Kabanata 4: Para sa sarili
"Taksil."
"Mamamatay tao."
"Ang isang tulad niya ay hindi karapat-dapat maging miyembro ng Ixion."
Iyan ang mga masasakit na salita na aking naririnig habang naglalakad pabalik sa kulungan. Wala ng emosyon na pinapakita ang aking mukha, tila ba nawalan na ako nang pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Pagod na 'kong ipagtanggol ang aking sarili dahil alam ko namang maniniwala sa akin.
Ayos lang na may sabihin sa akin ang ibang tao, matatanggap ko pa 'yon. Ang hindi ko matanggap ay ang ginawang panggagago sa akin ni Avery, magkasama kaming dalawa kaya akala ko ay isa siya sa mga unang tao na maniniwala sa akin. Pero nagkamali ako, imbes na ipagtanggol niya ako ay mas lalo niya lang akong idiniin sa bagay na hindi ko ginawa.
Ilang minuto rin ang inabot bago kami nakarating sa kulungan. Sa ilang minuto na 'yon ay samu't-saring pangungutya na ang aking narinig, ilang bato rin ang natanggap ko dahil binabato ako ng mga tao sa Norton. Isa lang naman ang dahilan ko kung bakit gustong makapasok sa Ixion, iyon ay para protektahan ang bayang ito, gusto kong itama ang mga baluktot na gawain ng ilang nakaupo sa gobyerno. Hindi ko ginustong maging kalaban ng lahat. Hindi ko ginustong maging pinakamasamang tao sa mata ng mga taga-Norton.
"Sulitin mo na ang natitirang araw mo, bata," sabi nung isa sa mga guwardiya at hinagis ako papasok sa kulungan. "Sa susunod na linggo ay magaganap na ang pagpatay sa'yo sa liwasan. Sa harap ng maraming tao."
"Mas mainam pa ngang mamatay na lang ako," sagot ko sa kanya at umupo sa isang sulok. Pakiramdam ko ay namanhid na ang buong katawan ko, wala na akong maramdaman. Parang sobra-sobra na ang sakit na naranasan ko ngayong araw. Gusto ko na lang maglaho dahil balewala rin naman kung magpaliwanag ako.
Alas-onse nang gabi at gising pa rin ako, hindi ako gumagalaw sa sulok na aking kinauupuan. Nilapagan ako ng pagkain ng mga guwardiya ngunit hindi ko ito ginagalaw. "Hulyo," Isang pamilyar na boses ang narinig ko kung kaya't napalingon ako rito... galing ito kay Kaia.
Siguro ay sa isip din ni Kaia ay isa rin akong sinungaling, sa bagay, sino pa bang magtitiwala sa akin? Sirang-sira na ako sa harap ng maraming tao dahil sa mga pinagsasabi na masasakit na salita sa akin ni Avery. "Narito ang kape, pinaaabot ni Adara." Napalingon sa akin si Kaia at mapait itong ngumiti.
"Maraming salamat, Kaia! Alam kong magiging isa kang mabuting miyembro ng Ixion sa oras na mapili ka na bilang kabilang dito. Hindi katulad nitong taksil na ito na walang utang na loob kay pinunong Alvaro na walang ibang ginawa kun'di pagmalasakitan siya!" Sigaw sa akin nung guwardiya. Hindi na ako nasasaktan. Tila ba nasanay na ako sa masasakit na salita na ibinabato nila sa akin.
Hindi nila alam kung gaano kaimportante sa akin ang prisensya ni Alvaro, hindi nila alam na nasaktan din ako sa pagkawala nito.
"Maaari mo ba kaming iwan muna ng kaibigan ko?" Sabi ni Kaia sa guwardiyang nagngangalang Hulyo. "Gusto ko lang siyang makausap ng pribado. Saglit lang naman ito," paalam niya pa.
"Itinuturing mo pa ring kaibigan ang taksil na iyan, Kaia?" Tanong sa kanya nung guwardiya. Pinapakinggan ko lang sila mag-usap. Wala akong kibo sa isang sulok.
"Iwanan mo na kami, pwede ba?" Nagtaas ng boses si Kaia at nagmamadaling kinuha ni Hulyo ang sibat niya sa gilid at naglakad paakyat. Nasa ilalim kasi ng lupa ang kulungang ito, dito ikinukulong ang mga taong may mabibigat na kasalanan.
Pagkawala ni Hulyo ay tumingin sa akin si Kaia. "Blade, kumusta ka na?" Tanong sa akin ni Kaia at umupo sa lapag. Hindi ko siya kinibo at tinitigan lamang siya. "Pwede ka bang lumapit dito sa akin, Blade? May sasabihin lang ako."
"Kung tatanungin mo ako kung ako ba ang may gawa nung pagpatay, hindi ako 'yon." Walang-gana kong pagtatanggol sa aking sarili. Bahala na kung ano ang iisipin sa akin ng ibang tao, papatayin na rin naman ako sa susunod na linggo kung kaya't bakit pa ako mag-aaksaya ng panahon na ipagtanggol ang aking sarili?
"Naniniwala ako sa'yo, Blade. Sa saglit na panahon nating pagkakasama ay naniniwala ako sa'yo," sabi sa akin ni Kaia at para bang nabigla ako sa kanyang sinabi. Siya lang ang unang tao na naniniwala sa akin na wala akong kasalanan. Siya ang unang naniwala sa akin matapos ang nangyaring paghuhukom kanina.
Pagapang akong lumapit sa kanyang direksyon at doon na pumatak ang aking luha. "Kaia, wala akong kasalanan. Wala akong kasalanan." sabi ko sa kanya, tanging ang bakal na rehas na lamang ang nagbibigay pagitan sa amin.
"Blade, makinig ka," mahinang bulong sa akin ni Kaia. "May halong pampatulog ang ibinigay kong kape doon kay Hulyo, makalipas lamang ang isa o dalawang oras at tuluyan na itong makakatulog." Paliwanag sa akin ni Kaia.
Ang mas ikinabigla ko pa nung bigla siyang may dukutin mula sa kanyang bulsa at isa iyong susi, susi iyon ng kandado ng rehas na ito. "Wala akong balak tumakas, Kaia. Pagmumukhain ko lang lalo na ako nga ang tunay na magsala sa pagkamatay ni Alvaro."
"Hahayaan mo na mamatay ka, Blade? Blade, bigyan mo nang katarungan si Alvaro, ipagtanggol mo ang sarili mo, Blade. Tumakas ka, magpalakas ka at tapos bumalik ka rito sa Norton... ipamukha mo sa lahat nang nambintang sa iyo na wala kang kasalanan." Paliwanag sa akin ni Kaia.
"Hindi ko gustong tumakas," Kinuha ni Kaia ang aking kamay at ipinatong doon ang susi.
"Binuksan ko ang kanal malapit sa simbahan ng palasyo, may lagusan iyon palabas sa tagong bahagi ng Norton. Ikaw na ang gumawa ng desisyon, Blade kung hahayaan mong makulong ang sarili mo rito at mamatay o tatakas ka at bibigyan mo nang katarungan ang pagkamatay ni Alvaro." Paliwanag sa akin ni Kaia. Diretso lang na nakatingin sa mata ko si Kaia. "Naniniwala ako sa'yo, kaibigan."
""Tapos ka na bang kausapin siya, Kaia? Bago mag alas-dose ay kailangan ninyo ng bumalik sa dormitoryo," Bumaba na muli si Hulyo at mabilis kaming umayos ni Kaia. Itinago ko sa loob ng sapatos ko ang susi.
"Tapos na," Tumiim-bagang si Kaia at umayos nang pagkakatayo at tumingin sa akin. "At ikaw, Blade, isa kang salot sa lipunang ito. Kinamumuhian kong naging kaibigan kita." Sabi niya pero alam kong isa lamang iyong pag-arte upang hindi maghinala ang guwardiya. Naglakad na paalis si Kaia at naiwan na lamang akong mag-isa kasama ang guwardiya.
Hindi ko alam kung dapat ba akong tumakas sa lugar na ito o harapin na lang ang kamatayan. Sa oras na tumakas ako ay alam kong magiging isa na akong kriminal, magiging kalaban na ako ng Norton at maging kalapit-bayan nito. Magiging isa na akong malaking kalaban sa mundong ito.
Pero naisip ko na tama si Kaia, kailangan kong bigyang katarungan ang pagkamatay ni Alvaro na siyang nagsanay sa amin. Kailangan ko ring linisin ang pangalan ko at ipamukha sa buong Norton na inosente ako, gusto kong ipamukha sa kanila na ang idinidiin nila sa gulong ito ay isang inosente na nangangarap lamang na maging parte ng Ixion.
Tama nga ang sinabi ni Kaia, tuluyang nakatulog si Hulyo at sobrang himbing ng kanyang pagkakatulog. "Hindi ko na gagawin ito para sa pamilya ko o para sa bayan... gagawin ko 'to para sa sarili ko." Mahina kong bulong sa aking sarili at dahan-dahang kinuha ang susi mula sa aking sapatos.
Buti na lang at tinanggal nila ang posas ko sa kamay at bakal na bilog na nakakabit sa aking paa nung ipinasok nila ako sa rehas na ito. Dahan-dahan akong naglakad patungo sa pintuan at dahan-dahang ipinapasok ang susi rito, nakatingin lamang ako kay Hulyo na nakaupo sa isang bariles at mahimbing na natutulog.
Nung mabuksan ko na ang pinto ay dahan-dahan ko itong binuksan at muling isinara. Naglakad ako paakyat ngunit napatago muli nung may makitang dalawang guwardiya na nagpapatrol na naglalakad.
"Paniguradong mamamatay din ang taksil na iyon," Narinig ko pa sa kanilang usapan. Walang binanggit na pangalan ngunit alam kong ako ang tinutukoy nila.
Tumakbo ako at sa makikipot na daan ako dumadaan dahil dito kadalasang walang nagpapatrol. Kailangan makarating ako sa likod ng simbahan kung nasaan ang sinasabing kanal na sinasabi ni Kaia.
Tatakbo sana muli ako nung may magdaang mga guwardiya kung kaya't napatago ako sa isang poste. Mabuti na lamang talaga at gabi ngayon at madilim sa maraming bahagi ng lugar.
Ngayon ay isa lang ang nararamdaman ko, galit. Nagagalit ako sa lahat ng tao ng Norton, nagagalit ako sa mga taong humuhusga sa akin kahit pa hindi naman talaga nila alam ang tunay na kwento, nagagalit ako kay Avery na nagawang magsinungaling upang makakuha ng papuri kahit pa ikapahamak ko ito.
Tumakbo ako hanggang sa marating ko na ang kanal na sinasabi ni Kaia. Pumasok ako sa kanal at isinara muli ang harang nito.
"Nakatakas ang taksil!" Iyan ang naririnig ko mula sa labas, mukhang sa mga oras na ito ay nalaman na nilang nawawala ako kung kaya't kinakailangan na makaalis ako agad dito. Tatakbo na sana ako ngunit may naapakan akong isang bagay-- isang balabal na may nakapatong na sulat. Hindi ko pa nagawang basahin ang sulat dahil sa dilim ng lugar.
Paniguradong si Kaia ang may gawa nito. Sana lamang ay hindi mapahamak si Kaia sa ginawa niyang pagtulong sa akin. Naglakad na ako sa lagusang ito. Naririnig ko ang mga yabag ng paa mula sa itaas at mukhang naalarma na ang lahat ng tao sa palasyo dahil sa aking pagkawala.
Tinakbo ko na ang lagusan hanggang sa may makita na akong liwanag, pagkalabas ko ay tama ang sinabi ni Kaia... nasa tagong bahagi ako ng Norton, alam ko kung saang parte ito at alam ko rin kung paano ako makakalabas sa bayan dahil kabisado ko ang pasikot-sikot ng lugar. Dito ako lumaki.
Isinuot ko ang balabal at iniharang iyon sa aking mukha upang walang tao ang makakilala sa akin. Kailangan ay makalabas ako sa lugar bago pa man mapasara ang lahat ng daan palabas sa Norton.
Habang naglalakad ay binasa ko na rin ang sulat na natanggap ko.
Mag-iingat ka, kaibigan. Hihintayin ko ang susunod nating pagkikita.
-Kaia
"Salamat kaibigan." Mahina kong bulong sa aking sarili at tumakbo. Kailangan kong makalabas na sa lugar na ito.
Habang tumatakbo ako ay may nabunggo akong isang babae, parehas kaming napaupo dahil sa lakas nang pagkabunggo. "Pasensya na," halos sabay naming sabi.
"Blade?" Nagulantang ako nung marinig ko ang boses niya at nakilala niya ako. Pamilyar sa akin ang boses na ito.
"Parisa," tawag ko rin sa kanya.
Tumingin sa mata ko si Parisa at naluluha na siya. "Bakit mo nagawa 'yon Blade? Bakit mo nagawang pagtaksilan ang bayan? Kung hindi pa nagsabi ng totoo si Avery ay hindi lalabas ang katoto--"
"Wala akong kasalanan!" Malakas kong sigaw sa kanya, mabuti na lamang at tago pa rin ito at walang tao na dumadaan sa kalsadang ito. "Hindi mo alam ang sakit na nararamdaman ko nung nadiin ako sa bagay na hindi ko ginawa! WALA AKONG KASALANAN!" Para akong isang bata na ngumangalngal at pinagtatanggol ang aking sarili.
Tumingin sa akin si Parisa at yumakap. "Wala akong kasalanan... wala akong kasalanan!" Paulit-ulit kong bigkas. Sawa na akong ipagtanggol ang aking sarili.
"Hindi ko alam kung sino ang paniniwalaan ko sa inyo ni Avery," Pinahid ni Parisa ang luha sa aking mata. "Pero ayokong mamatay kayong dalawa, sabi ko naman sa inyo huwag na kayong sumali diyan dahil gulo lang 'yan." Mas bata sa amin si Parisa pero damang-dama ko ang mga payo na sinasabi niya.
Lumingon-lingon si Parisa sa magkabilang gilid at hinatak niya ako sa isang sulok. "Sa oras na ito, Blade, nakasara na ang lahat ng lagusan palabas sa Norton. Naglilibot na rin ang mga guwardiya sa matataong bahagi ng siyudad para hanapin ka. Alam na nilang tumakas ka," sabi sa akin ni Parisa.
"Kailangan kong makaalis sa Norton, kailangan kong umalis sa impyernong ito," Nanginginig ang ibabang labi ko sa galit.
"May paraan, Blade." Hinatak ako ni Parisa at dinala niya ako sa isang abandonadong bahay.
"Bakit mo ako dinala rito, Parisa? Kailangan ko nang makatakas,"
"Sa tingin mo ba ay makakatakas ka sa dami ng guwardiya na nagbabantay sa pintuang bayan?" Natahimik ako sa sinabi ni Parisa. "Hindi ka dadaan sa mga lagusang iyon, Blade, lilipad ka sa himpapawid."
Umakyat kami sa ikalawang palapag ng bahay at tumambad sa akin ang isang Griffing, isang uri ng ibon sa mundong ito kung saan may mukha ito ng isang agila at katawa na parang leon, may pakpak din ito at mabilis itong nakakalipad sa kalangitan. "Isang griffin? Kailan ka pa nagkaroon nito?" Tanong ko sa kanya.
"Dati pa, itinago ko lang sa inyo dahil paniguradong mapapagalitan ako ni tatay David sa oras na malaman niyang nag-aalaga ako ng isang Griffin. Nakita ko siya sa burol at dinala rito," Nakangiting paliwanag sa akin ni Parisa. "Lily ang pangalan niya kahit pa alam kong lalaki ang kasarian niya." Paliwanag niya pa.
Hinimas ko ang griffin at mahinan humuni ito. "Gamitin mo ito para makatawid sa matataas na pader ng Norton." Sabi sa akin ni Parisa.
Sa puntong ito ay nagkatinginan kaming dalawa. Niyakap namin ng mahigpit ang isa't-isa dahil ito na marahil ang huling pagkikita naming dalawa. "Mag-iingat ka, Blade, balang-araw ay babalik ka rin dito sa Norton at masaya tayong aakyat muli sa burol kasama si Avery."
"Lalabas din ang katotohanan." Sabi ko kay Parisa at humalik sa noo nito. "Paalam na."
Sumakay ako sa likod ng griffin at sinira nito ang bubong upang makalipad ng maayos. Mabilis ang paglipad ng Griffin at lumiliit na ang Norton sa paningin ko dahil sa taas namin. Unti-unting lumayo ang griffin sa bayan ng Norton.
Sa pagkakataong ito, naging isa na akong kalaban ng bayan na kinalakihan ko at alam kong magiging kalaban ako din ako ng Ixion.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top