Kabanata 54: Isang manlilinlang

Fragkula. Isa ito sa mga bayan na bihira ko lamang marinig lalo na't bihira lang ang mga taong nakakapunta rito. Sabi nila ay kilala ang Fragkula dahil sa pagiging likas na masiyahin ng mga taong nakatira rito at ang isa pa ay mahilig sa musika ang mga tao rito.

Nakasakay kami sa barko patungo sa Fragkula, mabuti nga't hindi mahigpit ang mga kawal sa bayan ng Armowa dahil itinago lang ni Lucas ang aming anyo at malaya na kaming nakapasok sa bayan. Ang bayan ng Armowa ay kilala sa mga manlalakbay dahil isa ito sa mga bayan na naghahatid ng mga tao sa mga isla gamit ang Barko.

"Paano naman nagawang agawin ng isang mapaglinlang ang trono mo bilang prinsipe?" tanong ni Jacko sa kanya.

"Noong una ay pinangakuan niya ako na tutulungan niya ako. Isa sa mga pangarap ko ay ang maglakbay sa iba't ibang bayan at hindi lang magkulong sa aming isla kung kaya't noong inalok niya ako na magpapanggap siya bilang ako ay hindi na ako nag-atubiling pumayag," tumingin si Aimer sa malawak na karagatan. Sa hula ko ay aabutin pa ng ilang oras bago kami makarating sa bayan ng Fragkula. "At noong nagkita kami muli... isinumpa niya ako bilang isang palaka kung kaya't naghanap talaga ako ng isang mahikero na may sapat na kakayahan upang mapawalang-bisa ito at sa kabutihang palad ay nakita ko ang inyong grupo."

"Kagaya ka rin pala namin, naglalakbay sa iba't ibang lugar para maisagawa ang aming misyon,"

"Ang kaibahan natin. Ako ay naglalakbay bilang isang simpleng manlalakbay samantalang kayo ay naglalakbay habang nagtatago sa gobyerno at Ixion, mas mahirap ang inyong ginagawa." kwento ni Aimer sa amin.

Totoo naman ang kanyang sinabi. Marami na kaming lugar na napuntahan sa mundong ito at sa ilang linggo ay matatapos na ito lalo na't nalalapit na ang araw ng paglalaho. Matatapos na ang lahat nang kaguluhang ito. Kailangan ko lang kumapit ng ilan pang araw.

"Ha! Yung Ixion lang naman talaga ang may malaking galit sa amin," nakangusong sabi ni Isla.

"Hindi ko rin naman masisisi ang buong Ixion lalo na't ginagampanan lang nila ang pinangakuan nilang tungkulin. Nangako sila sa harap ng kanilang bayan at ng mga tao na poprotektahan nila ang mga maalamat na hayop. Samantalang kayong Sol Invictus ay nangakong uubusin sila. Magkasalungat ang inyong paniniwala kung kaya't nakatadhana nang maging magkalaban ang dalawang grupo." paliwanag ni Aimer sa amin. Tama naman ang kanyang mga tinuran.

"Pero ang mali sa Ixion... ipinapakalat nila sa mundong ito kung gaano kayo kasama pero sa aking nasaksihan, hindi naman kayo ganoon kasama. Tumutulong kayo sa mga nangangailangan sa sarili ninyong paraan at wala kayong pakialam kung masama ang maging tingin sa inyo ng ibang tao." paliwanag niya pa.

Sa totoo lang ay sino ba ang may gusto na masama ang tingin sa kanila ng ibang tao? Wala naman hindi ba? Wala naman din kaming magagawa kun'di panindigan ang bagay na ito lalo na't buo na sa isipang ng ibang tao kung gaano kami kasama na mga nilalang.

Nagpatuloy ang aming paglalayag at tuluyan na naming narating ang isla ng Fragkula. Ang bayan lang ng Fragkula ang nasa islang ito. Maliit lamang ito ngunit maraming namumuhay sa isla na ito dahil kilala nga ito sa pagiging payapa nito.

"Huwag kayong mag-alala, hindi alam sa bayan namin ang tungkol sa Sol Invictus," sabi ni Aimer sa amin habang bumababa kami ng barko. "Malaya kayong makakakilos sa bayang ito."

Ito ang unang beses na nakapunta ako sa bayan ng Fragkula, akala ko ay parang isang tribo lang sila na naninirahan sa Isla ngunit malo ako, isa itong malunsad na bayan na napaliligiran ng karagatan. Pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-isla at hindi nawawala ang nguti sa kanilang mga labi.

"Ngayon lamang ako nakakita ng ganoong klaseng isda," wika ni Flavia habang nakatingin sa mga mangingisda na kadadaong lamang sa pampang. May mga taong nagsasayawan sa saliw nang tugtugin sa may liwasan at musikwrong tumutugtog gamit ang kanilang mga instrumento.

"Maligayang pagdating sa masayang bayan nh Fragkula," nakangiting sabi ni Aimer sa amin.

Habang nasa gitna kami nang pagtingin sa paligid ay may dalawang babae ang sumigaw na nakakuha ng atensyon naming lahat. Nakilala ba nila kami? Akala ko ba ay hindi kilala sa lugar na ito ang Sol Invictus.

Hindi kami gumagalaw ngunit handa kaming buong grupo kung sakali mang magkaroon ng away.

"N-nakita na namin ang nagpapanggap na prinsipe!" Sigaw ng isang dilag habang nakaturo kay Aimer. "Tulong! Tulong!" sigaw nila.

"Lumayo na kayo sa akin Basil, baka madamay pa kayo sa mga taong dadakpin," wika niya sa amin.

Huli na ang lahat, kasama kaming nadakip ng mga kawal at dinala sa kulungan sa ilalim ng palasyo ng Fragkura. Hindi ko inaasahan na magiging ganito ang salubong ng mga tao rito sa amin. Hindi naman kami maaaring magtagal dito lalo na't may misyon kaming dapat tapusin.

"Inasahan ko na ang bagay na ito," hindi nawawala ang ngiti sa bibig ni Aimer habang pinagmamasdan ang apat na sulok ng kulungang aming kinalalagyan.

"Bakit hindi mo pinaglaban ang iyong sarili, Aimer?" tanong ko. "Nandito ka na sa isla ng Fragkura, akala ko ba ay gusto mong mabawi ang lugar na ito sa taong nagpapanggap bilang ikaw."

"Oo nga, Basil, tingnan mo... nasa loob na tayo ng palasyo." wika niya. "Hindi ako matatakot lalo na't wala akong masamang bagay na ginawa. Gagawin ko ang lahat para mabawi ang mga bagay na dapat ay sa akin."

Bigla akong nakaramdam kay Aimer. Mabuti pa siya ay matapang niyang nahaharap ang mga problema niya. Samantalang ako ay hindi ko pa rin kayang itapak ang paa ko sa bayan ng Northford dahil sa takot ng nakaraan. Sabihin na nating mas malakas ako sa pagkakataong ito ngunit hindi mawawaksi sa akin ang takot na husgahan muli ako ng aking mga kababayan sa kasalanang hindi ko ginawa at hindi ko naman magagawa.

"Kayang-kaya ko sirain ang mga rehas na nagkukulong sa atin, sabihin mo lang," wika ni Lucas.

"Hindi na. Ayokong magkagulo sa aming isla. Aayusin ko ito sa maayos at mapayapang paraan."

May kawal na bumaba rito sa kulungan at pinagmasdan kami. "Nais raw ng mahal na hari na ika'y makausap." wika niya.

"Nais akong makausap ni ama?" tanong ni Aimer.

"Ha! Napakagaling nga naman talagang umarte, huli na't lahat ngunit pinaninindigan pa rin ang isang kasalanan," wika nung kawal. Nakita ko ang sarili ko noon kay Aimer na napagbibintangan ng mga tao ngunit ang kaibahan namin ay maayos niyang hinahawakan ang sitwasyon at hindi siya nagpapadala sa kanyang emosyon.

"Wala pang paglilitis. Pero masaya ako dahil ginagawa mo ang iyong tungkulin," wika ni Aimer habang binubuksan ng kawal ang kulungan na aming kinalalagyan. "Kung hindi mo masasamain ay gusto kong magsama ng isang kasama para sa pag-uusap na ito,"

"Bakit naman?"

"Saksi." simpleng sagot ni Aimer. "Basil, samahan mo ako."

***

Magkasama kaming naglalakad ni Aimer habang naglalakad sa loob ng palasyo. May mga kawal na sumusunod sa amin. Kung tutuusin ay kayang-kaya kong tumakas at talunin ang mga taong ito ngunit hindi ko gagawin bilang respeto kay Aimer. Gagamitin ko rin ang pagkakataong ito upang mapatunayan kung totoo ba ang kanyang sinasabi na isang maalamat na hayop ang nagpapanggap bilang siya.

Narating namin ang trono at naroon ang matataas na opisyales ng bayang ito maging ang hari na nakaupo sa sentro at may mga kawal na nakabantay. "Hindi ka man lang ba natatakot, Aimer?" tanong ko sa kanya.

"Alam kong lalabas ang totoo." nakangiti niyang sabi sa akin. Ganyan na ganyan din ang sinabi ko noon, lalabas ang totoo. Pero ano ang nangyari? Nagawa akong lokohin ni Avery at iniluklok ako sa kasalanang hindi ko ginawa.

Naglakad kaming dalawa hanggang sa tapat na mahal na hari. Yumuko si Aimer maging ako upang magbigay pugay sa mahal na hari. Sa unang pagkakataon, dalawang Aimer ang nakikita ko ngayon. Ang isa ay aking katabi at ang isa ay katabi ng mahal na hari. Pero tama si Aimer, may kakaibang prisensya ang nagpapanggap na prinsipe na ito. Isang prisensya na hindi makikita ng mata ngunt ito'y iyong mararamdaman.

"Masaya akong makita muli kayo mahal na hari," sabi ni Aimer sa kanya.

"Tunay nga ang balitang may dalawang Aimer na gumagala sa bayang ito. Wala kayong pinagkaiba na dalawa," sabi ng mahal na hari nang may ngiti sa kanyang labi.

Gaano ba kasasaya ang mga tao rito? Maging sa mga seryosong bagay ay parang nagbibiruan lang sila sa paningin ko.

"Pero isa ang nanlilinlang mahal kong ama," wika nung Aimer na nasa kanyang tabi.

"Ako ang magbibigay ng hatol kung sino sa inyo ang nasasabi ng totoo at kung sino ang nanlilinlang. Mas kilala ko si Aimer higit man kanino," wika ng mahal na hari.

Naalala ko ang sitwasyon ko noon, parang ganito rin. Nasa harap kami ng maraming tao habang hinahatulan ako na ako ang gumawa nang pagpatay kay Alvaro. Iyon na yata ang pinakamasakit na alaala na mayroon ako dahil itinakwil ako ng buong bayan ng Norton. Isa lang ang nais nila noong panahong iyon, ang mamatay ako.

"May isang bagay si Aimer na siya lang ang may hawak dahil ibinigay ko ito sa kanya noong bata pa siya. Kung sino man sa inyong dalawa ang makakapagpakita sa akin sa bagay na iyon sa susunod na pitong araw ay nangangahulugan na siya nga ang totoo kong anak. Kapag wala sa inyong dalawa ang nakapagpakita no'n ay parehas kayong mahahatulan nang kamatayan. Maliwanag ba?" walang sumagot sa kanilang dalawa.

Sa utos na rin ng mahal na hari, pinalaya ang grupo namin sa kulungan at hinayaang manatili sa isang malaking silid dito sa palasyo. Ang sabi ng mahal na hari ay hangga't wala pang hatol ay ituring ng mga tao rito na dalawa ang kanilang prinsipe.

"Isang bagay na tanging ikaw ang mayroon?" tanong ni Jacko. "Madali lang pala ang solusyon sa problema mo, eh, kailangan mo lang ipakita kung ano mang bagay iyon at tuluyan mo nang mababawi ang posisyon mo bilang prinsipe."

"Sana nga ay ganoon lang kadali iyon," sabi ni Aimer at kitang-kita sa kanyang mukha na mayroong problema.

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.

"Ang tinutukoy ni ama ay ang aking kwintas na may ginto at diyamanteng disenyo." panimula ni Aimer. "Pero wala na sa akin ngayon ito,"

"Ha? Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Flavia. "Pinamana sa'yo ng ama mo ito. Huwag mong sabihin na nakuha ito sa'yo ng Aimer na nanlilinlang?"

"Hindi sa ganoon," ngumuso si Aimer na parang bata. "Naibenta ko kasi 'to sa isang mangangalakal para magkaroon ako ng pilak at ginto upang magpatuloy sa paglalakbay."

Lahat kami ay namroblema bigla sa sinabi ni Aimer. "Ano?! Ang dali-dali lang nang solusyon mo sa problema ngayon pero mas pinakomplikado mo pa!" inis na sabi ni Luntian.

"H-hindi ko naman alam na hahanapin ni ama ngayon ito. At isa pa, noong mga panahong iyon ay ang nasa isip ko lamang ay makapaglakbay ako kung kaya't wala akong pakialam kung maibenta ko ang mamahaling bagay na mayroon ako." paliwanag niya at napabuntong hininga na lamang ako. Wala naman na kaming magagawa dahil nangyari na ito.

"Paano iyan? Isang linggo lang ang ibinigay sa inyo ng mahal na hari para maipakita ang kwintas na iyon, anong gagawin mo ngayon?" tanong ko.

"S-siguro ay tatanggapin ko na lang ang kamatayan. Ang gusto ko lang naman ay mawala rin ang Aimer na nanlilinlang upang mapanatag ang aking puso na nasa ligtas na kalagayan ang mahal kong bayan." paliwanag niya sa akin.

"Tutulungan ka namin linisin ang pangalan mo," naalala ko bogla ang sitwasyon ko noon sa kanya. Ayokong iwan siya sa gitna ng laban na ito kagaya nang ginawa sa akin ni Avery. Tutulungan ko siyang maipakita sa lahat na siya ang totoong prinsipe.

At isa pa, nararamdaman ko na nandito ang isa naming hinahanap. Ang nagpapanggap na Aimer, malakas ang paniniwala ko na isa siyang maalamat na hayop.

"Talaga? Paano?"

"Hahanapin namin ang mangangalakal na iyong tinutukoy at babawiin ang kwintas mo. Nasaang bayan ba?" tanong ko.

"Kung tama ang aking pagkakaalala ay nasa bayan ng Norton ang mangangalakal na iyon. May sarili siyang tindahan sa bandang liwasan." pagkasabi niya ng bayan ng Norton ay may biglang kaba na gumapang sa buong katawan ko.

"Basil, sigurado ka? Hindi ba't ayaw mo pang bumalik sa bayan ng Norton?" tanong Flavia.

"At isa pa, lubhang mapanganib sa lugar na iyon. Nandoon ang lahat ng kalaban natin, para lamang natin ipapakain ang mga sarili natin sa grupo ng mga leon!" ani Jacko.

Nagbitaw ako ng malalim na buntong hininga.

"Oras na para harapin ang mga bagay na pilit kong tinatakbuhan. Pupunta tayo sa bayan ng Norton."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top