Kabanata 50: Hindi inaasahang mensahe

Panibagong umaga, maaliwalas na sinag ng araw ang tumatama sa aking mata at maririnig sa paligid ang mga huni ng ibon. Sa unang pagkakataon ay nasinagan ng magandang sikat ng araw ang bayan ng Kamora. Siguro sa paningin ng ibang mga kalapit bayan ay masasamang mga tao ang mga nasa bayang ito ngunit para sa akin ay ang mga taong nandito ay ang mga taong nagsisikap at ginagawa ang kanilang makakaya upang magpatuloy sa buhay.

"Kuya Blade," tawag sa akin ng batang si Argus. "Ayos na po ba ang mga sugat ninyo?" nag-aalalang tanong niya sa akin habang nakatingin sa benda na nasa aking tiyan.

Unti-unti akong bumangon, may sakit pa rin sa aking tagiliran ngunit mas maayos na ang aking pakiramdam ke'sa kahapon. "Oo, nasaan sina Isla?" tanong ko sa kanya.

"Si ate Melia at Isla po ay nagluluto nang umagahan na pagsasaluhan ng buong bayan, si kuya Jacko at Lucas ay nagsasaliksik at nagbabasa ng aklat, si ate Flavia at Luntian naman po ay tinuturuan ang ibang mamamayan ng mga mabilisang panggagamot kung sakaling may masusugatan." pag-i-isa-isa ni Argus at hinimas ko ang kanyang ulo. Ngumiti sa akin ang bata at inalalayan akong makatayo.

Pagkalabas ko ng bahay na aking tinutulugan ay matatanaw sa buong paligid ang mga mamamayan ng Kamora na nagtutulung-tulungan upang muling makabangon sa nangyari.

"Gising ka na pala," sabi ni pinunong Goryo habang may hawak siyang isang buslo na punong-puno ng prutas. "Balak ko pa namang bisitahin ka,"

"Salamat pinunong Goryo dahil pinahintulutan ninyo pa kaming manatili rito ng isa pang araw kahit alam ninyo na mapanganib na nandito ang Sol Invictus sa inyong lugar."

"Maliit na tulong nga lang ito kumpara sa nagawa mo sa aming bayan. Iniligtas mo kami sa epidemyang kumakalat sa aming lugar, tinuruan mo kaming pahalagahan ang kapaligiran namin, pinrotektahan mo kami sa ixion, at higit sa lahat ay hindi mo kami hinayaang masaktan ng Tambakunawa." wika niya at napangiti na lamang ako.

"Pinuno, may isa sana akong bagay na gustong matutunan mula sa inyo." sabi ko sa kanya.

"Ano 'yon?"

"Gusto kong matutunan kung paano ninyo inilalagay sa isang kwintas ang mahika ng isang tao at sa kung paano ito lumalabas," pakiramdam ko ay malaking bagay iyon para sa susunod na henerasyon kung ito'y aking matututunan. Maiiwasan ang malalaking gulo na likha ng mahika kapag nangyari iyon.

"Iyon ba?" tumango ako bilang tugon. "Madali lang naman itong gawin dahil isang puting mahika lang ang ibabalot mo sa kwintas upang makulob doon ang kapangyarihan ng isang tao o magi." paliwanag niya.

"Magi?"

"Iyon ang tawag naming mga taga-Kamora sa mahikang kakayahan ng isang tao. Lalabas naman ito kapag nasa wastong edad na ang isang tao o kaya naman ay nagpakita nang matinding pagnanais na makatulong... katulad nung nangyari nung nakaraang araw sa pagtulong ng mga bata sa'yo." napatango-tango ako sa paliwanag ni pinunong Goryo. "Maaari kong ituro sa iyo ang bagay na iyon mamaya. Puntahan mo lamang ako sa aking bahay, isama mo rin si Jacko at Lucas dahil parehas interesado ang mga bata rin na iyon na matutunan ang patungkol sa kwintas."

Napangiti ako nung makita na nagtutulung-tulungan ang mga tao rito.

Panibagong simula para sa lahat.

"Gising ka na pala," sabi ni Melia at ngumiti sa akin. "Nakahanda na ang almusal. Sabay-sabay na tayong kumain lahat."

Magkasabay kami ni Melia na naglalakad patungo sa lugar kung saan gaganapin ang pagkain.

"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong niya sa akin at palukso-lukso na naglalakad. "Pinahirapan mo na naman si Flavia sa pagtanggal sa lason sa iyong katawan. Ang hilig mong ilagay ang sarili mo sa delikadong mga sitwasyon." ngumuso ito.

Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi. "Ginawa ko po 'yon upang mapuksa ang Tambakanawa."

"Masakit, ginagawa mo naman akong bata." hinimas-himas ni Melia ang pisngi niya na ngayo'y namumula.

"Melia, hindi ba't magandang lugar ito na pagtayuan ng pinaplano mong paaralan?" tanong ko sa kanya.

"Alin? Ang paaralang Alkemiya na binabalak ko?" tanong niya at tumango ako. "Magandang ideya nga iyan. Kaso ayoko na dito sa mismong bayan, siguro ay doon." itinuro niya ang isang parte ng burol. "Malayo kahit papaano sa bayan, delikado pa rin naman ang isang paaralan na puno ng estudyanteng marunong magmahika."

Nandoon na ang lahat pagkarating namin at kami na lang ang hinihintay. Si Isla ang nanguna nang pagdarasal kay Bathala upang pasalamatan ang panibagong umaga na ibinigay sa amin at sa mga pagkaing nakahain sa amin.

Habang kumakain kami ay nagusap-usap din kami.

"Kumusta Jacko ang ginagawa ninyong pananaliksik ni Lucas?" tanong ko sa kanilang dalawa.

"Ayos naman, marami akong natututunan mula sa bayang ito ngunit wala pa rin akong ideya kung nasaan ang iba pang maalamat na hayop," pagkukwento niya sa akin. "Pero alam naman nating lahat kung nasaan ang Arimoanga, nandoon iyon sa bayan na iyong sinilangan-- ang Norton, pero batid kong hindi mo pa gustong bumalik doon kung kaya't gagawin namin ni Lucas ang lahat para mahanap ang lokasyon ng iba pang maalamat na hayop... 'di ba, Lucas?" tanong niya.

Hindi siya sinagot ni Lucas na tahimik na kumakain. 

"Hay naku! Hindi nakakapagod sumang-ayon sa sinasabi ko, Lucas." napatawa ako sa reklamo ni Jacko.

"Inaaya nga pala tayo ni pinunong Goryo mamaya upang matutunan ang isang uri ng mahika," pagpapaalam ko sa kanilang dalawa at tinanguan naman nila ako. Parating magkasama sina Lucas at Jacko, magkaiba man ang kanilang personalidad ngunit parehas silang utak ng aming grupo. Nagkakasundo silang dalawa pagdating sa mga aklat o anumang uri ng bagay na may matututunan silang dalawa.

"Panginoon, sumama ka sa amin mamaya. Maglalaro kami sa may burol," sabi naman ni Isla habang kumakain.

"Kung may oras pa, sasama ako," nakangiti kong sagot.

"Ang laki na nang pinagbago mo,Basil," wika ni Flavia naman at napatingin sa akin ang lahat ng kagrupo ko. "Normal ka nang nakakangiti kahit puro sugat ang katawan mo."

"Mas ikaw na 'yan. Ikaw na yung Blade na nakilala ko noong nagsasanay tayo para mapabilang sa Ixion," sabi naman ni Melia. "Maligayang pagbabalik... Blade."

***

Matapos kumain ay napagdesisyunan kong maging mapag-isa sa may ilog malapit sa bayan ng Kamora. Pinagmamasdan ko lang ang pagdaloy ng tubig.

Iniisip ko ang mga nangyari nung nakaraang araw dahil kitang-kita ko ang galit sa mata ni Avery. Noong bata ako ay marami akong pangarap na binuo na kasama silang dalawa ni Parisa, mga pangarap na gusto kong tuparin naming tatlo ngunit sa isang kasinungalingan ay nagbago ang lahat.

Nanatili si Parisa sa puder ni tatay David.

Naging isang bayani si Avery na tinitingala ng lahat.

at naging isa akong masamang nilalang na pinuno ng pinakamasamang grupo sa mundong ito.

Ang daming nangyari pero parang ngayon ay parang wala akong pinagsisihan sa mga nangyayari. Mas naging matatag ako, mas nakilala ko ang sarili ko, may mga bago akong kaibigan na nakilala na siyang naniniwala sa akin, nabuksan ang mata ko sa maraming bagay.

"Alam ko balang-araw magbubunga lahat ng paghihirap ko." humiga ako sa damuhan at tumingin sa bughaw na kalangitan. "Lahat nang batikos na natatanggap ko ay alam kong balang-araw ay mapapalitan ng pasasalamat. Kaunting kapit pa, Basi--" napangiti ako ako sa pagkakasabi ko ng aking alyas na ginamit para tumakbo sa lahat ng problema.

Ngayon ay hindi na ako tatakbo, lalaban na ako. "Kaunting kapit pa, Blade."

habang nakahiga ako ay nabigla ako nung isang palaso ang tumusok sa lupa malapit sa aking mukha. Ramdam ko ang malamig na hangin na dulot nito. Napabangon ako at napaikot ang tingin sa buong paligid ngunit wala akong nakita na kahit sino.

Hindi ko man lang naramdaman ang prisensya ng taong iyon.

Kinuha ko ang palaso at may sulat na nakatali rito na mukhang nakasadya sa akin. Isang sulat mula sa hindi ko inaasahan na tao.

Nais kong makipagkita sa'yo patungkol kay Melia, nawa'y mapabigyan mo ang aking kahilingan. Walang kasamang kawal kun'di tayong dalawa lamang. Hihintayin kita bukas sa bundok Tandawan bago magdapit-hapon. Aasahan ko ang iyong prisensya, Blade.

-Adara

Isang sulat ang natanggap ko mula kay Adara na siyang ina ni Melia. Ano nga ba ang sadya sa akin ng ina na dating miyembro ng Ixion?

***

KAIA

"Maraming salamat ginoo sa pagtulong sa akin." sabi ng matandang lalaki na tinulungan ko mag-ayos ng kanyang paninda sa liwasan. Sa totoo lang ay nabuburyo na ako dahil paulit-ulit na lamang ang ginagawa ko sa araw-araw dahil hindi ako nakasama sa misyon na isinagawa ng Ixion sa bayan ng Kamora.

Maglilinis sa buong palasyo, magdidilig ng mga halaman ni Adara, magsasanay, maghahatid ng sulat sa iba't ibang departamento ng palasyo, tutulong sa mga mamamayan. Paulit-ulit... dapat pala talaga ay tumakas na ako at palihim na sumama sa misyon.

"Walang anuman po iyon, masaya ako na matulungan ko kayo." nakangiti kong sabi at pasipol-sipol akong naglakad pabalik ng palasyo.

Lahat ng madaanan ko ay yumuyuko sa akin bilang pagbibigay galang. Simula nung naging miyembro ako ng Ixion ay malaki na ang nagbago sa aking katayuan. Nirerespeto na ako ng lahat at hinahangaan.

Hindi ko naman binibigo ang mga taong naniniwala sa akin dahil bilang miyembro ng Ixion ay parati kong sinisigurado ang kaligtasan ng lahat. Sana nga lang ay maintindihan ni Avery ang bagay na iyon imbes na mabulag sa kapangyarihan.

Habang naglalakad ako sa gilid ng palasyo upang mag-ulat sa mahal na hari ng aking ginawa ngayong araw ay may nakasalubong akong mga tagapaglingkod na may mga hawak na makakapal na saplot ng mga kama. 

"Tulungan ko na kayo," sabi ko sa kanila. "Mga punda ito ng aming mga kwarto, ah," sabi ko sa kanila. "Kayo rin ba ang naglilinis nito?"

"Kasama rin po sa aming trabaho iyon, ginoong Kaia. Iyon na lamang ang bagay na maitutulong namin sa inyo dahil sa pagpoprotekta ninyo sa bayan namin. At isa pa, maraming salamat sa pagbibigay ng pilak sa akin nung nakaraang araw... napaggamot ko na po ang aking anak," wika niya sa akin at natuwa naman ako sa magandang balita na kanyang inihatid. "Nawa'y maging matagumpay na ang Ixion sa pagprotekta sa maalamat na hayop lalo na't nalalapit na ang paglalaho." 

Napatigil ako saglit ngunit mabilis din bumalik ang ngiti sa aking labi. Ilang beses na ba kaming pumalpak dahil sa nangyari? Ilang maalamat na hayop na ang napatay ng grupo ni Blade at wala pa kaming matagumpay na napoprotektahan. Nawa'y maging matagumpay sina Sabrina sa pagprotekta sa Tambakanawa.

"Ay nga pala, bakit anim lang itong mga gamit na ito?" ani ko.

"Ahhh! Ayaw kasi ni pinunong Avery na pumapasok sa kwarto niya kung kaya't lagi naming nilalagpasan iyon kapag naglilinis kami." paliwanag sa akin ni nanay Magda.

"Kwarto ni Avery?" napakunot ako ng noo sa pagtataka. Wala nga kahit isa sa amin ang nakapasok sa kanyang silid.

"Opo. Ganoon nga siguro kapag isang pinuno ng isang malakas na grupo. Baka ayaw niyang may mga papeles kaming magalaw sa kwarto niya o kaya naman ay mawala. Kahit gaano kabait si pinunong Avery ay ayoko rin naman siyang galitin kung kaya't sumusunod kami sa kanyang utos." paliwanag niya pa.

"Ginoong Kaia, nakikinig ka pa ba sa akin?" tanong niya.

"A-ah oo, saan ko nga pala ito ibababa?" sambit ko.

"Sa gilid na lang, ginoo, maraming salamat."

Iniwan ko na si nanay Magda at naglakad patungo sa kwarto ni Avery. Alam kong panghihimasok sa pagkapribadong tao ni Avery ang gagawin ko pero... wala naman siya. Siguro ay makakahanap ako kahit isang bagay sa kwarto niya na magagamit ko upang hindi niya na ako maliit-liitin at hindi niya na ako magamitan nang mga mapanlinlang niyang mga salita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top