Kabanata 25: Pagsali sa labanan
Kabanata 25: Pagsali sa labanan
Sa wakas, nakarating na rin kami sa bayan ng Zamora. Masasabi kong napakaunlad ng bayan na ito at buhay na buhay ang kalakalan sa lugar, mahigpit din ang seguridad, at marami ring magagandang tanawin na tanging sa bayan lang na ito makikita. Isa sa mga dinadayo sa lugar na ito ay ang kanilang Koliseo, ang mga labanang nagaganap doon ng mga gladyador at malalakas na mandirigma. Sampung taon na ang nakalilipas magmula nung sinimulan nila ang ganoong klaseng palabas ngunit hanggang ngayon ay tinatangkilik pa rin ito ng napakaraming tao.
Sa ilang araw naming paglalakbay patungo rito ay marami kaming bundok at gubat na tinawid. Marami kaming mga sangkap na nakuha sa paggawa ng mga inuming gamot at armas. Marami rin akong natutunan sa mga maliliit na bayan na nadaanan namin patungo dito sa Zamora at may ilan din kaming impormasyon na nakalap patungkol sa mga maalamat na hayop at maging sa mandirigmang maaari sumali sa labanan dito sa Koliseo.
"Pwede kong bilihin ang lahat ng halaman na gamot na iyan, sa halagang isang daang pilak," sabi nang mangangalakal na aking kausap habang pinagmamasdan ang mga halamang gamot. Mabuti na lang at iba ang aming hitsura sa tulong na rin ni Lucas kung kaya't madali lang kaming nakapasok sa bayan at walang mga taong nakakakilala na miyembro kami ng Sol Invictus.
"Isang daang pilak? Iyan lamang ba ang kaya mong ialok?" mukhang nagulat ang aking kausap na mangangalakal sa aking sinabi. "Matataas ang kalidad ng mga halamang gamot na iyan! Ang kung gagawin mo siyang inuming gamot ay maaari mi itong maibenta sa mas mahal na halaga." pangungumbinsi ko.
Isa sa mga bagay na natutunan ko sa tagal kong naglalakbay... Maging mautak. May ilang mga mangangalakal ang susubukan kang utakan pero kailangan ay magaling ka sa pakikipagtalastasan at pangungumbinsi.
"Mababa pa ba para sa 'yo ang isang daang pilak? Sa ganoong halaga ay marami ka nang mabibili na nga gamit," hindi nawawala ang ngiti sa kanyang labi.
Kinuha ko ang mga halamang gamot na nakapatong sa kanyang lamesa. "Hindi ko na lamang sa 'yo ibebenta ang mga ito. Mas mataas ang presyo na inaalok ng mangangalakal na napagtanungan ko kanina. Siguro'y sa kanya ko na lang ito ipagbibili."
"S-sandali lang," napangisi ako sa biglaan niyang pagpigil sa akin. Gawa-gawa ko lang na may unang mangangalakal akong napagtanungan dahil sa kanya ko naman talaga ito unang ipinagbili. "Isang daan at limampung pilak." sa sinabing iyon ng mangangalakal ay napabalik ako sa aking kinauupuan at muling inilapag ang mga halamang gamot.
Ibinigay niya sa akin ang pilak kapalit ang mga halamang gamot. Natapos ang aming diskusyon na may ngiti sa aking labi. Ang mga kinikita kong ginto at pilak ay minsan ay ginagamit ko para mapambili ng mga bagong armas at kasuotan o kaya naman ay pinampapagawa ko ng aming karwahe upang manatili ang maayos na kundisyon nito.
"Panginoon!" tumatakbo patungo sa aking direksyon si Isla habang nakasunod sa kanya si Melia.
"Nakita na namin ang koliseo, panginoon. Lubhang malaki nga ito gaya nang aking mga naririnig sa mga manlalakbay. Marami rin kaming nakitang malalakas na mandirigma na maaari nating isali sa Sol--"
"Isla." pagputol ko sa kanyang sinasabi. Siguro ay nagalak lamang siya sa kanyang mga nakita at nasaksihan pero nakakatakot pa rin na madulas siya at masabi niya na miyembro kami ng Sol Invictus. Masyadong maraming malalakas na mandirigma ang nandito sa bayan ng Zamora at mahihirapan kaming makalabas dito kung sakaling kami ay mabuko.
"Pasensya na." malungkot ang kanyang boses pero mabilis naman na pinalubag ni Melia ang kanyang loob at ipinaliwanag kay Isla ng mabuti ang masamang bagay na muntik niyang magawa.
Kahit pa sabihin natin na malakas at magaling si Isla sa pakikipaglaban, hindi pa rin maipagkakaila na isa lamang siyang pitong taong gulang na bata. Mabilis pa rin siyang matuwa sa mga bagay-bagay.
Naglakad kaming tatlo patungo sa Koliseo pero bago iyon ay dinaanan muna namin si Jacko at Lucas sa silid-aklatan ng bayang ito. Marami ring napagkakasunduan ang dalawang ito lalo na't parehas nilang mahal ang karunungan. Gustong-gusto nilang may nadidiskubre na mga bagong bagay o kaya naman ay manaliksik patugkol sa ginagawa naming paglalakbay at patungkol sa maalamat na hayop.
Ipinapaliwanag sa akin ni Jacko ang kanilang natuklasan patungkol sa labanan sa Koliseo, hindi naman din madalas magsalita si Lucas at madalas ay walang pinapakitang ekspresyon ang kanyang mukha.
"Nagsimula ang labanang ito sampung taon na ang nakakaraan upang malaman kung sino nga ba ang pinakamalakas na mandirigma sa mundong ito. Dinadayo pa ito ng mga malalakas na mandirigma para lamang sumali sa labanan. Sa nagaganap na labanan, minsan ay buhay pa ng isang mnadirigma ang nagiging kapalit ara sa isang magandang palabas," sobrang tuwang-tuwa si Jacko habang nagkukwento at nakikinig lamang kami sa kanya. Naglalakad na kaming lima patungkol sa Koliseo dahil sabi ni Jaco ay hanggang bukas na lang ang rehistrasyon para makasali sa labanan.
"Ang maaaring mapanalunan ng pinakamalakas na gladyador ay sampung ginto at isang excalibur," nabigla ako sa premyo lalo na sa excalibur. Isa sa pinakamataas na uri ng espada ang excalibur dahil na rin sa mga materyales na ginamit para magawa ito.
Minsan na ako nakahawak ng excalibur nung nagsasanay pa lamang kami na mapabilang sa Ixion, ipinahawak sa akin iyon ni Alvaro. Hindi ganoon kabigat ng excalibur at napakatalim ng gilid nito, makitang din ito at makikita mo ang sarili mong repleksyon sa espada.
"Hindi lang isang pamarikit o pangyabang ang espadang ito, Blade. Tanging ang malalakas at mga bihasang mandirigma lamang ang makakagamit ng excalibur ng maayos. Kahit gaano kagaan ang espadang ito ay kinakailangan ng matinding kontrol upang magamit ito ng maayos."
Naalala ko bigla ang mga sinabi sa akin ni Alvaro patungkol sa espada.
"Maraming labanan ang bubuo bago ka manalo sa kumpetisyon na ito at maaaring tumagal ito ng isang linggo. Magkakaroon ng dalawang eliminasyon na raun ang patimpalak kung saan kung sino ang mananalo ay siyang makakapasok sa laro bago ang pangwakas na laban... Sa huling laban ay paniguradong dadagsain ito ng maraming tao lalo na't ginagamit din itong tiyansa ng mga grupo ng manlalakbay upang makakuha ng mga bagong kasama... Katulad nang ating ginagawa." dugtong pa ni Jacko.
Nakarating kami sa koliseo at pumasok sa loob. Sa pagpasok namin sa koliseo ay mamamangha ka sa lawak at garbo ng disenyo ng bulwagang ito.
May ilang mandirigma ang napapatingin sa aming direksyon. May ilang natatawa dahil na rin sa aming pisikal na anyo. Hindi rin nakapambalat-kayo sina Lucas, Isla, at Jacko dahil hindi rin naman sila kilala ng Ixion.
Naglakad kaming lima patungo sa opisyal nang paligsahan. "Maganda tanghali sa inyo mga manlalakbay, anong maipaglilingkod ko sa inyo? Ibig ninyo bang pumusta para sa magaganap na labanan?" tanong nung babae, sa labanan kasi ay maaari kang pumusta sa kung sino ang tingin mong mananalo sa labanan. Kapag tama ang iyong hula ay maaaring dumoble ang pilak na iyong itinaya.
"Ibig sumali ng ilan naming kasamahan sa labanan" sabi ko sa kanya na ikinagulat ng opisyal dahil na rin ang babata pa namin. Karamihan kasi ng mga mandirigma na narito ay lubhang marami nang labanan ang pinagdaanan at ilang taon na talaga silang nagsasanay.
Narinig ko pa ang pagtawa ng ilang mandirigmang nandito sa bulwagan na para bang tinatanggap lamang nila na isang malaking biro ang aking sinabi.
May naglakad patungo sa aking diresyon na isang lalaki na balot na balot ng kalasag ng kanyang katawan. Mas malaki rin siya sa akin at malki rin ang kanyang katawan. "Ikaw, sasali? Huwag ka na magpatawa bata! Hindi lang isang laro--"
Inipon ko ang buo kong lakas sa kanan kong kamao at malakas kong sinuntok ang kanyang tiyan. Nayupi ang kanyang suot na kalasag. Mukhang hindi niya inasahan ang aking ginawa. Napaluhod siya sa sahig at naglaway dahil sa nangyari, hirap din siya makahinga kung kaya't tinulungan na siya nang ilang nandito. Narinig ko pa ang pagsinghap ng mga taong nandito dahil sa bayolenteng ikinilos ko.
"Malaki lang ang katawan mo, mahina ka," nakangisi kong sabi sa kanya. Hindi pa rin siya makagalaw dahil nahihirapan pa rin siyang huminga. "Pasalamat ka na lang at hindi ako ang sasali sa labanang ito, kaya kitang mapatay sa bugbog."
Muling bumalik ang tingin ko sa opisyal at bakas sa mukha niya ang pagkagulat. "Pasensya na sa gulong nangyari, may mga kasamahan akong sasali sa labanan. Saan kami maaaring maglista ng pangalan?" tanong ko sa kanya.
Nagmadali na kumuha ng papel ang babae na dapat sagutan. Kumuha ako ng dalawa at iniabot kay Isla at Lucas. "Kayong dalawa ang napili ko na sumali sa labanang ito." sabi ko.
"Si Isla? Masyadong bata pa si Isla para sa labanang ito!" mabilis na tutol ni Melia. "Hindi ako makakapayag sa nais mo."
Umupo ako upang mapantayan ang batang si Isla. "Isla, gusto mo ba sumali sa labanan?" tanong ko.
"Gusto ko, panginoon! Gustong-gusto ko!" galak na galak niyang sabi. Tumingin siya kay Melia. "Ate, ayos lang po ako. Gusto ko ring masubok ang lakas ng mga mandirigmang sumali rito sa labanang ito." hindi nawawala ang ngiti kay Isla.
Wala na rin nagawa si Melia dahil si Isla na rin ang may gusto. Umupo kami sa isang sulok upang maayos na makapagsagot sina Lucas at Isla. "Bakit silang dalawa lang ang pinasali mo, Basil?" tanong ni Melia.
"Hindi tayo pwedeng sumali lahat, tayong tatlo ang mag-oobserba sa ibang kalahok ng kumpetisyon na ito. Tandaan ninyo, hindi tayo sumali rito par sa premyo. Hindi natin hangad na manalo. Sumali tyo rito upang makahanap ng bagong makakasama na magiging isang malaking tulong sa ating grupo." paliwanag ko sa kanila at mukhang naintindihan nila ang nais kong ipunto.
Ilang minuto ang lumipas bago natapos ang pagsagot nina Isla at Lucas. Ipinaliwanag din ng babae na bukas nang hapon ay magsisimula na ang eliminasyon na raun ng kumpetisyon kung kaya't pinaghahanda na sina Lucas at Isla. Mabuti na lamang at walang ispesipikong edad na pinipili ang kumpetisyon na ito kung kaya't nakapasok si Isla... Sa bagay, para sa isang palabas ay ayos lang sa kanila na magsali ng bata, sila naman ang kikita at makikinabang dito.
Habang may ipinapaliwanag ang isang opisyal ay may narinig ako sa ilang mandirigma na nag-uusap.
"Balita ko ay sumali rin sa labanang ito si Flavia. Malaki ang tiyansa na manalo siya sa kumpetisyo na ito, hindi basta-basta ang lakas ng taong iyon..."
Flavia, ha. Mukhang kailangan kong bantayan at matiyagan ang taong iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top