Kabanata 31: Lucas laban kay Zardo

Kabanata 31: Ang huling raun

Ngayon na ang huling araw nang labanan sa koliseo, mas maraming tao ang nanunuod sa pagkakataong ito at may mga dayo pa mula sa iba't-ibang panig ng mundong ito. Lahat sila ay hinihintay kung sino nga ba ang mananalo sa labanang ito. Apat na matitibay na kalahok ang natitira sa kumpetisyon at sa kanilang apat ay tatanghalin kung sino ang panalo.

Wala namang pakialam ang aming grupo sa kung sino ang dapat manalo, ang mahalaga sa amin ay magawa naming protektahan ang buhay ni Flavia na nanganganib ngayong araw. Kung maaari ay maaya sana namin siya na umanib sa aming Sol Invictus.

Isa pa sigurong dahilan kung bakit ang daming manunuod ngayong araw ay dahil nandito ang Ixion. "Maghaharap-harap na naman tayo," sabi sa akin ni Melia habang naglalakad kami patungo sa koliseo. "Akalain mo 'yon, dati ay magkakasama tayo at pare-parehas tayong naghahangad ng kapayapaan... pero ngayon, magkakalaban na tayo."

"Parehas lang naghahangad ng kapayapaan ang Ixion at Sol Invictus. Magkaiba lang ang ating paniniwala. Sila, naniniwala sila na dapat protektahan ang mga maalamat na hayop samantalang tayo ay naniniwala na dapat silang mawala bago dumating ang paglalaho." paliwanag ko sa kanya.

Pagkarating namin sa koliseo ay may kanya-kanyang silid na nakatalaga sa apat na mandirigma upang makapagpahinga at makundisyon ang kanilang mga katawan. Kasama kami ni Lucas sa kanyang silid. Hindi ko naman nakikitaan ng kahit anong kaba si Lucas bagkus ay wala pa ring pinapakitang kahit anong ekspresyon ang kanyang mukha.

"Tandaan mo Lucas, kailangan mo lang matalo si Zardo at makalaban si Flavia. Matapos no'n ay ayos na." bilin ko sa kanya at tumango siya sa akin. "Hindi magiging madali na kalaban si Zardo at kung hindi mo man siya magawang matalo ay mag-iisip tay--"

"Kaya ko." Nag-unat ng paa si Lucas. "Madali lang para sa akin na matalo siya."

Nagkatinginan kami nila Melia at napangiti na lamang sa inasta ni Lucas. Mukhang may sapat siyang lakas ng loob para makaabot sa huling raun.

Lumabas ako ng kwarto at saktong kakalabas lang din ni Flavia sa kanyang kwarto at nagkatinginan kaming dalawa, hinawi niya ang kanyang buhok bago ako lagpasan. 

"Sinasabi ko sa 'yo, Flavia. Tinatangka ka nilang patayin ngayong araw." napahinto siya sa paglalakad.

"Kung akala mo ay masisindak mo ako sa mga sinasabi mo. Nagkakamali ka, hindi ako naniniwala na may gustong pumatay sa akin at kung mayroon man. Kaya kong harapin ang kamatayan." wika niya at pinagpatuloy ang kanyang paglalakad.

Ngumisi na lang ako at hinintay sina Isla na makalabas ng silid.

Agad kaming naglakad patungo sa koliseo at gaya nang aking inaasahan, kumpara sa mga dating laban ay mas puno ang koliseo ngayon. Mukhang lahat sila ay nais malaman at masaksihan kung sino ang tatanghalin n apinakamalakas na mandirigma sa labanang ito.

Umupo kami sa aming puwesto at napapalingon ang ilang tao sa aming direksyon dahil kasama namin si Lucas-- isa sa mga matitibay na kalahok na natitira sa labanan.

"Mukhang lahat ay gusto nang malaman kung sino ang mananalo sa labanang ito!" malakas na sigaw ng taga-anunsyo at mas lalong lumakas ang sigawan ng mga tao. "Hindi lang ang mga mandirigma ang nandito ngayong araw na ito sa koliseo. Nandito rin ang miyembro ng Ixion upang tunghayan ang magaganap na labanan sa pagitan ng mga kalahok! Hindi ba't isang espesyal na araw ito para sa atin lalo na't nagbigay ng oras ang mga bayani ng ating mundo para rito,"

"Hindi ko na patatagalin pa! Inaanyayahan ko rito sa emtablado ang pitong miyembro ng Ixion! Avery, Kaia, Sabrina, Gandalf, Moses, Tami, at Rufus!"

Umakyat sa entablado ang dati naming mga kasama. Sa unang pagkakataon, nakita kong kumpleto ang Ixion. Napakuyon ako ng aking kamao pero nabigla ako nung hinawakan ni Melia ang aking kamay.

"Ikalma mo ang iyong sarili. Huwag dito, Basil, huwag dito." umiling-iling pa si Melia. Naiitindihan ko naman siya, masyadong maraming tao ang nandito at mapapahamak kung sakaling harapin namin ang Ixion.

Mukhang ang daming panahon ng Ixion para magsaya at lumahok pa sa ganitong klaseng labanan. Wala ba silang mga maalamat na hayop na pinoprotektahan? Kapag nakarating sa Norton na hindi nila ginagampanan maigi ang kanilang misyon ay paniguradong mapapagalitan sila.

"Isang magandang pagbati para sa mga taong nandito ngayon," nakangiting sabi ni Avery. Ang mapanlinlang niyang ngiti. "Nandito kaming Ixion ngayon upang masaksihan ang magaganap na labanan sa pagitan ng mga malalakas na mandirigma. Isa ring dahilan kung bakit kami nandito ay gusto namin kayong bigyang babala sa Sol Invictus na gumagala ngayon sa ating mundo at nagpapalaganap ng kasamaan."

"Heto na naman tayo, pinapasama na naman nila ang ating grupo." napangisi ako sa sinabi ni Jacko. "Akala mo naman talaga ay napakabayani at punong-puno nang dangal ang kanilang grupo. Ilang beses na namin kayong nautakan mga hangal."

"Gusto naming kayo na bigyan ng babala na mag-ingat sa mga taong may ganitong marka," gumamit si Sabrina ng mahika at may apoy sa ere na ginuhit ang aming marka. "Ang markang iyan ay katibayan na miyembro sila ng masamang grupo na Sol Invictus. Hanggang ngayon ay bihag pa rin ng kanilang grupo si Melia na anak ni Adara, patuloy nilang pinahihirapan ang dalaga at giangamit sa kasamaan ang kanyang lakas."

"Isang sinungaling." kita ko ang galit sa mata ni Melia.

Sinong hindi magagalit kay Avery? Ang hilig niyang sabihan kami ng masama. Kung tutuusin, kung may tao mang masama ay siya 'yon, idiniin niya ako sa kaso na hindi ko naman talaga ginawa. Ipinapamukha niya sa buong mundo na kalaban kami at sila ang mga mababait dahil sila ang bayani.

Nagtuloy-tuloy pa ang talumpati ni Avery na hindi ko na gaano binigyan ng pansin dahil parang siya lang ang kanyang mga sinasabi... Walang kwenta.

"...iyon lamang at nawa'y masiyahan tayo sa araw na ito." huli niyang sabi bago sila naglakad pababa ng entablado.

"Ixion! Ixion! Ixion!" malakas na sigaw ng mga tao na animo'y isang santo ang kanilang grupo na dapat sambahin.

"Hindi na rin natin patatagalin ang mga palabok sa palabas na uto at dadako na tayo sa tunay na labanan! Sisimulan na natin ang laban sa pagitan ni Zardo at Lucas."

Umakyat sa entablado ang dalawang mandirigma.

Nagsimula ang tensyon sa pagitan ni Zardo at Lucas, may sinabing enkantsyon si Lucas at nabalot ng luntiang dahon ang buo niyang katawan at ilang segundo lamang ay may suot na siyang kalasag na kulay luntian at kumikinang ito at tanda na isa itong matibay na kalasag. Mayroon din siyang hawak na espada na nakapagpamangha sa amin.

Sa tagal naming kasama si Lucas, ngayon ko lang siyang nakita na ginagamit ang buong kapangyarihan niya sa kanyang pakikipaglaban, siguro ay kilala namin siya bilang kalmadong binata.

Si Zardo ay nakatayo lamang pero mayamaya ay nagliwanag ang kanyang kamay at isang baras ang lumabas mula sa kanyang kamay. Nagsigawan ang mga tao dahil sa pangyayari, nagpapainit pa lamang sila ng kanilang magiging laban ngunit ramdam ko na ang tensyon sa pagitan nilang dalawa.

Alam kong hindi basta-basta kalaban si Zardo ngunit malaki ang tiwala ko kay Lucas na magagawa niyang makapasok hanggang  sa huling raun, kailangan niyang makalaban si Flavia upang maisagawa namin ng maayos ang aming plano.

"Simulan na!" malakas na sigaw nang taga-anunsyo, sa isang iglap ay nawala si Lucas sa kanyang kinatatayuan at napunta sa isang gilid.

"Kiranann du ya!" Bigkas ni Lucas sa enkantasyon at maya-maya lamang ay nagkaroon ng mga tinik sa ere at sa isang pitik niya ng kanyang daliri ay sumugod ito sa direksyon ni Zardo.

"Idish maldifidii nal!" Nabalot ng puting liwanag si Zardo dahil sa kanyang enkantasyon na sinabi. "Puch kyrnawi utzilah igira sula!"  Umangat ang lupa na kinatatayuan ni Lucas at mabuti na lamang at maagap si Lucas, nakatalon siya agad.

Habang nasa ere si Lucas ay nagsabi siya ng enkantasyon. Hindi na ito labanan ng isang mandirigma, labanan na ito kung sino nga ba ang magaling na mahikero sa pagitan nilang dalawa."Tasarak igira kiranann hakon!" Biglang may mga ugat na kumapit sa paa ni Zardo na umaakyat patungo sa kanyang mukha.

"Puch pakliol du ne pakliol!"  nabalot ng apoy ang matanda at naglaho ang mga ugat na nakakapit sa kanya. 

Nakababa si Lucas sa kabilang panig ng entablado at parehas silang humihingal. Malakas na nagsigawan ang mga tao dahil sa kaganapan, marami ang sumusuporta kay Lucas at marami ring sumusuporta kay Zardo. Sa buong labanan na naganap sa koliseo ay ito na ang pinakamaganda na napanuod ko. Maging ako ay napapakapit sa upuan ko dahil sa pangyayari.

"Iyon lang ba ang kaya mo, bata?" may ngiti sa mukha ni Zardo habang si Lucas ay nakangisi. Nakikitaan ko lamang ng ekspresyon ang mukha ni Lucas kapag natutuwa siya sa nangyayaring labanan at sa kasong ito, natutuwa siyang kalaban si Zardo.

Napatingin ako sa mga Ixion at tahimik lamang silang nanunuod. Pinapanuod nila ang nangyayaring labanan maigi. Pero sa mukha ni Kaia at Sabrina ay bakas ang kagalakan, halatang naaaliw silang dalawa sa nangyayaring labanan. Kahit ako rin naman ay natutuwa, ibinabalik ako nito sa dati naming alaala nung magkakasama kaming magsanay bilang kalahok ng Ixion.

Kung ako ang lumalaban sa entablado ngayon ay baka natalo na ako. Una, wala akong gaanong alam na malalakas na enkantasyon na papantay sa lakas nitong dalawa. Pangalawa, hindi ko alam kung sasapat ba ang magi na dumadaloy sa aking katawan para makipagsabayan sa kanila. Kaya kong lumaban gamit ang pisikal na katawan pero hindi ko kayang makipaglaban na puro mahika ang ginagamit.

"Ith nal maldifidii!" Sa sinabing iyon ni Zardo ay malakas na umalog ang lupa, napakapit ang lahat sa kanilang kinauupuan at nagbabaksakan din ang ilang mga poste rito sa koliseo.

Gumalaw ang lupa sa gilid ng entablado at nagdidikit silang lahat, akala ko ay gagawa lamang si Zardo ng isang malaking bola na gawa sa lupa ngunit gumawa siya ng isang malaking tao na gawa sa lupa. 

"Hindi ito simpleng mahika, ang mahikang ito... kay ina ko lamang nakikita ang ganitong klaseng mahika!" maging si Melia ay hindi maiwasang mamangha sa mga nangyayari.

Tunay ngang maraming malalakas na mandirigma sa labas ng Norton kagaya nang sinabi sa akin ni Alvaro. Hindi lang ang mga kalahok ng Ixion ang mga malalakas na mandirigma sa mundong ito. Marami, silang dalawa ang patunay dito at maging ang mga kasamahan ko sa Sol Invictus.

Gumalaw ang malaking taong gawa sa lupa at sumugod sa direksyon ni Lucas. 

"Idish maldifidii nal!" Kagaya kanina, nabalot ng puting liwanag si Lucas upang masangga ang ginawang pagsuntok sa kanya nung malaking tao pero hinddi sapat iyon, tumilansiksi Lukas palabas ng entablado. 

Akala ko ay aapak ang kanyang pa sa lupa ngunit pagkatama ng kanyang likod sa pader ay buong pwersa siyang sumipa upang makabalik sa loob ng entablado na mas lalong nakapagpasigaw sa mga taong nanunuod. Sa oras kasi na umapak sa ibaba ng entablado ay talo ka na kung kaya't maging ako ay namamangha sa pinapakita ni Lucas

Sumugod siya sa malaking tao na ginawa ni Zardo at gamit ang kanyang luntiang espada ay hiniwa niya ang braso nito at bumagsak ang braso nito sa entablado.

Ang bilis ng kilos ni Lucas na animo'y nililipad lang siya ng hangin. Mabibilis ang ginagawa niyang pag-atake para mapuksa ang malaking tao.

Bumagsak ang malaking tao sa sahig ng entablado.

Puro sugat man ang katawan ni Lucas ay nagawa niya pa ring makatayo at tumingin kay Zardo. "Tapos ka na, tanda? Ako naman, ha." Umayos ng tindig si Lucas at bakas ang kaba sa mukha ni Zardo, napahigpit din ako ng kapit sa aking upuan. Bakit ganoon? Nakatayo lamang si Lucas ngunit ramdam ko ang enerhiyang bumabalot sa kanyang katawan. Isang enerhiya na handang kumawala mula sa kanyang katawan. "Marunong kang gumamit ng enkantasyon, tanda. Pero hindi ka magaling." Hindi nawawala ang ngisi sa mukha ni Lucas.

Nagliwanag ang kamay ni Lucas at ang kaninang hawak niyang espada at napalitan ng isang baras. Hindi ko maiwasang mamangha sa ganitong klaseng labanan, hindi sila gumagamit ng mga pisikal na atake sa isa't-isa bagkus ay puro mahika lamang.

"Tsaran tangus hakon!" Isang malaking bolang tubig ang biglang nalikha sa gitna ng entablado.

"Jistrah soth kini!"  Nabigla ako nung nagkaroon ng apoy sa loob ng bolang tubig.

"A ith locitum boli!" Ang huli ay nabalot ito ng kidlat, pinaliit  ni Lucas ang bolang tubig na ito na kasing laki lamang ng isang bola.

"Melia, Isla, gumawa kayo ng enkantasyon na magsasangga sa atin. Ngayon na!" Utos ko... ang enerhiyang iyon. Ngayon lang ako nakakita nang ganitong klaseng mahika na kung saan napagsama-sama ang kidlat, apoy at tubig.

"Idish maldifidii nal!" Nabalot kami ng puting liwanag. Napatingin ako sa ixion at ganoon din ang kanilang ginawa, inasahan na nila na lilikha ang atake na ito ng isang malakas na pagsabog.

Ipinitik ni Lucas ang kanyang daliri at bumubulusok na sa direksyon ni Zardo ang mahikang bola na iyon. Akmang tatalong si Zardo. "Tasarak igira kiranann hakon!" Sa pagbigkas ni Lucas nang isa pang enkantasyon ay may mga ugat na kumapit sa paa ni Zardo kung kaya't wala siyang kawala sa atakeng iyon.

Isang malakas na pagsabog ang nangibabaw sa buong paligid. Napapatakip din ako ng mata dahil na rin sa mga debris na nililipad ng hangin. Napakalakas ng pwersang ito. Hindi ko inasahan na may kasama ako sa Sol Invictus na ganito kalakas gumamit ng kapangyarihan, ngayon lang kasi ipinakita ni Lucas ang buong lakas niya sa amin.

Sa sobrang lakas ng pagsabog ay bumagsak ang ilang poste at pundasyon ng koliseo.

Napapikit kami at ilang segundo ang tinagal ng pagsabog at malakas na hangin na dulot nito. Dahan-dahan kong iminukat ang aking mata at nababalutan ng makapal na usok ang entablado. Tahimik ang lahat at wala kaming ibang ingay na naririnig kun'di ang pagbagsak ng mga debris at paglagablab ng apoy.

Walang nakakasigurado kung buhay pa nga ba si Zardo dahil sa sobrang lakas nang atake na ginawa ni Lucas.

Unti-unting nawala ang usok na bumabalot at nakita namin ang isang pigura na nasa entablado-- si Lucas. Napatingin kami sa direksyon ni Zardo, buhay siya at nababalutan ng puting enerhiya ang buong katawan... Kaso nga lang ay nakaapak na ang dalawang paa niya sa lapag at wala na siya sa entablado.

"Ang nanalo sa labanang ito, si Lucas. Siya ang mandirigmang aabanse sa susunod na raun at huling laban!"

Tunay na hindi kami binigo ni Lucas. Ngayon, ang kailangan ko na lang gawin ay maisagawa ng maayos ang aking plano.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top