Kabanata 53: Ang prinsipeng palaka

"Magiging ayos lang kaya ang lagay ni ate Melia?" tanong sa amin ni Isla habang pinagpapatuloy na namin ang aming paglalakbay. Sa aming lahat ay itinuring niyang parang nakatatandang kapatid si Melia lalo na't madalas niya itong kasama.

"Huwag kang mag-alala, hindi siya pababayaan ni Adara. Maganda rin ang katayuan ni Melia sa bayan ng Norton kung kaya't hinding-hindi sila mapaparusahan ng mahal na hari." paninigurado ko sa kanya at napatango-tango siya.

"Hindi maalis sa isipan ko si ate Melia," nakangusong sabi ni Isla.

Hinimas ni Flavia ang kanyang ulo. "Huwag kang mag-alala, matatapos na natin ang misyong ito at sinisigurado ko sa'yo na sa oras na malagpasan natin ang paglalaho ay babalik na sa normal ang lahat at makakasama na muli natin si Melia." sagot ni Flavia.

"Jacko at Lucas, mayroon na ba kayong ideya kung nasaan ang susunod na maalamat na hayop?" tanong ko sa kanila habang nagmamasid sa palagid. Kailangan pa rin naman namin maging maingat lalo na't kami ang pinakakilalang masamang grupo sa mundong ito, kahit sino ay maaaring makakilala sa amin.

"Kagaya nung una naming sinabi sa'yo Basil, tanging ang lokasyong ng Arimoanga lamang ang aming alam kung nasaan, wala nang libro ang nakakapagsabi kung nasaan ang Lawa at Sawa." paliwanag ni Jacko sa akin. "Hindi mo rin naman gugustuhin na tumungo sa bayan ng Norton,"

"Hanggang kailan mo ba balak takbuhan ang bayan ng Norton, Basil?" tanong sa akin ni Luntian at napatingin ako sa kanya. Iniling-iling niya ang kanyang kamay. "H-hindi naman sa nangingialam ako ngunit maging ako ay nagtataka kung bakit ayaw mo bumalik sa lugar na iyon?"

Dahil hindi pa ako handa... baka sa oras na bumalik ako sa Norton ay manumbalik ang lahat ng takot ko. Sa tuwing sumasagi sa isip ko ang mga mukha ng mga taong pinagtawanan at hinusgahan ako ay kinikilabutan pa rin ako.

"Nandoon ang Ixion at mga dating miyembro ng Ixion. Matatalo lang tayo sa oras na tumungo tayo roon," pagsisinungaling ko. Hindi ako takot sa mga Ixion o kung sino mang opisyales ng aming pamahalaan, takot ako sa mga tao.

"Tama si Basil,"

"May nabasa akong naninirahan ang Lawa sa gitna nang karagatan ngunit hindi ko masasabi kung tunay ang impormasyong aking nabasa lalo na't walang sapat na ebidensya ang magpapatibay dito," sabi ni Lucas.

"Lubhang malaki ang karagatan para mahanap ang Lawa, panginoon." sabi ni Isla.

"Hindi man sigurado ang impormasyon na inyong nakalap ay pupuntahan pa rin natin ito. Tandaan ninyo halos isang buwan na lang ang mayroon tayo sa pagdating ng paglalaho at wala na tayong dapat sayangin na oras," paliwanag ko sa kanila. Kailangan kong mas maging malakas sa pagkakataong ito, wala na si Melia kung kaya't walang aagapay sa akin sa tuwing ako'y natatakot.

Gagawin ko ang lahat para makabalik sa Norton at maibalik ang dati kong buhay. Gusto kong payapa na mamuhay kasama ang tatay at sina Parisa... maging si Melia.

"Kokak!" 

May narinig kaming ingay mula sa palaka ngunit hindi namin ito binigyang pansin at nagpatuloy sa paglalakad.

"kokak!" 

Napansin kong patalon-talon na sumusunod sa amin ang palaka na parang kami talaga ang kanyang pakay kung kaya't napahinto ako at umupo upang makita ang palaka. Nakatitig lamang ito sa aking mata na parang nakikipag-usap.

"Anong problema, Basil?" tanong ni Luntian.

"Parang kinakausap ako ng palaka na ito," wika ko sa kanya.

"Kaya kong intindihin ang sinasabi nila, gusto mo bang malaman?" tanong ni Luntian. Oo nga pala, isang babaeng ugat itong si Luntian at matagal-tagal siyang nanirahan sa gitna ng kagubatan kung kaya't naiintindihan niya ang sinasabi ng ibang mga halimaw at mga hayop.

Lumapit si Luntian sa palaka at tiningnan maigi ang hitsura nito. "Huh? May kakaiba sa palakang ito," pagsasabi niya nang kanyang opinyon. 

"Ano raw ang pakay nito sa atin?" tanong ko kay Luntian.

Kinausap niya ang palaka at hindi ko maintindihan ang kanilang sinasabi ngunit tumutugon ang palaka sa bawat sinasabi ni Luntian. Bumaling ang tingin sa akin ni Luntian. "Isinumpa raw siya ng isang matandang babae at ikinulong sa anyo ng isang palaka,"

"Ibig sabihin ay tao siya?" tanong ni Isla at manghang-mangha sa munting nilalang. 

"Ano ngang pakay niya sa atin?" tanong ko.

"Kailangan niya raw nang tulong natin upang makabalik siya sa dati niyang anyo." kwento ni Luntian.

"Ha!? Ano iyan? Parang kwentong pambata na kailangan ng isang halik ng isang babae upang magkatawang tao?" nakapamewang na tanong ni Flavia.

"Ako na lang ang gagawa!" pagpiprisinta ni Isla ngunit pinigilan siya ni Lucas.

"Huwag, bata ka pa." walang ekspresyon nitong sabi. 

Hindi ko maintindihan kung paano nagagawa ng buong Sol Invictus na magseryoso sa labanan at umakto na parang bata kapag kami-kami na lamang.

Muling may sinabi muli ang palaka kay Luntian. "Ibibigay niya raw ang lahat basta't tulungan lamang daw natin siya. Alam niya raw kung nasaan ang ating hinahanap," sa sinabing iyon ni Luntian ay naalarma ako. Kung ganoon ay may alam na impormasyon ang palakang ito sa lokasyon ng Lawa o Sawa.

"Flavia, halikan mo na. Pagbigyan mo na," sabi ni Jacko at napailing-iling na lamang ako.

"H-ha!? Bakit ako?"

"Ikaw lang naman ang magandang babae naming kasama sa paglalakbay na ito. Isang halik lang, Flavia... para sa grupo." tumango-tango kaming lahat at nakatingin lang kay Flavia na mukhang hindi gusto ang ideya.

"Kaya mo 'yan, ate Flavia! Isang impormasyon naman ang makukuha natin kapalit ng iyong halik at ang impormasyon na iyon ay ang magdadala sa atin sa lokasyon ng isa sa mga natitirang maalamat na hayop," muli naman akong napatango sa pinalinwanag ni Isla.

"Kaya mo 'yan," sabi ni Luntian.

Nakatingin lang kami kay Flavia habang unti-unti niyang nilalapit ang kanyang labi sa bibig ng palaka. Wala namang kakaiba dito, tumama ang labi ni Flavia sa bibig ng palaka ngunit walang nangyari. Nanatiling palaka pa rin ang hayop na kaharap namin.

"Wala namang nangyari ate Luntian," sabi ni Isla.

Natawa si Jacko at napangiti si Lucas kung kaya't pare-parehas kaming napakunot ang noo sa pagtataka. "Hindi naman talaga halik ang kailangan ng palakang iyan para mag-anyong tao kun'di isang enkantasyon lamang para manumbalik ang dati nitong hitsura." sabi ni Jacko.

"Jacko." inis na sabi ni Flavia habang hinuhugot ang kanyang espada mula sa lalagyan nito.

"T-teka, bakit naging kasalanan ko!? Si Luntian ang nagpasimula nito kung kaya't sinakyan lamang namin siya." sabi ni Jacko. Ipinaliwanag niya rin sa amin na naiintindihan niya ang sinabi ng palaka dahil tinuruan siya ni pinunong Goryo patungkol dito. 

Sinabi ni Jacko ang enkantasyon hanggang sa unti-unting nag-anyong tao ang palakang kaharap namin. Kulay ginto ang buhok nito at kumikinang kapag nasisikatan ng araw samantalang asul ang kulay ng mata nito. Moreno ang taong kaharap namin at ngumiti ito sa amin.

Yumuko ito na parang nagbibigay pugay. "Ikinagagalak ko kayong makilala, mga manlalakbay. Maraming salamat sa inyong naging tulong. Ako nga pala si Aimer, ang pinakagwapong prinsipe ng isla Fragkula." pagmamayabang niya at lahat kami ay nakatingin lamang sa kanya.

"Nasaan na ang impormasyon na maibibigay mo sa amin?" tanong ko sa kanya. Wala akong panahon para makipaglokohan sa nilalang na ito. Wala akong pakialam kung isa siyang prinsipe ngunit kung magiging sagabal siya sa misyon namin ay hindi ako magdadalawang isip na kitilin ang kanyang buhay.

"S-sandali lamang. Tila masyadong mainit ang iyong ulo, ginoo." Lumuhod ito sa amin. "Humihingi ako sa inyo nang tulong upang makabalik ako sa aming isla. Kailangan ako ng aking ama lalo na't may sakit na ito."

"Halika na," aya ko sa kanila at akmang lalagpasan si Aimer.

"May isang nilalang na nagpapanggap na bilang ako sa lugar namin at umaakto siya bilang prinsipe upang mapasunod ang lahat ng mga mamamayanan ng aming isla sa kanyang gusto," pagkukwento niya. "Hindi ko alam ngunit malakas ang pakiramdam ko na isa sa mga hinahanap ninyo ang nilalang na ito. Noong minsan ko siyang nakaharap ay sinabi niya na kabilang siya sa mga maalamat na hayop."

Napatigil ako sa paglalakad at napaharap muli kay Aimer, nakatayo na ito ngayon. Hindi ko alam kung seryoso ba siya sa kanyang sinabi dahil hindi nawawala ang ngiti sa kanyang labi.

"Sa tingin ninyo ba ay nagsasabi siya ng totoo?" tanong ko sa aking mga kasama.

"Hindi," sabay-sabay nilang sagot.

"H-hoy! Grabe kayo sa akin! Hindi nagsisinungaling ang isang gwapong prinsipe na kagaya ko lalo na't isang malaking pagsasala sa isla Fragkula ang magsinungaling." reklamo niya. Hinubad niya ang damit niya at ipinakita ang malaking peklat sa kanyang likod. "Eto ang patunay na may isang mapagpanggap na nasa aming isla. Siya ang may gawa nito. Gusto ko lang makabalik sa Isla namin dahil gusto kong iligtas ang aming mga nasasakupan." seryoso niyang sabi. Ramdam ko ang katotohanan sa kanyang bawat salita.

"Kung makikinig tayo sa kanya Basil ay maaaring masayang ang oras at araw natin. Tandaan mo, napakalapit na nang paglalaho." sabi ni Flavia sa akin.

"Pero maaari rin na nagsasabi siya ng totoo," sabi ni Jacko at kahit maloko si Jacko ay alam ko kapag seryoso siya. "Maaaring nagkatawang tao nga ang isang maalamat na hayop para pamunuan ang kanilang isla," 

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.

"Nakalimutan mo na ba na nagkatawang tao ang Bakunawa para malayang makagalaw sa bayan ng Galanos? Nagpanggap din bilang isang ermitanyo ang Bawa sa bundok ng Kapura. Ito na ma'y base lamang sa aking obserbasyon ngunit ang mga maalamat na hayop ay maaaring nagpapanggap bilang isang tao para malayang makagalaw sa ating mundo o kaya nama'y nagtatago sila sa lugar na hindi matatagpuan na kung sino." Tama si Jacko doon ko naintindihan ang kanyang ipinaliwanag.

"Naniniwala na ba kayo sa akin?" nakangiting sabi ni Aimer.

"Sa'yo hindi ngunit kay Jacko, oo." sabi ni Luntian.

"Mukhang totoo nga ang sabi-sabi na kayo ang pinakamasamang manlalakbay sa mundong ito," parang bata na nagtatampo na wika nito.

"Alam mong kami ang pinakamasamang grupo ngunit sa amin ka pa humihingi ng tulong,"

Ngumisi ito. "Matagal ko na kayo sinusundan at nasaksihan ko ang labanan sa gubat malapit sa Kamora, muntik na akong maipit ng bato ngunit sa kabutihang palad ay nakaligtas ako. Nakita ko na hindi kayo masama na tao at inobserbahan ko ang kakayahan ninyo bilang mga manlalakbay. At doon ko nasabi sa sarili ko na kayo nga ang maaaring makatulong sa akin upang muling makabalik sa aming isla." 

"Anong gagawin mo kapag wala sa isla ninyo ang aming pakay at nasayang lang ang mga araw namin?" seryosong tanong ko sa kanya.

Sumeryoso rin ang mukha ni Aimer. "Bibigyan kita nang pahintulot na kitilin ang aking buhay." may lumiwanag sa kanyang palad. "Hindi kami basta-basta nagbibigay ng isang pangako sa aming lugar dahil buhay namin ang nakataya sa oras na hindi kami tumupad ngunit seryoso ako sa pagkakataong ito. Gusto kong bumalik sa amin at harapin ang lahat ng problema. Sawa na akong tumakbo palayo."

Nakita ko sa mukha ni Aimer kung gaano siya kadesidido.

"Dalhin mo kami sa lokasyon ng inyong isla," huli kong sinabi at naglakad na muli ako.

"T-tulungan ninyo na ako?" 

"Oo pero sabi mo nga ay buhay mo ang kapalit kapag sinayang mo lang ang oras namin," sabi ni Lucas.

"Sungit mo naman. Talaga bang walang pinapakitang ekspresyon 'yang mukha mo?" tanong niya. "Kampante ako na nandoon sa isla namin ang isa sa mga hinahanap ninyo."

Muli naming ipinagpatuloy ang aming paglalakbay kasama si Aimer, ang prinsipeng palaka.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top