Kabanata 3: Ang pagtataksil

Tumakbo kami ni Avery papasok sa isang bahay na gawa sa tisa. Malaki ang bahay na ito ay simbolo ito na isang mayamang tao ang nakatira rito. Hindi nakakandado ang pinto kung kaya't basta-basta kaming pumasok na dalawa rito. 

"Maghanda ka," utos ko kay Avery habang dinukot ang aming kampilan sa lalagyan nito. Umiikot ang aking paningin sa buong lugar at hindi ko hinahayaang bumaba ang aking depensa. Pagkaakyat namin sa ikalawang palapag ay doon na ako nagimbal sa aking nakita. Ang daming bahid ng dugo ang kremang kulay nitong pader. ang sahig man nito ay madaming tulo ng pulang likido. 

Napatakbo ako at sinundan kung saan nanggagaling ang mga dugong iyon, pagkabukas ko ng isang kwarto ay doon tumambad sa akin ang isang walang buhay na katawan ni Alvaro. Halos nanginig ang aking katawan nung makita siyang nakahandusay sa sahig.

Nabitawan ko ang kampilan na aking hawak at tumakbo tungo sa direksyon ni Alvaro. Yumakap ako dito, maging ang damit kong suot ay nabahiran ng dugo sa aking ginawa. "Alvaro! Alvaro gumising ka!" Sigaw ko rito.

Sa lahat nang nagtuturo sa amin, si Alvaro ang pinakamalapit sa amin. Siya ang taong una pa lang ay naniwala na sa kakayahan ko. Siya yung tao na unang nagiging masaya kapag may magandang bagay akong nagawa. Siya ang unang-unang tao na naniwala na makakapasok ako sa Ixion.

Napaiyak ako at sinubukan siyang gisingin, pinulsuhan ko siya ngunit tunay na wala na itong buhay. "Avery! Avery! Tumawag ka ng mga guwardiya, sabihin mo ang nangyari. Siguro ay hindi pa nakakalayo ang taong gumawa nito sa kanya." Utos ko sa aking kaibigan. Hindi ko iiwan si Alvaro rito.

"S-sige, maghintay ka lang diyan." Sabi sa akin ni Avery at tumakbo na siya paalis.

Napahagulgol ako nang iyak habang pinagmamasdan ang bangkay ni Alvaro.

Ilang minuto na ang lumilipas ngunit hindi pa rin bumabalik si Avery at doon na ako nagtaka. Patayo na sana ako upang iwasan si Alvaro ngunit may apat na guwardiya ang pumasok sa silid.

"Dakpin siya!" Malakas na sigaw nung guwardiya at tumakbo ang dalawang guwardiya sa aking direksyon at pinosasan ako. "Isa siyang taksil ng bayan na nagawang pataying ang isang mataas na opisyal!"

"T-teka! Wala akong kasalanan dito! Hindi ako ang pumatay kay Alvaro!" Sigaw ko sa kanilang lahat ngunit sarado ang kanilang tenga, pinosasan niya ako at inilabas sa silid. Hila-hila nila akong apat habang lumalabas. "Wala akong kasalanan! Alam ni Avery na wala akong kasalanan! Kahit si Alvaro, alam niyang wala akong ginagawang masama!" Sigaw ko sa kanila. Hindi ako manlalaban sa kanil dahil alam kong malinis ang konsensya ko. Alam kong wala akong kasalanan.

Pagkalabas namin sa tahanan ni ginoong Alvaro ay inilakad nila ako sabuong Norton.

Maraming tao ang napapatingin sa aking direksyon, lahat sila ay napapatigil sa kanilang ginagawa nung makita nila ako, gabi man pero buhay na buhay pa rin ang siyudad.

"Itong tao na 'to ay gumawa ng isang malaking kasalanan! Siya ang pumatay sa dating miyembro ng Ixion na si ginoong Alvaro! Pinatay niya ang isang mataas na opisyal ng ating bayan!" Sigaw nung guwardiya na nangunguna.

"T-teka! Wala akong kasalanan! Nadatnan ko na lang na walang buhay ang katawan ni Alvaro ro'n! Pakawalan ninyo ako dahil malinis ang konsensya ko!" Sigaw ko pero hindi nila ako pinakinggan. Nasaan ba si Avery? Siya lang ang taong makakapagpatunay na inosente ako, siya lang ang taong makakalinis ng aking pangalan.

"Ang mga ganyang klaseng tao ay hindi dapat maging miyembro ng Ixion."

"Matapos ang ginawang pagsasanay sa kanya ni ginoong Alvaro ay kikitilin niya lang ang buhay nito? Walang utang na loob, hindi siya sinanay ni Alvaro upang patayin niya lamang."

Masasakit na salita, iyan ang natatanggap ko sa buong paglalakad namin. Sa mata ng mga taga-Norton ay ako na ang pinakamasamang tao. Sa pagkakataong ito ay sinubukan kong magpumiglas pero nahawakan ako muli ng dalawang guwardiya. "Wala akong kasalanan! Hindi porke't nadatnan ninyo ako doon ay ako na ang may gumawa no'n!" Malakas kong sigaw.

Patuloy lang kami sa paglalakad habang isinisigaw na isa akong mamamatay tao. Isinisigaw nila na isa akong salot sa lipunan. 

Sa pagkakataong ito ay nadaan kami sa tindahan ni tatay David at nakita ko silang nakatayong dalawa ni Parisa. Nakatingin sila sa akin at para bang nagtataka na nakita nila ako sa ganoong sitwasyon. Akmang tatakbo ako sa kanilang direksyon ngunit pinigilan ako ng dalawang guwardiya. "Tatay, Parisa, wala akong kasalanan. Inosente ako." Sabi ko sa kanila at naluluha na ako. 

Kung may tao man na ayokong magalit sa akin ay iyon ay si tatay David, Parisa, at Avery. Sila ang pamilya ko. Sila ang mga taong gusto kong protektahan.

"Ang taong ito! ang pumatay sa pinuno ng ating sandatahan na si Alvaro. Gusto kong makita ninyo ang mukha ng kriminal na ito!" Sigaw nung guwardiya.

Akmang susugurin ko na siya ngunit pinigilan ako ng mga kasamahan nito. "Sinabing hindi ako ang may gawa no'n!" Sigaw ko sa kanya.

Napatingin ako kanila tatay David at Parisa, parehas silang napapailing at mukhang nalungkot sa kanilang narinig.

Nanginginig ang ibabang labi ko dahil sa galit. 

"WALA AKONG KASALANAN!"

***

Pagkabalik namin sa palasyo ay inilagay nila ako sa isang kwarto na nahaharangan ng bakal na rehas. "Maniwala kayo sa akin, wala akong ginagawa na masama!" Sigaw ko sa kanila ngunit tila ba hindi nila naririnig ang mga salitang binibitawan ko. Bakit ba ang hirap nilang paniwalain na hindi ako ang may gawa no'n? Nagkataon lang na nakita nila ako na nakayakap kay Alvaro at puno ng dugo ang aking damit.

Umupo ako sa sahig at napakagat sa ibabang labi ko, nalasahan ko na lamang ang lasang kalawang sa aking bibig. Dumudugo na pala ang labi ko dahil sa diin ng aking pagkakagat. "Wala akong kasalanan!" Muli kong sigaw at sinuntok ang pader.

Ilang minuto ang lumipas ay tumatakbo sa direksyon ko si Kaia. "Kaia! Kaia!" Tawag ko rito at lumapit ako kaso nga lang ay may rehas na nakaharang sa pagitan namin.

"Nakarating na sa amin ang balita tungkol sa nangyari kung kaya't tumakbo agad ako rito para tingnan ang kalagayan mo," sabi ng aking kaibigan.

"Wala akong kasalanan, Kaia. Hindi ko magagawang saktang si ginoong Alvaro, hindi ko siya magagawang patayin!" Naiinis kong paliwanag habang naluluha. Pakiramdam ko kasi ay wala akong kalaban-laban sa pagkakataong ito at kalaban ko ang buong bayan ng Norton.

"Naniniwala ako sa'yo, Blade. Narinig ko na magkakaroon daw nang paghuhukom bukas ng ala-una. Malilinis mo ang pangalan mo, Blade. May saksi ka ba na hindi nga ikaw ang may gawa no'n?" Tanong sa akin ni Kaia.

"S-si Avery! Nandoon siya, nakita niya ang buong pangyayari. Kasama ko siya nung makita naming wala ng buhay si Alvaro at nakahiga sa sahig." Paliwanag ko kay Kaia. Nanginginig ang kamay ko dahil sa hapis na aking nararamdaman.

"Pwedeng maging saksi si Avery, magkapatid ang turingan ninyo sa isa't-isa. Alam kong hindi ka niya pababayaan. Bukas na bukas din ay malilinis ang pangalan mo," nakangiting sabi sa akin ni Kaia. "Kaibigan, naniniwala ako sa'yo," sabi ni Kaia at pinagbangga naming dalawa ang aming kamao. "Lalabas din ang katotohanan bukas."

Kinabukasan, inilabas muli ako sa kulungan at may posas na mahigpit na nakalagay sa dalawa kong kamay. May isang pabigat na bolang bakal din ang nakakabit sa aking paa kung kaya't hirap din ako sa paglalakad. Naglalakad kami patungo sa koliseo kung saan gaganapin ang paglilitis.

Isang paglilitis sa harap ng mamamayan ng buong Norton kasama na rin ang hari at mga dugong bughaw. Ganito ang klase na nagaganap na paglilitis kapag may isang importanteng tao sa lipunan ang pinatay. Importanteng tao si ginoong Alvaro dahil siya ay itinuturing bayani sa lugar namin dahil na rin ilang beses niya ng pinrotektahan ang Norton dahil sa pagiging Ixion niya.

Alam ni ginoong Alvaro ang totoo. Alam niya kung gaano ko kamahal ang bayang ito, alam niyang hindi ko magagawang pumatay na taong nakatira sa Norton. 

Pagkapasok namin sa koliseo ay madaming sigawan ang aking naririnig, may mga tao ring nagbabato sa akin ng bato. May tumama sa aking noo at nagsimula itong dumugo. 

"Salot ka sa lipunang ito!"

"Mamamatay tao!"

"Kamatayan ang nababagay na parusa sa iyo!"

"Hindi ako mamamatay tao!" Hindi ko na maiwasang sagutin sila dahil sa inis, nalulungkot ako sa mga nangyayari. Hindi ako ang may gawa nang pagpatay. Alam ni Alvaro 'yan at mas lalong alam ni avery ito.

Sinimulan ang paghuhukom. "Totoo bang pinatay mo si Alvaro?" Diretsong tanong ni ginoong Gustavio na siyang punonghukom sa paglilitis na ito.

"Hindi!" Mabilis kong pagtatanggol sa aking sarili. "Kailanman ay hindi ko magagawang patayin si Alvaro!" Sabi ko at malakas na naghiyawan ang mga tao at sinasabing sinungaling daw ako. Dapat ay niresolba na lang ang kasong ito ng pribado, ang daming tao na nakikisawsaw na hindi naman kasali.

"Ngunit nakita ka ng mga guwardiya na sinasakal si Alvaro at puno ng dugoa ng iyong damit," nabigla ako sa sinabi ni Gustavio.

"Isang kasinungalingan! Kaya ako nandoon ay dahil hinihintay ko ang pagbalik ni Avery, nakita naming dalawa na wala ng buhay si ginoong Alvaro. Hindi ko iniwan si ginoong Alvaro hanggang sa huling sandali, hindi ako ang pumatay! At patungkol sa pagsakal? Isang kalokohan! Walang nangyaring ganoon!" Mabilis kong tanggol sa aking sarili, hindi ako makapaniwala na gagawa nang kwento ang mga guwardiyang iyon upang mas madiin ako sa kaso.

Kapag nakita ko ulit sila ay susuntukin ko ang kanilang mga mukha hanggang sa hindi na sila makilala.

"Totoo ba iyon, Avery?" Tanong ni Gustavio kay Avery na nakaupo kasama ang ibang kalahok sa pagiging Ixion.

Napangiti ako nung tinanong niya si Avery. Sa wakas ay malilinis na rin ang pangalan ko dahil alam kong alam ni Avery ang totoong nangyari.

"Nagsisinungaling ang nasasakdal, punonghukom." Parang huminto ang aking mundo sa sinabing iyon ni Avery. Bakit? Bakit idinidiin niya ako sa kasong ito, alam naming dalawa ang totoong nangyari.

"Hindi totoo 'yan!" Susugurin ko na dapat si Avery ngunit hinawakan ako ng dalawang guwardiya, sinipa nila ang aking tuhod dahilan para mapaluhod ako. "Nagsisinungaling ka! Magsabi ka ng totoo, Avery!" Sigaw ko.

"Hindi kami magkasama nung mangyari ang krimeng iyon, alam ng mga kasama kong kalahok na nagkaroon kami nang pagtatalo ni Blade kung kaya't hindi ko siya magagawang kausapin nung araw na iyon." Diretsong sabi ni Avery. Nagsisinungaling ka! Nagsisinungaling ka! Hindi ko inaasahan na isang tao na itinuring kong pamilya ay gagawa ng kwento upang ako'y lalong mas mapahamak.

Sumigaw ang tao sa paligid at binato ulit ako ng kung ano-anong bagay. "Magsitahimik!" Suway ni Gustavio.

"Hindi totoo 'yan! Alam mo ang totoong nangyari, Avery, nagmamakaawa ako sa'yo, sabihin mo ang totoo." Sabi ko sa kanya at naiyak na ako.

Bakit parang kalaban ko ngayon ang buong bayan na nais kong protektahan? Bakit ginagago ako ng mga taong itinuring kong pamilya?

Naglakad pababa si Avery at umakyat sa entablado ng koliseo. May malaking ngisi sa kanyang mukha. "Aminin mo na, Blade, simula nung makapasok tayo bilang kalahok sa Ixion ay sinasabi mo nang gusto mong makapaghiganti sa ginawang pagpapahiya sa'yo ni Alvaro sa liwasan. Parati kang nagkukwento sa akin na malaki ang galit mo sa kanya.

"HINDI TOTOO 'YAN!!" Galit na galit na ako sa pagkakataong ito lalo na't puro kasinungalingan na ang lumalabas sa bibig ni Avery. Nanginginig ang labi ko. "Alam mo ang katotohanan, Avery. Alam mong simula bata pa lamang tayo ay hinahangaan ko na si Alvaro, alam mong siya ang naging inspirasyon ko para makapasok sa Ixion. Alam mo ang totoong pangarap ko para kay tatay at para sa bayan. MAGSABI KA NG TOTOO!"

"Iyon ang katotohanan, Blade," ngumisi sa akin si Avery. Bakit? Bakit siya ganito? "Ikaw ang pumatay kay Alvaro dahil sa matinding galit mo sa kanya.

Pinagmasdan ko ang mga taong nanunuod sa koliseo at ang galit sa kanilang mga mukha, ang dismayadong mukha ng mga kasama kong kalahok sa Ixion, at ang mas lalong nakapagpadismaya sa akin ay ang bigong mukha nina tatay David at Parisa.

Natahimik na ako, wala ng luha, wala na ring salita ang lumalabas sa aking bibig. Ngayong araw ay tinalikuran ako ng mga taong nais kong protektahan. Wala na akong pakialam sa mga mangyayari sa akin. Para na rin nila akong pinatay lahat dahil sa panloloko nila.

Nagpatuloy ang paghuhukom at hindi na ako nagsalita. Bahala na sila sa kung anong sasabihin nila, wala na akong lakas na ipagtanggol ang sarili ko lalo na't wala namang naniniwala sa akin.

"Ikaw, Blade Wardoff ay hinahatulan ng kamatayan dahil sa pagtataksil sa bayan." Sabi ni Haring Proto.

Sumigaw ang buong Norton na para bang nagsasaya sa naging desisyon.

Dito sa kwentong ito, naging bida ang kaibigan kong si Avery at ako ang naging kalaban ng sambayanan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top