Kabanata 51: Pakikipagkita at pakiusap
kinaumagahan ay maaga akong nagising dahil malayo-layo dito sa Kamora ang bundok Tandawan. Tulog pa ang lahat noong ako ay bumangon puwera kay Jacko na siyang kasama ko sa paglalakbay na ito. "Anong gagawin natin sa bundok Tandawan, Basil?" tanong niya sa akin.
"Kikitain natin si Adara," sambit ko habang naglalagay ng mga kagamitan sa maliit kong lalagyan.
"Si Adara!? Ang dating miyembro ng Ixion!?" bakas sa mukha niya na hindi siya makapaniwala sa aking sinabi.
"Oo, siya rin ang ina ni Melia."
"Tanginang 'yan," nailing ako sa mura niya dahil kita ko kung paano gumapang ang kaba sa buo niyang katawan. "Sigurado ka bang tayong dalawa lang ang tutungo sa bundok ng Tandawan? Hindi mo ba naisip na baka isa lang itong patibong para pasukuin ka? Isang mamamayan ng Norton ang kahaharapin mo ngayon at higit sa lahat, dati pang miyembro ng Ixion."
"May tiwala ako kay Adara na tutupad siya sa pinag-usapan namin," Naisip ko na rin naman ang mga maaaring kahinatnan ng padalos-dalos kong desisyon na ito ngunit handa ako. At isa pang pinanghahawakan ko ay dalawang buwan kong naging guro si Adara, alam kong seryoso siya sa kanyang mga salita at hindi niya ako ipapahamak. "Nadala mo na ba ang mga kailangan mong dalahin?"
"Ayos na." wika ni Jacko.
Lumabas kaming dalawa ng aming silid at saktong kalalabas lang din ni Flavia mula sa kanyang kwarto. Napansin niya ang aming suot na dalawa na handa na sa paglalakbay. "T-teka, saan kayo pupuntang dalawa? Hindi ba't bukas pa ang alis natin dito sa Kamora?" tanong niya sa amin.
"May pupuntahan lang kami ni Jacko sa 'di kalayuan, babalik din kami mamayang hapon." paalam ko sa kanya at hindi naman nagtaka si Flavia dahil madalas naman kaming umaalis ni Jacko lalo na kapag may mga bagay siyang natutuklasan dahil sa akin niya ito unang sinasabi.
"Ikaw na ang magsabi sa mga kasamahan natin tungkol sa aming pag-alis," bilin ko kay Flavia at tumango naman ito bilang sagot.
Pagkalabas namin ng bahay na aming tinutuluyan ay papasikat pa lang ang araw at wala pa masyadong mga tao sa paligid, puwera na lang sa ilang manggagawa na hanggang ngayon ay nagkukumpuni ng mga bahay.
"Basil, wala na 'tong atrasan. Maaari ngang pag-uusap lang ang pakay ni Adara o kaya naman ay isa itong patibong na inihanda ng Ixion." seryosong sabi ni Jacko sa akin. "Hindi ako takot mamatay pero tangina gusto kong mamatay man lang sa bayaning paraan, hindi dahil ako'y nagipit nang mga kalaban."
Napailing ako sa pahabol niyang hirit. "Magtiwala ka sa akin. Hindi tayo sasaktan ni Adara lalo na't kasama natin si Melia na kanyang anak. Alam niyang pwedeng masaktan ang kanyang anak sa oras na may gawin siyang masama sa atin."
Naglikha na si Jacko ng dalawang griffin na siyang magiging sasakyan namin sa himpapawid.
Sumakay na ako sa isa at sumakay na rin si Jacko sa kabila. "Magtiwala ka sa akin, hindi ako kikilos ng walang plano.
***
Narating namin ang bundok Tandawan nang maaga, isa itong patag na bundok na hindi kalayuan sa bayan ng Afras na siyang sentro nang gawaan ng matitibay na armas. Akala ko ay mauuna akong makarating dito dahil inagahan naming dalawa ni Jacko ang alis ngunit nandito na si Adara sa bundok Tandawan na nakatayo sa gitna habang pinapayungan siya ng isa sa mga kawal.
May dalawa siyang kawal sa kanyang likod na wari ko'y bantay niya. Humigpit ang mga bantay sa mga dating miyembro ng Ixion simula nung nawala si Alvarro na sinasabi na ako raw ang may gawa.
"Tila napaaga ka, mahal kong guro," lumabas muli ang ngisi sa aking mukha. Hindi ko dapat kalimutan na sa palabas na ito ay ako ang kontrabida, hindi ko dapat ipakita na mabilis lang akong mapasunod dahil iyon ang magpapabagsak sa mga plano ko. Kailangan ko parating maging matapang sa mata ng ibang tao at umakto na parang walang puso.
Ngumiti sa akin si Adara. "Maaga talaga ako tumungo rito Blade... o mas dapat bang tawagin bilang si Basil na siyang pinuno ng pinakamasamang hukbo ng ating mundo,"
"Basil. Matagal ng patay si Blade." panimula ko. Itinuro ko si Jacko. "Ipagpaumanhin mo kung nagsama ako ng isa sa aking mga kasapi dahil isa siya sa makatutulong sa akin upang makapunta ako rito ng mabilis." paliwanag ko.
Nakatayo lang kami na magkaharap. "Ipagpaumanhin mo rin kung may kasama akong dalawang kawal, mahigpit ang palasyo pagdating sa aking paglabas ng bayan lalo na't gumagala ang Sol Invictus na bali-balitang kumitil na ng maraming buhay."
Hindi na ako nagulat sa balitang iyon, baka nga alam ko pa kung kanino nanggaling ang balitang iyon, eh. Isa lang naman ang kakilala ko na mahilig gumawa ng kwento para mapabagsak ako.
"Siguraduhin mo lang na hindi ito patibong Adara," iniangat ko ang kanang kamay ko at may asul na apoy na lumabas mula rito. "Sa oras na malaman ko na ako'y niloloko mo lamang ay kayang-kaya kong patayin ang iyong anak dahil na rin sa mahikang inilagay ko sa kanyang katawan."
Hindi naman totoo ang sinabi ko, kailangan ko lang gumawa ng kwento upang takutin si Adara at maiwasan ang mga biglaang pag-atake. Nakatayo lang si Jacko sa aking tabi ngunit alam kong nagmamasid siya sa paligid. Kahit pa isang malawak na kapatagan ang inaapakan namin sa burol na ito ay hindi pa rin namin dapat ibaba ang depensa namin lalo na't si Adara ang aming kaharap.
Mahinang tumawa si Adara. "Ang laki na nang pinagbago mo Blade. Pero alam kong hindi mo magagawa iyon sa anak ko,"
"Ano ang isinadya mo sa akin at ano ang gusto mong sabihin?" tanong ko sa kanya.
"Hindi ako nandito para makipag-usap... nandito ako para makiusap," kumunot ang noo ko dahil sa kanyang sinabi. "Ibalik mo sa akin si Melia." kita ko ang matamlay na ngiti sa kanyang labi.
Lumambot ang ekspresyon ng mukha ko panandalian. "At bakit ko naman gagawin iyon? Hindi ko hawak ang desisyon ng anak mo, Adara, siya ang may nais na makipagtulungan sa amin.
"Hindi ako nandito para makiusap bilang dating miyembro ng Ixion o kaya naman ay mamamayan ng Norton... nandito ako bilang ina. Wala akong pakialam sa gulo sa pagitan ng mga batang Ixion at Sol Invictus, kaligtasan lang ng anak ko ang ninanais ko Blade," may luhang tumulo mula sa mata ni Adara.
"Napapagod na ako gabi-gabing umiyak dahil sa pag-aalala kay Melia. Iniisip ko na oo ngayon buhay pa siya pero paano sa mga susunod na araw lalo na't mas lalong sumisiklab ang gulo sa pagitan ng dalawang grupo. Gusto kong makasama ang anak ko Blade, gusto ko siyang bumalik sa palasyo at mamuhay kasama kaming pamilya niya." naintindihan ko si Adara sa parteng ito.
Sino ba ang may ayaw sa normal na buhay? Maging ako rin naman ay isa lang ang gusto ko, ang matapos ang lahat ng gulong ito... makabalik sa piling ng aming tatay at kasama si Parisa, maging si Avery.
"Hindi ko hawak ang desisyon na iyan, si Melia ang dapat mong tanungin patungkol diyan." matigas kong sabi.
"Alam kong hindi makikinig si Melia sa akin. Kilala ko ang anak ko, kapag may isa siyang bagay na nasimulan ay desidido siyang tapusin ito. Palaban ang anak kong iyon kaya laking gulat ko na lamang nung isinuko niya ang posisyon niya sa Ixion para umalis ng palasyo... alam mo kung bakit, Blade?" tanong niya sa akin.
Hindi ako sumagot kung kaya't itinuloy ni Adara ang kanyang sinasabi.
"Dahil alam niyang wala kang kasalanan. Umalis siya para hanapin ka at tutulungan ka raw niya na linisin ang pangalan mo. Naniniwala siya na nasa tama ka at wala kang kasalanan, Blade," sa sinabing iyon ni Adara ay may luhang tumulo sa mata ko at umantig sa puso ko.
Ibig sabihin ba nito ay mula umpisang-umpisa ay naniwala na sa akin si Melia?
Lumuhod si Adara sa aking harapan. Ngayon ko lang siyang nakitang lumuhod bukod sa mahal na hari. "Nakikiusap ako sa'yo Blade. Ilayo mo na si Melia sa gulo ninyong Ixion. Ayokong dumating sa punto na bumalik sa akin ang anak ko na nakahimlay at wala ng buhay. Ina lang ako... Blade. Hindi ko kakayanin kapag nawala sa akin si Melia." mahaba niyang pakiusap sa akin.
Nakatahimik pa rin ako at hindi sumasagot.
"B-Basil," sabi ni Jacko sa aking tabi at naging hudyat na bumalik ako sa aking sarili.
Pinahid ko ang luha sa aking mata. "Kakausapin ko si Melia patungkol diyan ngunit bukas... puntahan mo kami sa Ilog Edula dahil isa iyon sa mga madadaanan namin sa paglalakbay at doon ko ibibigay ang aking sagot."
"Maghihintay ako." sabi ni Adara. "Wala na akong pakialam kung sino ang tama pagdating sa paglalaho, ngunit kung masisira man ang mundong ito ay isa lang ang kahilingan ko. Iyon ay ang makasama ang pamilya ko hanggang sa huling sandali."
Tumalikod na ako at walang tigil ang luha mula sa aking mata.
"A-ayos ka lang ba?" tanong sa akin ni Jacko at naglabas siya ng dalawang Griffin upang maging sasakyan namin sa pagbalik.
Habang nakasakay kami ay kinakausap ako ni Jacko. "Nakapagdesisyon ka na... tama ba? Hindi naman tayo madadaan sa ilog Edula bukas." seryosong sabi niya.
"Tama si Adara, hindi na dapat masali si Melia sa gulong ito." Kung may tao man akong pinakagustong protektahan sa pagkakataong ito ay si Melia iyon. Siya ang naging sandigan ko nung mga panahong hinang-hina ako. Siya ang naging lakas ko.
"H-hindi ako makikialam sa mga desisyon mo Blade dahil alam mo namang hanggang sa huli ay susuportahan kita. Pero kailangan mong kausapin si Melia patungkol diyan. Batid ko ang malaking kagustuhan din ni Melia na matapos din ang misyong ito. Pero naiintindihan din kita Basil dahil buhay ng taong mahal mo ang nakataya rito. Tama ba?" sabi ni Jacko sa akin.
Mahal?
"Huwag na tayong magtanga-tangahan dito. Iba ang saya mo kapag kasama mo si Melia, sobrang gaan ng pakiramdam mo kapag nandiyan siya. Sa kanya ka lang umiiyak, sa kanya ka nagsasabi ng mga problema mo." paliwanag ni Jacko.
"Gusto ko lang siyang malayo sa gulong ito, Jacko, paano kung tama si Adara? Paano kung biglang mapahamak si Melia sa gulong nangyayari lalo na't sumisiklab ang laban ng Ixion at nang ating grupo. Tatlong maalamat na hayop na lamang ang natitira at sigurado akong makakaharap pa natin ang Ixion." paliwanag ko sa kanya. "Alam kong gagawin ni Avery ang lahat para saktan ako. At ang pinakamasakit na bagay na naiisip ko ngayon ay ang mawala sa akin si Melia."
"H-hindi ako tututol sa sinasabi mo at hindi ako makikialam. Aakto ako na parang wala narinig kanina pero kahit anong maging desisyon mo... nandito lang kami. Balang-araw ay maiintindihan din ni Melia na para sa kapakanan niya ang gagawin mo." napangiti ako sa sinabi ni Jacko.
Hapon na nung nakabalik kami sa bayan ng Kamora at unang sumalubong sa akin si Isla at nakangiting nakasunod sa kanya si Melia.
Naalala ko bigla ang sinabi sa akin ni Adara noong magkausap kami.
"Umalis siya para hanapin ka at tutulungan ka raw niya na linisin ang pangalan mo. Naniniwala siya na nasa tama ka at wala kang kasalanan, Blade."
"Nandito na pala ka--"
Hindi na natapos ni Melia ang sinasabi niya sa akin nung bigla ko na siyang kinulong sa aking bisig at mahigpit siyang niyakap.
"S-salamat Melia," may luhang tumulo sa aking mata. "Maraming salamat."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top