Kabanata 47: Labanan sa gubat

-47-

Sinong mag-aakala na magiging isang malaking gulo ang dapat na payapang paghingi ng tawad ng mga mamayan ng Kamora kay Luntian? Malalakas ang pagsabog ang maririnig sa buong paligid at nagsisimulang sumiklab ang malakas na apoy. Isa pang muling malakas na pagsabog ang aming narinig at malapit lang iyon sa aming direksyon, napayuko ang ilang tao habang ako'y kinuha ko ang aking Jian mula sa lalagyan nito.

"Lucas! Protektahan mo ang mga tao!" sigaw ko at gamit ang kanyang mahika ay gumawa siya nang panangga sa mga batog nalalaglag dahil sa pagsabog.

Hindi rin magtatagal ay matutunton na rin kami ng Ixion at kailangan kong maialis ang mga tao rito upang maiwasan ang malaking pinsala. Hindi naman ako nakakalimot sa aking ipinangako kay pinunong Goryo na hindi ako magdadala nang gulo sa kanilang bayan... pero bigo ako, heto ang Ixion at inaatake kami.

"Luntian, may alam ka bang ligtas na lugar dito sa gubat na ito?" tanong ko sa knya ngunit bakas ang gulat at lungkot sa kanyang mukha habang pinagmamasdan niya ang nasusunog na gubat. "Luntian!" doon lamang siya napalingon sa akin. "Kailangan mong makipagtulungan sa amin upang ilgtaa ang mga tao at maging ang gubat, protektahan natin ang mga mahahalaga sa atin at walang punto kung maging tayo ay maglalaban." paliwanag ko sa kanya.

"S-sa paa ng bundok, may kweba roon. Paniguradong alam ni Goryo kung nasaan iyon," wika niya.

Bumaling ang tingin ko kay pinunong Goryo na pilit pinapakalma ang kanyang mga kasama kahit bakas sa mukha niya ang takot at kaba. Alam kong dati silang rebelde ngunit nilayo na rin naman nila ang kanilang buhay sa peligro. "Flavia, samahan mo sina Goryo na bumalik sa bayan, protektahan ninyo nila Melia ang mga tao!" sigaw ko.

"Pero paano kayo?" tanong niya at bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.

"Kaya namin ito. Alam kong bilang babae na isinugo ni Bathala ay isa sa mga tungkulin mo ay protektahan ang maraming tao." nakangiti kong bigkas sa kanya at mas malalakas na pagsabog na ang aming naririnig at sa pagkakataong ito ay mas malapit na sa aming lokasyon ang Ixion. "Iligtas natin ang bayang ito, Flavia."

Tumango si Flavia sa akin at dali-daling isinama sila Pinunong Goryo sa pagtakas at kami na lamang nina Jacko, Luntian, at Lucas ang naiwan dito. Hindi ko alam kung kakayanin namin na labanan ang madaming bilang ng tao at mandirigma pero isa lamang ang aking sinisigurado... hindi nila ako mapipigilan sa lahat nang aking plano. Gagawin ko ang lahat upang maisagawa ang aking misyon.

Pinagmasdan namin sina Flavia hanggang sa makalayo sila. Ang kailangan naming gawin ay pigilan ang Ixion o kahit sino na makarating sa bayan, kailangan naming protektahan ang mamamayan ng bayang iyon dahil sa pagkarating namin doon ay ang unang bagay na aming ipinangako ay hindi namin sila dadalahin sa kahit anong kapahamakan. "Maghanda tayong lahat, hindi basta-basta ang ating makakalaban." hinugot ko ang aking Jian, dahil anumang oras ay matutunton na kami nila Avery.

Eto na ang paghaharap na matagal ko nang hinihintay. Ipapakita ko kay Avery na malaki ang pinagbago ko at tatalunin ko siya sa abot ng aking makakaya.

"Malapt na sila!" malakas na sigaw ni Luntian.

Halos pagkasigaw ni Luntian no'n ay isang rumaragasang malaking apoy ang lumilipad tungo sa aming direksyon na animo'y isang bulalakaw. Nasunog ang mga puno na nadaanan nito, nabigla ako sa blis ng pangyayari ngunit mabuti na lamang ay mabilis na nakakilos si Luntian dahil naramdaman niya ang prisensya ng kalaban.

Pinaangat niya ang ugat ng ilang mga puno at ginawa itong parang isang malaking pader na pinrotektahan kami sa pagtama ng apoy. "Paano mo nalaman na nandito na sila?"

"Nasa teritoryo ko sila, nasa gitna tayo ng gubat kung kaya't naramdaman ko ang malakas na prisensya na paparating." Oo nga pala, kaisa si Luntian ng kalikasan.

Likha ng bolang apoy ay nagkaroon na parang isang malaking daan sa gitna ng gubat, nawarak ang mga puno at patuloy pa rin naglalagablab ang kapaligiran. Sa dulo ay nakita ko si Avery, kasama ang ibang miyembro ng Ixion maging ang ilang mga kawal galing sa bayan ng Morayon na siyang malapit na bayan dito sa Kamora.

Ngayon ay magkaharap na kaming dalawa matapos ang ilang buwa, hindi na ako nagkukubli sa ibang anyo bagkus ay kaharap ko na siya gamt ang tunay kong anyo at siguradong nanggagalaiti siya sa galit dahil ako'y buhay pa at hindi niya tuluyang nasira ang aking buhay. Lumawak ang ngisi ko sa aking labi, hindi ako nakakaramdam ng kahit anong takot dahil matagal kong hinintay ito... ang pagbayaran ni Avery ang lahat ng kasalanan niya sa akin.

"Kinagagalak kitang makita mahal kong kaibigan na itinuring kong isang kapatid," wika ni Avery habang naglalakad sila tungo sa aming direksyon. Nakahanda kaming Sol Invictus sa posibilidad na biglaang pag-atake ng Ixion. "Sayang lang dahil hindi tumama sa iyo ang mahika kanina. Iba talaga ang masamang damo, matagal mamatay."

Ngumisi ako. "Kaya pala buhay ka pa."

Ang laki nang pinagbago ni Avery, malayong-malayo na siya sa kababatang Avery ko noon na may prinsipyo at ipinaglalaban ang tama. Iba talaga ang nagagawa nang paghahangad ng kapangyarihan, nagagawa nitong baguhin ang isang tao. Kaya nitong gawin demonyo ang isang anghel.

"Tama ang hinala ko na dito lamang kayo magtatago dahil kuta ng mga rebelde itong Kamora. Kayo-kayo lang naman na masasamang tao sa mundong ito ang magtutulungan," wika niya at inilabas niya ang kanyang panangga na may hugis krus na disenyo kasama ang kanyang makinang na espada na gawa sa mataas na kalidad ng Pilak.

"Ikaw, patuloy mo pa ring niloloko ang buong mundo sa peke mong pakpak. Wala ka bang konsensya?" humigpit ang hawak niya sa kanyang sandata.

"Ako na ang bahala sa kanya," wika ni Lucas sa akin ngunit iniharang ko ang aking kamay nung akmang susugod na siya.

"Ako na. Laban naming dalawa ito dahil kami naman ang nagpasimula ng nangyayaring gulo na ito." Wika ko at hindi naaalis ang tingin ko kay Avery. "Isa lang ang dapat nating magawa ngayon, ang magkaroon ng oras sina Melia na mailikas ang lahat ng tao sa Kamora matapos no'n ay pwede na tayong tumakas."

Unti-unti akong naglakad tungo sa kanyang direksyon hanggang ang lakad na iyon ay naging takbo at ganoon din si Avery. Hinugot ko ang aking Jian at hinawakan niya rin ang kanyang espada nagtagpo kaming dalawa sa gitna ng naglalagablab na mga puno rito.

Nagsimula ang gulo sa pagitan namin at sa pagitan ng Ixion kasama ang mga kawal ng Morayon ngunit tanging si Avery lang ang nakikita ng dalawa kong mata at kung paano nagtatamad ang aming espada. Tumalon ako paatras at sinubukan akong atakihin ni Avery ngunit mabilis akong nakayuko at nakaiwas.

"Kagaya ka pa rin ng dati, mabilis ka pa ring mabasa." malakas ko siyang sinipa sa kanyang tiyan at napahiga siya sa lapag dahil sa nangyari.

"Hoy taksil!" sigaw ni Moses at may hawak siyang sibat inihagis iyon sa akin. Hindi ako agad nakakilos para iwasan ito ngunit may malalaking ugat na muling humarang sa akin upang hindi matamaan ng sibat.

Napalingon ako sa taong may gawa no'n— si Luntian. Kitang-kita sa maluha-luha niyang mata ang galit. "Sinira ninyo ang tahanan ko, tinanggalan ninyo ng matitirahan ang mga hayop at sinira ang kagubatan. Kayo ang tunay na kalaban ng mundong ito!"

May ugat na biglang lumabas sa paa ni Moses at mahigpit itong hinawakan upang pigilang makagalaw.

"Huwag mong inaalis ang tingin mo sa akin!" Nabigla ako sa biglaang pagsigaw ni Avery at nasa harap ko na siya at akmang isasaksak sa akin ang kanyang espada, huli na nung ako'y makailag dahil nagawa niya na akong mahiwa sa aking braso. "Sawa na akong maging anino mo Blade! Sawang-sawa na 'kong makumpara sa'yo!" sigaw ni Avery na punong-puno ng galit.

Hinayaan ko ang pagdulon ng dugo mula sa aking braso. Humigpit ang hawak ko sa aking Jian at ako naman ang sumugod. "Sinira mo ako Avery. Ilang beses mo akong idiniin sa kasalanang hindi ko naman ginawa!" sigaw ko.

Ilang beses kong inatake si Avery ngunit naiwasan niya ang lahat ng atake ko. Pabulong akong nagsabi ng enkantasyon at gamit ang kaliwa kong kamay ay naglikha ako ng apoy at sinuntok siya sa kanyang tiyan. Napaubo siya at napaluhod sa lapag.

"Sabihin mo ang totoo, Avery! Sabihin mo ang totoo!" malakas kong sigaw.

Nakikita ko ang mga kasama ko na nahihirapan na rin makipaglaban at pinipigilan din nilang makalapit sa aming dalawa ni Avery ang ibang Ixion o kahit sinong kawal ng Morayon.

"Anong totoo? Na ikaw ang pumatay kay pinunong Alvaro? Hindi ba't—" pumaibabaw ako sa kanya, kinuwelyuhan, at malakas siyang sinuntok. Kailanman ay hindi ko magagawa ang bagay na ipinaparatang niya sa akin. Nirerespeto kong tao si Pinunong Alvaro at siya ang isa sa mga dahilan kung bakit ginusto kong maging miyembro ng Ixion.

"Sinungaling ka! Hanggang kailan kakayanin ng konsensya mo ang hindi pagsasabi ng tapat!? Isa lang ang gusto ko Avery, ang makabalik sa dati kong buhay!" muli ko siyang sinuntok at hindi ko na mapigilang mapaluha. "Gusto ko lang mabuhay ng normal, Avery! Gusto ko lang makasama sina Parisa at si tatay David."

Dumudugo man ang labi ni Avery ay nagawa pa nitong ngumisi sa akin. "Hindi na mangyayari 'yan, huwag mo akong patawanin Blade! Haha! Ikaw, makakabalik ka sa dati mong buhay? Kriminal ka nga. KRIMINAL ka."

Akmang susuntukin ko muli siya ng isa. "Blade!" isang sigaw ni Jacko ang aking narinig at napalingon ako sa kanya, halos karamihan sa mga kasama ko ay pagod na dahil na rin ang daming kawal na kanilang kinakalaban at isama mo pa ang ibang miyembro ng Ixion.

"Gusto mo akong patayin!? Sige! Patayin mo ako! Ipakita mo sa mga tao rito kung gaano ka kasamang tao, Blade," wika ni Avery sa akin.

Gusto ko siyang paulanan ng suntok, gusto ko siyang tadyakan pero hindi ko magawa dahil iniisip ko rin ang kalagayan ng mga kasama ko. Hindi kami maaaring mamatay sa lugar na ito. May misyon pa kaming dapat tapusin at ang pinakadapat lang naman talaga naming gawin ay mapigilan ang Ixion na makarating sa bayan ng Kamora at mailikas ang mga tao sa mas ligtas na lugar.

Itinulak ko siya nang madiin sa lupa at binitawan. "Hindi pa kita papatayin, huwag kang mag-alala. Hindi pa lumalabas sa bibig mo ang katotohanan. Papatayin ko rin ang lahat ng maalamat na hayop upang ipakita sa buong mundo na isa kang kahihiyan dahil ikaw ang naging pinuno ng Ixion at hindi mo nagampanan ng maayos ang iyong trabaho."

Naglakad ako paalis at may isang kawal na naglakas loob akong atakihin ngunit mabilis ko siyang hiniwa at umagos ang masaganang pulang likido. Bumaling muli ang tingin ko kay Avery. "Tutal, sinasabi mong kriminal ako, bakit hindi natin totohanin? At isa pa, gusto ko lang ipabatid sa iyo na mas hayop ka pa ke'sa sa mga maalamat na hayop." tumalikod muli ako at nagpatuloy sa paglalakad.

Tumakbo ako upang tulungan sina Lucas makipaglaban dahil halata sa kanila na nahihirapan na sila. "Jacko!"

"Naiintindihan ko!" Malakas niyang ganti at naglabas ng apat na griffin upang aming masakyan.

"Sakay! Hindi natin kakayanin ang maraming bilang ng kawal!" utos ko at dali-dali naman nila itong ginawa.

Mabilis naming pinalipad ang griffin at habang nakasakay kami ay magsabi ng enkantasyon si Luntian at mayamaya lamang ay napaligiran ng mababangis na halimaw ang lugar. "Hindi rin magtatagal ay mapupuksa nila ang mga nilalang na iyon. Kailangan natig magmadali." wika ni Luntian.

Nagkatinginan kaming dalawa ni Avery habang punong-puno ng halit ang kanyang mata. Ang laki na nang kanyang pinagbago, malayo na siya sa Avery na kakilala ko. Tuluyan siyang nabulag sa kapangyarihan at naging tuta ng gobyerno. Hayaan mo, Avery, sa susunod nating pagkikita ay hindi na ako magpapakita ng kahit katiting na awa, pipilitin kong magsabi ka ng totoo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top