Kabanata 22: Ang pagtatagpo
Hindi kami ganoon nahirapan sa pagpasok sa bayan ng Mitra lalo na't iba ang aming anyo. Mabuti na lamang talaga at nandito si Lucas, naging madali ang lahat para sa amin. Ininspeksyon lamang ng mga kawal ang laman ng aming karwahe bago kami tuluyang pinapasok sa kanilang bayan.
Masasabi kong maunlad din naman anh bayan ng Mitra, marami ring mangangalakal at manlalakbay sa paligid. Masagana rin ang bentahan ng bigas at palay sa kanilang bayan lalo na't ito ang numero uno nilang produkto. Maraming mga bayan ang umaangkat pa sa kanila ng bigas dahil sa magandang kalidad nito.
"Tandaan ninyo ito, maaari kayong mag-ikot pero huwag ninyong ipapakita ang mga marka sa inyong katawan. Maliwanag ba?" bilin ko kanila Isla at mabilis silang tumango-tango. Mukhang kanina pa taalga nila gustong mag-ikot-ikot sa bayan.
"Opo, panginoon!" tumakbo na sila palayo.
Ang gagawin ko ngayon ay kakalap ng impormasyon sa kung ano na ang nangyayari sa Ixion. Kailangan kong malaman ang ginagawa ng aking kalaban. Kakalap na rin ako ng impormasyon tungkol sa iba pang maalamat na hayop.
Limang hayop na lang ang kailangan naming patayin at paniguradong magiging ligtas ang aming mundo sa darating na paglalaho. Wala akong pakialam kung ako pa ang maging pinakamasamang tao sa mata ng mga tao sa mundong ito, basta ba ay gagawin ko ang bagay na tama.
"Saan ka pupunta?" tanong sa akin ni Melia, hindi pala siya sumunod kanila Isla.
"Pupunta ako sa taberna para mangalap ng impormasyon," sagot ko sa kanya. "Mag-ikot ka na lang din sa bayan kung gusto mo."
"Sasama 'ko sa'yo," sagot ni Melia at sinabayan niya ako sa paglalakad. "Tandaan mo, Basil, hindi mo ako tauhan dahil hindi rin naman ako miyembro ng Sol invictus,"
"Pero sumasama ka pa rin sa amin," nakatingin lang ako sa aming nilalakaran.
"Dahil gusto ko ang bagay na inyong pinaglalaban."
"Bahala ka."
Nakarating kaming dalawa sa taberna, may mga mang-aawit na kumaknata ng malalamig na tugtugin na nasa entablado. Maingay ang lugar dahil na rin puro manlalakbay ang nandito at umiinom ng mga alak. Lahat ay nagkakasiyahan.
Kung isa kang manlalakbay, sa lugar na itp magandang magpalitan ng impormasyon dahil na rin makakausap mo silang lahat. Umupo ako sa bangko sa tapat ng gumagawa nung alak. "Isang alak."
Umupo si Melia sa tabi ko. "Gawin mo nang dalawa." habol niya na siya naman nutong ginawa. Nilapagan niya kami ng dalawang alak. Tumingin ako kay Melia at tumingin din siya pabalik sa akin. "Umiinom ako, minsan ay nagpupuslit si Sabrina ng alak nung kalahok pa lamang tayo sa Ixion." Mahina niyang paliwanag sa akin.
Nakatahimik lamang kaming dalawa at nakikinig sa pag-uusap na ginagawa ng ibang manlalakbay.
"Nabalitaan ninyo ba na pati ang Minokawa ay nagawa nang patayin ng Sol Invictus?" Sabi nung isa na nakaupo sa 'di kalayuan. Napangisi ako sa aking narinig. Tunay ngang sumisikat ang Sol Invictus sa mundong ito.
"Talagang gusto nilang mamatay tayong lahat sa pagdating nang paglalaho. Pero nasaan nga ba ang Ixion? Bakit wala silang ginagawa para protektahan ang maaalamat na hayop? Hindi ba't gampanin nila ito?" Tanong naman ng isa pa.
Walang magagawa ang Ixion, sinisigurado ko ito. Natutuwa rin ako sa pagpatay sa mga maalamat na hayop. Bukod sa nagagawa ko na ang aking misyon, alam kong naiinis ko pa ang Ixion lalo na't hindi sumasang-ayon sa mga plano nila ang nangyayari.
"Balita ko ay nasa bayan natin ngayon ang ilang miyembro ng Ixion," napahigpit ang hawak ko sa baso ng alak at tinungga ito. Ibig sabihin ay nandito rin sila. "Nasa palasyo sila, kausap ang hari ng ating bayan. Mukhang hinahanap na nila ang Sol Invictus, kumikilos na sila para madakip sila." Sabi nung isa.
"Pakiramdam ko rin ay nasa bayan natin ang Sol Invictus lalo na't malapit lang ito sa gubat Alfus. Pero maaari rin namang hindi dahil kilalang grupo ang Sol Invictus, hindi sila papapasukin sa bayang ito na basta-basta." Mali kayo, kanina pa kami nandito at nagmamasid-masid sa paligid. Malaking tulong din talaga ang kakayahan ni Lucas sa grupo namin dahil hindi kami madaling nakikilala ng mga tao sa paligid.
Inubos ko na ang alak na aking iniinom at naglakad palabas ng taberna. Si Melia naman ay naglapag ng ilang pilak sa lamesa bago sumunod sa akin.
Naglalakad kaming dalawa ngayon patungo sa liwasan ng bayan. "Anong binabalak mo ngayon, lalo na't nalaman mong nandito ang Ixion?" tanong niya na hindi ko binigyang pansin. Alam nilang lahat kung gaano kalaki ang galit ko sa grupong iyon. Ang pagiging kalahok sa Ixion ang sumira sa pangalan at pangarap ko.
"Wala. Bukas na bukas din ay aalis tayo sa lugar na ito para hanapin pa ang ibang natitirang maalamat na hayop." Sabi ko kay Melia.
Pagdating namin sa liwasan ay maraming tao kaming nakita. Naalala ko bigla ang pangyayari noon, halos ganito rin ang nangyari nung pumunta si Alvaro sa lugar namin at pinili ako bilang kalahok ng Ixion. Sa totoo lamang ay malaki ang ambag ni Alvaro kung bakit gusto kong maging Ixion pero ngayon... Ako pa ang nadidiin sa kanyang pagkamatay.
Sa entablado ng liwasan ay nakatayo ang tatlong miyembro ng Ixion. Nandito ngayon sa bayan ng Mitra si Tami, Rufus, at si Avery. Ang tagal ko ring hindi nakita ang lalaking ito. Ang mukha niya ang perpektong halimbawa ng isang manlolokong tao.
Napakuyom ang aking kamao. Ang mga kalasag na kanyang suot, ang papuri niyang natatanggap... Hindi siya karapat-dapat sa mga 'yon.
"Kung sino man ang nakakita sa taksil ng bayan na si Blade o kahit sino sa Sol Invictus ay mabilis ninyong ipaalam sa amin!" Sigaw ni Avery, nakatingin lang ako sa kanya at kung paano siya hangaan ng ibang tao. "Ang mga taksil na taong iyon ay papatay sa atin sa pagdating nang paglalaho. Hawak din nila si Melia na siyang anak ni Adara. Ang mga katulad nila ay dapat ikinukulong at nagdudusa sa ilalim ng batas."
"Huwag ninyong hayaan na mangyari sa Mitra ang nangyari sa Galanos. Sinira nila ang bayang iyon aksabay ng pagpatay kay Bakunawa." Sigaw naman ni Rufus.
"Puro kasinungalingan ang sinasabi nila tungkol sa akin." Sabi ko sa aking sarili. Akmang lalakad na ako tungo sa kanila ngunit may mga kamay na pumigil sa akin. Tumingin ako kay Melia at iniling-iling niya ang kanyang ulo.
"Hindi ito ang tamang oras at panahon para kalabanin sila, Basil." Paalala niya sa akin sa mahinang tono. Sapat na para kaming dalawa lamang ang makarinig.
"Kailan anv tamang oras na sinasabi mo? Heto na ang putanginang Avery na 'yan sa harap ko. Maaari ko na siyang saksakin at patayin para malinis ang pangalan ko. Eto na ang oras para linisin at bawiin ang dangal ko na kinuha niya." May inis at galit sa bawat salitang aking sinasabi.
"Kapag pinatay mo siya rito, parang pinatunayan mo lang sa mga tao rito sa Mitra na totoo ang mga binibintang niya sa'yo. Kumalma ka," napabuntong hininga ako at tumingin kanila Avery na patuloy pa rin nagsasalita at kung ano-anong kasinungalingan na naman ang kanyang sinabi para mas lalong kagalitan ng mundong ito ang Sol Invictus.
"Magpokus muna tayo sa ating misyon, Basil. Sa oras na matalo mo na ang maalamat na hayop at mailigtas ang mundong ito sa pagdating na paglalaho, doon mo kaharapin si Avery maging ang ibang miyembro ng Ixion. Doon mo patunayan sa kanila na ang tunay na kalaban dito ay si Avery at maging ang mga buwaya sa ating gobyerno." Paliwanag sa akin ni Melia. Nagtagumpay naman si Melia na pakalmahin ako at masamang tingin lamang ang ginagawa ko sa Ixion.
"Huwag kayong mangamba. Kami, ang Ixion, ay gagawin ang lahat upang protektahan pa ang limang natitirang maalamat na hayop. Makakaasa kayo na maliligtas ang bawat isa sa pararating na paglalaho." Sabi ni Avery at nagsigawan ang lahat.
"Mabuhay ang Ixion!"
"Mabuhay!"
"Ixion! Ixion! Ixion!"
Naglakad na ako paalis nung narinig ko na ang pagpupuri sa kanila ng ibang tao. Nakita ko rin ang abot-langit na ngiti ni Avery na para bang tuwang-tuwa sa kanyang narinig.
Sa araw na ito, nagtagpo muli kaming dalawa pero hindi ito ang tamang oras para maglaban. Sisiguraduhin kong babagsak ka... Avery. Lahat nang paninira na ibinato mo sa akin ay babalik sa'yo.
Kinahapunan, nagpahinga na sina Isla sa bahay an tinutuluyan namin kasama sina Melia. Mukhang napagod din sila sa maghapon naming paglalakbay at pag-iikot sa bayan.
Ako? Nandito ako at inilalatag ang ibang laman ng aming karwahe upang ibenta. Sinasabi ng iba na masagana raw ang kalakalan dito sa Mitra sa gabi. Isa-isa kong ibinababa ang mga kagamitan at maayos na nilalatag.
"Kailangan ninyo po ba nang tulong?" Isang boses ang aking narinig at napatingin ako sa kanya-- si Avery, ang laki ng ngiti na ibinibigay niya sa akin. Ang mala-anghel niyang ngiti kung saan itinatago niya ang kanyang demonyong ugali.
Mabuti na lamang at hindi niya ako nakikilala dahil sa pagbabalat-kayo ko. "Hindi na. Kaya ko na mag-isa. Nung huli akong tinulungan ng ibang tao ay mas malaking kapahamakan lang ang naging dulot." Paliwanag ko sa kanya.
"Ang sama ng tao na tumulong po sa inyo, tatay," kinuha niya ang kahon na nasa karwahe at inilapag sa aking panglatag. "Hindi ka dapat nagtitiwala sa mga ganoong klaseng tao, tatay."
"Oo. Gaya mo." Nabigla siya sa aking sinabi at napatingin. Lumaki ang ngiti sa aking labi. "Ang ibig kong sabihin ay sana ay lahat ng tao ay gaya mo, matulungin at maaasahan ng buong bayan. Sana ay mahuli ninyo na ang Sol Invictus upang matigil na ang gulong nangyayari sa ating mundo." Asa ka pang mahuhuli mo kami. Ngayon nga, hindi mo alam na kaharap mo na ang matinding kalaban mo, eh. Kagaya ka pa rin ng dati... Avery, mabilis ka pa ring maloko. Kaunting puri lamang ay mabilis na pumapalakpak ang iyong tenga.
"Sana nga po, tatay. Sana kayo rin, maging isang kilalang nagtitinda rin kayo sa mundong ito." Sabi niya sa akin. "Mauna na po ako, kung makita ninyo man po ang Sol Invictus na gumagala sa lugar na ito ay ipagbigay ninyo pong alam agad sa amin." Sabi niya.
"Makakaasa ka." Sagot ko at pinagmasdan ko siyang maglakad papalayo.
"Maghaharap ulit tayong dalawa... Avery. Sa pagkakataong iyon, ilalabas ko ang lahat ng kasamaan na tinatago mo." Sabi ko ahbang lumiliit siya sa aking paningin dahil nakalayo na siya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top