Kabanata 56: Ang pumatay kay Alvaro
Dinala ako ni Kaia sa isang abandonadong bahay sa may dulo ng Norton. Isa itong tatlong palapag na bahay ngunit sa tuktok nito ay matatanaw mo ang kagandahan ng Norton dahil parang mga bituin sa lupa ang mga ilaw gawa ng mga poste.
"Sino ang pumatay kay Alvaro?" tanong ko sa kanya.
"Bakit mo muna gustong patayin ang mga maalamat na hayop?" tanong niya rin sa akin. "Huwag kang magmadali kaibigan. Ngayon lang tayo muling nagkita, ano ba naman yung simpleng kumustahan, hindi ba?" nakangisi niyang sabi dahil alam niyang hindi ako aalis dito dahil siya ang makakasagot sa matagal nang katanungan sa aking isip.
"Akala ko ba ay nakuha mo na ang sagot kay Melia?" tanong ko at pinagmasdan ang magandang tanawin. "Ito ang misyon ko. Taliwas sa paniniwala ninyo. Wala akong pakialam kung maging kalaban ako ng buong mundo basta magawa ko lang na patayin ang pitong maalamat na hayop," paliwanag ko sa kanya. Gagawin ko ang lahat para matapos ang gulong ito lalo na't alam kong naghihintay si tatay David sa aking pagbabalik. Ibabalik ko sa normal ang lahat.
"At maghiganti kay Avery, tama ba?" tanong niya at tumabi sa akin. Oo, inaamin ko nung una ay gustong kong maghiganti kay Avery, sinong hindi 'di ba? Idiniin niya ako sa kasalanang hindi ko naman ginawa. "Pero may dahilan si Avery kaya niya iyon nagawa. Nito ko lang din natuklasan ang bagay na iyon."
"Para sa kapangyarihan." naiiling kong sabi sa kanya. "Nagawa niya iyon dahil nabulag na siya sa kapangyarihan at nilamon na siya ng inggit."
"Nagawa niya iyon para protektahan ang pamilya ninyo," napakunot ako ng noo sa sinabi ni Kaia.
"Para sa pamilya?!" Malakas kong sinuntok ang pader. "Tangina nasira ang pamilya na mayroon ako dahil sa kanya. Sinira niya ang pangarap ko, sinira niya ang pangalan ko, pinatay ako ni Avery. Tapos para sa pamilya? Tangina lang."
"Si Parisa ang pumatay kay Alvaro."
Parang tumigil ang mundo ko sa sinabi ni Kaia. Kalmado lang ang pagkakasabi niya nito pero parang isinigaw niya ito sa magkabila kong tenga.
"A-ano?"
"Si Parisa na kapatid ninyo ang pumatay kay Alvaro. Nalaman ko itong noong pumasok ako sa kwarto ni Avery." sabi sa akin ni Kaia at hanggang ngayon ay hindi ako naniniwala sa kanya. Paanong magagawa ni Parisa ang bagay na iyon?
"Walang patutunguhan ang usapang ito, hindi ko alam na nahawa ka na rin pala kay Avery na gumagawa ng kwento. Magkakampi nga talaga kayo."
"Sa tingin mo ba ay gusto kong kampihan ang putanginang iyon? Ilang beses na 'kong nilaglag no'n para lang mapatalsik ako sa Ixion." inis niyang sabi sa akin.
May parte sa akin na naniniwala kay Kaia dahil batid kong taliwas ang paniniwala niya sa ibang pinaniniwalaan ni Avery.
"Hindi ako naniniwala sa iyo."
"Sa tingin mo, bakit ka inilaglag ni Avery noong paglilitis? Dahil alam niyang kung hindi ka madidiin sa kaso ay si Parisa ang tutugisin ng pamahalaan. Bakit ayaw ka niyang bumalik ng Norton? Dahil natatakot siya na malaman ng lahat ang katotohanan." seryosong sabi ni Kaia sa akin. "Mahirap man paniwalaan ngunit iyon ang totoo Blade at dapat mo iyong tanggapin."
Sa tagal kong hinahanap ang totoong pumatay kay Alvaro ay hindi ko inakala na si Parisa pa ang gagawa noon. Si Parisa na itinuring kong kapatid simula pagkabata.
"Bakit naman gagawin ni Parisa ang bagay na iyon?"
"Iyan ang hindi ko alam. Hindi na ako nagtangkang magtanong kay Avery. Putangina no'n, eh."
Naisip ko... kung alam ko man na ganoon ang sitwasyon ay papayag ako sa kagustuhan ni Avery na sa akin na lang isisi ang lahat at huwag kay Parisa.
"Pero Blade, naisip ko ay hindi masamang tao si Avery. Kagaya mo, pinoprotektahan niya lang din ang bagay na mayroon siya. Nalaman ko rin na si Avery ang nagpadala ng Griffin kay Parisa para makatakas ka rito sa Norton noong panahong tinutugis ka ng pamahalaan. Hindi ka niya hinayaang mamatay Blade. Pinrotektahan ka rin niya."
Tila ba sasabog ang utak ko sa dami ng bagay na aking natutuklasan. Bakit ngayon ko lang nalalaman ang mga bagay na ito?
Napansin ko na lang ang sarili ko na nakaupo at umiiyak. May parte sa akin na iniisip na niloloko lang ako ni Kaia pero mas pinaniniwalaan ko ang mga binitawan niyang salita. Nagalit ako kay Avery sa mahabang panahon dahil akala ko ay tinraydor niya ako. Iyon pala, pinrotektahan niya si Parisa, pinrotektahan niya ako, at pinrotektahan niya ang pamilya namin.
"Nakakaawa kayong magkapatid. Naging kontrabida si Avery sa mga mata natin samantalang ikaw ay naging kontrabida sa mata mg sambayanan. Isang pagkakamali lang ang gumulo sa buhay ninyo. Nakakaawa ka pero nakakaawa din si Avery dahil kinikimkim niya lang sa kanyang sarili ang lahat at parang wala siyang kakampi." dugtong pa ni Kaia.
Hindi ko na masyadong pinansin ang mga sumunod na sinabi ni Kaia. Ang nasa isip ko lang ay nabigyan na ng sagot kung sino ang pumatay kay Alvaro, nalaman ko na ang dahilan kung bakit ginagawa ito ni Avery, at alam kong may pamilya akong babalikan matapos ang gulong ito.
Ponahid ko ang luha ko. Kailangan kong maging matatag at malakas sa pagkakataong ito. Hindi pwede na ang emosyon ko ang pairalin ko lalo na't may misyon akong dapat gawin.
"Maraming salamat sa mga bagay na sinabi mo sa akin." sabi ko kay Kaia. "Anong gagawin mo ngayon? Huhulihin mo ako? Kasama mo ang pinakamasamang tao sa mundong ito. Anong plano mo?" tanong ko sa kanya.
"Sa totoo lang ay naguguluhan din ako. Kung susundin ko ang batas, kanina pa kita hinuli pero mas nanaig sa akin ang pagkakaibigan natin. Isa pa, naintindihan ko ang sitwasyon ng mas malawak. Ang misyon ninyo ay patayin ang mga maalamat na hayop dahil sinasabi ninyong tutulong ito na sirain ang ating mundo pagdating ng paglalaho. Ang misyon namin ay protektahan ang mga ito dahil naniniwala kami na ito ang magpoprotekta sa sanlibutan sa oras na dumating ang paglalaho."
Tumango ako sa kanya bilang tugon.
"Magkita na lang tayo sa paglalaho kung saan magaganap ang huling laban. Kung tatanggalin naman natin ang mga maalamat na hayop sa eksena ay magkaibigan pa rin naman tayong dalawa." napangiti ako sa sinabi ni Kaia. "Ngayon lang kita ulit nakitang ngumiti ng ganyan kaibigan."
Lumapit ako kay Kaia at nakipagkamay. Tiningnan niya muna ang aking palad bago niya ito tinanggap.
"Sana maging maayos na ang lahat." sabi niya sa akin.
Iyon lang din ang bagay na hinihiling ko. "Sana." sagot ko sa kanya.
"Oh siya, lumalalim na ang gabi. Umalis ka na, mas maraming mga kawal ang nagpapatrol pagpatak ng hating gabi. Kung iniisip mo na mahuhuli mo ang Arimoanga, nagkakamali ka,"
"Alam mo kung nasaan ang maalamat na hayop?"
"Bakit ko sasabihin sa'yo? Magkalaban tayo." nakangiti niyang sabi sa akin.
"Huwag kang mag-alala, hindi ako naparito para sa Arimoanga. May kailangan lang akong hanapin at aalis din ako rito sa Norton." paliwanag ko kay Kaia at napatango-tango siya sa akin bilang tugon. "Ikaw na ang bahala kay Avery at Parisa."
"Makakaasa ka. Maligayang pagbabalik sa bayan ng Norton."
Umalis na ako sa abandonadong bahay at bumalik sa panuluyan kung saan kami nananatili. Inabutan ko pang gising si Lucas na nagbabasa ng libro.
"Ginabi ka," walang emosyon niyang sabi. "Mabuti at hindi ka nahuli ng mga kawal."
"Sinabi ko naman sa'yo, kabisado ko ang pasikot-sikot sa lugar na ito." Humiga ako sa kama at nagtalukbong ng kumot.
Ngayon ay mas nag-apoy ang kagustuhan kong matapos ang gulong ito lalo na't alam kong may uuwian ako. Naintindihan ko na ang buong sitwasyon sa pagkakataong ito. Poprotektahan ko rin ang pamilyang mayroon ako kagaya ng ginagawa ni Avery. Bibigyang tuldok ko ang lahat sa pagdating nang paglalaho.
***
Pasado tanghali na nung nag-ikot muli kami nina Jacko at Lucas sa liwasan. Ganitong oras kasi karaniwan nagbubukas ang mga tindahan at pamilihan dito. Ganitong oras din maraming namimili na manlalakbay.
"Mayroon po ba kayong kwintas diyan na gawa sa gintonat may diyamanteng disenyo?" tanong ko. May ipinakita ang babaeng tindera sa akin ngunit malayo ito sa pagkakapaliwanag sa akin ni Aimer na hitsura nito.
Muli pa akong nag-ikot hanggang sa makuha ang atensyon ko ng isang tindahan dahil may isang lalaking manlalakbay ang nakikipagtalo sa isang mangangalakal.
"Ha! Dalawampung ginto para lang sa kwintas na ito? Nagpapatawa ka ba? Sinong bibili ng ganitong kamahal na kwintas?!" sigaw nung manlalakbay na nakakapukaw ng atensyon ng ibang mamimili dahil sa lakas ng boses nito.
Nagkatinginan kami nina Jacko at naglakad patungo sa kumpulan ng tao kung saan nagaganap ang gulo.
Agad na hinanap ng mata ko ang kwintas na tinutukoy ng manlalakbay at eksaktong-eksakto ito sa pagkakapaliwanag sa akin ni Aimer.
"G-galing pa sa isang maharlikang manlalakbay ang kwintas na to! Gawa sa tunay na ginto at diyamante ito. K-kung hindi mo bibilihin ay umalis ka na lamang, nakakasira ka ng negosyo." Kinakabahan man ngunit matapang na sumagot ang mangangalakal.
"Ha! Kahit sinong tanungin mo sa lugar na ito ay walang bibili ng ganitong kamahal na kwintas. Dalawampung ginto para lang sa—"
"Ako." seryoso kong sabi at naglakad patungo sa kanilang dalawa. Kinukwelyuhan na ng manlalakbay ang mangangalakal at tinapik ko ang kanyang kamay para mabitawan ito. "Bibilihin ko ang kwintas na iyan."
Nagulat ang mga tao at kinuwestyon kung isa akong mayamang manlalakbay. Mabuti na lang talaga ay ginagamitan kami ngayon ng mahika ni Lucas upang maikubli ang aming tunay na hitsura.
"Hindi makakabili ang isang binatang gaya mo. Marami ka pang papatayin na malalakas na kalaban para makakiha ng dalawampung ginto." Mukhang ayaw ng manlalakbay na ito na matapakan ang kanyang dignidad. Malaki ang pangangatawan nito at mukhang batak na batak sa labanan ngunit hindi ako natatakot sa kanya. Mas malalaki pa sa kanya ang kaya kong patayin.
Naglapag ako sa lamesa ng ginto na nakabalot sa telang supot. "Mahigit pa sa dalawampung ginto iyan. Isampal mo sa mukha ng mayabang na ito ang sobra." wika ko at ngumisi.
May maganda rin palang maidudulot ang pag-akto ko bilang kontrabida noon dahil nagagamit ko ang pera na naipon ko mula sa mga taong siningil ko para matulungan sila.
Iniabot sa akin ng mangangalakal amg kwintas. Sa wakas, nakuha na namin ang aming pakay at makakabalik na kami sa Fragkura.
"Ang lakas ng loob mo bata para pahiyain ako!" Sigaw nito.
Susuntukin niya dapat ako ngunit dahil mas mabilis akong kumilos sa kanya ay mabilis akong yumuko para umiwas at sinuntok siya sa kanyang tiyan. May mga laway na tumalsik dahil sa lakas nang pagkakasuntok ko at napagulong siya sa sahig dahil nahihirapan siyang makahinga.
Maraming tao ang napatingin at lumayo sa amin.
Yumuko ako. "Pasensya na po sa gulo. Pasensya na." paulit-ult kong sabi. Hangga't maaari ay ayokong gumawa ng eksena dahil pinoprotektahan namin ang tunay naming katauhan pero sa tingin ko din ay kailangan turuan ng leksyon ang mayabang na ito.
"Maraming salamat sa tulong mo ginoo. Kanina niya pa ako kinukulit na ibenta sa kanya ang kwintas sa halagamg tatlong ginto lamang," pagpapasalamat nung mangangalakal.
"Heto bang kwintas na ito ay galing sa isang manlalakbay na sinasabing prinsipe siya ng Fragkula?" tanong ko at timango ang mangangalakal. Sinasabi ko na nga ba, heto ang kwintas na aming hinahanap. Alam ko rin naman na ipagyayabang ni Aimer na prinsipe siya base sa pagkakakilala ko sa kanya.
Ngumiti ako kanila Lucas.
"Makakabalik na tayo ng Fragkula, nahanap na natin ang ating pakay." sabi ko sa kanilang dalawa.
Bago ako umalis ay umupo ako upang mapantayan ang manlalakbay na masama akong tinitingnan ngayon. "Ilugar mo 'yang kayabangan mo at alamin mo kung sino ang binabangga mo." tumayo ako at naglakad na kami paalis.
Ngayon, babalik na kami sa Fragkula at lilinisin na namin ang pangalan ni Aimer. Tatapusin ko na ang gulong ito.
*****
Honestly, itong Anti Hero na yung masasabi kong pinaka-the best fantasy story na naisulat ko pagdating sa plot. Nahaluan ko 'to ng politics, Philippine mythology, friendship, and nag-raise din ako mg awareness pagdating sa environment. 🥺
Feeling ko nakapagsulat ako ng story na kayang magmulat.
Few more chapters before the end. ☺️
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top