Kabanata 52: Huling pagsasama

"Bakit ganyan ka makatingin?" tanong sa akin ni Melia noong mahuli niya akong nakatitig ako sa kanya habang siya'y nagluluto upang may makain ang buong bayan. Sinusulit ko lang ang oras dahil baka ito na ang huling beses na makakasama ko si Melia... sa ngayon.

"Naaaliw lamang ako na pagmasdan ka habang nagluluto," wika ko.

Ipinusod niya ang kanyang mahabang buhok at mas bumagay iyon sa kanya. "Ngayon mo lang ba akong nakita na magluto," tumawa si Melia at napangiti ako. "Simula nung dumating ka ay kakaiba na ang kinikilos mo. May sakit ka ba?" tanong niya.

Pinabayaan niya muna sina Flavia, Luntian, at Isla sa pagluluto. Siya'y umupo sa aking tabi at pumangalumbaba ako upang mapagmasdan ang kanyang hitsura. Isa ito siguro marahil sa mga hahanap-hanapin ko sa oras na siya'y lumisan na.

Kung tatanungin ninyo ako sa kung ano ang aking naging desisyon ay iyon ay pumapayag ako sa nais ni Adara, tama naman siya, hiniram ko lang sa kanila si Melia. Hindi magiging ligtas si Melia hangga't kasama namin siya. Kadikit ng grupong Sol Invictus ang salitang gulo. Bilang isang ina ay naiintindihan ko si Adara lalo na't matagal nawalay ang kanyang anak sa kanyang piling at matagal niya rin itong hinanap.

Oras na para ibalik si Melia sa tunay na nagmamay-ari sa kanya at malayo siya sa lahat ng gulong ito.

"Nakatulala ka riyan, Blade?" tanong niya habang naiiling. "Kumusta kako ang naging paglalakbay ninyo ni Jacko. Ilang oras din kayong nawal. Kayong dalawa, ha, gumagawa  kayo ng misyon na tanging kayong dalawa lang ang nakakaalam." napatingin ako kay Jacko at nagbitaw lang siya ng isang malalim na buntong hininga.

Alam niyang mahirap itong desisyon na ito para sa akin.

"A-ah, may pinuntahan lang kami ni Jacko at inimbistigahan na isang uri ng halamang gamot na maaaring makatulong sa atin. Natagalan lang dahil mahirap hanapin ang halaman na ito," pagsisinungaling ko ngunit napatango-tango na lamang si Melia bilang tugon. "Ikaw, kumusta kayo rito sa bayan ng Kamora habang wala kami?" tanong ko.

"Ayos lang, tumulong ako kanila Flavia na sanayin ang mga batang mandirigma sa bayang ito. Matapos no'n ay nakipaglaro kami. Sayang nga lang at hindi ka nakasali sa amin," 

"Oo nga panginoon! Talagang nagalak ako kanina sa tuwa," nakangiting sabi ni Isla at tumabi siya sa amin ni Melia.

Pinagmasdan ko ang mukha ng mga kasama ko at kung gaano sila kasaya. Oo, itinuturing kaming pinakamasamang grupo sa mundong ito ngunit hindi maipagkakaila na ang layuning mapatay ang lahat ng maalamat na hayop ang naging dahilan para magtulungan kami. Sila ang mga taong ibinalik ang dating ako.

"Gusto ninyo bang matulog tayo ng sama-sama habang pinagmamasdan ang buwan at ang kalangitan?" tanong ko sa kanilang lahat at napatingin sila sa akin. "Ang tagal na nating hindi nagagawa ang bagay na iyon."

***

Naglatag si Melia ng isang malaking sapin na magsisilbing tulugan namin habang nakahiga. Si Lucas naman ay naghanda ng siga na magsisilbing tanglaw namin sa dilim at panlaban namin sa lamig.

Umupo kami pabilog sa siga at magkatabi kami ni Melia. "Ano naman ang naisipan mo at bigla mong naisip ang bagay na ito? Tunay na bang lumalambot ang puso ng pinakamalamig na si Basil?" natatawa niyang biro.

"Gusto ko lang kayong makasama," pag-amin ko dahil ito na ang huling beses na mabubuo ang Sol Invictus lalo na't aalis na si Melia bukas. "Matapos ang naging gulo sa pagitan ng Ixion at Tambakanawa... naisip ko, baka hindi na natin magawa ang ganito. Paano kung dumating ang araw na matalo na natin ang lahat ng maalamat na hayop at napigilan ang paglalaho... ano na ang mangyayari sa atin?" tanong ko sa kanila.

"Kung tutuusin ay mahigit isang buwan na lang iyon," sabi ni Jacko. "Marami na rin tayong pinagdaanan na magkakasama. Napaslang natin ang Bawa, Ang Minokawa, ang labanan sa koliseo, ang hamon ni Bawa, at ngayon ay nalagpasan natin ng magkakasama ang Tambakanawa." 

"Ang dami na pala nating pinagdaanan," nakangiting sabi ni Isla habang nilalaro ang tubig sa kanyang kamay. "Hindi ko rin inaasahan na ang pagtulong ko kay panginoon ay dadalhin ako sa inyo, nakilala ko ang mga taong nagpaunawa sa akin sa maraming bagay sa murang edad." wika niya.

Ito ang unang pagkakataon na pinag-usapan namin ang mga saloobin namin at mga pangyayari noong mga nakaraang panahon. Kitang-kita ko ang masayang ngiti kay Melia noong pinagmamasdan ko siya.

Tumingin din si Melia sa aking direksyon at ngumiti. Pakiramdam ko ay mas masiklab pa ang nararamdaman ko sa aking puso ke'sa sa siga na iniikutan namin ngayon. Tama nga si Jacko, gusto ko ang babaeng ito. Siya ang babaeng tumulong sa akin para hanapin muli ang sarili ko at ipaglaban ang mga bagay kapag alam kong nasa tama ako. Isa siya sa mga taong naniwala sa akin at hindi ako iniwan gaano man kalamig ang pakikitungo ko sa ibang tao.

"Kung bibigyan ka ba nang pagkakataon, Melia, gusto mo bang bumalik sa dati mong pamumuhay?" tanong ko sa kanya. Seryoso kaming nag-uusap na dalawa habang nagkakasiyahan ang iba naming kasamahan.

"Oo naman," walang alinlangan niyang sagot at sa puntong ito ay alam kong maiintindihan ni Melia kung ano man ang maging desisyon ko. "Sinong tatanggi sa normal na pamumuhay 'di ba? Nasa Norton lang ako, kapiling ko ang mga mahal ko sa buhay, at baka isa na rin sa mga taong nagpapatupad ng batas sa ating bayan lalo na't nabuksan ang aking mata sa maraming bagay. Nakita ko kung gaano katiwali ang ibang tao sa ating gobyerno dahil sa pagsama ko sa paglalakbay na ito," kwento niya sa akin. "Siguro kung bumalik na ako sa Norton, matutuwa si ina lalo na't hindi na ako ang dating Melia na gusto lang makuha ang aking gusto. Matutuwa siya dahil mas bukas na ang isipan ko ngayon at isang bagay na natutunan ko sa'yo ay ipaglaban kung ano ang tama kahit sa mata ng ibang tao ay maling-mali ito."

"Natutuwa naman akong marinig ang bagay na iyan,"

"Matatapos na rin ito Blade," mahigpit na hinawakan ni Melia ang aking kamay. "Makakabalik din tayong dalawa sa Norton. Malilinis natin ang pangalan mo sa bagay na hindi mo ginawa at parehas nating makakasama ang ating pamilya."

Mahigpit kong hinawakan ang kanyang kamay at inalalayan siyang makatayo. Kumunot ang noo ni Melia sa pagtataka. "Saan tayo pupunta?" 

"Jacko." tawag ko kay Jacko at napalingon siya sa akin. "Magpalabas ka ng isang griffin."

Ngumiti si Jacko at gumamit ng mahika upang makapagpalabas ng isang griffin. Sumakay ako rito at inalalayan si Melia na makasakay. "Saan tayo pupunta?" muli niyang tanong.

"Basta." sagot ko. Noong makaayos na siya ng pwesto ay pinalipad ko na ang griffin sa himpapawid.

Damang-dama namin ang malamig na simoy ng hangin at matatanaw ang bayan ng Kamora na unti-unting lumiliit sa aming paningin.

Mataas kong pinalipad ang griffin at humigpit ang yakap sa akin ni Melia. Nasa ibabaw na kami ng kalangitan at pinatigil ko sa posisyon na iyon ang griffin. Tanaw na tanaw ang liwanag ng buwan mula rito at kumukuti-kutitap na mga bituin mula sa aming posisyon.

Isa ring nagpaganda sa paligid ay ang mga ilaw mula sa iba't ibang bayan na nagbibigay na parang alitaptap sa kumikinang sa lupain. "Ang ganda," nakangiting sabi ni Melia habang pinagmamasdan ang buong tanawin.

Nakatigil lang kami sa mga oras na iyon at ninanamnam ang bawat sandali. Ito na ang huling pagkakataon...

"Kung sakaling makabalik na tayo sa Norton, ano ang mga bagay na inaasahan mo?" tanong ko sa kanya.

"Mas maayos na ang pamamalakad sa ating bayan. Mas pantay na pagtingin sa pagitan ng mahirap at mayaman. Gusto rin kitang makita na maglaro sa mga laro kapag pista sa lugar natin." kwento niya sa akin. "Ikaw ano ang gusto mong makita?"

"Matupad ang pangarap mo," simpleng sagot ngunit malaking bagay iyon para sa akin... para sa aming dalawa. "Sa nakalipas na mga buwan ay nasa tabi kita at dinamayan mo ako sa kung paano ko gawin ang misyon ko. Isa lang ang gusto ko, iyon ay ang matupad ang mga pangarap mo."

"Gusto kong makita kang nagtuturo sa pinaplano mong paaralan, sa kung paano ka makikipaglaban sa hari sa kung ano ang mga bagay na tamang gawin, sa kung paano mo sasanayin ang susunod na henerasyon para maging isang mabuting mandirigma ng mundong ito." kwento ko sa kanya.

Mas humigpit ang yakap sa akin ni Melia. "Salamat, Blade," sabi niya sa akin.

Gumanti ako ng yakap sa kanya. "Salamat din, Melia." 

Nagkatitigan kami ng mga oras na iyon at parang may kung anong kuryente akong naramdaman sa aking katawan. Ang lalim ng mga titig sa akin ni Melia, mga titig na parang maraming ibig sabihin at nauunawaan ko na iyon sa simpleng pagganti sa kanyang titig.

Unti-unting naglapit ang aming mga mukha hanggang sa naglapat ang aming mga labi. Sa puntong ito ay pakiramdam ko ay huminto panandalian ang aking mundo. Kasama ko ang babaeng mahal ko at nasa pagitan ng aking mga bisig. Ang babaeng naging isa sa mga rason kung bakit patuloy akong lumalaban.

Matapos nang isaang matamis na halik ay nagkatinginan muli kaming dalawa at mahigpit na nagyakap.

***

Noong sumunod na araw ay umulan ng tanong mula kay Luntian at Isla ang gumising sa umaga ko. "Anong ginawa ninyo ni Melia sa himpapawid, panginoon?" tanong ni Isla.

"At kailangan talaga ay hindi kami kasama?" sabi naman ni Luntian.

"Wala, may importanteng bagay lang kaming pinag-usapan,"

"Hindi ako naniniwala," pumamewang ang batang si Isla at ngumuso. "Pagkababa ninyo ay parehas kayong namumula at hindi maalis ang ngiti sa inyong mga labi." 

"Kayo na ba?" tanong ni Luntian, "pangako... hindi kami magiging maingay na dalawa ni Isla."

"Oo nga panginoon, pangako!" itinaas pa ni Isla ang kanyang kanang kamay.

Umiling-iling ako at bumangon. Matamis na umaga ang sumalubong sa akin. "Iayos ninyo na ang mga gamit ninyo. Mayamaya lang din ay lilisan na tayo sa bayang ito." paalala ko sa kanila. Kailangan na rin naman namin ipagpatuloy ang aming paglalakbay. Wala na dapat kaming araw na sayangin pa lalo na't tatlo pang maalamat na hayop ang natitira at mayroon na lang kaming saktong isang buwan.

"Masusunod Basil," sabi ni Luntian at nagmamadaling pumasok sa kanyang silid.

Napatingin ako sa batang si Isla na hanggang ngayon ay nakanguso pa rin. Hinimas ko ang kanyang ulo. "Alam ko ang iniisip mo. Alam kong naiisip mo na hindi mo na makikita ang mga kalaro mo rito," sabi ko sa kanya.

"Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako nagkaroon ng maraming kalaro." wika niya.

"Huwag kang mag-alala, matapos lang ang ating misyon ay babalik tayo rito sa Kamora at makikita mo ulit sila," umaliwalas ang ekspresyon ng mukha ni Isla. "Pangako iyan."

Tumakbo na rin si Isla papasok ng kanyang silid. 

Magkakasama kaming natulog dito sa may damuhan at pinagmasdan lamang namin ang mga bituin. Nagising na rin sina Jacko at Lucas. Ang unang ginawa ng dalawa ay pumunta sa bahay ni pinunong Goryo upang muling sanayin sa kung paano mailalagay ang tinatawag niyang 'magi' sa isang kwintas.

Nagising si Melia at nag-iwas ito nang tingin sa akin. Eto na ang huling umaga na siya'y aking makikita.

"May pupuntahan tayo," wika ko.

"Na naman? Saan naman sa pagkakataong ito?" tanong niya sa akin.

Isang malambot na ngiti lamang ang naging tugon ko sa kanya. Nawa'y mapatawad mo ako Melia sa aking gagawin.

Matapos no'n ay naligo ako at hinanda na rin ang aking mga gamit para sa pag-alis namin mamaya ngunit pupunta muna kami sa ilog Edula na isang oras lamang ang layo mula rito sa bayan ng Kamora.

Maayos ang pagkakabihis ni Melia at kasama ang buong Sol Invictus sa paglalakbay na ito. Ayoko naman silang biglain na hindi na sasama sa amin si Melia, gusto ko maayos silang makapagpaalam sa kanya lalo na't naging malaki ng parte nang paglalakbay na ito si Melia.

"Mag-iingat kayo," wika sa amin ni pinunong Goryo. "Maraming salamat sa tulong na ibinigay ninyo sa amin, Basil." 

"Salamat din pinunong Goryo dahil pinahintulutan ninyo kaming manatili rito kahit malaking gulo ang kaakibat nito," seryosong sabi ko kay pinunong Goryo. Madaming nangyari sa bayang ito, maaaring sa isip nila ay marami akong naitulong sa kanila ngunit para sa akin ay marami akong natutunan sa lugar na ito.

Nakatingin ako sa lahat ng tao rito, napalitan na ng ngiti ang mga takot sa kanilang mukha at handa na rin silang sumulong sa panibagong umaga at panibagong pagsisimula.

"Hanggang sa muli nating pagkikita... Basil. Nawa'y maibalik namin sa iyo ang mga tulong na ibinigay mo sa amin. Balang-araw ay makakabawi rin kami sa'yo." nakangiting sabi ni Goryo. "Mamamayan ng Kamora!" sigaw niya.

Pare-parehas kaming nabigla nung biglang yumuko ang lahat ng mga tao rito sa Kamora sa amin. "Maraming salamat." sabay-sabay nilang bigkas

Dito ko napagtanto na hindi mo kailangan nang titulong 'bayani' para lang makatulong sa ibang tao. Maaari kang makatulong sa sarili mong paraan.

"Sol Invictus," tawag ko sa aking mga kagrupo at maging kami ay yumuko sa mga tao rito sa Kamora.

Isa itong matamis na pamamaalam para sa lahat.

Naglakad na kami paalis habang pinagmamasdan ang mga kamay na na iwinawagayway ng bayan ng Kamora.

"Mukhang hindi na lang kaming anim ang naniniwala na maililigtas mo ang mundong ito," sabi sa akin ni Melia.

Nagpatuloy kami sa paglalakad at sa kabutihang palad ay wala naman kaming nakasagupa na kahit anong nilalang o halimaw. "Akala ko ba ay hindi tayo dadaan sa ilog Edula?" kunot-noong tanong ni Flavia.

"May ihahatid tayo," sagot ko sa kanya. Tila lahat sila'y naguluhan sa aking naging tugon ngunit alam kong maiintindihan ako ng buong Sol Invictus.

Sas isang oras naming paglalakad ay narating namin ang ilog Edula. Malayo pa lang ay tanaw mo na ang mga taong naghihintay sa kabilang panig ng ilog.

"Mga mamamayan ng Norton," wika ni Lucas at akmang ilalabas niya ang kanyang espada ngunit mabilis kong siyang napigilan. "Mga kalaban sila."

"Hindi." wika ko sa kanya.

Habang papalapit kami sa ilog ay mukhang naaninag na ni Melia kung sino ang naghihintay sa kabilang panig ng ilog. "Ina?" tanong niya. Noong una ay hindi pa siya sigurado kung totoo ang kanyang nakikita hanggang sa makita na niya ito ng malapitan. "Inaaa!" malakas niyang sigaw at tinakbo ang ilog.

Nakatingin lang kami sa kanya sa kung paano niya hinagkan ang minamahal niyang ina. Iyak nang iyak si Melia, sa tagal niyang nawalay sa kanyang ina ay alam kong nasasabik siya sa yakap at halik nito.

"Oras na para magpaalam kayo kay Melia, Sol Invictus," nakangiti kong sabi sa kanila at napatingin sila sa aking lahat. "Ibabalik na natin si Melia sa tunay na nagmamay-ari sa kanya... ang kanyang pamilya."

"A-anong ibig sabihin mo, panginoon? Hindi totoo 'yan! Sasama sa atin si ate Melia!" maging si Isla ay ayaw maniwala sa aking sinabi. Anong magagawa ko? Tunay na napamahal siya sa ate Melia niya lalo na't ito ang nag-alaga at umagapay sa kanya.

Naglakad ako papalapit kay Adara na hanggang ngayon ay mahigpit na yakap ang kanyang anak. 

Tumingin sa akin si Adara. "Maraming salamat Blade," wika niya. "Halika na, Melia... umuwi na tayo."

Mukhang nagulat si Melia sa sinabi ng kanyang ina at napatingin sa akin. "H-ha? Hindi ako sasama ina, tatapusin namin ni Blade ang misyong ito... hindi ba, Blade?" tanong niya habang may luha sa kanyang mata.

Umiling ako. "Maraming salamat sa mga naging tulong mo sa amin Melia, pero ngayon ay tapos na ang paglalakbay mo kasama namin. Babalik ka na sa tunay na nagmamay-ari sa'yo, ang pamilya mo at babalik ka na sa Norton."

"H-hindi! Tatapusin natin 'to. Ina hindi po ako sasama," umiiyak na sabi ni Melia. "Naging pabigat na ba ako sa inyo? Mahina ba ako? Magsasanay ako! Mas palalakasin ko pa ang sarili ko." paliwanag niya.

"Kailanma'y hindi ka naging mahina Melia, ikaw ang pinakamalakas na babae na nakilala ko." wika ko. "Pero ngayon bumalik ka na sa mga magulang mo. Tama sila, pare-parehas naming hindi kakayanin kapag nawala ka dahil sa lumalalang gulo sa pagitan ng Ixion at Sol Invictus."

"Melia, kailangan ka ng ama mo. May sakit ang ama mo... parang awa mo na anak, umuwi ka na sa atin." Umiiyak na sabi ni Adara.

"May sakit si ama?" tanong ni Melia. "Kailan pa? Anong nangyari?"

"Humina ang katawan ng iyong ama buhat nung nawala ka Melia, araw-araw ay nag-aalala siya sa'yo. Anak pagbigyan mo na ang kahilingan namin na makasama ka."

"Melia, kailangan ka ng pamilya mo. May mga taong nag-aabang sa'yong pagbabalik... hindi katulad namin," itinuro ko ang buong grupo. "Pare-parehas kaming mga ulila. Huwag kang mag-alala, tatapusin ko ang misyong ito at babalik ako ng Norton."

"P-pero gusto kong kasama ako sa pagkamit ng bagay na iyon Blade. Nangako ako sa'yo na nasa tabi mo lang ako hanggang sa makamit mo ang bagay na iyon."

"Parati kang nandito Melia," itinuro ko ang puso ko. "Malayo ka man ay ramdam ko ang suporta mo. Tatapusin ko ang misyong ito, nangako ako sa'yo hindi ba? Gusto kong makita na matupad mo ang sarili mong pangarap."

Ngumiti sa akin si Melia at tumingin sa buong grupo. "Tandaan ninyo hindi ito pamamaalam, sa oras na kailanganin ninyo ang tulong ko ay nandito ako. Isang pamilya tayo sa Sol Invictus." napangiti ako dahil naintindihan ni Melia ang sitwasyon.

Tunay ngang ang laki na nang pinagbago niya. Isa na siyang matapang at magandang dilag sa aking paningin.

"I-ina maaari ko bang hagkan sa huling pagkakataon ang mga kasama ko?" tanong niya at tumango si Adara bilang tugon.

Niyakap niya isa-isa sina Lucas, Jacko, Flavia, Luntian, at Isla. At sa huli, nakatayo kami... magkaharap. Pinahid ni Melia ang luha niya. 

"Mahal kita, Blade." ilang salita lamang iyon at niyakap ko siya nang mahigpit.

"Mahal din kita."

Hindi ito pamamaalam, saglit lang magkakalayo ang mga landas namin ngunit matapos ang misyong ito ay alam kong may babalikan ako. May dahilan na ako para mabuhay.

Sumama si Melia sa kanyang ina at noong nakalayo na siya ay doon na ako napaiyak sa mga pangyayari.

"Naiintindihan namin ang desisyon mo, Basil," sabi ni Flavia at inalalayan niya akong tumayo.

"Ipagpatuloy na natin ang paglalakbay na ito... panginoon." sabi naman ni Isla.

Hanggang sa muli nating pagkikita, Melia.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top