Kabanata 37: Unang paghaharap

Sinong mag-aakala na muling magkukrus ang landas namin ng mga dati kong kaibigan? Ilang buwan na rin ang lumipas simula nung nagwakas ang masaya naming pagsasamahan. Ang mga tawa noon ay napalitan ng mga ngisi sa labi, ang mga matang puno nang saya ay napalitan nang nag-aapoy na galit sa isa't isa, Ang samahan na akala namin ay wala nang wakas ay heto... nais na naming bigyan ng tuldok.

Hinigit ni Tami ang kanyang pana at nagpaulan ng mga palaso, hindi ito basta-basta mga palaso ito dahil may apoy na nakabalot dito. "Sol Invictus, maghanda!" sigaw ko. Nagsabi ng enkantasyon si  Isla at sinangga ang bawat palaso na ipinaulan ni Tami.

Hinawakan ni Melia at Flavia ang kani-kanilang sandata at sumugod sa direksyon ni Gandalf na may hawak na isang malaking maso.

Ang labanan sa Sol Invictus at Ixion ay tuluyan nang nagsimula. Ang mabuti laban sa masama... ngunit sa pagkakataong ito, kami ang masama at sila ang mga bayani dahil kami ang kaaway ng gobyerno at may malaking galit sa amin ang maraming tao.

"Ako na ang bahala sa isang 'to," sabi ni Lucas habang nakatingin sa direksyon ni Kaia.

"Ako na ang bahala sa kanya." sabi ko sa kanya at hinigit ang aking Jian mula sa lalagyan nito. Kung may tao mang ayokong makalaban ay iyon ay si Kaia, hindi ko na mabilang sa daliri ko kung ilang beses akong tinulungan ni Kaia at ilang beses niyang ipinaglaban na ako ang nasa tama... pero heto ako ngayon, kinakalaban ang Ixion kung saan siya'y miyembro.

Mukhang ako talaga ang gustong kalabanin ni Kaia dahil mabilis siyang tumatakbo sa aking direksyon habang hawak-hawak niya ang kanyang espada.

Mabilis kong sinangga ang kanyang atake, matindi ang kapit ng paa ko sa lupa upang hindi ako mawalan ng balanse. Hindi ko inaasahan na lalakas ng ganito si Kaia, ginamit ko rin ang buo kong pwersa upang mapigilan siya. 

Magkasangga ang aming espada at mata sa mata naming tinignan ang isa't isa. Hinayaan ko nang labanan ng ibang miyembro ng Sol Invictus sina Tami at Gandalf, basta kami ay may sariling labanan dito ni Kaia.

Malalakas na pagsabog at halos mabalot ng apoy ang tuktok itong tuktok ng bundok Kapura dahil na rin sa paggamit ng mga mahika at sa tindi nang labanan.

Tumalon palayo si Kaia ngunit matalim niya akong tiningnan. Ngumisi ako sa kanya, ngayon, hindi na dapat ako magpakita ng awa sa kanya. Magkaibigan man kami noon pero itinadhana kami na maging magkaaway ng isa't isa. "Ikinagagalak kitang makita muli, Kaia," may ngisi sa aking labi ngunit mukhang mas nainis lang si Kaia.

"Paano mo nagagawa ngumisi ng ganyan," may kidlat na bumalot sa kanyang espada at tumatakbo sa aking direksyon, ilang beses niya akong sinubukang hiwain ngunit nagagawa ko itong maiwasan. "Ganyan ba kalaki ang galit mo kay Avery? Handa kang... sabotahihin ang aming misyon dahil lang sa galit mo sa kanya? Ang sabi ko sa'yo ay patunayan mong inosente ka Blade..."

Tumalon muli siya para lumayo at parehas kaming humihingal habang nakatingin sa isa't isa. "Hindi ko sinabing maging masama kang nilalang, pinatay mo pa ang ilang maalamat na hayop... Blade, alam mo kung gaano kahalaga ang bawat maalamat na hayop na iyon lalo na't sila ang poprotekta sa atin sa darating na paglalaho."

Hindi nawawala ang ngisi sa aking labi. "Gaano ka nakakasigurado na sila ang poprotekta sa atin?"

"Dahil iyon ang nakasaad sa propesiya!"

Napangisi na lamang ako at napayuko. Dahil sa isang propesiya? Isang propesiya na walang kasiguraduhan at nababalot ng kasinungalingan? Hindi totoong sila ang magliligtas sa amin, gustuhin ko mang sabihin iyon kay Kaia ay alam kong hindi lamang siya maniniwala dahil sa mata niya ngayon ay ako ang pinakamatinding kalaban. Kami ang kalaban ng mga bayani.

"Dahil sa propesiya," tumango-tango ako. "Tama ka, ginagawa ko ito dahil sa laki ng galit ko kay Avery. Handa akong idamay ang buong mundo na ito dahil lang sa galit ko sa kaibigan ko. Sinira niya ang pangalan ko, inagaw niya ang mga bagay na dapat sa akin, sinira niya ang maayos kong pamumuhay!" sigaw ko at sinubukan siyang atakihin.

"Wala kang pinagkaiba... kay Avery... nabulag sa kapangyarihan." hindi ko nagustuhan ang sinabi ni Kaia kung kaya't habang inaatake ko siya gamit ang aking espada ay malakas ko siyang sinipa sa tiyan dahilan upang mapahiga siya sa sahig.

Iyon na ang aking pagkakataon ngunit nung itutusok ko na ang espada sa katawan ni Kaia ay umulan ng palaso sa aking direksyon at may tumama pa sa aking kanang binti-- si Tami.

"Kaia, halika rito!" malakas niyang sigaw at mabilis na gumulong at tumakbo si Kaia tungosa direksyon ni Tami at Gandalf.

Nakatayo silang tatlo sa kabilang dulo ng bundok Kapura habang nakatayo kaming Sol Invictus sa kabilang dulo. Pare-parehas kaming naghahabol nang paghinga.

Malakas na humangin sa paligid at sumisiklab ang apoy mula sa mga puno rito.

"Dito na matatapos ang kasamaan ninyo, Sol Invictus." madiin na bigkas ni Kaia na handa niya talagang gawin ang bagay na iyon.

"Nakakatakot naman ang sinabi ng siraulo na 'yon," natatawang sabi ni Jacko kung kaya't napangisi kami.

Inikot-ikot ko ang aking balikat at binanat ang aking mga buto. Oras na para seryosohin ang laban na ito. "Papakitaan natin sila sa kung ano ang kayang gawin ng Sol Invictus? Handa na ba kayo?" tanong ko sa kanila.

"Kanina pa kami handa, panginoon! Hinihintay lamang namin ang iyon hudyat."

"Melia at Flavia. Sumugod tayo!" malakas kong sigaw sa kanila at tumakbo tungo sa direksyon nina Kaia. Tumatakbo rin sa direksyon namin sina Gandalf at Kaia habang si Tami naman ay pinaulanan kami ng palaso.

"Umiwas ka--" sisigaw dapat ako ngunit pinutol iyon ni Isla.

"Kami na ang bahala sa mga palaso!" sigaw niya at mula sa likod ay natanaw kong may sinasabing enkantasyon si Lucas at Isla kung kaya't ang bawat palaso na papalapit sa aming direksyon na tatlo ay animo'y may isang puwersa na pumipigil upang ito'y makalapit sa amin.

Noong ilang metro na lamang ang layo sa amin ni Gandalf ay malakas niyang inihampas ang hawak niyang maso sa lupa at matutulis na lupa ang umangat at tumungo sa aming direksyon. 

"Talon!" malakas kong sigaw at habang nasa ere kami ay nag-aabang na pala sa amin si Kaia at nakaamba na ang kanyang espada sa pag-atake. Mabuti na lamang at maliksi ang kilos ni Melia at napigilan niya ang atakeng iyon. 

Pagkababa ko sa lupa ay tumakbo ako patungo sa direksyon ni Gandalf, mas binilisan ko ang aking kilos at inatake siya gamit ang aking espada. "Hindi mo ako maiisahan, Blade," nakangisi sa aking sabi ni Gandalf.

"Talaga ba?" ganti ko sa kanya.

"Sa likod mo!" malakas na sigaw ni Flavia at hiniwa sa likuran si Gandalf at umagos ang masaganang likido mula rito. "Huwag ninyong binabalewala ang prisensya ko."

Nanghihina si Gandalf at nakuha no'n ang atensyon ni Tami at napatigil sa pagpana. Sa ilang segundong pagtigil niya ay naging daan iyon kay Lucas upang maisahan siya.

May isang malaking kamay ang biglang lumabas sa lupa at ikinulong si Tami dahilan para mapatigil siya sa kanyang ginagawa at imposible nang makawala siya sa mga kamay na iyon dahil hindi mapapantayan ang lakas ni Lucas pagdating sa paggamit ng mahika.

Mag-isa na lamang ngayon si Kaia dahil sugatan na rin si Gandalf at hindi niya na kayang lumaban.

Sumugod kaming tatlo nina Melia at Flavia sa kanya, sinubukan niyang sanggahin ang aming mga atake ngunit dahil nga tatlo kami at mag-isa lamang siya ay bigo siya. May mga hiwa siyang tinamo sa iba't ibang parte ng kanyang katawan.

 Nanghihina ang Ixion habang kaming Sol Invictus ay nakatayo habang nakatingin sa kanila. 

Walang makakatalo sa amin sa oras na magtulungan kami. Pinili ko maigi ang magiging miyembro ng aking grupo kung kaya't alam kong sa oras na magtulungan kami ay maging ang Ixion ay hindi kami mapapantayan.

"Masyado pa kayong mahina upang kalabanin ang aming grupo," sabi ni Jacko sa kanila. "Ha! Malalaki lang ang bibig ninyong mga Ixion na siraan kami sa iba't ibang bayan pero pagdating sa duwelo ay wala naman kayong ibinatbat!" sabi ni Jacko. Napakagat sa ibabang labi niya si Kaia at sinubukang makatayo ngunit mahina na rin talaga ang kanyang katawan at hindi niya na kakayanin na kalabanin pa kami.

"Tatapusin ko na sila." may liwanag na bumalot sa kamay ni Lucas at mukhang nagulat ang tatlo. Mabilis kong iniharang ang aking kamay kung kaya't napatigil si Lucas sa paglalakad.

Hindi pa rin naman ako ganoong kasamang tao, kaya kong kalabanin ang mga kaibigan ko ngunit hindi ko sila kayang patayin. Lalo na si Kaia, malaki ang utang na loob ko kay Kaia, siya ang rason kung bakit ako buhay pa hanggang ngayon.

Lumakad ako tungo sa direksyon ni Kaia. "Hindi mo na dapat silang patayin, huwag mong pag-aksayahan ng kapangyarihan mo ang mahihinang nilalang na ito. Ha! Simula nung nagsasanay tayo bilang kalahok ay mahihina na kayong tatlo... hanggang ngayon ba naman?"

Umupo ako upang mapantayan si Kaia na ngayo'y nakahawak sa lupa upang hindi matumba. Akmang susuntukin niya ako ngunit mabilis kong nakuha ang kanyang kamao  at pinigilan ito.

"Sabihin na natin Kaia na hindi kita papatayin bilang kabayaran sa mga nagawa mo sa akin noon. Pero sa susunod na magkita tayo ay hindi na kita kakakitaan ng kahit katiting na awa. Sana lang ay magising kayo sa katotohanan na ginagamit lang kayo ng gobyerno para sa mga kapangyarihan." sabi ko sa kanya at tumayo na ako.

Naglakad ako pabalik sa aking grupo. "Lucas, gumamit ka nang mahika upang magkaroon ng tali ang kanilang kamay at paa upang hindi sila makaalis dito sa bundok Kapura. Gamitan mo ng malakas na mahika upang mahirapan silang labanan ito."

"Masusunod." nagsimulang magbigkas ng enkantasyon si Lucas at may puting liwanag ang biglang bumalot sa kamay at paa nina Tami, Gandalf, at Kaia.

"Halika na, pumunta na tayo sa kweba..." tumingin ako sa kanilang tatlo at ngumisi. "Para patayin natin ang Bawa."

Nagpatuloy na kaming maglakad na anim patungo sa sikretong lagusan patungo sa bundok na siyang inaral ni Jacko kung saan matatagpuan. Si Jacko ang utak ng aming grupo, hindi man siya ganoon kapaki-pakinabang pagdating sa labanan ngunit malaki ang naitutulong ni Jacko upang mahanap ang lokasyon ng iba pang maalamat na hayop.

"At isa pa palang bagay, Kaia, matalik kong kaibigan--"

"Huwag mo akong matawag-tawag na kaibigan! Wala akong kaibigan na masamang tao at puro kasamaan ang ginagawa sa mundo!"sigaw niya sa akin.

"Ang Sol Invictus ang masamang grupo sa mundong ito? May masama bang gumagawa ng mabuti?" nakangisi kong sabi sa kanya. "Iparating mo kay Avery na kapag nagkaharap kaming dalawa ay hindi ko siya bibigyan ng kahit katiting na awa, iparating mo sa inyong pinuno... na lalabas mismo sa kanyang bibig ang katotohanan at sabihin mong ako ang kikitil sa kanyang buhay. Babawiin ko ang mga bagay na akin."


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top