Kabanata 20: Ang bagong kasama


Sorry guys if super bagal ng update, maybe next month is thesis final defense na namin so we need to rush everything lol. Kailangan din maghanda na for defense hehe.

BLADE

Magkasama kami ni Lucas na bumalik sa aking mga kasamahan, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari sa gubat na ito. Sa isang iglap ay nanumbalik ang sigla rito, nawala ang nakakatakot na hitsura na ito at napalitan ng masisigla na luntian na mga dahon.

"Paano ka napunta sa gubat na ito?" tanong ko kay Lucas. Palaisipan din para sa akin na makita siya rito na nag-iisa sa gubat na ito... hindi lang ito basta-bastang gubat dahil ito ang gubat Alfus. Ang gubat Alfus na kung saan nagtatago ang Minokawa.

"Hindi ko rin alam," sagot niya sa akin. "Basta ang huli kong natatandaan ay may isang matanda na nag-alok sa akin ng isang prutas. Nung kinain ko ito ay bigla na lang ako nawalan ng malay."

"Panginoon!" malakas na sigaw ni Isla ang sumalubong sa akin habang naglalakad tungo sa aking direksyon, nakasunod naman sa kanya sina Melia at Jacko.

Pare-parehas silang nagulat nung makita na gising na ang lalaki na kanina lamang ay nahihimlay. "Kinagagalak ka naming makilala. Makakasama na ba natin siya sa mga paglalakbay, panginoon?" tanong ni Isla sa akin.

"Hindi ko pa alam," sagot ko sa kanila at nawala ang mga ngiti sa kanilang mga labi. "Hindi ko pa alam kung ano ang kakayahan ng taong ito. Sinabi ko naman sa inyo, ayoko nang pabigat sa ating grupo dahil magiging hadlang lang ito para sa ating misyon."

"Anong kaya mong gawin..." tila naghihintay si Melia na sabihin ni Lucas ang kanyang pangalan.

"Lucas." sagot niya.

"Anong kaya mong gawin, Lucas?" tanong ni Melia sa kanya. 

Imbes na sagutin ni Lucas ang tanong ni Melia ay lumapit siya rito, hinawakan niya ang braso ni Melia na may malaking sugat. Nagliwanag ang kamay ni Lucas at lahat kami ay nabigla nung mabilis na naghilom ang sugat ni Melia.

Maging si Melia ay nagulat sa nangyari, iginalaw-galaw niya ang kanyang braso at napangiti nung wala siyang maramdaman na sakit mula rito. "Mas mabisa ang aking panggagamot sa kahit na sinong tao sa mundong ito." paliwanag ni Lucas sa amin habang blangko ang ekspresyon ng kanyang mukha.

Pansin ko na hindi masyadong nagpapakita ng ekspresyon ang mukha ni Lucas. Nabigla ulit kami nung biglang magpalit ng anyo si Lucas na para bang isang matandang manlalakbay. "Kaya ko rin magbalat-kayo bilang ibang tao."

"Mukhang magiging isang malaking tulong siya sa atin kung isasama natin siya, Basil," sabi sa akin ni Jacko.

"Panginoon!" nakangiting sabi ni Isla. "Maaari na muli tayong makapasok sa mga bayan kung gagamitin natin ang kakayahan ni Lucas na magbalat-kayo. Hindi na tayo makikilala ng mga tao na tayo ang Sol Invictus." may punto si Isla. Magagamit nga namin ang kakayahang iyon ni Lucas.

Napatiim-bagang ako kung kaya't napukaw ko ang atensyon nilang apat. "Gusto mo ba talagang sumama sa amin, Lucas? Malaking gulo ang kinasasangkutan namin at maaari kang kaayawan ng maraming tao. Hindi kami mababait na tao, kailangan mo rin sundin ang kahit anong iutos ko lalo na't ako ang pinuno ng grupong ito." seryoso kong paliwanag sa kanya.

"Basil, tinatakot mo si Lucas," sabat ni Melia.

"Hindi ko siya tinatakot, sinasabi ko lang sa kanya ang totoo. Hahayaan ko siyang mamili kung sasama siya sa atin o hindi. Aminin na na natin, Melia, sangkot tayo sa isang malaking gulo. Baka gusto ni Lucas na mamuhay lang ng tahimik." Ayokong sapilitan na isama si Lucas sa aming grupo. Ibibigay ko sa kanyang kamay ang desisyon.

"Masamang tao kayo?" tanong ni Lucas pero tulad kanina, wala pa ring ekspresyon ang kanyang mukha. "Kung masama kayong tao, bakit ninyo ibinalik ang buhay ng kalikasan dito sa gubat Alfus? Hindi iyon gawain ng masamang tao. Iniligtas ninyo ang gubat na ito at binigyan ninyo ulit ng kulay. Ngayon ay maaari na itong pamuhayan ng mga iba't-ibang nilalang at tao,"

"Hindi ko rin maintindihan ang ibang tao..." nakangusong sabi ni Isla. "Kinaaayawan nila kami kahit na ilang beses na kaming nagligtas ng mga bayan. Para bang sa mata nila ay masamang tao kami at hindi na mababago ang bagay na iyon."

"Nais kong sumama sa inyo," sabi ni Lucas sa amin.

Inasahan ko rin naman na sasama sa amin ni Lucas, gusto ko lang makumpirma kung nais niya ba talagang masangkot sa gulo na ginagalawan namin lalo na't maaari naming makalaban ang Ixion na siyang mga bayani sa mundong ito.

Itinapat ko ang aking kamay sa kanyang braso at nagliwanag ito, gaya namin ay nagkaroon siya ng marka na kagaya sa amin. Tinitigan niya ang markang iyon. 

"Kinagagalak ka namin makasama sa Sol Invictus, Lucas." sabi ko sa kanya.

Magiliw na yumakap sa kanya si Isla. "Sa wakas ay may bago na akong kuya sa grupong ito!" 

"Kuya?" tanong ni Lucas.

"Oo, kuya na kita!" hindi pa rin nawawala ang ngiti sa batang si Isla. "Sa Sol Invictus ay parang pamilya na tayo rito."

"Pamilya," tumingin ang mata ni Lucas sa mga puno. "Matagal ko ring hindi narinig ang salitang iyon... pamilya."

Inaya ko na silang apat na lumabas ng gubat at muling balikan ang aming karwahe. Mabuti na lamang at nandoon pa rin ito at walang nagtangkang magnakaw. Umalis na kami sa gubat Alfus at tinungo ang pinakamalapit na bayan dito-- ang Bayan ng Mitra.

***

KAIA

Pinahinto ko ang takbo ng kabayo nung tumigil si Avery, inabot din kami ng ilang oras bago marating ang gubat Alfus. Pinagmasdan ko ngayon ang gubat, hindi na ito katulad ng dati. Dati kasi ay ang gubat Alfus ay ang pinakanakakatakot na gubat sa mundong ito, iniiwasan siya ng mga manlalakbay at mandirigmang gaya ko dahil kapag pumasok ka sa gubat na iyan ay mahihirapan ka nang makaalis.

"Ang laki nang pinagbago nitong gubat Alfus," sabi ni Gandalf at kagaya ko ay pinagmamasdan niya rin ang buong lugar.

Inayos ni Tami ang kanyang salamin. "Mas malaki ang pinagbago ng kabayong sinasakyan mo. Tila ba hindi na nito kinakaya ang bigat mo," napatawa ako sa sinabi ni Tami. Dati pa man din ay inaasar na namin itong si Gandalf dahil sa katabaan nito.

"Anong sinabi mo!?" sigaw niya.

"Nakukuha ninyo pang tumawa ngayon!?" malakas na sigaw ni Avery sa aming lahat kung kaya't naputol ang aming kasiyahan. "Wala na ang Minokawa! Namatay na naman ang isang maalamat na hayop tapos ay magsasaya pa kayo ng ganyan!"

Bumaba kami sa aming kabayo.

"Wala ba kayong pakialam sa misyon na ito!? Laro ba ito para sa inyo!? Kapag nalaman ng hari at ng mga pinuno sa Norton na nabigo muli tayo ay paniguradong mapapagalitan na naman tayo, wala na tayong mukhang maihaharap sa bayan natin dahil sa sunod-sunod nating pagpalpak." lahat kami ay tila ba natauhan sa sinabi ni Avery, tama siya... hindi ito ang tamang oras para magsaya.

Aminado ako, ayoko kay Avery. Ayoko yung pagiging sinungaling niya, pero bilang miyembro ng Ixion, gusto ko ang kanyang ugali. Talagang ginagawa niya ng maayos ang kahit anong misyon na ibigay sa kanya.

"Pasensya na." paghingi ng tawad ni Tami.

Ilang ulit bumuntong hininga si Avery bago niya siya muling nagsalita. "Kaia, Gandalf, Sabrina, at Moses. Maiwan kayo rito sa gubat, baka nandito pa ang masamang grupo na iyon." utos niya.

"Saan naman tayo pupunta?" tanong ni Rufus.

"Pupunta tayo sa bayan ng Mitra, paniguradong doon sila pupunta dahil iyon ang pinakamalapit na bayan sa gubat na ito." Muling sumakay si Avery sa kabayo at sumunod sa kanya sina Tami at Rufus.

Gaya nang sabi ni Avery, naiwan kaming apat dito sa gubat. Habang nag-iikot kami ay walang humpay ang reklamo ni Moses. "Alam ninyo, nagsasanay pa lang tayo bilang kalahok ng Ixion... masama na talaga ang tingin ko kay Blade. Tingnan ninyo ngayon! Pinapatay niya ang pitong maalamat na hayop para sa pagdating ng paglalaho ay mamatay tayong lahat!"

"Ano pa bang aasahan mo? Si Alvaro nga ay nagawa niyang patayin. Panigurado ngayon ay hindi lang si Alvaro ang napatay niya... marami na siyang napatay." sabi naman ni Gandalf.

"Kung anong kinalaki mo Gandalf ay iyon ang kinaliit ng utak mo," sabi ko sa kanya habang diretsong nakatingin sa aming dinadaanan. "Walang konkretong ebidensya na nagtuturo na siya nga ang pumatay kay Alvaro."

"Hanggang ngayon ba ay ipagtatanggol mo pa rin ang kaibigan mong iyon, Kaia!? Tingnan mo kung gaano kasama ngayon si Blade!"

"Hindi ko siya pinagtatanggol, ang ayoko lang ay hinuhusgahan ninyo ang isang tao base sa naririnig ninyo. Miyembro pa man din kayo ng Ixion, dapat mas maigi ninyong inaalam ang tama sa mali." paliwanag ko sa kanila.

"Ang sabihin mo, kaibigan pa rin ang turing mo kay Blade," nagpantig ang tenga ko at kinuwelyuhan si Moses. "Anong gagawin mo sa kanya kung sakaling magkita kayo, Kaia?"

"Ako mismo ang papatay sa kanya."

Ipaglalaban ko pa rin kung ano ang tama.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top