Kabanata 2: Ang kinikimkim na galit

Isa't kalahating buwan, iyan na ang araw na lumilipas simula nung simulan namin ang pagsasanay para maging bahagi ng Ixion. Sa araw na iyon, naging mas malakas kaming lahat at mas naging mahusay kami sa iba't-ibang larangan nang pakikipaglaban.

"Haaa!" Malakas na sigaw ni Kaia habang sinusugod ako habang hawak ang kanyang dalawang balaraw. Tumalon siya at akmang isasaksak niya ito sa akin ngunit mabilis ko itong nasangga gamit ang aking kampilan.

Pagkasangga ko ay malakas ko siyang sinipa sa aking tiyan dahilan upang magpagulong-gulong siya sa sahig. Hindi pa nakakabangon si Kaia pero mabilis ulit akong tumakbo tungo sa kanyang direksyon at itinapat ang kampilan ko sa kanyang leeg. Napatigil si Kaia sa pagtayo at napangiti.

"Walang duda, wala nga talaga akong kalaban-laban sa katulad mo, Blade." Tinulungan ko siyang makatayo. "Gago na lamang ang magsasabi na hindi ka mapapabilang sa Ixion sa lakas mo na 'yan."

"Magaling ka rin naman, Kaia," puri ko sa kanya. Sa buong pananatili namin sa dormitory at pagsasanay, si Kaia ang pinaka naging malapit kong kaibigan bukod kay Avery.

"Magaling ang ipinakita ninyo, mga bata." Sabi ni Alvaro sa amin at kinamayan niya kaming dalawa ni Kaia. "Ipagpatuloy ninyo lang ang mga bagay na ginagawa ninyong iyan at sinisigurado ko sa inyo na mapipili kayo para maging parte ng Ixion sa susunod na linggo." Dugtong pa ni Alvaro.

Sa isa't kalahating buwan naming pagsasanay, mula sa pitumpu't limang kalahok ay labing dalawa na lamang kaming natitira ngayon. Bawat pagsasanay ay nagbabawas ng kalahok, at sa aming labing dalawa, pito sa amin ang mapipili upang mapabilang sa Ixion.

"Narito muli ang sagisag para sa'yo... Blade," sabi ni Alvaro at inabutan muli ako ng sagisag. Ang sagisag na ito ay tanda nang pagkapanalo sa bawat pagsubok, ngayong araw ay ito na ang pangwalo kong sagisag na matatanggap.

"Salamat, Alvaro," nakangiti kong sabi sa kanya. Humarap ako kay Avery na nakaupo sa isang upuan. "Avery!" Tawag ko at iwinagayway ang sagisag sa kanya ngunit tiningnan niya lamang ito. Wala man lang bahid nang tuwa sa kanyang mukha. Anong problema nito? Masama ba ang gising ni Avery?

"Alam mo, mabebenta mo ng mahal ang mga gintong sagisag na 'yan," umakbay sa akin si Kaia. "Nagtanong ako sa mga mangangalakal nung nakaraan kung magkano ito maaaring mabenta at ang sabi nila ay ang isang sagisag ay katumbas ng sampung ginto, isipin mo, sa sampung ginto na iyon ay maaari ka nang makabili ng isang karwahe para sa paglalakbay o kaya naman ay isang bahay." Kwento niya pa. Alam ko na ang tungkol sa bagay na iyon, iniipon ko ang mga sagisag na ito para mabigyan ng bahay si tatay David at Parisa, gusto ko silang ilipat ng lugar na tinitirhan, sa Norton din naman kaso ay gusto ko na doon sila sa mas angat na bahagi upang hindi sila minamaliit ng mga tao.

"Maaari na kayong pumunta sa inyong dormitoryo, nakahanda na ang inyong mga pagkain." Sabi ni Alvaro sa amin at naglakad na paalis kasunod ang dalawang guwardiya.

Lumapit kaming dalawa ni Kaia sa iba naming kasamahan. Ako naman ay nakangiting lumapit kay Avery habang ipinapakita sa kanya ang sagisag. "Para kay tata—" naputol ang aking sasabihin nung tumayo si Avery at nilagpasan niya lamang ako.

Nabigla ako sa nangyari dahil sa kanyang ginawa. Nung mga nakaraang araw ay pansin ko na ang malamig niyang pakikitungo pero ngayon lang ang unang beses na binalewala niya ang prisensya ko.

"Hindi ka yata kinakausap ng kapatid mo?" Tanong sa akin ni Kaia dahil sabay kaming dalawa na naglalakad pabalik sa dormitoryo. Nung malaman ni Kaia na sabay kaming lumaki ni Avery ay magkapatid na ang tawag niya sa amin, wala naman akong tutol doon dahil magkapatid naman talaga ang turingan namin ni Avery sa isa't-isa.

"Baka masama ang gising," sabi ko na lang pero natanaw ko si Avery na may kausap na isang miyembro ng Royal Audencia. "Kakausapin ko na lang mamaya."

"Bilisan natin dahil baka maubusan na naman tayo ng ulam dahil sa lakas kumain ni Gandalf," natawa naman ako sa sinabi ni Kaia. Si Gandalf ay isa rin naming kasamahan, napakalakas kumain nito at minsan ay kapag huli kaming nakakarating sa dormitoryo ay nauubusan kami ng ulam ni Gandalf.

Pagkaroon namin sa dormitoryo ay nandoon na sina Melia at Sabrina, sa labingdalawang kalahok na natitira para mapabilang sa Ixion... silang dalawa ang natitirang babae. "Blade aking mahal! Nandiyan ka na pala!" Natutuwang sabi ni Sabrina at hinatak pa ako paupo sa kanyang tabi.

Tumingin ako kay Kaia at ngumiti lang ito sa akin. Unang linggo pa lang nang pagsasanay namin ay sinabi na ni Sabrina na gusto niya ako at parati siyang dumidikit sa akin. Sa totoo lang ay hindi ko naman gusto si Sabrina, wala pa sa plano ko ang magkaroon ng kasintahan lalo na't ang hangad ko lang naman mula simula ay mapabilang sa Ixion.

Napatingin ako kay Melia na nakakrus ang mga braso at nakatingin sa pagkain. Sa buong pananatili ko rito sa dormitory, tatlong beses ko lang nakausap si Melia. No'ng una ay nung sinubukan ko siyang kaibiganin pero hindi niya ako pinansin, pangalawa ay nung nagkalaban kami dahil binati ko siya nung matalo niya ako, pangatlo ay nung nanghiram ako sa kanya ng salapi nung minsan kaming naglibot sa bayan kasama ang ibang kalahok. At nung nanghiram ako sa kanya, hindi niya rin naman ako pinahiram. Tunay nga ang sinasabi parati sa akin ni Kaia na may sa-demonyo ang babae na ito.

Hinintay namin na makarating sa dormitory ang iba naming kasamahan bago sabay-sabay kumain. Isa ito sa turo ni Adara sa amin, ang sabay-sabay kumain pagkatapos nang mahirap na pagsasanay. Ituring daw namin ang isa't-isa na parang pamilya. Ang bait ni ginang Adara sa amin ngunit hindi ko alam kung ano ang nangyari sa anak niya na saksakan ng sungit.

Pagkatapos naming kumain ay bumalik kaming lahat sa kanya-kanya naming silid upang magpahinga, mamayang alas-cuatro ng hapon ay magsisimula ulit ang practice namin tungkol sa pagkontrol ng magi. Nagbihis lang ako panandalian sa kwarto ko at tumungo ako sa kwarto ni Avery. Kumatok ako ng tatlong beses sa kanyang pinto.

"Sino iyan?" tanong niya.

"Si Blade ito." Pagpapakilala ko sa aking sarili, wala akong naging tugon sa kabila kung kaya't binuksan ko na ang pinto.

Nakita ko si Avery na nakatayo sa balkonahe ng kanyang silid at pinagmamasdan ang Norton. Naglakad ako papalapit sa kanya. "Avery, may problema ba tayo?" Tanong ko sa kanya. Hindi ko ugaling magpaliko-liko nang kwento, tinutumbok ko agad ang bagay na nais kong malaman. "Napansin ko na halos hindi mo ako kausapin nung mga nakaraang araw."

"Wala pagod lang ako," sabi niya at naglakad siya papasok ng silid at sinundan ko naman siya nang tingin. Umupo siya sa kanyang kama.

"Wala? Alam kong may problema, Avery. Kilala kita, magkasama na tayong lumaki na dalawa."

"Alam mo kung anong problema?" Tumayo siya sa aking harap at pansin ko ang galit sa kanyang mukha. "Ikaw, Blade! Ikaw!" Sigaw niya at itinulak ako dahilan upang mapaupo ako sa sahig.

"Ako?! Anong ginawa kong mali sa'yo?" Tanong ko.

"Puro ikaw na lang, Blade! Puro ikaw na lang ang napupuri ng mga tagapagsanay natin! Si Alvaro! Si Adara at maging si Giselle, lahat sila ay puro ikaw ang pinupuri!" Reklamo niya sa akin.

"Ha? Ano naman kung mapuri nila ako? Nakalimutan mo na ba kung bakit tayo pumasok dito, Avery? Para kay tatay at para sa bayan!"

"Iyon na nga! Tila ba nakalimutan mo ang ipinasok natin, Blade! Lumalaki ang ulo mo dahil sa papuring ibinibigay sa'yo! Lahat ng mga manlalahok dito ay naiinis sa iyo dahil puro na lang ikaw! Puro na lang ikaw! Tapos iwinawagayway mo pa parati sa harap ko kapag nakakakuha ka ng sagisag, para ano? Yabangan ako? Para ipakita na mas malakas ka sa akin, na mas magaling ka sa akin?" Mahabang sumbat sa akin ni Avery.

Natahimik ako dahil hindi ko inaasahan na ganoon na pala ang nararamdaman ng aking kaibigan. Kaya ko lang naman laging ipinapakita sa kanya ang sagisag na natatanggap ko ay para iparating sa kanya na panalo naming dalawa ang kung ano man ang natatanggap ko pero para sa kanya ay iba na pala ang dating nito. Para sa kanya ay isa na akong mayabang at lumalaki ang ulo dahil sa papuring natatanggap ko.

"Hindi ko napansin na ganyan na pala ang nararamdaman mo," malungkot kong sabi sa kanya.

"Paano mo mapapansin? Puro ka pagpapakita ng galing sa bawat hamon!" Humiga siya sa kanyang kama niya. "Simula bata tayo ay parati na akong nakukumpara sa'yo. Mas matapang ka, mas malakas ka, mas palakaibigan ka. Lahat ng magagandang katangian na mayroon ka ay tila ba ibinabalik sa akin. Sawa na 'kong maging anino mo... Blade," nabigla ako sa kanyang sinabi. Ngayon lang nagbukas ng saloobin sa akin si Avery at puro masasakit na salita pa ang narinig ko.

"P-pasensya na." Iyan na lang ang mga salitang lumabas sa aking bibig. Gusto kong ipagtanggol ang aking sarili pero ayoko rin naman na lalo kaming masira ni Avery, simula bata ako ay silang dalawa lang ni Parisa ang kakampi ko. Kung may tao man na ayokong makaaway ay si Avery iyon.

"Lumabas ka na, gusto ko nang magpahinga." Sabi niya sa akin. Napabuntong hininga na lamang ako at naglakad na lang din palabas.

Pagkalabas ko ay nakatayo sina Sabrina at Kaia sa hindi kalayuan. "Ayos ka lang?" Tanong ni Kaia sa akin. "Dinig na dinig hanggang sala ang sigawan ninyong dalawa."

"Gusto ko munang mapag-isa," nilagpasan ko silang dalawa at naglakad palabas ng dormitoryo.

***

Matapos ang naganap na komprontasyon ay dinala ako ng aking paa patungo sa ilog. Dito ako parating namamalagi kung gusto kong mapag-isa o kaya naman ay nalulungkot ako, sa lugar na ito ay walang nakakakita ng kalungkutan ko. Walang gumagambala sa akin.

Nakatanaw lang ako sa umaagos na tubig at pinagmasdan ang mga Ningyo na isda na lumalangoy. "Buti pa kayo ay walang problema at sumusunod lamang sa agos." pagkausap ko sa mga Ningyo kahit alam kong hindi naman ako nito naiintindihan.

Kumuha ako ng bato at ibinato sa tubig. Sa bawat bato ko ay kasabay ng pagbato sa lahat ng aking inis. Ilang oras din na ganoon ang aking ginawa hanggang sa kumagat na ang dilim, hindi na rin ako dumalo sa pagsasanay namin sa hapon. Idadahilan ko na lamang na sumakit ang tiyan ko at nagtatae ako.

"Siguro ay hihingi na lang ako ng tawad kay Avery pagkabalik sa dormitoryo." Tumayo ako at pinagpagan ang aking pwetan. Naglakad na ako pabalik sa palasyo.

Habang naglalakad ako ay isang malakas na sigaw ang aking narinig sa hindi kalayuan, hindi iyon basta-basta isang sigaw dahil parang sigaw iyong na puno ng galit at pamilyar ang boses na iyon.Humigpit ang hawak ko sa aking kampilan at tumungo sa direksyon kung saan ko narinig ang sigaw.

Habang papalapit na ako ay nakasabay ko sa pagtakbo si Avery at hawak din niya ang kanyang kampilan. "Narinig mo rin ang sigaw?" Tanong niya sa akin. Tumango ako sa kanya. "Kailangan nating bilisan." Sabi niya sa akin at binilisan naming dalawa ang pagtakbo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top