Kabanata 48: Ang biglaang pagsulpot

Please guys, appreciate ninyo na lang na nakakapag-update ako ke'sa magreklamo kayo. Hindi na po ako estudyante, I am now working, sobrang limited na lang nung time ko.

The reason naman kung bakit natagalan ang update ko is I am kinda lost and unmotivated pagdating sa pagsusulat. Kinailangan ko lang ng time magpahinga, Kailangan kong huminga sa pagsusulat. I am writing to relieved my stress, hindi para lalong i-stress-in ang sarili ko.

Hope you guys understand and trust me, tatapusin natin 'to. I can't leave Basil alone. He need justice. :)

-48-

Itinuro sa amin ni Luntian kung saan ang lokasyon ng kwebang kanyang tinutukoy. Nanghihina man si Jacko ay pinilit niya talagang makarating sa aming paroroonan. "May sugat ka, ayos ka lang ba?" tanong sa akin ni Luntian habang nakatingin sa aking nagdudugong braso likha nang atake ni Avery.

Bumaba kami sa griffin at sinimulang maglakad, kumuha ako ng kamiseta sa aking bulsa at tinalian ang aking braso upang mapigilan kahit papaano ang pagdurugo nito at hindi ako manghina. Tumingin ako kay Luntian, "ikaw, nasira ang tahanan mo, ayos ka lang ba?"

Naging mas malungkot ang mukha ni Luntian habang pinagmamasdan niya sa 'di kalayuan ang malaking bahagi ng gubat na nasusunog at makikita ang pag-angat ng usok mula rito. "Hindi ako ayos, itong gubat lang ang mayroon ako... mawawala pa."

"Humihingi kami nang tawad," biglang nagsalita si Jacko na nasa aking tabi. "Kami ang may kasalanan kung bakit nangyari ito."

Iniling ni Luntian ang kanyang kamay "H-hindi, hindi ninyo ito kasalanan. Kasalanan ito ng gobyerno at ng Ixion. Kung tutuusin ay dapat akong magpasalamat sa inyo dahil kahit papaano ay tinulungan ninyo akong protektahan ang gubat at higit sa lahat, tinulungan ninyo ako na mapaunawa sa mga mamamayan ng Kamora ang kahalagahan ng kalikasan."

Nakarating kami sa kwebang kanyang tinutukoy at sumalubong agad sa amin sina Isla at Melia na inaabangan kami sa labas ng kweba. "Blade!" tumakbo si Melia sa aking direksyon at mahigpit na yumakap. "Akala ko ay kung napaano ka na! Mabuti at ligtas ka!" sa hindi ko mabilang na pagkakataon ay pinag-alala ko na naman si Melia.

Hindi ko alam pero hindi ko gusto na makita ang ganoong ekspresyon sa kanya. Ekspresyon na punong-puno ng pag-aalala at takot. Niyakap ko rin siya pabalik. "Ayos lang ako, kumusta ang mga mamamayan ng Kamora?"

"Nagawa namin silang iligtas lahat. Noong narinig nila ang malakas na pagsabog mula sa gubat ay nabalot nang pangamba at takot ang mga tao ngunit nagawa naman namin silang pakalmahin at maayos na nadala rito sa kweba," kwento niya sa akin.

"Magaling. Magaling ang inyong ginawa." Nakangiti kong sabi sa kanya. "Ngayon, ang kailangan nating gawin ay gumamit nang mahika upang makubli ang ating pinagtataguan," Kailangan ay hindi kami matunton nila Avery.

Gustuhin ko man saktan nang makailang ulit si Avery kanina at pilitin siyang linisin ang aking pangalan ay hindi ko na ginawa. Ang dapat kong unahin ay kapakanan ng mga tao rito sa Kamora at kapakanan ng aking mga kasama lalo na't pagod na kaming lahat dahil sa pakikipaglaban.

Napatingin si Melia sa aking braso. "B-Blade may sugat ka, kailangan ay magamot ka agad ni Flavia." pumasok sa loob ng kweba si Melia upang matawag si Flavia.

Tumingin ako kay Lucas. "Lucas, kaya mo bang ikubli ang ating pagtataguan gamit ang iyong kapangyarihan?" si Lucas lang naman ang kilala kong tao na kayang gawin ito lalo na't kaya niyang itago ang katauhan ng isang tao.

"Ako na, ako na ang gagawa." biglang nagsalita si Luntian at mukhang desidido siyang makipagtulungan sa amin. Naiintindihan ko ang kanyang galit lalo na't nasira ang kanyang tahanan na ilang taon niyang iningatan.

Pumasok kami sa loob ng kweba, habang si Luntian ay nasa tapat nang lagusan at nagbibigkas ng enkantasyon upang maikubli kami sa mga kalaban. Mula rito sa loob ng kweba ay matatanaw mo pa rin ang labas ngunit sabi ni Luntian ay kapag tinignan ito sa labas ay hindi makikita ang kweba bagkus ay isa lang itong malaking bato na prte ng isang bundok.

"Flavia, nagawa mo bang mailigtas lahat?" tanong ko nung lumapit sa akin si Flavia upang pagalingin ang sugat sa aking braso. Lubhang epektibo kapag si Flavia ang nanggagamot sa akin dahil nawala agad ang kirot mula rito.

"Nahirapan akong pasunurin lahat pero mabuti na lang at nandiyan si pinunong Goryo at malaki ang naging kanyang papel," sa bagay, si pinunong Goryo ang namanahala sa lugar na ito kung kaya't natural lamang na sundin siya ng kanyang nasasakupan. "Malaki rin ang naging papel ni Melia, Basil."

Napalingon ako kay Melia na nakikipag-usap sa ibang mga mamamayan ng Kamora. "Ipinaintindi niya sa lahat ng tao na ginagawa mo ang lahat para sa kanila. At sinabi niyang hindi mo sila papabayaan." Kung may tao man na unang-unang naniniwala sa akin ay si Melia. Minsan nga ay nagkakaroon ako nang agam-agam kung magagawa ko ang isang bagay ngunit si Melia, bago ko pa man din subukan ay alam niya ng mapagtatagumpayan ko iyon.

"Pero Basil, nagawa man namin na mailigtas ang lahat ay hindi ko pa rin alam kung paano ko matutulungan ang mga taong apektado ng epidemya," doon ko napansin ang mga taong nakahiga sa banig na panay ang ubo at tila nahihirapan. Nawaksi sa isipan ko ang tungkol sa epidemya dahil sa labanan na nangyari.

"Isa lang naman ang taong makakapagbigay lunas sa sakit na iyan," parehas kaming napalingon kay Luntian. "Pero hindi natin hawak ang kanyang desisyon dahil labas ang Sol Invictus sa nangyaring gusot sa pagitan ng Kamora at ng kalikasan."

Tumayo si pinunong Goryo at naglakas-loob na lumapit kay Luntian. Nabigla si Luntian ng biglang lumuhod si pinunong Goryo sa kanyang harap. "Nakikiusap ako sa'yo, malaki ang kasalanan namin ngunit ipapangako ko sa'yo na magmula sa araw na ito ay papahalagahan ko na ang mga bagay na ipinagkakaloob at ibinibigay sa amin. Iligtas mo lang ang mga tao rito... nakikiusap ako."

Dito, napatunayan ko na isang magaling na pinuno si pinunong Goryo, nagawa niyang isuko ang kanyang balunlugod para sa kanyang nasasakupan. Ang isang magaling na pinuno ay inuuna ang kapakanan ng ibang tao ke'sa sa kanyang sariling hangarin, pinapakinggan ang sigaw ng masa ke'sa gumawa nang padalos-dalos na desisyon, at higit sa lahat, isang pinuno na sisimbolo ng katapangan at kapayapaan.

"Nakikiusap kami," Halos sabay-sabay na pakiusap ng mga tao rito sa kweba. Napaligon si Luntian sa kanilang lahat at noong napalingon siya sa akin ay ngumiti ako at tinanguan siya. Sa puntong ito, alam na ni Luntian ang kanyang dapat gawin.

"Nasaan ang mga taong may sakit?" tanong niya at naiyak sa tuwa ang bawat tao rito. Ilang linggo rin nilang dinadamdam ang sakit na iyon at ngayon ay mabibigyang lunas na ito at maililigtas na ang kanilang mga mahal sa buhay.

Isa-isang nilapitan ni Luntian ang mga mamamayan ng Kamora habang ako'y nakaupo lang sa gilid ng kweba at pinagmamasdan ang labas nito na nababalot ng makapal na usok. Mukhang hindi pa rin tapos sina Avery na kalabanin ang mga nilalang at halimaw na tunawag ni Luntian.

"Kumusta ang paghaharap ninyo ni Avery?" tanong sa akin ni Melia.

"Ang laki nang kanyang pinagbago, hindi ko alam kung bakit naging ganoon si Avery. Pinalaki kami ng aming ama na may prinsipyo at huwag magpapasilaw sa kapangyarihan ngunit kabaligtaran ang ginagawa niya." pero sa mata ng maramih tao ay alam ko na ako ang masamang tao at si Avery ang pinakamabuti para sa kanila.

"Kayang baguhin ng kapangyarihan at pera ang isang tao," biglang nagsalita si Flavia.

"Panginoon! Sa mata ko ay ikaw ang pinakamabuting tao, pangako!" Sabat ni Isla at napangiti ako.

"Parehas tayo, iyon ang pagkakakilala ko kay Avery. Hindi man kami magkaibigan habang nagsasanay bilang kalahok ngunit nakita ko kung paano siya laging nakasuporta sa'yo, kung paano siya maging masaya sa tueing may mararating o mapagtatagumpayan ka. Hindi ko alam kung bakit siya nagbago ng ganoon." sabi ni Melia.

"Ang sabi niya sa akin ay sawa na siyang maging anino ko. Hindi ko naman alam na naiinggit siya sa mga napagtatagumpayan ko noon o baka hindi lang ako nagbigay tuon kay Avery noon. Ang lahat naman nang bagay na ginagawa ko ay para sa kanila... gusto kong maging miyembro ng Ixion noon upang maiahon kami sa hirap at hindi na kami api-apihin nang mga mapagmataas sa gobyerno." Baka naging makasarili ako sa pangarap ko kung kaya't naging ganoon si Avery. Hindi ko siya inisip o inintindi dahil buong akala ko ay nakasuporta siya sa akin at tunay na masaya sa bawat aking nararating.

"Wala kang kasalanan. Siya itong nagpabulag sa kapangyarihan at sa pwesto sa gobyerno," wika ni Jacko sa akin. "Kung tutuusin ay maaari naman kayo maging miyembro ng Ixion na dalawa ngunit mas pinili niya na patalsikin ka at pagbintangan sa kasalanang alam kong hindi mo magagawa." Masaya ako dahil may mga taong naniniwala sa akin.

Tunay ngang hindi kami nakikita ng kahit sino rito sa kweba, laking pasalamat ko na rin ito kay Luntian dahil sa pagtulong niya sa amin. Habang nasa kalagitnaan siya nang panggagamot sa mga taong apektado ng epidemya, lahat kami ay nagimbal at nagulat sa biglaang pagyanig ng lupa. Ang lakas nito na animo'y isang malakas na lindol na tumama sa aming kinaroroonan.

"Takpan ninyo ang inyong mga ulo!" malakas kong utos sa lahat na siya naman nilang sinunod. "Lucas, Flavia! Maghanda kayo sa maaaring bato na bumagsak, kapakanan ng mga mamamayan ang atig dapat unahin!" utos ko.

"H-hindi, hindi 'to maaari!" bakas ang pag-aalala sa mukha ni Luntian at natataranta siya. Akmang tatakbo siya palabas ng kweba ngunit mabilis siyang pinigilan nina Melia.

"Delikadong lumabas, Luntian, nasa labas ang Ixion." paalala ko sa kanya. Ang alam ng Ixion ay nakikipagtulungan siya sa amin kung kaya't hindi malayo na saktan nila si Luntian.

"Pero mas delikado kung hindi ako lalabas, Basil!" sigaw niya at napakunot ang aking noo dahil sa pagtataka. "Ito ang dahilan kung bakit gusto kong protektahan ang gubat na ito dahil kapag nagising siya... malaking pinsala ang maaaring idulot nito sa mga kalapit lugar.

Napatingin ako sa labas ng kweba at walang tigil ang paggalaw ng    lupa, pare-parehas kaming nagulat nung ang patag na gubat ay biglang umangat na animo'y nagkasariling buhay, ang mga bato'y nagbitak-bitak sa labas na parang may isang halimaw na lalabas mula sa kailaliman ng lupa.

Isang higanteng alimango ang umangat sa lupa at ang likod nito ay puro bato na animo'y mataas na bundok. Namumula ang mata nito at bakas ang galit, bumagsak ang ilang bato sa paligid ngunit mabuti na lamang at handa sina Flavia at Lucas at naprotektahan nila ang mga taong nandito.

"Nagising na ang Tambakanawa," sa sinabing iyon ni Luntian ay naalerto kami ni Melia at nagkatinginan. Hindi namin alam na isang maalamat na hayop pala ang naghihimlay sa lugar na ito. "Ito ang dahilan kung bakit ko pinoprotektahan at pinapangalagaan ang lugar na ito upang maiwasan ang mas malaking kapahamakan ngunit dahil sa sunod-sunod na gulo na nangyayari at pagkasira ng gubat ay nagising na ang Tambakanawa."

Tumayo ako at hinawakan ko ang aking Jian. "Blade, huwag mong sabihin na lalabanan mo ang Tambakanawa? Kakagamot lang sa iyo ni Flavia," paalala sa akin ni Jacko.

Tumayo rin si Melia at hinawakan ang kanyang Xiphos. "Hindi natin pwedeng hayaan na manggulo ang Tambakanawa sa mundo natin, dahil iyon ang ating misyon."

"Hindi ba't magandang pagkakataon din ito na harapan nating isampal sa Ixion kung sino ang malakas?" lumingon ako sa Sol Invictus at lahat sila'y napangisi at napatayo upang maghanda sa mangyayaring mas malaking laban.

"Ipapakita natin kung sino ang tunay na kalaban sa mundong ito." sabi naman ni Melia.

Naglakad kami palabas ng kweba habang nakatingin sa maalamat na hayop na si Tambakunawa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top