Kabanata 23: Ang paghahalughog
Kabanata 23
Kinagabihan ay bumalik na ako sa bahay-panuluyan kung saan kami mananatili. Sa pagbebenta ko kanina ng ilang mga gamit ay kumita rin ako ng maraming pilak at ginto na magagamit namin para sa aming paglalakbay.
Sa iisang malaking kwarto na kami nanatiling lima upang mas maging tipid na rin sa bayad at mapag-usapan na rin namin ang susunod naming magiging hakbang matapos naming mapatay ang Minokawa.
Natapos na namin ang dapat naming gawin sa bayang ito, nakakuha na kami ng ilang impormasyon mula sa mga taong naninirahan sa lugar at nakabili na kami ng mga bagong kagamitan na magagamit namin sa paglalakbay. Ang swerte na nga lang namin dahil nagkrus muli ang landas namin nila Avery, nakita ko nang harap-harapan ang ginagawa niyang panloloko sa mga tao. Hindi pa rin siya nagbabago, handa pa rin siya manira ng ibang tao para lamang patuloy siyang mapuri at magmukhang bayani.
"Ginabi ka yata masyado," sabi sa akin ni Melia. Umupo ako sa aking kama at minasahe ang sarili kong braso. "Lucas, maaari mo na kaming ibalik sa tunay naming hitsura upang makapagpahinga ka na rin." sabi niya sa aming kasamahan.
Unti-unti kaming bumalik sa normal naming anyo dahil na rin sa enkantasyon ni Lucas.
"Nagkausap kami kanina," napatingin sila sa akin dahil nahalata nila ang matindi kong inis at galit. "Kinausap niya ako na para bang siya ang pinakamabait sa mundong ito. Sa totoo lamang ay mas masama pa siya sa isang demonyo."
"Anong ginawa mo, Panginoon?" tanong sa akin ni Isla.
"Wala, iyon ang mas nakakainis. Nasa harap ko na siya ngunit hindi ko man lang siyang nagawang sumbatan o suntukin." kinailangan kong magtimpi para sa aming misyon, kailangan ko munang iligtas ang mundong ito sa nalalapit na paglalaho bago ko harapin ang sarili kong problema. Hindi ko rin ipapahamak ang buong Sol Invictus dahil lamang sa aking kapabayaan.
"Hindi ka dapat mainis. Pinatunayan mo lang na hindi mo ipapahamak ang buong grupo nang dahil lang nakaharap mo si Avery. May tamang panahon ang lahat ng bagay, Basil." sabi ni Melia sa akin.
"At isa pa, hindi rin maganda na gumawa ka nang gulo sa loob ng bayang ito dahil buong sambayanan ang makakalaban natin. Alam naman nating lahat na bayani ang turing nila sa Ixion samantalang isang salot ang tingin nila sa Sol Invictus." dugtong pa ni Jacko.
Saglit akong kumuha ng aking pantulog na damit at tumungo sa banyo upang maligo.
Matapos kong maligo ay tinipon ko na sila upang mapag-usapan namin ang aming magiging sunod na hakbang. May lima pang maalamat na hayop na dapat naming pagtuunan ng pansin at ilang buwan na lang ang mayroon kami upang maiwasan ang paglalaho.
"Ngayon ay may lima pa tayong maalamat na hayop na dapat pagtuunan ng pansin. Ang Sawa, Arimoanga, Bawa, Laho, at Tambakanawa. Sa limang iyon ay ang sawa ang pinakamalapit sa ating lokasyon," paliwanag ni Jacko sa amin. Si Jacko ang parang nagsisilbing utak ng grupong ito dahil sa dami ng impormasyon na kanyang nalalaman.
"Pero iyon din ang pinakadelikadong puntahan lalo na't maaaring doon tumungo ang Ixion dahil alam nilang iyon ang isa sa pinakamalapit sa bayan ng Mitra." paliwanag naman ni Melia at nakukuha ko ang kanilang punto.
Hindi kami maaaring tumungo ngayon sa lokasyon ng sawa dahil na rin malaki ang tiyansa na maharang kami ng Ixion. Mas lalong hindi rin namin maaaring puntahan ang Arimoanga, hindi ko pa kakayanin na bumalik sa bayan ng Norton. Hindi ko pa kayang balikan ang lupa kung saan ako hinusgahan at pinagbintangan na isang mamamatay tao.
"May alam ka ba na lokasyon ng ibang maalamat na hayop, Jacko?" tanong ko sa kanya habang nakatingin ako sa mapa na nakalatag sa lamesa.
"Wala naman tayong kongkretong impormasyon patungkol sa mga lokasyon ng maalamat na hayop. Pero sinasabi ng ilan na naninirahan ang bawa sa kweba sa itaas ng bundok Habin." kwento ni Jacko sa amin.
"May tao." napatigil ang aming pag-uusap nung biglang magslita si Lucas. "may mga tao sa baba na naghahanap sa inyo." dugtong niya pa.
Natahimik kami sa buong silid upang malaman kung totoo nga ba ang sinasabi ni Lucas at doon nga namin ito nakumpirma, may mga guwardiya at kawal sa baba.
"Halughugin ninyo ang buong lugar! Maaaring nananatili sa lugar na ito ang Sol Invictus!" boses ni Avery ang nangibabaw sa ibaba. Hinahanap niya kami dahil alam niyang may tiyansa na nananatili kami sa isang bahay-panuluyan.
"Itago ninyo ang mapa at lagyan ninyo ng bandana ang inyong marka," utos ko na mabilis namn nilang ginawa. Bumaling ang tingin ko kay Lucas. "Lucas, baguhin mo muli ang aming hitsura upang hindi tayo makilala ng ixion."
Mabilis na nagsabi ng enkantasyon si Lucas at kasabay nang pagbukas ng pinto ay ang pagbabago ng aming hitsura kung kaya't hindi nila kami nakilala. Dalawang kawal ang pumasok sa aming silid kasama si Tami.
"M-may problema ba kayo?" natatakot na sabi ni Melia at niyakap si Isla. Ang galing niyang umarte upang hindi mahalata na kami ang Sol Invictus. Malaking tulong din s grupo si Lucas dahil sa kanyang kakayahan, hindi isang maling desisyon na isama siya sa misyong ito kahit pa minsan lang magpakita ng emosyon ang kanyang mukha. "Tinatakot ninyo ang bata sa inyong ginagawa."
Tumayo ako at lumapit kay Tami. Ganoon pa rin ang kanyang hitsura, hindi ganoon kalaki ang pinagbago niya. "M-may maipaglilingkod po ba kami? May mali po ba kaming nagawa?" tanong ko.
"Halughugin ninyo ang buong lugar!" sigaw ni Tami at ginawa naman ito ng dalawang kawal dahil binuksan nila aparador at tinanggal ang aming mga damit na para bang isa lang basura ito para sa kanila.
Mabuti na lamang at iniwan namin ang iba naming mahahalagang gamit sa karwahe kung kaya't wala sila masyadong makikita rito.
"T-teka anong ginagawa ninyo?!" sigaw ni Jacko at pinulot niya ang mga kinakalat na gamit. "Mali itong ginagawa ninyo! Tinatapakan ninyo ang aming pananahimik at pagiging pribado bilang tao."
Itinaas ni Tami ang isang sulat. "Ito ang katibayan na may pahintulot kami ng palasyo na gawin ito upang mahanap ang Sol Invictus. May reklamo ka pa ba?" inis lang na napakagat sa ibabang labi niya si Jacko at hindi na nagsalita.
Nakakatawang isipin na sa isang sulat lang ay gagambalain ka na ng mga taong may kapangyarihan. Ang masama pa, yung iba ay pinagbibintangan na lamang nila sa kasalanang hindi naman nila ginawa lalo na kapag wala na silang maituro na mapagbibintangan. Ganyan kagulo ang hustisya sa mundong ito.
Hinayaan namin sila na maghalughog sa aming kwarto dahil kampante ako na wala naman silang makikita.
"Tapos na kayo?" tanong ko habang hindi ko inaalis ang tingin ko kay Tami. Matalino ka nga Tami, pero masasabi ko na isa ka ring tanga lalo na't hindi mo kami nakilala. Nandito ang kalaban mo, harap-harapan kang nililinlang pero hindi mo kami makilala. "Hindi namin itatago ang Sol Invictus na inyong sinasabi. Bakit namin tutulungan ang masamang grupo na iyon lalo na't kalaban sila ng gobyerno."
"Mangangalakal lamang kami na naglalakbay sa iba't ibang panig ng mundo." dugtong a ni Melia. "Sana ay pahintulutan ninyo na kaming magpahinga lalo na't may bata kaming kasama. Huwag ninyo namang takutin ang bata."
"Wala kaming nakitang kahina-hinala, pinunong Tami." wika nung isang kawal.
"Siguraduhin ninyo lang na hindi kayo nakikipagtulungan sa Sol Invictus, malaking kaparusahan ang naghihintay sa inyo kung sakali mang mahuli kayo na mayroon na kahit anong koneksyon sa masamang grupo na iyon," banta sa amin ni Tami at naglakad na siya paalis, kasunod niya ang dalawang kawal at iniwan ang magulong kalagayan sa aming silid.
"Bwisit." inis akong umupo sa aking kama. Paano hindi sasama ang tingin ng ibang tao sa Sol Invictus, pinangangalandakan ng Ixion na kami ang pinakamasamang grupo sa mundong ito at kalaban kami ng lahat ng bayani.
Noong masiguro namin na wala na ang Ixion at mga kawal ay doon lang ibinalik ni Lucas sa normal ang aming mga hitsura. "Mabuti at hindi niya tayo nakilala, Panginoon. Hindi ko gusto ang ugali ng lalaking iyon, halatang arogante. Kung makautos ay akala mo na napakataas nang katungkulan niya sa mundong ito."
"Mataas naman talaga ang kalagayan niy sa mundong ito. Isa siya sa mga bayani, lahat sila ay nirerespeto siya." si Melia na ang sumagot sa kanyang tanong at bumaling ang tingin sa akin ang kanyang tingin. "Ano na ang iyong plano, Basil? Ano na ang susunod nating hakbang?"
"Sa ngayon ay magpahinga muna tayo. Palipasin muna natin ang gabing ito para maipahinga natin ang ating katawan. Hindi rin muna tayo aalis sa bayang ito bukas upang mas maipahinga ang ating katawan. Paniguradong magbabantay ng Ixion sa lahat ng lagusan papalabas sa bayang ito upang tingnan ang lahat ng mga manlalakbay na aalis," paliwanag ko sa kanila at napatango-tango naman sila bilang pagsang-ayon sa akin.
"At isa pa, hindi pa ganoon naghihilom ang mg sugat natin. Manatili muna tayo sa bayang ito upang mangalap pa ng ilang impormasyon." dugtong ko pa.
"Pero sa paglabas natin sa bayang ito, ano na ang plano natin?" tanong ni Jacko sa akin. "Saan tayo tutungo?"
"Tutungo tayo sa lokasyon ng Bawa." napatango-tango silang apat sa akin.
Hindi ko hahayaan na masira ng Ixion ang lahat ng aking mga plano.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top