Kabanata 5: Bagong simula
Noong makalayo na ako sa Norton ay pinababa ko na ang Griffin, maganda ang pag-aalagang ginawa sa kanya ni Parisa dahil madaling mapasunod ang griffin na ito. Ito ang unang beses na lumayo ako sa Norton na wala sina tatay David, Parisa, at Avery. Nasa gitna ako ng gubat at itinali ko muna ang Griffin sa isang puno. "Maraming salamat, kaibigan." sabi ko sa kanya at hinimas ang ulo nito.
Pasikat na ang araw, mag-uumaga na. Isang panibagong araw ito para sa akin. Sa tuwing naaalala ko ang nangyari sa akin sa Norton ay nabubuhay ang galit sa aking puso. Malakas kong sinuntok ang isang puno at umalog ito sa sobrang lakas.
"Magbabayad ang lahat nang nanghusga sa akin, magbabayad ang mga taong nagdiin sa akin sa kasalanang hindi ko ginawa, magbabayad ka... Avery," simula nung idiniin niya ako sa kasalanang hindi ko naman ginawa ay kinalimutan ko ng pamilya ko si Avery, kung sinabi niya lang sana ang katotohanan ay hindi mangyayari sa akin ang ganitong bagay.
Humiga ako sa damuhan at pinagmasdan ang isang sagisag na natanggap ko mismo kay Alvaro, ito ang huling sagisag na ibinigay niya sa akin. Ang sagisag na ito ay sumisimbolo sa pagmamahal sa bayan ng Ixion, akmang ihahagis ko ito ngunit naalala ko ang sinabi ni Kaia na maaari kong maibenta ang sagisag na ito sa halagang sampung ginto.
Ipinikit ko ang aking mata upang kahit papaano ay umidlip dahil napagod ako sa mga nangyari sa akin.
Nagising na lamang ako nung maramdaman ko ang matinding sikat ng araw na tumatama sa aking mata. Dahan-dahan akong bumangon at napaayos din ako ng tindig nung may marinig akong mga yabag. Tumingin ako kay Lily na hanggang ngayon ay nakatali pa rin sa puno. Hindi magiging ligtas si Lily kung mananatili pa rin siyang nakadikit sa akin, maraming mangangaso at masamang mahikero ang humuhuli sa mga griffin.
Hinimas ko ang ulo ni Lily. "Maraming salamat sa'yo kaibigan," tinanggal ko sa ang tali niya na nasa puno. "Umalis ka na, bumalik ka na sa Norton dahil paniguradong nag-aalala na sa'yo si Parisa."
Bago umalis si Lily ay hinimas niya pa ang ulo niya sa akin at lumipad na palayo. Mag-isa na lamang ako ngayon, tunay ngang isang bagong simula na ito para sa akin. Hindi na ako nagsasanay para maging isang bayani, kalaban na ako ng lipunan ngayon dahil sa kasalanan na hindi ko naman ginawa.
Naglalakad ako at dinig ko pa rin ang tunog ng isang kalesa. Nabigla ako nung biglang may isang balaraw ang bumubulusok tungo sa aking direksyon, mabilis kong iginilid ang aking ulo upang maiwasan ito at ramdam ko ang hangin nito sa aking leeg. Tumusok ang balaraw sa katawan ng isang puno. "Sinong nandiyan!?" Malakas kong sigaw. Akmang kukuhanin ko ang kampilan ngunit wala nga pala akong dalang sandata ngayon.
Tanging ang sagisag at ang ibinigay na balabal sa akin ni Kaia ang aking dala. "Inuulit ko, sino ang nandiyan?" Malakas ang panramdam ko lalo na't hindi lang naman ako basta-bastang kabataan, ako ay sinanay para maging parte ng Ixion.
Wala akong narinig na sagot ngunit naririnig ko ang pagtunog ng mga mabababa't mayayabong na halaman. "Kapag hindi ka pa lumabas," pumosisyon ako nang pagdepensa, ipinikit ko ang aking mata at pinakiramdaman ang bawat kaluskos upang masundan kung nasaan ang taong ito. "Hindi mo magugustuhan ang gagawin ko." Banta ko sa kanya.
Isang balaraw muli ang bumubulusok na tumungo sa direksyon ko at naging hudyat iyon upanggumawa na rin ako nang pagkilos. Kahit gaano pa kabilis ang balaraw na iyon ay kitang-kita ko pa rin ang galaw nito sa ere, hinawakan ko ang balaraw at mabilis na tumakbo.
Sinundan ko kung saan nanggaling ang balaraw at may nakita nga akong isang lalaki na nakatago sa likod ng mayayabong na halaman, nagulat siya nung nawala na ako sa kanyang harap at napatigil siya sa pagkilos nung maramdaman niyang may nakatutok ng balaraw sa kanyang leeg.
Ramdam ko ang panginginig ng kanyang kamay na dahan-dahan niyang itinataas. "S-suko na 'ko," utal-utal niyang sabi. Habang tumatayo siya ay nakatutok pa rin ang hawak kong balaraw sa kanya.
Sa puntong ito, ang tingin ko sa lahat ng tao ay kalaban ko. Pakiramdam ko ay lolokohin lang nila ako kagaya nung nagawa ni Avery at maging nung ilang guwardiya na gumawa ng mga kwento. Sa puntong ito ay hindi na ako nagtitiwala sa ibang tao, tiwala ang papatay sa'yo.
"A-akala ko kasi ay isa kang masamang manlalakbay. Ako si Haris" Pagpapakilala niya sa kanyang sarili at unti-unting ibinaba ang lahat ng sandata na mayroon siya. Hudyat na sumusuko na siya sa labanang ito.
"Hindi ko naman sinabi sa'yong isa akong mabuting manlalakbay,"Idiniin ko ang balaraw sa kanyang leeg at mas lalo siyang nanginig sa takot. Huminga ako ng malalim at umayos na ng tayo, inalis ko na rin ang pagkakatutok ng balaraw sa kanyang leeg. "Umalis ka na." sabi ko sa kanya.
Tila ba nakahinga nang maluwag si Haris. "Hindi ka naman pala masamang manlalakbay, eh. Kung masama ka ay paniguradong pinatay mo na ako." Nakangiti niyang sabi. Kanina lamang ay nanginginig siya sa takot pero parang ngayon ay komportable niya na akong kinakausap.
Hindi ko siya pinansin at tiningnan ko lamang siya. "May pupuntahan ka ba? Sumabay ka na sa amin dahil tutungo kami sa bayan ng Eblis. Maaari ka naming isabay papunta roon." Alok niya.
"Huwag na," sabi ko sa kanya.
"Sigurado ka?" Tanong niya sa akin. "May bali-balitang nakatakas ang isang masamang tao mula sa Norton, baka makasalubong mo pa siya rito sa gubat," sabi niya sa akin. Kalat na kalat na pala ang ginawa kong pagtakas. Mabuti na lang at hindi niya ako kilala sa mukha.
Mukhang mas lalo pa dapat akong lumayo sa lugar na ito, maaari pa pala akong maabutan ng mga guwardiya ng Norton dito. "Saan ka nga ulit patungo?" Malamig kong tanong sa kanya. Wala akong planong makipagkaibigan sa kanya.
"Sa bayan ng Eblis." Sagot niya sa akin. "Apat na oras mula rito ay mararating na namin ang bayang iyon, gusto mo bang sumabay?" Pagtatanong niya muli sa akin.
Tumango ako sa kanya. Sumunod ako kay Haris sa kanyang paglalakad. "Ano nga pala ang pangalan mo at anong ginagawa mo sa gubat? Pasensya ka na at naging agresibo ako, karamihan kasi nang mga taong nakikita namin sa gubat ay miyembro ng masasamang bandido kung kaya't nakasanayan na namin na atakihin sila." Kung may isang bagay akong napansin kay Haris ay iyon ang walang tigil niyang pagsasalita na para bang ang dami niyang kwento sa buhay.
"Bla--" Akmang sasabihin ko na ang tunay kong pangalan ngunit naalala ko na baka mapahamak ako kung patuloy ko pa rin itong gagamitin. Isa na itong bagong simula, pinatay na ng mga tao si Blade... pinatay na nila ito sa panghuhusga at pagdidiin sa kasalanan na hindi niya naman ginawa. "Basil, iyon ang aking ngalan." Pakilala ko sa kanya. Isang bagong simula na ito para sa akin.
"Basil..." sabi niya at napatango-tango. Ilang minuto pa kaming naglakad hanggang marating namin ang isang karwahe at sa karwaheng iyon ay isang matandang lalaki na nagpapainom ng kabayo.
"Haris nandito ka na pala," napalingon sa akin ang matanda at kumunot ang noo na parang nagtataka kung sino ako.
"Siya nga pala tatay Lucio, ito si Basil, isa rin siyang manlalakbay na mukhang naliligaw sa gubat. Ang sabi ko ay isasabay na natin siya dahil may gumagala ngayon na isang kriminal sa lugar." pagpapakilala ni Haris sa akin. Wala siyang ka-ide-ideya na ang kriminal na tinutukoy niya ay ang taong kasama niya ngayon. "Basil, ito si tatay Lucio. Kasama ko sa paglalakbay. Mangangalakal kaming parehas."
Hindi ako nagpakita ng emosyon, hindi ko gusto na maging palakaibigan sa kanila. Yung tao ngang itinuring kong pamilya ay niloko ako... paano pa kaya sila na wala akong kaide-ideya sa kung sino sila. Sa mundong ito, sarili ko lang ang mapagkakatiwalaan ko.
Sumakay kaming dalawa ni Haris sa likod ng karwahe at pinaandar na ni tatay Lucio ang karwahe. Sakto lang ang ginawa nilang pagpapatakbo, hindi mabilis dahil marami rin silang kargang mga gamit dito sa karwahe.
"Ano nga ang ginagawa mo sa gubat, Basil?" Hindi pa rin ako tinitigilan ni Haris sa kanyang mga tanong. "Bihira lang ang makita kong manlalakbay na natutulog sa gitna ng gubat," naiingayan na rin ako sa kanyang boses.
Hindi ko siya pinansin at nakatanaw lamang ako sa kalangitan. Iniisip ko kung kumusta na sina Parisa at tatay David sa Norton... sana ay ayos lang sila. Balang-araw ay babalik ako sa Norton, lilinisin ko ang pangalan ko. Maghihiganti ako sa lahat ng tao na naging dahilan nang pagkasira ng buhay ko ngayon.
Hindi na ako magpapakabayani para sa ibang tao, hahayaan kong maging masama ako sa harap ng maraming tao at gagawin ko ang mga bagay na alam kong tama.
Patuloy lang sa pagkukwento si Haris ng kung ano-anong bagay pero isang bagay ang sinabi niya na nakakuha ng aking atensyon. "... may bali-balita rin na muling bubuuin ang Sol Invictus na grupo kung saan lalabanan ang mga malalaking bayan kagaya ng Norton at Damil."
"Anong sinabi mo?" Tanong ko sa kanya.
"Alin doon? Marami akong sinabi, yung tungkol ba sa masasarap na pagkain sa Eblis--"
"Yung huli mong sinabi, tungkol sa Sol Invictus," alam ko ang tungkol sa grupo na iyon. Nasabi sa amin ni Alvaro na iyon ay ang masamang grupo na lumalaban sa gobyerno sampung taon na ang nakakaraan. Ngayon ay kakasabi lamang ni Haris na muling binubuhay ang grupo na ito.
"Yung Sol Invictus, binubuo muli. Nakakatakot hindi ba? May mga tao pa palang gustong gumawa ng masama sa tahimik nating mundo?" Tumatawang sabi ni Haris na para bang isang malaking biro ang ideya. Kailan pa naging tahimik ang mundo namin? Punong-puno nang tiwaling opisyales ang gobyerno at maraming maliliit na bayan ang nagugutom. Hindi tahimik ang mundong ito bagkus ay wala na lamang pakialam ang mga tao sa mga nangyayari.
"Sa tingin mo? Saan ko sila maaaring makita?"
"Bakit kakalabanin mo sila? Sinasabi ko na nga ba at isa kang malakas na mandirigma, Ba--"
"Saan ko sila maaaring makita?" Sa pagkakataong ito ay tumaas ang aking boses. Ang dami niyang sinasabi na wala namang koneksyon sa aking itinatanong.
"H-hindi ko alam pero narinig ko nung minsan akong uminom sa isang taberna ay sa bundok ng Ignis daw ito nananatili. Humahanap daw din sila ng kanilang magiging kasapi." sabi ni Haris sa akin.
"May mapa ka ba riyan?" Tanong ko sa kanya, nagmamadaling nagbuklat ng kanyang bayong si Haris at inabot sa akin. Ipinakita niya rin ang mapa sa akin. "Dito ang bundok ng Ignis," turo niya sa isang bundok. "Kapag dinire-diretso mo ang hilaga ay makikita mo agad ito."
Hindi ko na hinintay pa ang mga susunod niyang kwento dahil tumalon na ako pababa ng karwahe at naglakad pa-hilaga. Tinawag-tawag pa ako ni Haris bilang Basil pero hindi ko na siya pinansin. Kung si Blade ang kausap niya ay baka naaliw na si Blade sa nakakatuwang ugali ni Haris pero ang mapanghusgang lipunan ang nagpabago sa akin.
Kasabay nang pag-alis ko sa Norton ay ang pagkamatay ni Blade at pagkasilang ni Basil.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top