Kabanata 40: Ang desisyon
"Anong desisyon mo, Blade?" tanong ng aking sarili na nasa harap ko ngayon. Mukhang kanina pa siya naghihintay sa kung sino ang aking pipiliin na maging alay upang makatakas sa lugar na ito. Maging ako, no'ng una ay naguluhan ako kung sino nga ba ngunit alam ko... Tama ang magiging desisyon ko ngayon.
Si Isla ang unang tao na nakasama ko sa paglalakbay at pinatunayan niya na kahit bata siya ay hindi siya mapapantayan sa paggamit ng tubig bilang mahika.
Si Jacko ang naging utak ng aming grupo na siyang humahanap sa lokasyon ng mga maalamat na hayop, hindi rin mapapantayan ang galing niya sa pagpapalabas ng iba't ibang nilalang gamit ang kanyang kapangyarihan.
Si Melia ang naging kakampi ko sa lahat ng bagay. Tinulungan niya ako na ibalik muli ang tiwala ko sa ibang tao at sa kanya ako komportable na nakakapagsabi ng aking saloobin. Isa rin siya sa mga magaling na miyembro ng Sol Invictus.
Si Lucas, ilang beses na pinatunayan sa akin ang kakayahan niya sa paggamit ng mahika at hindi matatawaran iyon. Kahit pa walang ekspresyon ang ipinapakita ng mukha niya ay alam ko, kahit papaano ay masaya siyang kasama kami at ganoon din naman kami sa kanya.
Si Flavia, kahit bago si Flavia sa grupo ay malaki na ang bagay ang kanyang naitulong sa akin. Sinagip niya ako sa bingit ng kamatayan gamit ang pambihirang galing niya sa panggagamot. Tinulungan niya na rin ako laban sa Sol Invuctys at maayos siyang nakikibagay sa grupo.
Kung may isa akong iaalay ay sisiguraduhin kong hindi ko pagsisisihan ang aking magiging desisyon. Lahat sila ay naging malaking tulong sa akin kung kaya't heto ako, patuloy na lumalaban at hinahanap ang iba pang maalamat na hayop.
"Inuulit ko, Blade, ano ang iyong desisyon?" tanong ng aking sarili habang nakatayo siya sa aking harapan.
"Wala. Wala akong pinipili." may diin sa bawat salitang binigkas ko. Hindi ako magsisisi sa desisyon na ginawa ko ngayon. Kagaya nang sinabi ko, hindi ko kakayanin kung isa sa kanila ang mawala. Kulang ang Sol Invictus kung may mawalang isang miyembro.
"Anong sinabi mo?! Kailangan mong pumili, Blade upang makaalis kayo sa lugar na ito! Kailangan mong pumili ng isa sa mga kasamahan mo upang magpatuloy ang misyon at mapatay mo ang iba pang maalamat na hayop!" may diin na rin na sinasabi ang Blade na kaharap ko ngayon.
"Ayon ang desisyon ko, wala akong pinipili. Kung mamamatay man kami ay magkaksama kami. Minsan na ako nawalan ng mga kaibigan, hindi ko hahayaan na mangyari ulit iyon ngayon," ang bawat miyembro ng Sol Invictus ay may mahalagang ginagampanan sa aming grupo.
"Pumili ka ng isa!" biglang nakaramdam ako nang paglindol na tila ba naguguho ang buong lugar.
Ngumisi ako sa Blade na kaharap ko. "Kaya kong makaalis sa lugar na ito na walang isinusuko sa mga kasama ko. Kaya kong patayin ang bawa na walang namamatay sa Sol Invictus." wika ko sa kanya.
Eto ang pinakatamang desisyon sa sitwasyong ito, ang piliin ang pagkakaibigan ke'sa sa kaligtasan ng iilan. Kung mamamatay man kami sa lugar na ito ay magkakasama kami kahit papaano... Pero hindi ko hahayaang mangyari iyon.
Mas lumakas ang paglindol at may mgadebris na nagbabagsakan na mula sa itaas. Unti-unting naglaho ang Blade nakaharap ko na animo'y isang abo. "
Umikot ang paningin ko hanggang sa magdilim ang buong paligid. Ano ang nangyayari?
***
Sa muli kong pagdilat ay naririnig ko ang patak ng tubig mula sa kweba. "Gising ka na rin sa wakas!" boses ni Jacko ang aking narinig at pumaikot sa akin ang lahat ng miyembro ng Sol Invictus.
"Basil! Pinakaba mo na naman kami," unang lumapit sa akin si Melia at mahigpit akong niyakap, ibig sabihin ba nito ay panaginip lang ang nangyari kanina? Hindi totoong isa sa mga Sol Invictus ang mawawala?
Naalala ko bigla ang sinabi sa akin ni Jacko na hindi nakikipaglaban si Bawa sa pisikal na laban bagkus ay lalabanan ka nito sa mental na kaisipan.
"Pasensya na," wala na rin ang kakaibang puwersa na humihigop sa aming lakas. "Nakaharap ko si Bawa sa aking panaginip. Tama si Jacko, na hindi nakikipaglaban ang Bawa sa pisikal na labanan." paliwanag ko sa kanila.
Dahan-dahan akong tumayo kahit mahina ang aking katawan. Masaya ako na makita ko muli ng kumpleto ang Sol Invictus, sila na lang ang tanging mayroon ako sa pagkakataong ito.
Mahigpit ko sila niyakap isa-isa at maging sila'y nagtaka. Sa totoo lang ay may bagal na pinaunawa sa akin si Bawa at iyon ay ang mahalin ko ang mga kasama ko hangga't nandito pa sila. Tinutulungan nila ako sa misyon kong mailigtas ang mundo at kahit kaayawan sila ng maraming tao.
"Tapusin na natin ang laban na ito," nakatanaw ako sa dulong bahagi ng kweba at sa dulong iyon ay may pinto. Kung ano man ang kaharapin namin ngayon ay alam kong kakayanin namin dahil magkakasama kami.
Maingat ang aming mga hakbang habang lumilingon sa iba't ibang direksyon, sinisigurado lang namin na walang biglaang pag-atake ang magaganap. Nasa tapat na kami ng pinto. Napakalaki nito na animo'y pinto sa isang palasyo.
"Handa na ba kayo?" tanong ko sa aking mga kasama at mahigpit nilang hinawakan ang kani-kanilang armas.
"Kanina pa." sagot sa akin ni Jacko.
Binuksan ko ang pinto at pinagmasdan ang silid na pinasukan namin. Kasabay nang pagbukas namin sa pinto ay ang pagbukas ng mga sulo na nasa dingding nito at nagsilbing liwanag namin sa buong lugar.
Imbes na mga kakaibang nilalang ang sumalubong sa amin ay isa itong matanda, matandang nakaupo sa isang gintong silya at nakatingin ito sa akin. Namukhaan ko ang matandang iyon dahil siya mismo ang lalaking nagpakita sa aking panaginip bilang si Bawa.
Akmang susugurin na uto nila Melia ngunit pinigilan ko sila gamit ang aking kamay. "Baka siya na ang Bawa, panginoon! Kailangan na natin siyang mapatay!" sabi ni Isla sa akin.
Imbes na akinggan ko sila ay dahan-dahan akong naglakad patungo sa direksyon ni Bawa. Nagmulat ng mata ang matanda at ngumiti sa akin. "Bawa?" tanong ko sa kanya. Naiwang nakatayo ang mga kasamahan ko malapit sa pinto pero nasa panlaban na posisyon sila kung sakaling may mangyaring hindi maganda sa akin.
"Binabati kita, Blade," sabi niya habang mahigpit na nakahawak sa kanyang tungkod. "Napagtagumpayan mo ang aking hamon bilang isang mandirigma,"
Kung gayon ay isang hamon lamang ang naganap kanina?
"Sinubok ko ang tiwala mo sa iyong mga kasamahan. Ipinakita mo lamang sa akin na handa kang gawin ang lahat upang maprotektahan ang mga taong malapit sa iyo. Ang bawat miyembro ng Sol Invictus ay iyong sandata upang mapagtagumpayan ang misyong iyong ginagawa," wika sa akin ng matanda. Tama siya, hindi ang Jian ang pinakamalakas na sandata na mayroon ako laban sa mga kalaban kun'di ang Sol Invictus.
"Ngayon, nais kong malaman kung bakit gusto ninyo akong patayin?" may ngiti sa labi ng matanda na para bang balewala lang sa kanya ang mangyayari.
Dahil sa mga nangyari ay hindi ko gustong patayin ang Bawa dahil marami siyang bagay na pinatanto sa akin. Pero ang misyon ay misyon, kung ipapaliwanag ko sa kanya ng maayos ang tungkol dito ay paniguradong maiintindihan niya ako. Alam kong hindi masamang maalamat na hayop ang Bawa base sa mga ipinakita niya sa akin.
"Dahil sa mangyayaring paglalaho. Sinasabing isang malakas na nilalang ang muling mabubuhay sa paglalaho at kasabay no'n ay mawawalan ng kontrol sa katawan nila ang pitong maalamat na hayop at sisirain ang mundong ito," mata sa mata kong bigkas sa Bawa. Gusto kong maniwala siya sa akin.
"Ilang taon na akong nabubuhay sa mundo, Blade, nasisigura--"
"Pero ngayon lang mangyayari ang paglalaho. Alam kong malaking bagay ang hingin ang inyong buhay, pero iyon lang ang paraan upang mapigilan ang pagkasira ng mundong ito at mapigilan ang pagkamatay ng maraming buhay. Ngayon lang tayo nagkita Bawa ngunit nararamdaman ko na maging ikaw ay hindi mo rin gusto na makasakit ng ibang tao," tahimik lang nakikinig ang Bawa sa aking sinasabi habang seryosong nakatingin.
"Kung dumating ang paglalaho ay mawawalan ka ng kontrol sa iyong kapangyarihan at baka makapatay ka ng maraming tao. Iyon ang iniiwasan kong mangyari." dugtong ko pa.
Nagbitaw ng malalim na buntong hininga si Bawa. "Alam mo, ang tagal ko nang nabubuhay sa mundong ito. Ginagamit ko ang aking kapangyarihan upang magkaroon ng masaganang ani ang mga tao at makakuha ng mga prutas na makakatulong sa kabuhayan ng mga tao. Dahil ang bundok Kapura ang aking tahanan, gusto ko ay sa tuwing bumibisita ang mga tao ay may ngiti sa kanilang labi tuwing lilisanin nila ang lugar." agkukwento ni Bawa habang may nguti sa kanyang labi. Halatang tuwang-tuwa siya kapag inaalala niya ang mga tulong na naibigay niya sa tao.
"Tatanungin kita, Basil, kaya mo bang protektahan ang bundok na ito kagaya ng pagprotekta ko? Masisigurado mo ba sa akin na mabibigyan mo ng maayos na kinabukasan ang mundong ito?" kahit nakangiti si Bawa ay bakas ang kaseryosohan sa kanyang boses.
Tinignan ko si Bawa at kumuyom ang aking palad. "Bawa, ang pangarap mo sa mundong ito ay pangarap ko rin. Sisiguraduhin ko sa iyo na matapos lang ang gulomg nagaganap na ito ay ibabalik ko ang katahimikan ng mundong ito, itatama ko ang lahat ng mali, at poprotektahan ko ang kalikasan." may diin sa bawat salitang aking binitawan dahil alam ko sa aking na magagawa ko ang misyong ito.
"Nakikita ko ang determinasyon sa iyong mata," hirap na tumayo si Bawa mula sa kanyang upuan at naglakad patungo sa aking direksyon. "Alam kong makakagawa ka ng mundo na kung saan maayos na mamumuhay ang bawat tao. Binibigyan kitang pahintulot na kitilin ang aking buhay dahil ngayo'y nakakasigurado ako na may taong piprotekta sa mundong uto kagaya ng pagprotektang aking ginagawa." paliwanag ni Bawa.
Hinugot ko ang Jian mula sa lalagyan nito. "Hindi kita bibiguin."
Ngumiti ang Bawa sa akin. "Alam ko." sagot niya.
Itinusok ko sa kanyang katawang ang aking espada, umagos ang pulang likido mula sa kanyang tiyan ngunit imbes na magpakita ng kahit anong masamang ekspresyon ang Bawa ay nakangiti lamang ito sa akin. Ramdam ko ang tiwalang ibinigay niya sa akin. Nakakalungkot lamang isipin na kailangan niyang mawala para sa kapakanan ng nakakarami.
Unti-unting naglaho ang Bawa na parang isang abo hanggang sa tuluyan na itong mawala. Napaupo ako sa sahig at tumakbo ang aking mga kasama sa aking direksyon.
"Ayos ka lang ba?" tanong ni Flavia. "Hindi ko inakala na isusuko ng Bawa ang kanyang buhay ng ganoon lamang."
"Hindi sumuko ang Bawa kun'di pinagkatuwalaan niya tayo. Hindi natin siya dapat biguin," wika ko sa kanila at napangiti sila sa akin. "Mapagtatagumpayan natin 'tong Sol Invictus."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top