Kabanata 38: Ang kweba sa bangin
"Kung tama ang hula ko ay dito iyon sa lugar na ito," sabi ni Jacko habang tinitignan ang malalim na bangin sa gilid ng bundok Kapura. Ang tinutukoy niya ay ang kuweba patungo sa pinagtataguan ng Bawa. "Kung tatalon tayo sa bangin na ito ay maaaring mapunta tayo sa kuweba. Pero syempre, wala tayong kasiguraduhan dahil wala pang nakakapagpatunay na tunay ito. Ang mga natuklasan ko lang naman ay nakabase sa mga libro na aking nabasa."
"Maghanda ang lahat, tatalon tayo sa bangin." sabi ko sa kanila. Wala namang masama kung amin itong susubukan, wala na kaming oras para patunayan na totoo ang kwento na ito lalo na't may lima pa kaming maalamat na hayop na dapat patayin sa loob ng dalawa't kalahating buwan.
Hindi ko inaasahan na magiging ganito kabilis ang takbo ng araw, mahigit animnapu't araw na lamang at dadating na ang araw nang paglalaho-- ang araw na kinatatakutan ng lahat.
"Ha?! Tatalon tayo diyan kahit hindi sigurado si Jacko?" tanong ni Flavia.
"Binibini, minamaliit mo ba ng kakayahan ko bilang mananaliksik ng grupong ito? Marami na akong napatunayan at kahit pa nakabase lamang ako sa mga librong aking nababasa ay malakas ang kutob ko na nandito sa lugar na ito ang Bawa." napangisi ako sa sinabi ni Jacko. Hindi siya ang magiging utak ng aming grupo kung wala lamang.
"At ikaw naman," bumaling ang tingin sa akin ni Flavia. "Akala ko ba ay maganda ang intensyon mo? Bakit sinabi mo sa Ixion na dahil lang sa paghihiganti kung kaya't ginagawa mo ang bagay na ito?" naiintindihan ko ang maraming hinanaing ni Flavia dahil bago pa lamang siya sa aming grupo. Wala siyang ideya na pinangangatawanan talaga namin ang pagiging masama sa mundong ito.
Kahit ano namang gawing paliwanag ko sa mga tao ay paniguradong hindi sila maniniwala sa akin. Bakit? Dahil ako na ang pinakamasamang tao sa paningin nila. Kahit nagsasabi ako mg katotohanan ay paniguradong lalabas lang na kasinungalingan iyon. Kung ganoon lang din naman ang mangyayari, sasakyan ko na lang na ako ang masamang tao sa mundong ito tutal hindi naman papuri ang habol ko kung bakit ko ginagawa ang aking misyon.
"Sa tingin mo ba ay maniniwala sa akin ang Ixion kung sabihin kong kapag naatay lamang ang mga maalamat na hayop at tsaka lang maliligtas ang ating mundo?" natahimik si Flavia at napaisip. "Hindi. Dahil ang misyon nila ay protektahan ang mga maalamat na hayop at para s kanila ay tayo ang pinakamalaking sagabal para maisakatuparan nila ang kanilang misyon."
"Eh ano ang simasabi mo na ginagawa mo lang ito para maghiganti?"
Ngumisi ako. "Hindi ko naman din itatanggi ang bagay na iyon. Ginagawa ko ito para gumanti kay Avery, sa pamamagitan nang pagpatay ko sa mga maalamat na hayop ay panoguradong naiinis ang kaibigang kong iyon. Kulang pa nga iyon sa ginawa niyang paninirang puri sa akin. Balang-araw ay lalabas din mula sa mismong bibig niya ang katotohanan na wala akong kasalanan."
"Pero--"
Akmang may sasabihin pa si Flavia ngunit hinawakan ni Melia ang kanyang balikat kung kaya't napatingin siya rito. "Magtiwala ka kay Basil. Hindi niya ilalagay sa panganib ang ating mga buhay. Makakamit natin ang kapayapaan na hinahangad natin at mapapabagsak natin ang mga mandurugas sa ating gobyerno."
Tumingin sa akin si Melia at ngumiti. Natutuwa naman ako dahil malaki ang tiwala na ibinibigay niya sa akin. Isa ring bagay ang nakita kong pagbabago ko kay Melia ay ang pananaw niya sa mga nangyayari sa aming mundo. Dati kasi ay nakakulong lamang siya sa pangmaharlikang lugar at hindi niya nakikita ang ibang mukha ng lipunan... Pero ngayong naranasan niya at nakita ng dalawang mata niya ang totoong nangyayari ay alam niya na ang mga dapat na kailangan niyang gawin.
"Lucas, sa ringin mo ba ay anndito ang Bawa?" tanong ko sa kanya.
"Walang kasiguraduhan ngunit may malkas na enerhiya akong nararamdaman sa loob ng bundok na ito," paliwanag niya habang wala pa ring ekspresyon ang kanyang mukha. Dahil sa sinabi ni Lucas ay lumaki ang tiyansa na nandito nga ang Bawa.
"Halika na, panginoon! Handang-handa na ako sa aksyon!" masayang sigaw ni Isla kung kaya't napangiti kami.
"Sol Invictus, maghanda!" sigaw ko at tinignan ko sila isa-isa bago kami tumalon sa bangin.
***
Hindi naging mali si Jacko dahil sa isang banda ng bangin na ito ay may isang munting lupa na nakausli at nandoon ang kweba. Manghang-mangha naming tinignan ang kweba. "Ha! Hindi kayo naniniwala sa talinong taglay ko, hindi pa ako pumapalya sa paghahanap sa mga maalamat na hayop!" sigaw ni Jacko habang may ngiting tagumpay na nakapinta sa kanyang labi.
"Mamangha na sana ako sa'yo kaso ay puro ka yabang," sabi ni Isla sa kanya.
"Ha! Anong sinabi mo bata!?"
"Tumigil na muna kayo sa inyong pagtatalo," sumeryoso ang aking mukha at pinagmasdan ang loob ng kweba, hindi ko matanaw kung ano ang nasa loob nito dahil napakadilim. "May misyon tayong dapat gawin at kailangan nating maging alerto lahat."
Naglakad kami papasok ng kweba. "Lucas, maaari ka banglumikha ng apoy na mahika sa iyong kamay upang magsilbing liwanag natin sa paglalakad?" tanong ni Melia sa kanya na siyang ginawa naman ni Lucas.
Pagkabukas ng liwanag ay sumalubong sa amin ang malalaking itim na Garuda. "Maghanda sa pakikipaglaban!" utos ko at hinugot namin ang kanya-kanya naming sandata.
Ang mga Garuda ay malalaking itim na ibon na may katawan ng tao, sinasabi nila na ang mga ito ay karaniwang kumakain ng tao para mabuhay. karamihan sa mga Garuda ay sa gubat nakatira ngunit kakaiba ang mga ito dahil kulay itim ang mga ito at sa loob ng kweba sila namumuhay.
Akmang may susugod sa akin na isang garuda at ako'y kakagatin ngunit mabilis kong naikilos ang aking Jian ay inatake ang leeg nito. Sumirit ang dugo galing sa bumagsak nitong katawan at gumulong na parang isang bola ang pugot na ulo nito.
Ilang minuto rin ang lumipas bago namin napuksa ang mga Garuda na nandito. "Wala bang nasaktan sa inyo?" tanong ko sa kanila.
"Ako, nagkaroon ako ng galos sa aking balikat dahil sa talim ng kuko ng mga Garuda." sabi ni Jacko. Dahil na rin si Flavia ang babaeng may basbas ng bathala ay siya na ang naggamot kay Jacko, mas mabilis at mas epektibo ang panggagamot ni Flavia ke'sa sa mga iniinom na pampagamot.
"B-Basil, ang binti mo," wika ni Melia at napatingin ako sa aking binti. Doon ko lang napansin ang sugat dito, hindi ko man lang naramdaman ang sakit na nagmumula dito dahil namanhid na ito. Ang sugat ko sa aking binti ay nanggaling pa sa labanan namin kanina nila Tami, dahil ito sa pana ni Tami. Isang bagay na lang na ipagpapasalamat ko ay walang halong lason ang palaso na tumama sa akin.
"Ayos lang ak--"
"Hindi ka ayos!" pagpupumilit ni Melia, "Flavia, isunod mong gamutin si Basil. Basil, sa susunod ay mag-iingat ka, marami kaming umaasa sa'yo at nag-aalala sa'yo. Ayaw na namin maulit ang nangyari sa koliseo, hindi buo ang Sol Invictus kapag nawala ka."
Nabigla ako sa sinabi ni Melia, hindi ko alam na mag-aalala siya ng ganito sa akin. Iba na nga talaga ang pinagsamahan namin, mas pinapahalagahan na namin ang bawat isa sa Sol Invictus. Kahit pa ayaw sa amin ng ibang tao, wala na kaming pakialam. Basta kami ay nagkakaunawaan at nagkakaintindihan.
"Pasensya na kung pinag-aalala ko kayo. Pangako, hindi na magiging matigas ang aking ulo." ngumiti ako sa kanila at ngumiti naman sila pabalik sa akin.
Natapos ngang gamutin ni Flavia si Jacko at gaya nang napag-usapan, ginamot din ako ni Flavia. Nag-uusap ang ilan habang naghihintay sila. "Maswerte kang nandiyan si Melia sa tabi mo," mahina niyang bigkas.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Kung wala siya ay baka kung ano na ang nangyari sa'yo, ilang beses ka na rin niyang tinulungan sa panganib." natapos si Flavia sa panggagamot, napatingin ako kay Melia at ngumiti lamang ito sa akin.
Nagpatuloy na kami sa paglalakad at mas pumasok sa kailaliman ng kweba, mas marami pa kaming mga nilalang na nakalaban sa loob at sa kabutihang palad ay walang nasaktan sa amin.
Noong napagod kami lahat ay napagdesisyunan namin na magpahinga muna at matulog. Kahit pa sabihing misyon ito ay importante rin naman para sa akin ang kalagayan ng mga kasamahan ko.
Gumawa si Jacko ng sulo mula sa mga nakalap niyang kagamitan upang magamit naming liwanag sa kweba, hindi naman kasi maaaring parating gagamitin ni Lucas ang kanyang lakas para lamang magkaroon ng liwanag.
Natutulog na ang lahat at ako na ang nagprisinta na magbabantay sa kanila habang namamahinga. Hindi namin pwedeng ibaba ang aming depensa dahil nasa loob pa rin naman kami ng kweba, baka biglang may sumugod sa aming mababangis na nilalang kung kaya't kinakailangan na may isa man lang gising upang protektahan ang lahat.
"Wala kang balak matulog?" tanong ko kay Melia, inabutan niya ako ng isang mangkok na naglalaman ng sabaw. Mabuti na lamang at may dala siyang gamit at sangkap sa pagluluto kung kaya't matiwasay din kaming nakakain.
"Hindi ako inaantok," sagot niya. Umupo siya sa aking tabi at niyakap niya ang aking binti. Nakatingin lamang ang kanyang mata sa apoy. "Anong naramdaman mo kanina, Basil? Noong nakita natin muli ang mga dati nating kasamahan?" tanong niya sa akin.
Humigop ako ng sabaw. "Masaya ako na nasa maayos silang kalagayan. Lalo na si Kaia, sa totoo lang ay hindi ko naman gustong kalabanin ang kaibigan kong iyon ngunit kinakailangan dahil na rin sa misyon. Magkaiba kami nang pinaglalaban na dalawa."
"Naging malapit na magkaibigan talaga kayo ni Kaia, 'no?"
"Alam mo bang siya ang tumulong sa akin na makatakas sa kulungan? At siya ang unang tao na naniwala na wala akong kasalanan sa pagkamatay ni Alvaro, pinatakas niya rin ako nung nakita niya ako upang hindi kami mahuli ni Avery. Maraming bagay ang naitulong sa akin ni Kaia, siguro ngayon ay iniisip niya na isa akong traydor at taksil. Wala akong magagawa sa bagay na iyon, kung kinakailangan ko siyang kalabanin para sa kapakanan ng buong mundo... gagawin ko."
"Kung tutuusin ay maaari mo namang ipaliwanag sa kanila ang katotohanan, Basil."
"Para saan pa? Lalabas din naman ang katotohanan sa huli. Hindi rin naman sila maniniwala kung sabihin ko sa kanila ang totoo." mukhang nakuha ni Melia ang aking punto. Humigop muli ako ng sabaw. "Ikaw, anong naramdaman mo nung nakita mo sila?"
"Kagaya mo, masaya. Alam mo bang kanina ay pinipigilan ko lang ang sarili ko na yakapin sila nang mahigpit. Sila ang mga taong naging kasama natin sa pagsasanay, ilang hirap ang pinagdaanan natin na magkakasama kung kaya't importanteng tao rin sila sa akin." nakita ko ang ngiti sa kanyang labi habang nagkukwento.
"Pwede ka naman bumalik sa Norton, pwede ka pang mamuhay ng normal, Melia. Wala ka naman marka ng Sol Invictus at alam ng lahat ay dinukot lamang kita." sabi ko sa kanya.
"H-ha!? Anong sinasabi mo, Blade!?" mukhang nainis yata siya sa aking sinabi. "Hindi kita iiwan, nasimulan natin ang laban na ito at magkakasama natin tatapusin ito."
Napangiti ako sa kanyang sinabi. Mata sa mata kaming nagkatinginan at kahit pa ilang segundo kaming magkatitigan ay para bang nag-uusap na ang aming mata.
"Basil, kung nagkataon ba na bumalik na sa normal ang lahat... natalo na natin ang maalamat na hayop, natapos na ang paglalaho, nalinis na ang pangalan mo. Ano nang plano mo?" tanong niya sa akin. Ngayon ko lang naisip ang tungkol sa bagay na iyon.
Tumingala ako. "Uuwi ako sa amin. Yayakapin ko nang mahigpit si Parisa at tatay David. At kung mailigtas man natin ang mundo ay paniguradong bibigyan ako ng gantimpala ng palasyo... gagamitin ko ang pagkakataon na iyon upang mahuli ang pumatay kay Alvaro at mapatalsik ang mga tiwali sa gobyerno. Gagawa ako ng mundo na tahimik na mamumuhay ang mga mababang uri ng tao sa lipunan at maging mataas na uri ng tao sa lipunan."
"Napakaganda ng iyong plano,"
"Ikaw, anong plano mo kapag natapos na ang lahat?"
"Gusto kong magtayo ng paaralan... paaralan kung saan huhubugin ang kakayahan ng mga kabataan sa paggamit ng mahika. Kung saan tuturuan sila gamitin ang kanilang mga kapangyarihan sa mabuti at balang araw ay maging tagapagligtas ng mundong ito." paliwanag niya sa akin. Napangiti ako dahil nagustuhan ko ang kanyang ideya.
"Ano naman ang itatawag mo sa paaralang iyon?" tanong ko sa kanya.
"Altheria, ang paaralan para sa alkimiya." nakangiti niyang sagot sa akin.
"Nawa'y mangyari ang kanya-kanya nating hinahangad sa ating mundo." sabi ko sa kanya at inabot ko sa kanya ang isang kumot. "Matulog ka na, ipahinga mo na ang katawan mo dahil may misyon pa tayong tatapusin bukas."
Tinanggap ni Melia ang kumot at humiga sa sahig.
Lahat kami ay may kanya-kanyang pangarap para sa mundong ito at gagawin ko ang lahat upang matupad ang lahat ng iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top