Kabanata 45: Ang Punong Sulpot
Panibagong araw at wala pa ring nagbabago dito sa bayan ng Kamora. Patuloy pa ring kumakalat ang epidemya at naghihirap pa rin ang bayang ito. Gustuhin ko mang matulungan sila agad ngunit maging ako o si Flavia ay hindi matukoy kung saan nanggagaling ang sakit.
Lumabas ako ng aking silid na tinuluyan at pumunta sa silid aklatan. Nandoon si Flavia at kasama niya si Jacko. Parehas silang nagbabasa ng tambak na libro at panay sulat ng mga impormasyon. Kagabi pa silang dalawa nandito at mukhang hindi pa sila nagpapahinga. Desidido silang dalawa na malaman ang pinagmulan ng sakit. "Nalaman ninyo na ang sanhi?" tanong ko.
"Hindi pero may isang bagay kaming pinagmumulan nitong epidemya na ito," kwento ni Flavia sa akin, umupo ako sa silya katapat nila upang pakinggan ang kanilang kwento. Kinuha ni Flavia ang mga papel na aming nakolekta mula sa mga mamamayan at inabot sa akin. "Kung mapapansin mo lahat ng nakatala diyan ay kumain ng prutas nang tinatawag nilang punong Sulpot. Punong sulpot ang tawag nila rito dahil bigla na lang itong lumabas sa gitna ng kakahuyan at namumunga ng masarap na prutas."
"Batid naman natin Basil na hindi ganoon kasigla ang bayan ng Kapura lalo na't hindi naman sila sinusustentuhan ng gobyerno. Nakaasa sila sa punong iyon para makakain kahit hindi nila alam kung anong epekto kapag kinain nila ang punong iyon," paliwanag naman sa akin ni Jacko. "Buong gabi na kami naghanap ni Flavia ng impormasyon base sa mga ibinigay ng mga tao ngunit sadyang mahirap malaman ang punong iyon."
"Kung gayon ay kailangan nating puntahan ang nasabing puno, tama ba?" tanong ko sa kanila. May hinala na rin naman ako kahapon pa lang na may kinalaman ang punong iyon sa mga nangyayari at nakaplano na rin namang bisitahin namin iyon.. "Sabi naman nung ibang mga tao rito ay noong una ay maayos naman silang nakakakuha ng mga prutas sa punong sulpot na iyon at walang nangyayaring masama sa kanila. Pero ngayon ay tila nag-iba ang ihip ng hangin at malaki ang tiyansa na may kinalaman ito roon."
"Ayon ang aalamin natin, Basil. Kung noon ay wala namang nangyayaring masama sa kanila kapag kumukuha sila noon... bakit biglang nagkaroon ng lason ang punong iyon?" tanong ni Jacko.
Naputol ang aming pag-uusap nila Flavia nung biglang bumukas ang pinto ng silid aklatan at tumambad sa pintuan ang pawis na mukha ni Melia. "Basil, kailangan ninyo itong makita. Mas lumalala na ang sitwasyon sa bayang ito." Nagkatinginan kami nina Flavia at mabilis na iniligpit ang mga libro.
Tumakbo kami palabas ng bahay panuluyan at tumakbo patungo sa malaking tolda kung saan nandoon ang mga taong may malala ng sakit dahil sa epidemya. Nasa labas pa lang kami ay naririnig na namin ang malakas na hikbi ng mga tao sa loob. "Julius, gumising ka Julius!!"
Nakipagsiksikan ako sa maraming tao na naririto hangga't makita ko kung ano ang kanilang pinagkakaguluhan— tatlong bangkay ang nakahiga sa sahig at maputla ang hitsura nito.
"Blade, ang tatlong tao na ito ay kabilang sa mga taong may sakit dahil sa epidemya. Kanina lang ay sinasabi nila na hirap silang makahinga at makalipas ang ilang minuto ay bumagsak na ang katawan nila at tuluyang nawalan ng malay." kwento ni Melia.
"Lahat ng walang sakit o hindi apektado ng epidemya, lumabas kayo!" malakas na sigaw ni Flavia. "Kung ayaw ninyong mahawa, labas!" utos niyang muli at may ilang mga tao ang napilitang lumabas sa tolda. Naiwan kami kasama ang ibang may sakit dahil sa epidemya, nagbigkas ng enkantasyon si Flavia upang maiwasan na mahawa kami.
"M-mamamatay din po ba kami, ginoo?" tanong ng isang bata sa akin habang naluluha dahil sa pangyayari. "Ayoko pong mamatay, ayoko pong iwanan sina ama't ina. Iligtas ninyo po ako." sana ay magawan ko agad ng solusyon ang sitwasyong ito. Alam ko ang pakiramdam ng takot sa kamatayan.
"Iligtas ninyo po kami!"
Halos lahat ng tao na narito sa tolda na ito ay iyon ang sinasabi. Sino bang gustong mamatay? Wala naman silang ibang malalapitan kun'di kami lamang.
Lumapit si Flavia sa tatlong bangkay at ipinagdasal ito kay bathala upang masigurado na maayos na makakarating ang mga kaluluwa nito sa langit. Matapos no'n ay lumapit siya sa akin. "Kailangan na nating puntahan ang punig sulpot Basil. Kapag hindi pa natin ginawa ito ngayon ay baka mas tumaas ang bilang ng namamatay dahil sa epidemya."
"Jacko, anong naiisip mo na dapat nating gawin?" tanong ko kay Jacko. Mas alam niya ang gagawin sa sitwasyon.
"Kayo nina Flavia at Lucas ang pumunta sa punong sulpot para kumuha ng ilang bunga upang mapag-aralan ko habang kami nina Melia at Isla ay maiiwan sa bayang ito," suhestiyon niya.
"T-teka, sasama ako! Hindi ako maaaring maiwan dito at walang gawin." pagpupumilit ni Melia. "Bakit kailangan pa nating maiwan dito, Jacko? Hindi ba't mas ligtas kung magkakasama tayong tutungo sa punong iyon dahil baka mamaya may kung anong mababangis na hayop ang naninirahan malapit doon."
"Melia, tingnan mo sila," napalingon si Melia sa mga taong dumadanas ng matinding sakit dahil sa epidemya. "Kailangan nating pakalmahin ang mga tao rito, Melia. Paniguradong matatakot ang lahat dahil sa sa nangyaring pagkamatay ng tatlong mamamayan. Kailangan nating kontrolin ang sitwasyon dito upang sa ganoon ay hindi na ito lumikha ng mas malaking gulo." nakuha ko na ngayon ang punto ni Jacko at tama siya sa bagay na iyon. Hindi kami maaaring umalis lahat lalo na't may mga tao sa bayang ito na nangangamba para sa kanilang mga buhay.
"Tama si Jacko, Melia. Kaya na namin 'to, babalik kaming ligtas dito." paninigurado ko sa kanya.
Napabuntong hininga si Melia at dahan-dahang tumango. "Mag-iingat kayo, kami na ang bahala rito upang hindi magkagulo at matakot ang mga tao." sagot niya sa akin.
Mabilis kaming lumabas ni Flavia upang sunduin si Lucas. Bago kami makalabas nina Flavia sa bayan ay sinalubong kami ni Goryo havang may nakasunod sa kanyang dalawang mandirigma sa kanya. "Basil, mag-iingat kayo. Bilang pinuno ng bayang ito ay alam kong marami akong pagkukulang kung kaya't ang buong bayang ito ay nakasandal sa'yo ngayon. Tulungan mo ang mga taong nandito, Basil. Tulungan mo kami." ramdam ko ang pagmamakaawa ni pinunong Goryo sa akin. Bilang isang pinuno ay alam kong nahihirapan siya dahil wala siyang kakayahan na mailigtas ang bayang ito lalo na't kulang na kulang siya nang kaalaman sa kung paano patakbuhin ang isang bayan.
"Gagawin namin ang aming makakaya." paninigurado ko sa kanya at naglakad na kami nina Lucas at Flavi tungo sa punong Sulpot.
Hindi naman din ganoon kapanganib ang paglalakad tungo sa punong sulpot ngunit malayo nga lang ito sa bayan. Iilan na lang din ang mga manlalakbay na napapadpad dito sa gubat malapit sa bayan ng Kamora dahil na rin kilala ang lugar na ito bilang kuta ng mga revelde at masasamang loob. Sa pananatili ko rito ay hindi ko man lang naramdaman na sila'y masasamang loob, oo, nakagawa sila ng mga kasalanan noon pero alam kong nagawa lang nila iyon dahil sa hirap ng buhay. Ang mahalaga naman ay ginagawa nila ang lahat para magbago at magsimula muli kahit na maraming tao ang natatakot sila. Lahat ng mga tao rito ay ang bayan ng Kamora ang naging takbuhan na kung saan hindi sila hinusgahan sa pagiging masamang tao.
Sana ganoon din sa gobyernong umiiral dito. Walang diskriminasyon at panghuhusga. Ngunit kaakibat yata ng isang lipunan ang mga salitang iyon at mahirap nang baguhin. Kaya ako, gusto kong magtagumpay sa misyon namin at gagamitin ko ang perang nalilikom namin upang gumawa ng isang pamayanan na hindi ka huhusgahan kahit mahirap o mayaman ka.
Habang naglalakad kami ay napansin ko ang pagiging tahimik ni Flavia, si Lucas naman ay likas na tahimik kung kaya't normal na ito. "May gunugulo ba sa isipan mo?" tanong ko kay Flavia.
"W-wala naman,"
"Nakulungkot siya sa mga nangyayari." walang emosyon na sabi ni Lucas na parang naiintindihan niya ang nararamdaman ni Flavia.
Masamang tinignan ni Flavia si Lucas pero mayamaya lamang ay malalim na buntong hininga ang kanyang pinakawalan. "Tama si Lucas. Nalulungkot ako sa nangyayari," pag-amin niya. "Nalulungkot ako dahil tatlong buhay ang hindi ko nagawang iligtas dahil sa mabagal kong pag-aksyon. Bilang babae na binasbasan ni Bathala na manggamot at magligtas ng buhay ay pakiramdam ko ay bigo ako,"
"Hindi na tayo papayag Flavia na dumami pa ang bilang ng mamamatay. Aalamin na natin kung may kinalaman ba ang punong sulpot na iyon sa mga nangyayari. Hindi rin naman tayo maaaring magtagal dito sa bayang ito dahil may misyon din tayo na dapat tapusin." Paliwanag ko sa kanya at napatango-tango si Flavia sa akin.
Habang naglalakad kami ay kapansin-pansin ang maraming putol na puno sa paligid. "Bakit ganito ang mga puno?" tanong ni Flavia.
"Huwag ka nang magtaka dahil ang gubat na ito ang pinagkukuhanan ng mga mamamayan ng Kamora upang magpatuloy sila sa buhay. Nakadepende ang buhay nila rito lalo na't hindi rin sila maaaring lumayo sa bayan dahil na rin sila'y mga sindikato at tinatakwil sa ating mundo." paliwanag ko sa kanya. Wala namang ibang paraan na nakikita ang mga mamamayan ng Kamora para mabuhay sila, aasa at aasa sila sa mga likas na yaman na nakapaligid sa kanila.
"Alam ko naman iyon pero sana pinapalitan man lang nila ang mga punong pinuputol nila. Hindi lang sila ang lumalaban para mabuhay, may mga hayop din na nakatira at dumedepende sa gubat na ito," Paliwanag sa akin ni Flavia. "Maraming ibang paraan para mabuhay, Basil, ang kailangan lang ng mga tao ay sapat na kaalaman sa mga bagay-bagay. Kailangan lang nila matuto magtanim o kaya naman mag-alaga ng mga hayop. Pagkabalik na pagkabalik natin sa bayan ng Kamora at matapos ang lahat ng lahat ng gulong ito ay bibigyan ko sila ng kaalaman sa dapat gawin sa kalikasan."
Hindi lang nagliligtas ng buhay itong si Flavia dahil may malasakit din siya maging sa kalikasan. Hindi naman siya bibiyayaan ni Bathala ng isang malakas na kapangyarihan kung wala siyang malasakit sa bayan at maging sa kalikasan.
Halos dalawang oras na paglalakad din ang aming ginawa bago namin narating ang sinasabi nilang punong Sulpot. Tama nga ang ibang mga mamamayan dito na parang normal na puno lang ito ngunit ramdam ko ang matinding enerhiya at mahika na bumabalot dito.
"Eto na ang punong tinutukoy nila," kumuha si Flavia ng bunga nto at inamoy ito. "Base rin sa akin mg pagsuri rito sa bungang ito ay mukhang wala namang problema ang prutas na bunga ng puno. Pero para makasigurado tayo dalahin na rin natin ito pabalik sa bayan ng Kamora upang masuri ni Jacko at baka panilyar siya sa prutas."
Sa tanang buhay ko ay ngayon ko lng nakita ang prutas na iyon, kulay kahel ito at tunay na nakakatakam kainin kung iyong pagmamasdan. Pero walang nagtangka sa amin na kainin ang prutas na ito dahil baka kung ano pang mangyari sa amin.
"May kakaiba sa punog ito," sabi ni Lucas habang pinagmamasdan ito. Parehas lang pala kami ng nararamdaman ni Lucas at naniniwala na hindi ito basta-bastang puno dahil sa tindi ng enerhiya na bumabalot dito.
Nabigla ako nung nagbigkas ng enkantasyon si Lucas at may apoy na dumaloy sa kanyang kamay. "T-teka, huwag mong sunugin iyan, hindi pa tayo nakakasigurado na may kinalaman nga ang punong iyan sa nangyayaring epidemya sa bayan ng Kamora." pagpigil ni Flavia.
"Hindi 'to masusunog." tipid na sagot ni Lucas at pinagmasdan na lang namin ni Flavia ang sumunod niyang ginawa. Gamit ang apoy ay inihagis niya tungo sa puno.
Parehas kaming nabigla ni Flavia nung biglang may kakaibang liwanag ang pumalibot sa puno at hindi dumikit ang apoy sa puno. "Sinabi ko naman sa inyo, hindi 'to basta-bastang puno dahil may nagpiportekta rito." Napakatahimik lang ni Lucas pero ibang antas ang obserbasyon na mayroon siya.
"Ibig mong sabihin..." naputol ang aking sinasabi at napatingin sa puno.
"Magpakita ka." Utos ni Lucas. Ngunit katahimikan lang ang bumalot sa buong paligid. "Kapag hindi ka nagpakita ay susunugin ko talaga ang punong ito,"
"Isa." bilang ni Lucas at gumawa ng apoy sa kanyang kamay.
"Dalawa," sa pagkakataong ito ay mas malakas na ang apoy sa kanyang kamay.
"Tat—"
"H-heto na! Heto na!" May isang babae na lumabas mula sa puno, nakasuot ito ng damit na animo'y gawa sa luntiang dahon at ang ugat sa katawan niya ay animo'y ugat ng isang puno. Maging ang mata nito ay kulay luntian. "Ako si Luntian. Anong kailangan ninyo sa akin mga manlalakbay?"
"Ikaw ba ang may kagagawan ng pagkalason ng mga tao sa bayan ng Kamora? Wala ka bang puso?" tanong ni Flavia at may diin sa bawat salitang binigkas niya.
Umupo ang babaeng kausap namin sa ugat ng puno. "Bakit mo naman isinisi sa akin ang lahat? Ang mga tao sa bayan ng Kamora ang may kasalanan kung bakit nangyayari sa kanila iyon!" Dahilan niya.
"Kasalanan nila? Tatlong buhay na ang namatay dahil sa pngyayaring epidemya at marami sa kanila ang dumaraan ngayon sa matinding karamdaman, kapag hindi ka pa tumigil sa iyong ginagawa ay tuluyang mamamatay ang nga taong iyon!" nakatahimik lang akong nag-oobserba, hinihintay kong sabihin ni Luntian ang rason kung bakit niya ginagawa ang lahat ng ito.
"Mas maayos kung mawala na ang mga tao sa Kamora! Mas magiging ligtas ang gubat na ito," nakita ko ang galit sa luntian niyang mata at nagtatangis ang kanyang ngipin. "Sinisira nila ang mga punong nandito sa gubat, tinatanggalan nila ng tirahan ang mga hayop at mga nilalang na tahimik na naninirahan sa gubat, patuloy silang nagpuputol ng mga puno at hindi man lang ito nagagawang palitan. Ngayon lang ako gumaganti para sa kalikasan, mas marami silang buhay na kinuha ke'sa sa aking ginagawa,"
"Noong una ay maayos kong ibinibigay sa mga taga-Kamora ang mga pangangailangan nila. Mga pagkain at tirahan, pero tila ba naging abusado sila sa kalikasan at dumepende na ng husto rito. Doon ko naisipang lagyan ng lason ang bawat bunga ng punong aking tinitirahan upang sila'y matuto ng kanilang leksyon! Malaki ang papel ng kalikasan sa buhay nating mga tao pero binabalewala lang nila ito. Ngayon, sabihin mo kung masama akong tao? Pinoprotektahan ko lang ang tirahan ko mula sa mga abusadong tao." mahaba niyng litana at nakita ko ang luha mula sa mata ni Luntian. Ramdam ko ang galit niya.
Natahimik si Flavia at maging ako ay wala na ring nasabi noong narinig ko ang kanyang kwento. "Makakaalis na kayo mga manlalakbay. Kung iniisip ninyo na aalisin ko ang mga lason na kumakalat sa kanilang katawan, pasensya na dahil hindi ko iyon gagawin. Hahayaan ko silang magdusa dahil sa kapabayaan at pang-aabuso nila sa inang kalikasan."
Bumuntong hininga ako at humarap sa kanya. "Huwag kang mag-alala, hindi ka namin sasaktan. Makakarating sa bayan ng Kamora kung gaano sila kasamang tao at kung gaano mo sila kinamumuhian."
Nanguna ako sa paglalakad paalis at sumunod sa akin si Lucas at Flavia. Ngayon ay naintindihan ko na ang buong kwento sa gulong ito. Oo, nagkakaroon ng sakit sa bayan ng Kamora ngunit sila ang matinding sakit sa kalikasan.
******
I wrote this chapter inspired by the Amazon forest. Save the core of our planet. Let's raise an awareness that we need the whole environment to live. #saveamazonforest
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top