Kabanata 39: Ang pagsubok ni Bawa

Ilang oras ang lumipas at nagpatuloy kami sa paglalakbay. Mabilis kong inatake ang Sarangay na humarang sa aming dinadaanan at lumikha ng malaking sugat sa dibdib nito dahilan upan mawalan ito ng buhay at umagos ang dugo sa kuweba. "Ayos lang ba kayo?" tanong ko sa aking mga kasamahan, humihingal man sila ay mabuti na lamang at walang nasugatan sa amin.

Ilang oras na rin kaming naglalakad at nasa malalim na bahagi na kami ng kuweba, hindi ko nga alam kung kailan namin mararating ang dulo. Basta ang nasa isip namin ngayon ay mahanap ang Bawa upang makapunta na kami sa susunod naming destinasyon.

"Jacko," pagtawag ko sa kanya habang nagllaakad kami. "Ano ang kakayahan ng bawa na iyong natuklasan?" tanong ko.

Mag isang Garuda na sumubok na ako'y saksakin gami ang matalim niyang kuko ngunit mabilis kong kiniha ang aking Jian mula sa lalagyan nito at hiniwa ito. Sumirit ang malapot na dugo kasabay ng pagbagsak nito sa mabatong sahig ng kuweba.

"Ayon sa kwento, hindi nakikipaglaban ang Bawa gamit ang pisikal na lakas nito bagkus ay nakikipaglaban ito gamit ang mental na kaisipan," napaisip ako sa sonabi ni Jacko sa kung paanong laban ang magaganap sa amin at sa Bawa. "Maging ako ay napaisip sa kung paano iyon mangyayari at wala akong ideya, ngunit ang mas maganda dito ay maging handa tayong lahat."

Nasa malalim na bahagi na kami ng kuweba at pakiramdam ko ay anumang oras ay mararating na namin ang dulo nito. Sa bawat paghakbang ko ay may mas bumibigat ang pakiramdam ko. "M-malapit na tayo," sabi ni Lucas habang tinatanaw ang dulo ng kweba.

Humakbang kami muli papasulong at mas lalong bumigat ang aming pakiramdam. Hindi ko alam kung anong enerhiya ito ngunit pakiramdam ko ay nanghihina ako.

"P-panginoon, mujhang may kakayahan a-ang Bawa na pahinain ang mga mahika na nasa a-ating katawan," nanghihinng sabi ni Isla.

Lumapit ka.

Napatigil ako sa paglalkaad nung may marinig akong tinig sa aking utak. Mukhang hindi ito narinig nina Melia dahil nagpatuloy lamang sila sa paglalakad.

Lumapit ka.

Nakarinig na naman muli ako ng isang tinig at sa pagkakataon ngayon ay nasisigurado kong ako lamang ang nakakarinig nito.

"N-nanghihina ako..." nabigla ako nung biglang bumagsak ang katawan ni Jacko at nawalan ng malay. Ito na ba ang sinasabi niya na hindi nakikipaglaban sa pisikal na laban ang Bawa?

Sunod-sunod na bumagsak ang katawan nila at nawalan ng malay hanggang ako na lamang ang natitirang nakatayo. "Melia, Flavia..." tinawag ko sila at sinubukang gisingin ngunit mukhang mahimbing silang nakatulog at halatang nanghihina.

Lumapit ka.

"Anong kailangan mo!" tumayo ako muli at nagpatuloy sa paglalakad, hindi ako maaaring umatras ngayon. Malayo na ang narating namin, kailangan kong harapin si Bawa at hindi dapat magpatalo sa kung ano mang kapangyarihan na ginagamit niya ngayon.

Kailangan? Kayo ang tumungo sa aking lokasyon... kayo ang may kailangan sa akin. Lumapit ka.

Isang hakbang

Dalawang hakbang.

Tatlong hakbang.

Mas bumibigat ang pakiramdam ko at mas nahihirapan akong huminga, napaluhod ako hanggang sa mapilitang gumapang. "H-hindi mo... ako... matatalo." bigkas ko.

Sa muli kong paggapang ay tuluyan nang hindi kinaya ng aking katawan. Napahiga na rin ako sa malamig na bato ng kweba at hindi na nakayanang gumalaw. Dito na ba matatapos ang lahat? Hindi na ba kami makakalabas ng kwebang ito?

***

Idinilat ko ang aking mata, wala na ako sa kweba kun'di nasa isang malaking silid ako na napapaligiran ng sulo. Mabilis akong tumayo at sinubukang kuhanin ang Jian ko mula sa lalagyan nito ngunit nung kinapa ko ito sa aking hita ay wala ito. 

Napaikot ang aking paningin at nakita kong sa silid na ito ay may anim pang silid pero ang mas nakapukaw ng atensyon ko ay ang isang matanda na nandito sa silid na kinalalagyan ko at ang dragon na estatwa.

"S-sino ka!?" malakas kong tanong sa matanda at inihanda ang aking sarili sa pakikipaglaban.

Mahaba ang balbas ng matandang ito at may hawak na isang tungkod, nakasuot siya ng kakaibang saplot na hindi ko maipaliwanag ang disenyo.

"Kayo ba ang Sol Invictus?" tanong nung matanda. "Kayo ang pumatay kay Minokawa at Bakunawa, tama ba?"

"Ano naman sa'yo kung kami ang may gawa no'n? Nasaan ang mga kasamahan ko? Siguraduhin mo lamang na nasa maayos silang kalagayan..." may diin sa mga salitang binitawan ko. Tunay na nag-aalala ako sa mga kasama ko lalo na't sila ang kaagapay sa paggawa ng misyon na ito.

Humigpit ang kapit ng matanda sa kanyang tungkod. "Huwag kang mag-alala, Basil... o mas gusto mong tawagin kita sa tunay mong pangalan, Blade?" kinilabutan ako sa sinasabi ng matandang kaharap ko ngayon dahil pakiramdam ko ay alam niya ang buong pagkatao ko.

Sinubukan ko siyang suntukin ngunit lumusot lamang ako na parang hindi siya nahawakan. "Nasa maayos na kalagayan ang iyong mga kaibigan, ang bawat isa sa kanila ay nasa maliliit na silid na nandito ngayon sa malaking silid na ito," paliwanag niya sa akin at masama siyang tiningnan.

"Ako nga pala si Bawa... ang taong pakay ninyo sa mismong bundok at kwebang ito," pagpapakilala niya sa akin. Siya si Bawa? Kung gayon ay hindi basta-bastang nilalang ang kaharap ko ngayon dahil na rin isa siya sa mga maalamat na hayop. "Bakit hindi tayo magkaroon ng munting laro Basil upang makalabas kayo ng buhay ng mga kaibigan mo sa kwebang ito?"

"Anong laro 'yan? Hindi ako interesado na makipaglaro sa'yo!" sinubukanb ko muli siyang suntukin ngunit muli lang akong tumagos.

"Simple lang naman ang larong ito, Basil, upang makalabas kayo ng mga kasamahan mo ay kailangan ko ng isang buhay. Isa sa mga kaibigan mo ang kailangan mong ialay ang buhay para makalabas kayo ng buhay sa kwebang ito." paliwanag niya sa akin.

"H-hindi ko gagawin 'yan! Walang buhay na masasayang sa labang ito,"

"Kung makikita mo... hindi mo ako nagagawang masaktan. Isang desisyon ang kailangan mong gawin Basil upang patunayan sa akin na karapat-dapat kang makalabas ng buhay sa kwebang ito. Bibigyan kita nang pahintulot na pasukin ang limang kwarto.... at sa huli ay pumasok ka sa huling silid na nasa gitna upang ibigay sa akin ang iyong desisyon." sabi niya sa akin.

Napailing-iling ako sa kanyang sinabi. Hindi... walang buhay akong iaalay para rito, wala sa mga kasamahan ko ang mamaalam.

"Tandaan mo, Basil, isang buhay para sa kapakanan ng lahat. Isang buhay para maipagpatuloy mo pa ang iyong misyon." naglaho na parang isang bula ang matanda at naiwan akong mag-isa.

"P-paano kami napunta sa ganitong sitwasyon?" sinuntok ko ang pader.

Baka may iba pang paraan para makalabas kami?

Sa huli, pumasok ako sa unang silid at nandoon si Isla na nakatayo. 

"Isla..."

"Panginoon," ngumiti ng matamis sa akin ang bata. "Ako ang piliin mo, panginoon, wala na akong pamilya. Wala ng mga taong maghahanap sa akin kung sakaling ako ang ialay mo. Huwag kang mag-alala, hindi ako magagalit, panginoon, kung ako ang piliin mo. Gusto kong maging kapaki-pakinabang sa'yo."

"Hindi... wala ako iaalay sa atin!" imbes na lumungkot ang mukha niya ay mas lalo lang ngumiti ang batang kaharap ko ngayon.

"Pero eto lang ang paraan upang maipagpatuloy pa ang misyon, panginoon, tandaan mo na kailangan pang mapatay ang nalalabi pang maalamat na hayop. Panginoon, piliin mo ako... ayos lang."

Para bang may pwersa na humila sa akin palabas ng silid. "Isla! Isla!" pagtawag ko. Muli akong napunta sa malaking silid ngunit sa pagkakataong ito ay naglaho ang silid na kinalalagyan ni Isla.

Pumasok ako sa ikalawang silid at sumalubong sa akin si Flavia. 

"Kumusta ka Basil? Siguro sa pagkakataong ito ay nahihirapan kang gumawa ng desisyon, tama ba?" napailing ako at bumagsak ang luha mula sa aking mata. Hindi, wala akong iaalay, hindi ko kaya na mawala ang kahit sino sa mga kaibigan ko.

"Bakit kailangan kong gumawa ng ganitong desisyon bigla? Hindi ko kayang mawala kayo... hindi ko kayang tapusin ang misyon na ito kung may mawawala sa inyo kahit isa," wika ko.

Naglakad papalapit sa akin si Flavia at hinawakan ako sa pisngi. "Pero kailangan mong gumawa ng desisyon, Basil. Tandaan mo na may mundo ka pang ililigtas, kailangan ka pa ng mundong ito upang ipaglaban ang pagkakapantay at hustisya na dapat mong matamasa."

"Piliin mo ako, Basil, ako ang pinakabago mong kasamahan... hindi mo ako kilala ng lubusan. At isa pa, masaya ako na iniligtas mo ako sa koliseo, salamat sa bagay na iyon, Basil. Bilang kabayaran sa pagligtas mo sa akin ay hayaan mong ialay ko ang buhay ko para rito, hindi ako magagalit bagkus ay magiging masaya ako na magagamit sa kapaki-pakinabang ang buhay ko." sabi ni Flavia sa akin.

Bakit? Bakit kailangan kong mag-alay ng isa?

Muli, may pwersa na humigop sa akin palabas ng silid ngunit bago ako tuluyang makalabas ay nakita ko pang nakangiti si Flavia sa akin.

Eto ba ang kapalit nang pagligtas ko sa mundo? Malalapit na kaibigan ko ang kailangan ko magdusa?

Pumasok ako sa ikatlong silid at nakatayo doon si Jacko.

"Basil, huwag ka ng malungkot... ganito nga talaga siguro ang buhay, isa sa amin ang dapat mawala kapalit ng mas maraming buhay." hindi tumitigil ang luha sa aking mata habang pinagmamasdan ko ang mga ngiti nila dahil alam kong nasasaktan din sila.

"Piliin mo ako, Basil, tutal ay ako ang pinakawalang naitutulong sa misyon na ito. Itinakwil na rin ako ng aming bayan kung kaya't wala na akong uuwian. Piliin mo ako, mas kailangan mo sila ke'sa sa akin."

"Hindi totoo 'yan Jacko, kailangan ko kayong lahat!" bakit ba napapahamak ang mga taong nagiging malapit sa akin?

"Pakisabi sa lahat na naging importanteng pamilya sila sa akin. Basil, gawin mo, huwag kang maging duwag sa pagkakataong ito. Ipakita mong malakas ka! Gumawa ka ng desisyon para sa lahat, piliin mo ako."

May puwersa muling humigit sa akin palabas.

Pumasok ako sa ikaapat na silid-- si Lucas ang naroon.

"Lucas..."

"Piliin mo ako," sa unang pagkakataon ay nakitaan ko ng emosyon ang mukha ni Lucas bukod sa pakikipaglaban. "Kung mapapansin mo, wala akong emosyon na nararamdaman. Hindi ako magpapaligoy-ligoy pa, piliin mo ako para sa kapakanan ng iba. Alam kong mas malapit ka sa kanila at mas kailangan mo sila."

Hinigit na muli ako palabas ng kakaibang pwersa at napunta sa malaking silid.

Ngayon, sa pagkakataong ito ay tumungo na ako sa ikalimang silid at nakatayo doon si Melia.

Hindi ko na kinaya, kung may tao mang nakakita na nang kahinaan ko ay si Melia iyon. Umiyak ako ng malakas pagkapasok ko sa kanyang silid. "Melia... hindi ko kayang pumili... Melia,"

lumapit sa akin si Melia at mahigpit akong niyakap, ramdam ko ang kaligtasan sa kanyang mga bisig. "Dapat pala ay hindi na tayo tumungo sa lokasyon ng Bawa kung alam ko lang na ganito ang kakahinatnan, ipinahamak ko lamang kayong lahat."

"Wala kang dapat sisihin, Blade, sama-sama tayong tumungo dito," pagkayakap niya ay hinawakan niya ang aking pisngi at ramdam ko ang init ng kanyang palad. "Walang sisihan. Mabigat ang gagawin mong desisyon, buhay ng isang tao at makakalabas na tayong lahat."

"Iyon na nga... hindi ko kayang pumili ng isa sa inyo,"

"Blade, ngayon ka pa ba magiging mahina? Kailangan mong pumili ng isa. Ipiprisinta ko na ang sarili ko, Blade,"

Umiling-iling ako. "Hin--" naramdaman ko na lamang na tumama ang palad niya sa aking pisngi at isang malakas na sampal ang aking naramdaman.

"Blade! Para 'to sa misyon! Para 'to sa kaligtasan ng mga tao, para 'to sa mga pangarap natin sa mundong ito. Tandaan mo, kailangan mo pang makuha ang hustisya para sa sarili mo, kailangan mo pang ipaglaban ang mga tamang bagay, kailangan mong itama ang mali sa sistema ng ating gobyerno, kailangan mo pang patayin ang nalalabi pang maalamat na hayop. Isang buhay, Blade, isang buhay para maituloy ang misyong ito. At ako na 'yon." doon ko naisip ang mga pangarap namin ni Melia sa mundong ito.

"Hindi ko kakayanin na makita na ibang tao ang ialay mo, ako na lang Blade, nakikiusap ako sa'yo. Gusto ko matapos ang gulong ito ay magawa ng mga kasamahan natin ang mga gusto nilang gawin. Gusto ko na ipagpatuloy pa ni Isla ang kahalagahan ng tubig, gusto kong maging isa si Lucas at Jacko nang tagapagtaguyod ng siyenya, gusto kong manalo si Flavia sa labanan sa koliseo. Ikaw... Blade, gawin mo ang mga bagay na gusto kong mangyari sa mundong ito, kung pipiliin mo ako, ayos lang dahil tandaan mo na kahit nasaan man ako ay patuloy kitang susuportahan. Kahit nasaan ako ay parati mo akong kasama. Kailangan makalabas ka rito sa kwebang ito, Blade," sabi niya kasabay ng pagpatak ng aking mga luha.

Kailangan kong pumili para makalabas kami. Isang buhay, para sa lahat.

"Blade, maging matatag ka. Piliin mo ako," sabi ni Melia sa akin at kinuha na muli ako ng kakaibang lakas palabas ng silid.

"Kailangan kong pumili, kailangan kong maging malakas," sabi ko habang naglalakad patungo sa gitnang silid. Kung ano man ang maging desisyon ko ay alam kong maiintindihan ito ng aking mga kasamahan.

Pagkapasok ko sa gitnang silid ay hindi na ang matanda ang nakita ko kun'di ako... nakita ko ang sarili ko na nakatayo at nakangiti sa akin.

"Kailangan mong pumili, kapalit nang kaligtasan ng mundong ito. Tandaan mo na ang desisyon mo ngayon ay makakaapekto sa hinaharap. Kailangan mong piliin ang taong naniniwala mismo sa'yo upang makalabas kayo ng buhay sa lugar na ito kung hindi ay lahat kayo ay mamamatay sa kwebang ito. Sa madaling salita, kailangan mong piliin ang kaibigan mong handang isakripisyo ang kanyang sarili, Blade." sabi ng aking sarili na nakatayo sa aking harapan.

"Alam kong mahirap na desisyon ito, Blade, ngunit isang buhay para sa lahat." hinawakan niya ang aking balikat. "Gawin mo ang isinisigaw ng puso mo, piliin mo ang tamang desisyon."

Pinahid ko ang luha ko at tinignan maigi ang aking sarili.

"Nakapagdesisyon na ako..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top