Kabanata 21: Ang inquilino
Nakasakay kami ngayon sa karwahe papunta sa bayan ng Mitra. Habang tinatahak namin ang daan patungo rito ay isa-isa kming ginagamot ni Lucas. Aaminin ko, ang laking tulong ni Lucas sa grupo namin, mabilis na naghihilom ang aming sugat dahil sa kanyang kapangyarihan.
"Lucas," tawag ko sa kanya at tumingin naman siya sa akin. Katulad kanina, wala pa rin ekspresyon ang kanyang mukha, hindi ko alam kung ganoon lamang talaga siya o hindi siya interesado sa aking sasabihin. "Maaari mo bang gamitin ang iyong kapangyarihan para mapalitan ang aming anyo? Mahihirapan tayong makapasok sa bayan ng Mitra kung ganito ang ating hitsura lalo na't kilala kami bilang masasamang tao." Paliwang ko sa kanya at napatango-tango siya na parang naiintindihan niya ang sitwasyon.
"Hindi ko alam kung kaya ko pero susubukan ko." napatango ako sa kanyang sinabi.
Itinapat ni Lucas ang kanyang kamay sa mukha ni Isla. May sinabi si Lucas na mahabang inkantasyon pero hindi ko na ito naintindihan. Isang mataas na uri ng mahika ang panggagaya ng hitsura, sa ilang buwan kong pag-aaral bilang kalahok ng Ixion ay hindi ko ito nagawa at hindi rin naman itinuro sa amin dahil baka gamitin lang sa masama ang ganoong klaseng mahika.
Sa isang iglap ay nagliwanag ang mukha ni Isla at maging ang buong katawan nito. Napalitan ang kanyang hitsura na isang batang babae na mas maiksi ang buok at kulay tsokolate ang kanyang buhok. Singkit ang mata nito at may pagka-mestiza.
"Panginoon, gumana!" sigaw ni Isla. Napansin ko na hindi nawala ang marka sa kanyang braso. Mukhang hindi ito natatanggal kahit pa gumamit si Lucas ng kanyang kapangyarihan.
"Kailangan mo pa rin takpan ng bandana ang iyong braso, nandiyan pa rin ang marka mo." Sabi ko sa kanya at tumango naman sa akin si Isla.
Isa-isa kaming nilapitan ni Lucas para palitan ang aming anyo, mas naging mas matanda ako tingnan at ganoon din si Melia. Sa hula ko ay parang mahigit trenta na ang aming edad sa ganitong anyo.
"Ang sarap ninyo pagmasdan ni Melia, Panginoon!" sabi ni Isla. "Para kayong mag-asawa sa ganyang anyo!"
Nagkatinginan kaming dalawa ni Melia at parehas na nag-iwas nang tingin. Hindi rin ako sanay na ipinapares kay Melia lalo na't nakikita ko lang siya bilang kasamahan sa paglalakbay na ito. Ayoko rin masyadong magtiwala kay Melia lalo na't hindi naman talaga siya miyembro ng Sol Invictus, baka dumating ang araw na iwan niya rin kami.
"Kung mag-asawa sina Melia at Basil, ikaw ang anak nila, liit." Sabi naman ni Jacko na siyang nagpapatakbo sa karwahe.
"Tumigil na kayo sa pang-aasar." Sabi ni Melia pero mukhang hindi itp pinansin ni
"Huwag mo nga ako tinatawag na liit! Normal lang na ganito ang lako ko dhil bata pa ako. Ikaw nga ay kung mag-isip at magsalita ay para kang bata!" Ganti ni Isla.
Napabuntong hininga na lamang ako dahil nagsimula na naman silang mag-away na dalawa, nasanay na lang din ako sa madalas na bangayan nina Isla at Jacko kahit hindi naman mahalaga ang kanilang pinagtatalunan.
Saglit kaming huminto para na rin mapainom ng tubig ang kabayo at mapalitan ni Lucas ang anyo ni Jacko.
"Hanggang mamayang gabi lang ang epekto ng inyong pagbabalat-kayo." Sabi ni Lucas at maging siya ay nagpalit ng anyo. Ilang minuto pa kaming nagpahinga bago magpatuloy sa paglalakbay
***
Natatanaw ko na ang mataas na pader ng Mitra at bago kami makarating doon ay isang malawak na sakahan ang aming nadadaanan, sumasampal sa amin ang malamig na simoy ng hangin habang pinagmamasdan ang mga tao sa paligid.
"Ang ganda nitong pagmasdan, 'diba?" tanong sa akin ni Melia habang nakatingin sa malawak na sakahan. "Bigla kong naalala ang bayan ng Norton."
Habang naglalakbay kami ay nakarinig kami ng malalakas na sigawan ng tao kung kaya't napukaw nito ang atensyon namin. "Anong mayroon?" tanong ni Jacko.
"Ihinto mo ang karwahe, Jacko." Utos ko at dali-dali naman itong ginawa ni Jacko, bumaba kami sa karwahe lahat at nilapitan ang grupo ng tao.
"Anong mayroon?" tanong ko sa isang magsasaka.
"Hindi ibinibigay nang mag-ari ng lupa ang dapat na kikitain namin! Nagpakahirap kami para lang sa wala!" sigaw niya.
"Ibigay ninyo ang dapat na sa amin!"
"Kami ang nag-ani at nagtanim! Ibigay ninyo sa amin ang aming bayad!"
Marami pa akong narinig na sigaw mula sa iba't-ibang magsasaka na hinaing tungkol sa panggugulang sa kanila ng gobyerno. Nakakalungkot isipin na maging ang mga trabahong nagpapakahirap at marangal na nagtatrabaho ay kanila pang ginugulangan.
Natahimik ang lahat nung may isang matandang lalaki ang lumabas mula sa isang magarang bahay at kasunod niya ang dalawang guwardiya. Base sa suot nito ay mukhang isa siyang inquilino.
"Bakit kayo nagrereklamo sa akin!?" malakas niyang sigaw habang may malaking ngisi sa kanyang labi. Ang mga ngising iyon, alam kong ngisi iyon nang isang manggugulang na politiko. Ang mga katulad niya ay isa sa mga buwaya ng pamayanan.
"Ibigay ninyo ang mga pilak na para sa amin! May pamilya rin kaming binubuhay!" Reklamo ng isang magsasaka at nagsigawan muli ang mga tao.
Natahimik ang lahat nung biglang humugot ng tabak ang dalawang guwardiya. Bakas sa mukha nila ang takot at napakuyom ako ng aking kamao dahil sa galit. Ito ang ayoko sa gobyerno, inaabuso nila ang kanilang kapangyarihan at ginugulangan ang mas mabababa sa kanila.
"Ano ang ibabalik ko sa inyo!? Lahat ng inyong kinita ay ibinawas ko lamang sa inyong mga utang! Pinakain ko kayo habang nagtatrabaho kayo! Pinautang ko kayo! Wala na kayong makukuha!" Sigaw niya sa lahat.
"Parang awa mo na, may sakit ang anak ko," umiiyak na sabi ng isang babaeng magsasaka.
"Hindi ko na kasalanan iyon, ang dapat sa inyo ay nagtatrabaho! Ang mga mahihirap na gaya ninyo ay mamamatay na mahirap!"
Hindi na ako nakapagpigil. Tumakbo ako tungo sa kanyang direksyon at itinapat sa kanyang leeg ang aking Jian. "Bawiin mo ang sinabi mo," nanggigil at may diin sa aking bawat salita.
Nakatutok sa akin ang tabak nung dalawang guwardiya. Hindi ako natatakot sa kanila, hindi ako natatakot na labanan ang mga tiwali at mali sa gobyernong ito.
"I-ibaba mo 'yan," bakas ang takot sa mukha ng inquilino na ito. "Maari kang makulong dahil sa ginagawa mong iyan! Huwag mong kinakalaban ang gobyerno!"
"Mali ka. Ako ang dapat na huwag kalabanin ng gobyerno," mas inilapit ko sa kanya ang talim ng aking Jian. "Ngayon, ibibigay mo ba ang mga karapat-dapat na salapi para sa mga magsasaka na ito o dadanak ang dugo mo rito sa malawak na sakahang ito."
"H-hindi mo magagawa 'yan! Takot mo lang mapunta sa kulungan."
"Galing na ako doon, at hindi ako natatakot na bumalik doon." lahat ng mga magsasaka ay nakatingin sa amin. Ipinadaan ko ang aking Jian sa kanyang pisngi at nagsimulang lumabas ang dugo mula rito. "Ngayon, ibibigay mo ang kanilang pilak... o hindi."
"K-kuhanin ninyo ang mga pilak sa bahay ko!" sigaw niya sa dalawang kawal at mabilis nila itong ginawa.
Nagsigawan ang mga magsasaka. "Maraming salamat. Maraming salamat sa 'yo, ginoo." hindi nga pala nila alam na miyembro kami ng Sol Invictus dahil sa aming pagbabalat-kayo. Ang sarap lamang makarinig ng pasasalamat mula sa ibang tao.
Isa-isang inabot ng Inquilino na ito ang mga supot sa bawat magsasaka na naglalaman ng pilak. "Sa susunod na malaman kong ginugulangan mo ulit ang mga nagtatrabaho sa iyo, hindi ako magdadalawang isip na patayin ka." sabi ko sa kanya at naglakad na paalis at bumalik na kami sa karwahe.
"Ang lakas mo, panginoon!" puri sa akin ni Isla.
"Ginawa ko lang kung ano ang tama." sabi ko sa kanya. Pagkasakay namin sa karwahe ay mabilis na muli itong pinaandar ni Jacko.
"Nakakalungkot lamang na may ilan sa mga inquilino na hindi ginagawa ng maayos ang kanilang trabaho." bakas ang lungkot sa mukha ni Melia. Ang mga inquilino ay ang mga taong nagbabantay sa lupa ng sakahan at siyang namumuno sa mga magsasaka.
"Hindi lang sila iilan, Melia, marami sila." paliwanag ko sa kanya. "Ngayon ay nakikita mo na ang tunay na nangyayari sa mundo natin?" tanong ko.
Hindi ko naman masisisi si Melia kung napakaganda at linis nang tingin niya sa gobyernong umiiral sa aming mundo. Anak siya ni Adara, buong buhay niya ay namuhay siya malapit sa palasyo at nasa mataas na bahagi siya ng lipunan. Hindi niya nakikita ang tunay na nangyayari sa ibaba, tanging ang magagandang bagay lamang ang kanyang nalalaman.
"Melia, may dalawang mukha ang ating lipunan. Ang magandang mukha na madalas makita ng mga tao at ang pangit na mukha na pilit itinatago." paliwanag ko pa sa kanya.
"Hindi ko inaasahan na marami sa kanila ang gumagawa ng ganoong bagay. Siguro ay isa ito sa dapat kong ipagpasalamat sa iyo sa pagsasama mo sa akin sa iyon misyon, mas nakikita ko ang tunay na mukha ng lipunan at mas nakikita ko ang tunay na kulay ng mga tao." sabi ni Melia sa akin.
"At itatama natin iyon. Hindi natin hahayaan na magpatuloy ang mga ganoong gawi." Napangiti siya sa aking sinabi.
"Panginoon, malapit na tayo!" nagagalak na sigaw ng batang si Isla habang nakatingin sa bayang ng Mitra.
"Tandaan ninyo na dapat takpan ninyo ang inyong marka na miyembro kayo ng Sol Invictus." paliwanag ko sa kanila at napatango-tango sila.
Ngayon, magsisimula na naman ang aming bagong paglalakbay upang hanapin ang natitira pang limang maalamat na hayop.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top