay--"

Ibinaba ko ang librong kanyang hawak. "Pagkatapos na nang kasiyahan na ito ikaw magbasa. Makisaya ka kasama ng mga tao rito." utos ko na agad na ginawa ni Lucas.

Kung nandito si Melia ay alam kong matutuwa siya sa ganitong senaryo.

"Iniisip mo si Melia?" tanong sa akin ni Luntian.

"Sumagi lang siya bigla sa aking isipan," pag-amin ko. Wala naman ding dahilan para itanggi. "Pero alam kong hanggang ngayon ay tinutulungan pa rin tayo ni Melia at kasapi pa rin siya ng ating samahan."

"Ihanda ang alak!" sigaw ng hari at mas lumakas ang sigaw ng mga tao. Mas lumakas ang tugtog sa buong paligid at nagsimulang sumayaw ang lahat.

Naputol ang masaya naming pagsasalo noong biglang magdilim ang kalangitan. Nabalot ng pagtataka ang aming mga mukha dahil ang ganda ng panahon kanina. "Uulan ba?" tanong ni Isla. "Nakakalungkot naman kung ganoon."

Sumeryoso ang mukha ni Jacko. "Ilang araw nang pabago-bago ang panahon at masama ang kutob ko rito." lahat kami ay nakatingala at nakatingin sa kalangitan. Tanghaling tapat ngunit pakiramdam ko ay pagabi na dahil sa kulimlim ng panahon.

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.

"Sa ilang araw mong pagtulog ay madalas magbago ang panahon. At isa pang nakapukaw ng atensyon ko ay ang grupo ng ibon na lumipad sa kalangitan noong nakaraang araw na animo'y may iniiwasan na masamang pangyayari. Nagkakaroon din ng mahihinang lindol at malalakas na paghampas ng alon paminsan-minsan."

Hindi nawawala ang tingin ko sa kalangitan ngunit may kung anong kaba ang gumapang sa aking katawan. "Alam mo naman siguro ang ibig sabihin nito, Basil, hindi ba?"

Malakas na kumidlat.

"Senyales na ito na nalalapit na ang paglalaho," sabi ni Jacko sa akin. Inasahan ko na ito, bumuntong hininga ako at napakuyom ang aking kamao. Hindi dapat ako matakot sa ganitong bagay lalo na't pinaghandaan ko ito. "Hinulaan lang din naman ni Tatang ang tungkol sa paglalaho kung kaya't pwedeng mas mangyari ito ng mas maaga."

"Sol Invictus, maghanda! Paparating na ang pinakamalaking laban natin." sigaw ko at sumeryoso ang tingin nila sa kalangitan.

Bumuhos ang malakas na ulan. Nagsitakbuhan ang mga tao upang makahanap ng kanilang masisilungan. "Wala na tayong panahon upang magsaya dahil oras na ang kalaban natin dito. Anumang oras ay pwede nang mangyari ang paglalaho at may dalawang maalamat pa tayo na dapat puksain."

Naglakad ako at sumunod sa akin sina Flavia. 

"Jacko, ayos pa ba ang barkong ipinahiram sa atin ni Melia?" tanong ko.

"Maayos pa ang kundisyon nito, mas pinatibay din ito ng ilang mamamayan ng Fragkula." wika niya.

"T-teka saan tayo tutungo, panginoon? Hindi pa nagaganap ang eklipse," sabi ni Isla.

Tuloy-tuloy lang kaming naglakad patungo sa barko. "Hindi na natin hihintayin ang eklipse dahil tutungo tayo ngayon sa lokasyon ng Arimoanga." sabi ko sa kanila. Kailangan mapuksa namin ang maalamat na hayop na iyon lalo na't nandoon ang pamilya ko. Hindi ko hahayaan na may masamang mangyari sa kanila.

"Pero hindi ba't mapanganib ito!? Nandoon ang lahat ng kaaway natin." nag-aalalang sabi ni Luntian.

"Pero nandoon din ang isa sa mga dapat nating patayin. Nasa burol lang malapit sa Norton ang Arimoanga kung kaya't maraming maaapektuhan kapag hindi natin agad ito napatay."

Sumakay kami ng barko at si Lucas ang nagpaandar nito. Hindi man kaming maayos na nakapagpaalam kanila Aimer ay alam kong naiintindihan nila kami dahil may importante kaming bagay na dapat gawin.

Nagsimulang maglayag ang barko kahit pa malakas ang alon ay hindi namin ito alintana, kailangan namin makaalis agad sa isla dahil kung hindi... alam kong maraming mapapahamak lalo na't nalalapit na ang paglalaho.

***

KAIA

Napatingala ako sa kalangitan dahil sa dilim nito. 

"Ang propesiya," sabi ni Avery. "Nalalapit na ang paglalaho kung saan magbibigay na proteksyon sa atin ang mga maalamat na hayop."

Maging ako ay naguguluhan kung sino ang tama ang pinaglalaban. Kami ba o ang Sol Invictus, naniniwala ako sa sinabi sa akin ni Melia pero naniniwala din ako sa bagay na aking sinumpaan.

"Mas higpitan ninyo ang bantay sa paligid!" sigaw ni Avery at nagtakbuhan ang mga kawal. "Alam kong ano mang oras ay maaaring pumunta si Blade dito upang kitilin ang buhay ng Arimoanga. Hindi man natin alam kung nasaan ang Arimoanga sa ating bayan ngunit alam nating nandito lang siya kung kaya't dapat natin itong protektahan. Maliwanag ba!?"

"Masusunod po!" 

"Ganyan pa rin ba kalaki ang galit mo kay Blade?" tanong ko sa kanya.

"Sinabi ko naman sa'yo, wala akong pakialam kung kapatid ko pa siya. Sa oras na humadlang siya sa mga plano at dapat kong gawin ay hindi ako magdadalawang isip na siya'y paslangin. Nangako tayo bilang Ixion na poprotektahan natin ang mga maalamat na hayop kung kaya't nararapat lamang na gampanan natin ito."

Mas tinaasan ang depensa sa buong paligid.

"K-Kaia, tingnan mo!" sabi ni Sabrina at itinuro ang araw.

Noong una ay hindi ko pa ito maaninag dahil sa dilim ng kalangitan pero napansin ko na unti-unting may itim na unti-unting tumatalukbong sa araw.

Nanindig ang aking balahibo at hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan.

"Nagaganap na ang Eklipse.... nagaganap na ang paglalaho."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top