Kabanata 36: Sa tuktok ng Kapura

Basil/Blade

Halos apat na oras din na paglalakbay ang aming ginawa bago namin narating ang bundok Kapura. Matayog at mataas ang bundok na ito. Napapalibutan ito ng matataas na puno at halos kulay luntian ang buong paligid dahil sa mga puno.

Sa mundong ito, marami ang nangangaso at kumukuha ng prutas dito sa bundok Kapura dahil na rin sa magagandang kalidad ng prutas na nakukuha dito na maaaring ibenta sa mas mataas na halaga at mga bihirang hayop na dito lamang sa bundok na ito makikita.

"Ito ang unang beses na makita ko sa malapitan ang bundok na ito. Tunay ngang mataas ito at aabutin ng ilang oras bago marating ang tuktok nito." sabi ni Flavia habang tinitignan niya ang taas ng bundok.

Inihinto ni Jacko sa sulok na bahagi ang aming bagon at isa-isa kaming bumaba. Noong pagbaba namin ng bagon ay may mga taong naglalakad pababa ngg bundok kung kaya't mabilis naming ibinalot ang kanya-kanya naming balabal. Ito ang mahirap ngayon, nakilala na kami ng mga tao at alam na nila ang mga hitsura ng Sol Invictus kung kaya't mas lalo kaming mahihirapan na gumalaw sa mundong ito.

Ngumiti sa amin ang matandang kabababa lang ng bundok at may buhat siyang isang sako na punong-puno ng prutas. "Balak ninyo bang akyatin ang bundok Kapura ngayon?" tanong niya.

Tanging tango lang ang aming sinagot at ilang segundong napahinto ang matanda dahil sa kakaiba namin ikinilos pero agad din bumalik ang ngiti sa kanyang labi. "Naku, tamang-tama lamang ang inyong pagpunta. Namumunga ngayon ang mga puno ng mansanas dito sa bundok at tunay na napakapula nito at napakasarap. Mas maibebenta ninyo siya sa mas mataas na presyo. Bilisan ninyong manguha dahil baka maunahan pa kayo ng ibang tao." mahaba niyang litana at naglakad na paalis.

Noong hindi na namin natatanaw ang mayanda maging ang kanyang mga kasama ay tinanggal na namin ang pagkakatalukbong ng balabal sa aming ulo. Nagkatinginan kami ng buong Sol Invictus at sinimulan namin ang pag-akyat sa nasabing bundok.

Pagkapasok namin sa kakahuyan sa paanan ng bundok ay wala pa kaming problema. "Sigurado ba kayo na may kuweba sa tuktok ng bundok sa bundok Kapura?" tanong ni Isla.

"Bata, wala ka bang tiwala sa pag-aaral na aming ginagawa? Tandaan mo, hindi pa ako pumapalpak sa paghahanap natin sa mga maalamat na hayop," mayabang na sabi ni Jacko at napatawa naman kami dahil ang hilig niya talagang patulan ang batang si Isla.

"Ha! Napakayabang talaga. Mas malakas naman ako sa'yo!" sagot ni Isla.

At doon na nga nagsimula muli ang pagtatalo nilang dalawa. Sanay na ako dahil ilang buwan na rin kaming magkakasama sa paglalakbay. Madalas man magtalo sina Isla at Jacko ay hindi naman nila pinababayaan ang isa't-isa lalo na kapag naiipit kami sa mga delikadong siwatsyon.

"Pagkaakyat natin dito ay liliko tayo sa kanan," walang emosyong sabi ni Lucas. Masasabi ko na sa aming grupo sa Sol Invictus, si Lucas ang pinakatahimik ngunit maaasahan sa maraming bagay. Iba rin ang taglay niyang mahika dahil ilang kalahok ang tinalo niya sa labanan sa koliseo.

Nakasunod naman kaming lahat sa kanya. Pansin ko rin na kanina pa nag-uusap si Melia at si Flavia. Mukhang mabilis silang naging magkaibigan lalo na't parehas silang babae at halos magkasing-lapit lang ang kanilang mga edad.

Si Melia ang isa sa magagaling na mandirigma na nakilala ko at ilang beses niya na rin iyong pinatunayan. Hindi niya rin ako pinababayaan kapag naiipit ako sa mga mahihirap na sitwasyon. Sa totoo nga lamang ay naaawa ako sa kanya dahil nasali pa siya sa gulong ito. Hindi siya dapat nakakatanggap ng mga panlalaitat kritisismo mula sa ibang tao dahil mabait na tao si Melia... Malayong-malayo sa ibinibintang ng lahat.

At si Flavia, ang bago naming kasamahan na kagaya naming dalawa ni Melia ay magaling rin siya sa paghawak ng espada. Isa ring kainaman kay Flavia ay siya ang babaeng may basbas ni Bathala. Ibang klase ang galing niya sa panggagamot, kaya niyang pahilumin ang mga sugat kahit gaano pa ito kalalim.

Ilang oras na kaming naglalakad at papasok na kami sa masukal na bahagi ng gubat. Papaakyat na rin kami at wala na kaming manlalakbay na nakikita.

"Maging alerto na tayo," sabi ni Jacko kung kaya't mas naging maingat ang bawat hakbang na ginagawa namin. "May mga kawal na nagbabantay mula sa Zamora. Binabantayan nila ang lugar uang masigurado na walang manlalakbay na magtatangkang umakyat sa tuktok nito."

Nagpatuloy kami sa paglalakbay ngunit mayamaya lamang ay may bumubulusong na palaso ang tumungo sa aming direksyon. "Iwas!" mabilis na nabunot ni Flavia ang kanyang Templar at sinangga ang palaso na mabilis na.lumilipad tungo sa amin.

Matapos no'n ay hindi lang isang palaso ang lumilipad tungo sa aming direksyon ngunit marami na sila.

"Idish maldifidii nal!" sigaw ni Lucas sa enkantasyon kung kaya't may malaking puting liwanag ang pumrotekta sa aming grupo.

"Jacko, hanapin mo kung nasaan ang direksyon ng mga namamana. Isla, atakihin mo ang direksyon na sasabihin ni Jacko." utos ko sa kanilang dalawa, hindi rin kasi kami makakalapit lalo na't sa pangmalapitang labanan lang kami makakalaban ng maayos.

"Sa kanang bahagi, yung ikalawang puno, mayroong dalawang namamana!" sigaw ni Jacko. Mabilis na gumawa si Isla ng tubig at bumubulusok itong tumungo sa direksyon ng kalaban.

Dalawang namamana ang tumumba at bumagsak ang katawan sa lupa.

"Hindi tayo matatapos nito Basil kung magtatago lang tayo sa puting liwanag na ito," ngumisi si Melia sa akin at binunot ang kanyang Xiphos.

Tumakbo si Melia palabas ng puting liwanag at sumugod sa direksyon ng mga namamana. Ilang beses ko siyang tinawag ngunit desidido siyang mapatumba ang aming nga kalaban.

"Tama siya, hindi tayo matatapos kung magtatago lang tayo rito." sabi sin ni Flavia at tumakbo rin palabas ng puting liwanag.

Napabitaw ako ng malalim na buntong hininga at hinugot ang aking Jian mula sa lalagyan nito. "Nawala sa isip ko na puro pasaway ang miyembro ng Sol Invictus." bigkas ko at umalis na rin sa ginawang liwanag ni Lucas.

"Lucas gumamit ka ng apoy na enkantasyon upang mapabagsak ang mga kalaban sa paligid!" huling utos ko kay Lucas at ibinaling na ang atensyon ko sa mga namamana.

Iniiwasan ko lang ang kanilang palaso hanggang sa may nakita akong dalawang namamana sa itaas ng puno. "katapusan ninyo na." bigkas ko, mabilis akong bumwelo at tumalong nang pagkataas-taas upang maabot sila.

Mukhang nagulat silang dalawa sa nangyari dahil sa isang iglap ay nasa harap na nila ako. Mabilis kong sinipa ang isa pababa ng puno habang ang isa ay bumunot ng patalim, akmang sasaksakin niya ako ngunit mabilis akong nakaiwas at gamit ang aking Jian ay hiniwa siya sa tiyan dahilan para bumagsak ang katawan niya sa lupa.

Natapos namin silang kalabanin at sumalubong sa aming ang labing dalawang walang malay na mamamana.

Itinali sila ni Jacko sa puno, wala naman kaming pinatay sa kanila ngunut karamihan sa kanila ay maraming tinamo na malalalim na sugat.

"Ang Sol Invictus!" pilit kumakawala ang isa sa kanila habang masama kaming tinitingnan, walang emosyon ko siyang tinitigan. Oo nga pala, sa mata ng ibang tao ay kami ang pinakamasamang nilalang sa mundong ito. Maraming salamat na rin kay Avery dahil doon. "Bakit kayo nandito? Nandito ba kayo para patayin ang Bawa?" tanong niya.

"E'di ibig sabihin, tama kami. Nandito nga ang Bawa," nakangising sabi ni Jacko at napatigil sa pagsasalita ang namamana.  "Kung nandito man kami para patayin ang Bawa, wala ka na roon. Sa totoo nga lang, ikaw nga ay walang nagawa, eh."

"Itigil niny--" mukhang hindi sanay si Flavia na inaangasan namin ang mga tauhan ng gobyerno. Ganito na talaga kami, nasanay na kami na maging matigas at walang puso sa harap ng ibang tao dahil sa samu't saring masasakit na salita na narinig namin mula sa kanila. Mabuti't hinawakan si Flavia ni Melia kung kaya't napatigil ito sa kanyang sinasabi.

"Ganyan ba talaga kayo kasamang Sol Invictus?! Nanaisin ninyo na masira ang ating mundo?! Alam naman ninyo na tanging ang pitong maalamat na hayop lamang ang magliligtas sa atin sa oaglalaho tapos ay isa-isa ninyo pa silang pinapatay!" nakita ko ang panginginig ng isang mamamana ngunit nabilib ako sa tapang niya upang sabihin sa amin ang bagay na iyon.

Naglakad ako patungo sa kanilang direksyon at napatigil silang lahat at napatiklop. Umupo ako upang pumantay sa kanila dahil nakaupo silang nakatali. "Oo, ganito kaming kasama na Sol Invictus. Mas pipiliin naming mamatay tayong lahat ke'sa mabuhay sa lugar na ito kung saan hindi patas ang hustisya, punong-puno ng korapsyon sa gobyerno, naghihirap ang mga mahihirap, at mga matataas na tao na inaabuso ang kanilang mga kapangyarihan. Kayo, masaya ba kayo sa ganitong klaseng pamumuhay na tuta kayo ng gobyerno?"

Natahimik sila sa aking sinabi. "Kung magkataon man na may makakita sa inyo rito. Ipakalat ninyo ang balita sa buong mundo na papatayin ng Sol Invictus ang mga maalamat na hayop at ipakalat ninyo kung gaano kami kasamang tao. Tutal sa ganyan naman kayo magaling, sa paninirang puri sa ibang tao." bigkas ko at tumayo.

Naglakad na kami at nagpatuloy sa aming paglalakbay paakyat sa bundok Kapura. "Bakit mo sinabi ang mga bagay na iyon?" tanong ni Flavia. Para siyang si Melia noong una namin itong nakasama.

"Unang-una, masama na ang tingin sa atin ng ibang tao. Kahit anong eksplenasyon ang gawin natin ay hindi na sila maniniwala na mabuti ang intensyon natin. Wala nang tao ang maniniwala sa Sol Invuctus dahil sa mga kasinungalingang ipinakalat ng Ixion. Pangalawa, ililigtas natin ang mundong ito nang walang tulong ng ibang tao. Hindi natin kailangan ang simpatya nila." paliwanag ko at nauna na akong maglakad sa kanila.

Naging matigas ang puso ko pagdating sa ibang tao dahil... Kinailangan ko. Ayoko rin naman na habangbuhay akong kriminal sa mata ng iba ngunit hangga't hindi nalilinis ang pangalan ko, kriminal ako sa mata nila. Mas mabuti pang panindigan ko na lang ang mga ibinabatong salita nila.

Sa mundong ito, ako ang pinaka kalaban. Ako ang kalaban ng mga bayani, at ako ang masamang tao na bumuo sa masamang organisasyon na Sol Invictus.

Habang umaakyat kami saa tuktok ng bundok ay kataka-takang wala na kaming nakasalubong na kahit anong kawal mula sa Zamora.

"Maging alerto kayo, masama ang pakiramdam ko sa nangyayari." bigkas kobat lumingon-lingon sila sa buong paligid upang bantayan ang isa't isa, maingat din ang aming mga hakbang upang masigurado ang kaligtasan namin.

Pagkarating namin sa tuktok ng bundok ay may palakpak kami na narinig kung kaya't nabaling doon ang atensyon namin. "Magaling-magaling, sabi na nga ba't may tiyansa na dito tumungo ang Sol Invictus."

Nakita ko sina Tami at Gandalf, nakangisi habang nakatingin sa amin. Sa isang gilid ay namilog ang aking mata nung makita rin si Kaia. Bakit siya nandito?

"Muli rin tayong nagkita, kaibigan," sabi ni Gandalf. "Ngunit bago kayo makapunta sa lokasyon ng Bawa ay dadaan muna kayo sa aming mga bangkay at babawiin namin si Melia na pinipilit mo na gumawa ng masasamang bagay!"

Ha? Kailan ko pa pinilit si Melia na sumama sa akin? Baka isa na naman ito sa mga kasinungalingan na ginawa ni Avery para mas lalong sumama ang tingin sa akin ng ibang tao.

Umayos sila ng posisyon at binunot ang kani-kanilang mga sandata.

"Sigurado ba kayo na gusto ninyong kalabanin ang Sol Invictus?" nakangisi kong tanong sa kanila.

"Sigurado ka rin ba na matatalo mo kaming Ixion?" sagot niya sa akin at mata sa matang tumingin sa akin habang may ngisi sa kanyang labi.

Ilang beses ako tinulungan ni Kaia para mabuhay pero heto ako ngayon sa kanyang harap. Ako na ang pinakamatinding kalaban nila, siguro sa isip ni Kaia ay daoat hindi niya na ako hinayaang mabuhay lalo na't ako ang sumisira sa misyon ng Ixion na protektaha ang mga maaalamat na hayop.

Ngayon, nagkrus ang landas naming dalawa ni Kaia... Hindi na kami magkalapit na magkaibigan bagkus ay mortal nang magkaaway.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top