Kabanata 55: Ang pagbabalik

Nagdesisyon kami na mahati muli sa dalawang grupo ang Sol Invictus sa pagkakataong ito. Mayroong maiiwan rito sa isla ng Fragkula upang bantayan ang mga kaganapan sa palasyo at mayroong maglalakbay patungo sa Norton upang hanapin ang nawawalang kwintas ni Aimer. Maayos naming pinag-usapan ng Sol Invictus ang mangyayari at nagdesisyon kami na ang tatlong babae na sina Flavia, Luntian, at Isla ang maiiwan dito sa Fragkula; kami naman nina Jacko at Lucas ang tutungo sa bayan ng Norton.

Mabuti na rin na sina Jacko at Lucas ang aking isama lalo na't lubhang mapanganib ang gagawin kong pagbabalik sa bayan. Tutungo kami mismo sa mismong lugar kung saan naninirahan ang aming pangunahing kalaban— ang Ixion.

Pinagmasdan ko ang repleksyon ko sa salamin. Kinakabahan ako sa gagawin kong pagbabalik na ito ngunit kailangan ko nang harapin ang bagay na matagal ko nang tinatakbuhan.

"Basil," pumasok si Aimer sa aking silid at napatingin ako sa kanya. "Sigurado ka ba sa binabalak mo? Hindi mo naman kailangan gawin ang bagay na ito kung hindi ka pa handa. Isang kwintas lang naman iyon at nasisiguro ko na marami pang ibang paraan upang mapatunayan kay ama na ako ang tunay niyang anak."

"Gagawin ko 'to Aimer, hindi lang para sa'yo kun'di maging para sa sarili ko." paliwanag ko sa kanya. "Lilinisin natin ang pangalan mo. Hindi ako makakapayag na ika'y kitilin dahil lamang sa maling panbibintang nila sa'yo. Minsan na akong nalagay sa ganyang sitwasyon at ayokong maulit sa'yo muli iyon."

"Pero Basil, nangangahulugan itong lulusob ka sa kuta ng mga kalaban. Mas kinakabahan ako para sa inyo lalo na't itataya ninyo ang inyong mga buhay."

Ngumisi ako sa kanya at tinapik ang kanyang balikat. "Simula noong naging parte kami ng Sol Invictus ay matagal nang nakalagay sa delikadong sitwasyon ang mga buhay namin. Hindi na bago ito, Aimer. Sa Norton nagsimula ang lahat at sisiguraduhin kong doon din ito magtatapos." paliwanag ko sa kanya.

Naputol ang aming usapan nang pumasok si Jacko sa silid. "Basil, nakahanda na ang barkong sasakyan natin patungo sa Armowa. Ilang minuto na lamang ay aalis na ito. Baka maiwan pa tayo." kinuha ko na ang aking mga gamit na nakapatong sa kama.

Nagpaalam na kami kanila Isla na siyang maiiwan dito sa Fragkula. "Mag-iingat kayo panginoon, hindi ba talaga kami maaaring sumama sa inyo?" tanong ni Isla.

Ngumiti ako sa kanya at hinimas ang ulo ng bata. "Mas maganda nang nandito kayo nila ate Flavia mo upang mayroon pa rin tayong mata sa mga nangyayari rito sa Fragkula. Aasahan kong babantayan ninyo si Aimer at walang mangyayaring masama sa kanya,"

"Makakaasa ka, panginoon!" masiglang sabi ni Isla.

Lumabas na kami ng palasyo at nagtungo sa barko. Iisa lang ang ruta ng barko mula rito at iyon ay patungo lamang sa Armowa ngunit sa bayan ng Armowa ay may mga barkong masasakyan patungo sa Norton kung kaya't baka mamayang gabi ay makarating na kami sa bayang iyon.

Nagsimula nang maglayag ang barko at nakatanaw lang ako sa malawak na karagatan at bughaw na kalangitan. Tumabi sa akin si Lucas. "Sigurado akong mas mahigpit ang seguridad sa Norton at paniguradong malalaman nila kapag gumamit ako ng mahika sa ating pagpasok," sabi sa akin ni Lucas. Inasahan ko na rin ang bagay na iyon. Hinding-hindi makakapayag si Avery na makapasok ako sa kanilang teritoryo at kung makapasok man ako... alam kong kapag nalaman nila ay hindi nila ako palalabasin ng buhay.

"Alam ko ang pasikot-sikot sa Norton at sinisigurado ko sa'yo na makakapasok tayo nang hindi nila nalalaman," ngumisi ako. "Hindi ako makakapayag na maisahan ako ni Avery."

"Hindi ka galit kay Avery," sabi ni Lucas at napabaling ang akih tingin sa kanya. "Galit ka sa nagawa niya sa iyo ngunit hindi ka galt kay Avery." wala man emosyon ang pagkakasabi ni Lucas ngunit ramdam ko ang bigat ng kanyang mga binitawang salita.

Yumuko ako at bumaling muli ang tingin sa dagat. "Siguro nga ay tama ka." wika ko sa kanya. "Magkasama kaming lumaki ni Avery at parang kapatid ang turing ko sa kanya. Ang nais ko lang ay lumabas sa bibig niya ang katotohanan na malinis ang aking konsensya. Matapos no'n ay mahigpit ko siyang yayakapin at papatawarin."

"Basil," biglang dumating si Jacko kung kaya't naputol ang seryosong pag-uusap naming dalawa ni Lucas. "Naisip ko lamang, tutal ay nasa Norton na rin naman tayo, bakit hindi na rin natin hanapin ang Arimoanga?"

"Kapag lumabas ang Arimoanga... sa tingin mo, anong mangyayari sa atin lalo na't nasa teritoryo tayo ng kalaban na kung saan nandoon ang Ixion at ang mga datig miyembro nito?" tanong ko sa kanya at natahimik si Jacko. "Pupunta tayo roon para mahabap ang kwintas na sinasabi ni Aimer at matapos no'n ay babalik tayo sa Fragkula upang malaman natin kung anong klaseng maalamat na hayop ang nagpapanggap bilang si Aimer." paliwanag ko sa kanya.

***

Hindi kami sa mismong bayan ng Norton bumaba kun'di sa kalapit bayan nitong Hangga. Ang Hangga ay isang maliit na bayan sa pagitan ng dalawang malaking bayan na Norton at Eras. Ang ibig sabihin ng Hangga ay 'hangganan sa pagitan ng dalawang bayan.' Maliit lang ang bayan na ito at hindi ganoon kahigpit ang seguridad ngunit sa puntong ito ay dapat kaming mag-ingat nila Jacko lalo na't malapit kami kung saan naninirahan ang mga kalaban.

Nagpalit kami ng anyo (sa tulong ng kapangyarihan ni Lucas) at naglibot sa bayan. Ang bayang ito ay kilala sa masaganang ani at isa sa mga bayan na nagdadala ng mga bigas at palay sa kung saan-saang sulok ng mundong ito. Maliit ang bayan ng hangga ngunit masagana ang kanilang bayan.

"T-teka! Kakasingil ninyo lang nang buwis sa amin noong nakaraang buwan! At isa pa, hindi kami sakop ng Norton!" sigaw nang isang nagtitinda ng mga halamang gamot at napapalibutan siya ng ilang mga kawal mula sa Norton.

"Sumasagot ka na?! Iyon ang utos ng mahal na hari!" tinapatan siya ng espada sa leeg ng kawal. "Ang bayan ninyo ay pasok sa lupaing nasasakupan ng Norton! Wala kayong karapatang umangal!" sigaw nito.

Napailing ako at nag-iwas nang tingin. Hindi ito ang panahon upang mangialam sa gulo nila. Hindi pa rin nagbabago ang ilang opisyales ng aming gobyerno. Patuloy silang nanggigipit ng mga mas mababa sa kanila upang makuha ang kanilang mga nais.

"Wala pa ring pinagbago ang kalakaran sa lugar na ito." mahina kong bigkas sa aking sarili.

Mabilis kaming nakalabas nina Jacko at Lucas sa Hangga at naglalakad na patungo sa Norton. Isang gubat at isang burol lang ang dapat naming madaanan bago makarating sa bayan. Bago kumagat ang dilim ay paniguradong nandoon na kami.

"Siguro ay may kaunting galak din sa puso mo, Basil, 'no?" tanong ni Jacko. "Makikita mo na si Parisa at ang iyong ama. Ang tagal mo ring nawalay sa kanila." tama si Jacko. Pero handa nga ba akong harapin na muli sila. Sa totoo lang ay natatakot ako sa sasabihin ni tatay David lalo na't isa na akong kriminal ngayon. Malayong-malayo sa gusto niya. Ang nais ni tatay David ay mamuhay kami ng normal nina Parisa kahit mahirap ang buhay... pero naging magulo na ang sitwasyon ngayon.

"Baka kapag nakita ko sila ay hindi ko alam ang sasabihin ko," pag-amin ko.

"Pero siguro kahit hindi mo sila makausap ay ayos lang. Ang mahalaga ay makita mo sila."

Ang dami naming napag-usapan at marami rin kaming manlalakbay na nakakasalubong at ni-isa ay walang nakakilala sa amin bilang miyembro ng Sol Invictus. Tunay na makapangyarihan ang mahika na mayroon si Lucas dahil napapanatili niya ganito naming anyo sa mahabang oras.

"Lucas, hanggang kailan mo kaya panatilihin itong ating pagbabalat-kayo?" tanong ko.

"Kaya ko hanggang mamayang gabi. Hindi naman siya nakakaubos ng lakas lalo na't hindi naman tayo nakikipaglaban." dapat bago dumilim ay makahanap na kami ng aming matutuluyan.

"Bakit ka ba pumayag sa misyong ito, Basil? Lubhang delikado 'to para sa atin at lalong-lalo na sa'yo," mabuti na lang talaga at sanay na ako sa pagiging matanong ni Jacko. Sa ganoon nalalaman ni Jacko ang kanyang kaalaman, mahilig siyang magtanong ng mga bagay na gusto niya magkaroon ng kasagutan.

Narating namin ang burol at sa totoo lang ay nagtaasan ang balahibo ko ngayong naiapak ko muli ang paa ko sa lugar na ito. Kagaya pa rin ng dati, tanaw na tanaw ang buong bayan ng Norton mula rito. Para bang nakita ko ang batang Blade, Avery, at Parisa saglit na naglalaro sa burol ngunit mabilis ding nawala.

"Hindi nga maipagkakaila, isa ang Norton sa pinakamauunlad na bayan sa mundong ito." sabi ni Jacko habang nakatanaw sa nasabing bayan. "Ibang klase rin ang seguridad dahil sa nagtataasang pader."

"Kahit gaano pa kataas ang pader na iyan. Alam ko ang pasokot-sikot sa Norton at may iba pang daan papasok diyan." Noong bata ako ay hindi ka pwede maglabas-masok sa Norton kung kaya't nakadiskubre kami nina Avery ng maliit na butas (dahil sa sirang bahagi ng pader) para makapasok sa loob.

Pinagpatuloy namin ang paglalakad at hindi kami sa pangunahing lagusan dumaan dahil mahigpit ang seguridad doon. Hinanap ko ang maliit na sira sa. Sa totoo lang ay si Avery ang nakadiskubre ng daan na ito at sinikreto namin itong tatlo upang malaya kaming makalabas sa bayan ng Norton at makaakyat ng burol.

Napangisi ako noong makita na nandito pa rin ang sira na ito. Yumuko ako at gumapang papasok. Sumunod naman sa akin sina Lucas at Jacko. Ito ang unang pagkakataon na nasaksihan ko muli ang hitsura ng bayan ng Norton matapos ang pagtakas ko.

Wala masyadong nagbago sa bayan. Maingay pa rin ang siyudad at puno pa rin ng sigla. Ang kakaiba lang na aking napapansin ay kabi-kabila ang mga papel na nakapaskil na kung gaano kasama ang Sol Invictus at kung bakit kami kailangang mabura sa mundong ito.

"Akalain mo mga naman, kilalang-kilala tayo sa sikat na bayang ito," itinuro ni Jacko ang isang nakapaskil. "Kaso ang pangit ng aking wangis dito. Hindi naman ganyan ang hitsura ko." sabi niya at napailing na lamang ako. Mabuti na lang talaga at gumagamit si Lucas ng mahika upang itago ang aming tunay na anyo.

Nagpatuloy kami sa paglalakad at iniharang ko ang balabal kong suot sa aking mukha. "Tandaan ninyo, nandito tayo upang hanapin ang mangangalakal na bumili ng kwintas ni Aimer. Hindi rin tayo dapat magtagal lalo na't may oras tayong hinahabol. Ang kaligtasan ni Aimer ang nakataya rito at kailangan din nating mapaslang ang maalamat na hayop na nagpapanggap bilang siya." paliwanag ko sa dalawa at agad silang tumango.

Sabi ni Aimer ay malapit sa liwasan ang tindahan na kanyang pinagbentahan. Pero nawala sa isipan ko na lahat ng mga tindahan ay malapit sa liwasan nagtitinda dahil dito unang tumutungo ang mga dayo sa lugar.

"Ganito ba talaga sa inyong bayan? Maraming mga kawal ang nagpapatrol?" tanong ni Lucas.

"Ngayon lang iyan. Singilan kasi ng buwis." hanggang ngayon ay tanda ko pa rin ang mga kaganapan sa lugar na ito.

Habang naglalakad kami ay biglang nahawi ang mga tao sa aming harapan. Napagilid din kami dahil dadaan ang ilang miyembro ng Ixion na kasalukuyang nagpapatrol sa lugar— si Kaia at Sabrina.

Ngayon ko lang ulit nakita si Kaia dahil hindi siya kasama sa naging pagtutuos namin laban sa Ixion.

Habang naglalakad sila ay bigla silang napatigil sa gitna. Lumakas ang kabog ng aking dibdib, napansin kaya nila na nandito kami?

"Bakit, Kaia? May problema ba?" nagtatakang tanong ni Sabrina habang si Kaia ay iniikot ang kanyang tingin sa buong paligid.

"W-wala, may kakaibang lakas lang akong nararamdaman." sagot ni Kaia. Palihim akong humawak sa aking Jian kung sakali mang malaman ni Kaia na nandito kami. Isang maling kilos lamang namin ay iyon na ang kikitil sa aming buhay. Nasa kuta kami ng kalaban kung kaya't kinakailangan naming magdoble ingat.

"Baka sina Rufus at Moses lang iyon, nag-e-ensayo ang dalawang iyon kasama ang ilang mga kawal ng ating bayan sa 'di kalauuan. Alam mo naman iyon, mahilig magpaligsahan kung sino ang malakas sa oagitan nilang dalawa." sabi ni Sabrina at nakahinga ako ng maluwag. "Halika na. Kailangan din nating tumulong sa mga babaylan sa pamamahagi ng mga pagkain para sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo noong nakaraan."

Nagpatuloy na sila maglakad paalis at doon lang kami nakahinga ng maluwag.

"Tangina akala ko ay mahuhuli na tayo," Sabi ni Jacko.

Nag-ikot kami at nagtanong-tanong sa mga tao ngunit bigo kami lalo't mag-ga-gabi na at karamihan sa mga tindahan dito ay nagsasara na.

"Bukas na lamang natin ipagpatuloy ang paghahanap, Basil. Pagod na rin ako dahil sa mahabang biyahe at isa pa, mukhang hindi ano mang oras ay hindi na kakayanin ni Lucas dahil sa tagal ng paggamit niya ng kanyang mahika." paliwanag sa akin ni Jacko at sumang-ayon ako sa kanya.

Naghanap kami nang matutuluyan nina Jacko at mabuti na lamang at may mga bahay-tuluyan kaming nahanap.

"Magpahinga na kayong dalawa, may pupuntahan lang ako," wika ko sa dalawang kasama ko.

"Lalabas ka pa nang ganitong oras? Gabi na Basil. Delikado nang mag-ikot sa lugar." paalala sa akin ni Jacko. "Hindi ko alam kung bakit nagiging matigas ang ulo mo ngayon. Tutok lang dapat tayo sa misyon na dapat nating gawin." paalala niya.

"Saglit lang ako." sabi ko. "Lucas, kaya mo pa bang panatilihin ang ganitong hitsura ko?"

"Kaya naman," walang emosyon niyang sagot at tumingin siya sa orasan. "Pero mga bandang alas-otso ay ititigil ko na ang paggamit ng mahika lalo na't kailangan ko rin ipahinga ang aking katawan." paalala niya sa akin.

Sapat na ang oras na iyon.

Naglakad ako palabas at tumungo sa mahirap na bahagi ng siyudad. Heto ang mukha ng Norton na itinatago nila dahil sa hirap nito.

Sa paglalakad ko rito ay maraming alaala ang nanunumbalik sa aking isipan. Mga alala noong ako'y bata pa at masaya pa kaming naglalaro nina Parisa.

Dinala ako ng aking dalawang paa sa harap ng tindahan ni tatay David. Saktong pasara na siya at inililigpit na niya ang mga sandatang nasa labas ng kanyang tindahan.

Hindi ko maiwasang maluha ngayong kaharap ko na muli ang taong itinuring ko bilang ama. Matanda na si tatay David at mukhang pinipilit na lang magtrabaho para mabuhay. Hindi ko mawari kung bakit hindi siya tinulungan ni Avery ngayong nasa mataas na siyang posisyon? Nangako kami sa isa't isa na iaahon namin sa hirap si Tatay David kahit anong mangyari bilang kabayaran sa pagpapalaki niya sa amin.

"Hijo, ayos ka lang ba?" bigla akong kinausap ni tatay David. "Kitang-kita ko sa iyong mukha ang kalungkutan. May problema ba?" tanong niya.

"W-wala po. May naalala lang ako. Itinitinda ninyo po ba ang mga ito?" tanong ko.

"Oo. Halika pumasok ka sa loob upang makita pa ang aking ibang tinda," aya niya ng may ngiti sa kanyang labi. Siyang-siya pa rin ang tatay David na nagpalaki sa amin.

Gustong-gusto ko siya yakapin at umiyak sa kanyang bisig ngunit kailangan ko pigilan ang aking sarili. Ilang linggo na lang naman ay makakabalik na ako sa normal kong buhay matapos. Sa oras na matapos ang paglalaho ay sisiguraduhin kong babalik sa normal ang lahat.

"P-pero pasara na po kayo."

"Ayos lang, bihira lang din ang manlalakbay na napapadaan sa aking puwesto. Pumasok ka na para makapamili ka," naglakad ako papasok. Ganoon pa rin ang amoy sa loob, amoy bakal pa rin dahil sa mga espadang nandito.

"Wala po kayong kasama dito?" tanong ko.

"May isa akong anak na babae kaso ay naninirahan siya sa bahay ng kanyang kapatid malapit sa palasyo. Inaaya nga nila akong dalawa kaso ay hindi ako pwedeng umalis dito dahil gusto ko... sa oras na bumalik dito si Blade ay ako ang unang makikita niya. Alam kong kapag bumalik si Blade sa bayang ito ay dito siya unang tutungo at hindi ako aalis dito hangga't hindi siya umuuwi." muling pumatak ang luha ko sa sinabi ni tatay David.

Tatay, nandito na ako sa mismong harap ninyo. Hindi ninyo alam kung gaano kahirap ang naging buhay ko dahil sa mga pangyayari pero salamat dahil alam kong naniniwala ka na wala akong kasalanan.

"Umaasa ako na muling makukumpleto ang pamilya ko kahit ampon ko lang ang tatlong bata na iyon. Si Parisa, si Blade, at si Avery," nakangiti niyang kwento. "Haha, napakwento na ako ng wala sa oras. Pasensya na. Sige na, mamili ka na ng iyong gusto."

Tumingin ako ng isang espada sa tindahan ni tatay at tiningnan ko ang repleksyon ko mula rito... nagbabago na ang wangis ng aking mukha at bumabalik na sa tunay kong anyo.

Agad kong itinaklob sa aking mukha ang balabal na aking dala.

"M-may problema ba, hijo?"

"Wala po. Kukuhanin ko ito." wika ko at naglapag ng samping ginto sa lamesa at nagmamadaling lumabas.

"S-sandali lamang. Sobra-sobra ang iyong ibinayad, 300 pilak lamang ang halaga niyan!" hindi ko na pinansin si tatay David at nagmamadali na akong naglakad paalis.

Sapat na sa akin na nakita siyang maayos at nalaman kong nasa maayos na kalagayan si Parisa.

Madilim na sa buong paligid at nagpapatrol na ang maraming mga kawal. Hindi nila dapat ako makita. Sa mga eskinita ako nagdaan upang hindi nila ako makita.

Alam ko ang pasikot-sikot sa Norton pero kailangan ko pa ring mag-ingat.

Pagkaliko ko sa isang sulok ay nakita ko si Kaia na nagpapakain ng mga kalyeng pusa.

"Sino 'yan?" tanong niya.

Tumalikod lamang ako. "Sino ka kako? At bakit ka nandito?" tanong niya.

"W-wala, naliligaw lamang ako ginoong Kaia." Hindi ako humaharap sa kanya.

"Pamilyar ang iyong boses." Narinig ko ang kanyang pagtayo at narinig ko ang yabag ng kanyang paa na naglalakad tungo sa aking direksyon. "Humarap ka sa akin. Hindi ka na dapat nag-iikot ng ganitong oras."

"O-opo, pasensya na."

"Humarap ka."

Nagbitaw ako ng malalim na buntong hininga at humarap sa kanya. Tinanggal ko rin ang balabal na nakaharang sa aking mukha. Namilog ang mata ni Kaia sa gulat dahil siguro ay hindi niya ako inaasahan na makita rito.

"B-Blade!" kinuha niya ang kanyang espada at hinawakan ko din ang aking Jian.

"Nagkita muli tayo," hindi nawawala ang ngisi sa aking mukha. Kailangan kong ipakita na ako si Basil ka pinuno ng pinakamasamang grupo sa mundong ito.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya.

Ilang segundo kaming magkatitigan at ibinalik na niya ang kanyang espada sa kanyang sisidlan. Ibig sabihin ba nito ay hindi niya ako sasaktan at isusumbong?

"Naikwento na sa akin ni Melia ang lahat, alam ko na kung bakit hinahanap mo ang pitong maalamat na hayop." panimula niyang kwento sa akin. "Wala rin akong gana na makipaglaban ngayon dahil galing ako sa pagpapatrol kanina."

Itinago ko ang aking Jian sa lalagyan nito.

"Pero, Blade, gusto kitang makausap dahil may importanteng bagay ka na dapat malaman."

"Hindi ako interesado." Tumalikod muli ako at humakbang na paalis.

"Kahit may kinalaman ito sa pagkamatay ni Alvaro?"

Napatigil ako sa paghakbang at nakita ko na lamang ang aking sarili na nakasunod kay Kaia.

**********

F E W M O R E C H A P T E R S...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top