Kabanata 19: Laban sa Minokawa
Sa gubat Alfus po pumunta sila Basil at hindi sa gubat Felis, my mistake po :)
***
Nakatingala ako habang pinagmamasdan ang malaking ibon sa himpapawid, mahigpit ang kapit ko sa prutas na aking hawak. Gamit ang griffin na ipinatawag ni Jacko ay dinala kami nito sa mas patag na lugar at malayo sa nasirang bundok.
"Ayos lang ba kayo?" tanong ko sa aking mga kasama dahil na rin sa naganap na lindol, sinong mag-aakala na sa loob ng isang bundok nagtatago ang Minokawa? Iyon siguro marahil ang dahilan kung bakit walang tao ang nagagawang pumasok sa gubat Alfus lalo na't pinoprotektahan ito ng Minokawa.
"Ayos lang, panginoon," sagot sa akin ni Isla.
"Maghanda kayo." utos ko at iniabot ko kay Isla ang bunga ng Mun-Tuy. "Ingatan mo ang prutas na ito, Isla." Tumango ang bata sa akin.
"Makakaasa ka, panginoon." sagot niya.
Pasugod na sana kaming tatlo sa Minokawa ngunit nagulat na lamang kami nung may iba't-ibang nilalang na nagsulputan sa paligid, ang dami nila at mukhang mahihirapan kami sa labanang ito. Pare-parehas din naman kami na napagod kanina dahil sa pag-akyat sa bundok at marami na rin kaming nakasagupa.
"Anong gagawin natin, Basil? Ang dami nila," bakas ang pag-aalala at takot sa mukha ni Jacko dahil na rin sa kanyang nakikita.
"Jacko at Melia, kaya ninyo bang kalabanin ang mga nilalang na ito?" tanong ko sa kanilang dalawa bago muli ako sumakay sa griffin.
"Kaya naman namin pero paano ikaw?" nag-aalalang tanong sa akin ni Melia. "Sigurado ka ba na kakalabanin mo ang Minokawa na mag-isa? Lubhang mapanganib ang iniisip mong gagawin, Basil!" dugtong niya pa.
"Huwag kayong mag-alala sa 'kin." pinalipad ko sa himpapawid ang griffin at iniwan silang tatlo sa ibaba. Sana lamang ay magawa ni Isla na maprotektahan ang prutas at magawa rin nila Melia at Jacko na mapatay ang mga nilalang sa ibaba.
"Ngayon, tayong dalawa ang magtuos." nakatingin ako sa Minokawa, napakalaki ng ibon na ito. Tunay ngang hindi basta-basta na nilalang ang pitong maalamat na hayop.
Bumaling ang tingin sa akin ng Minokawa dahil patuloy akong naglilikot sa himpapawid at pinaiikutan ito. Dumagundong sa buong lugar ang malakas na huni ng Minokawa at pansin ko ang paggalaw ng lupa dahil sa nangyari. Sana ay ayos lamang sina Jacko sa ibaba.
Hinugot ko ang Jian ko mula sa lalagyan nito, sinubukan ko siyang atakihin sa kanyang katawan ngunit para bang kasing tigas ng bakal ang katawan nito dahil parang balewala lamang ang aking ginawa. Mabilis na naigalaw ng Minokawa ang paa nito at nasipa niya kami ng Griffin.
Ramdam ko ang pagsampal sa akin ng hangin at tumama ang aking katawan sa lupa, nagpaikot-ikot ako sa damuhan at naglaho din ang griffin dahil sa nangyari.
"A-asar." Bigkas ko habang dahan-dahan na bumabangon, napuno na rin ng sugat ang buo kong katawan dahil sa nangyari at ramdam ko ang malapot na dugo na tumutulo mula sa aking noo. "Hindi ko maaaring biguin ang mga taong naniniwala sa akin. Hindi ko maaaring biguin ang mundong ito."
Malakas na nagbuga ng apoy ang Minokawa at nasunog na ang kalahati ng gubat dahil sa nangyari. Ramdam ko ang init ng baga nito. Sadyang makapangyarihan ang pitong maalamat na hayop, hindi basta-basta ang kanilang mga kakayahan.
"Jacko!" Malakas kong sigaw sa pangalan ni Jacko at mabuti naman at naintindihan niya ang nais kong iparating, nagtawag muli siya ng isang griffin. Mabilis akong sumakay muli sa likod nito at lumipad sa himpapawid.
Iniwasan ko ang apoy na ibinubuga ng Minokawa. "Hindi ikaw ang tatapos sa buhay ko!" malakas kong sigaw habang papasugod muli sa kanyang direksyon.
"Digas soth jistrah!"
Pagkasabi ko sa inkantasyon ay nagliwanag ang Jian na aking hawak. Nabalot ito ng puting liwanag. "Katapusan mo na!" malakas kong sigaw at muli siyang sinubukan na atakihin gamit ang espada.
Sa pagkakataong ito ay sa mata ko ito pinatamaan, Itinusok ko sa mata ng Minokawa ang espada, malakas na umungol ang Minokawa. Sumirit sa akin ang masaganang pulang dugo nito. Malakas na huni ang dumagundong muli sa lugar.
Umiikot na rin ang aking paningin dahil sa dami ng dugo na nawala sa akin. Hindi. Hindi pa pwede, kailangan ko pang mapatay ang Minokawa, humigpit pa lalo ang hawak ko sa aking Jian.
"Digas soth jistrah!"
Binanggit ko muli ang enkantasyon at sinubukan kong atakihin ang Minokawa, Bago pa ako makalapit sa kanya ay kinalmot na niya ako gamit ang matutulis niyang kuko, Dahil sa laki ng Minokawa ay hindi lang kalmot ang kanyang nagawa sa aking katawan bagkus ay isang malaking sugat.
Sa pagkalmot na ginawa ng Minokawa ay naging pagkakataon ito para masaksak ko siya sa kanyang paa. Muling umungol ang Minokawa.
Bumagsak ang katawan ko sa lupa kasabay ang pagbagsak ng katawan ng Minokawa sa lupa, ipinikit ko ang aking mata at hinintay ko na lamang na tumama ang aking katawan sa lupa.
"Ne gadurm ta hakon!"
Hindi tumama ang aking katawan sa lupa bagkus ay bago pa man ako bumagsak ay para bang lumutang na ang aking katawan sa ere. Dahan-dahan akong ibinaba nito sa lupa.
Sumalubong sa akin ang pawis at sugatang si Melia. Ngumiti siya sa akin. Sinubukan kong tumayo muli kahit masakit ang aking katawan. "K-kailangan ko... Kailangan kong patayin... patayin ang Minokawa."
"Hindi, Basil." hindi na ako hinayaan ni Melia na makatayo pang muli. "Sobra-sobra na ang nagawa mo, hindi na rin kaya ng iyong katawan."
Hindi ako nakinig sa kanya bagkus ay sinubukan ko muling tumayo.
"Basil!" sigaw ni Melia at doon ko napansin na may luha na sa kanyang mata kung kaya't napatigil ako. "Hindi na kaya ng katawan mo, baka kapag ipinagpatuloy mo pa ay kung ano pa ang mangyari sa iyo,"
"Huwag kang mag-alala," pinahid ni Melia ang kanyang luha at tumayo. Hinugot niya ang kanyang Xiphos sa lalagyanan nito. "Ako na ang bahala, magpahinga ka na."
Ipinikit ko ang aking mata upang kahit papaano ay manumbalik ang aking lakas.
***
Sa muli kong pagdilat ay nasa tabi ko sina Melia, Jacko, at Isla na payapang natutulog. Hinanap ko ang Minokawa ngunit wala na ito. Nagawa kaya nilang tatlo na mapatay ito?
Napansin ko rin ang mga benda na nakatali sa mga sugat ko, mukhang ginamot muna nila ako bago nila ipinahinga ang kanilang mga sarili. Napangiti ako habang pinagmamasdan silang tatlo. Nagawa namin, sa ikalawang pagkakataon ay nagawa naming talunin ang isang maalamat na hayop.
Dahan-dahan akong tumayo at kinuha ang bunga na yakap-yakap ni Isla, mabuti na lamang at hindi ito nagising.
Masakit man ang aking katawan, nagawa ko pa rin maglakad pabalik sa puno kanina. Mabuti na lamang at nanatili pa rin ito buhay. Hindi ito nasunog kahit pa halos sunugin na ng Minokawa kanina ang buong gubat.
Gaya ng inaasahan, nandoon pa rin ang lalaki kanina at mahimbing na natutulog. "Oras na para gumising." sabi ko sa kanya ay isinubo sa bibig nito ang bunga ng Mun-Tuy.
Iginalaw ko ang kanyang panga upang manguya niya ito, wala pang ilang segundo ay dahan-dahang dumilat ang mata nito.
Kasabay nang pagdilat ng mata nito ay ang pagliwanag ng buong gubat Felis, umikot ang aking paningin sa paligid. Mabilis na tumutubo muli ang mga halaman, ang sira-sira nitong paligid dahil sa sunog ay muling napapalitan ng mas may buhay na puno.
Nagkaroon ng buhay ang buong paligid, kung kanina lamang ay nakakatakot itong gubat Felis dahil nababalot ng makapal na hamog ang paligid... ngayon ay ibang-iba na ito. Puro luntian ang makikita sa paligid at buhay na buhay ang kulay ng mga dahon sa puno.
"Ikaw ba... ikaw ba ang taong gumising sa akin?" tanong sa akin nung lalaki, dito ko napansin na kulay berde ang kulay ng kanyang mata. "Ako si Lucas, hayaan mong pagsilbihan ka kapalit nang iyong pagtulong sa akin."
***
KAIA
Pangalawang araw na namin dito ng Ixion sa gubat Felis. Hanggang ngayon ay hindi pa rin dumadating sila Basil kahit pa na sa tingin namin ay dito sila tutungo.
"Mukhang wala naman silang balak na pumunta rito," sabi ni Sabrina, magkatabi kaming dalawa habang kumakain kasama ang iba pang Ixion.
Malakas na kinalampag ni Avery ang lamesa. "Pupunta siya rito! Magkukrus muli ang landas naming dalawa ng taksil na iyon." napangisi na lamang ako sa inasal ni Avery. Para sa akin, sa ipinapakita niyang ugali ay para niya na ring pinapakita na malaki ang inggit niya kay Blade.
"Kapag nagkrus muli ang landas ninyo ni Blade, hindi ka ba magdadalawang-isip na patayin siya Avery?" tanong ni Gandalf sa kanya, tahimik lamang ako na nakikinig sa kanilang pag-uusap.
"Hindi." sagot ni Avery sa kanya. "Taksil siya sa bayan natin, pinatay niya ang ating pinuno at ngayon ay bihag naman niya si Melia. Kahit pa magkasama kami ni Blade na lumaki ay hindi ako magdadalawang-isip na patayin siya lalo na't mali ang kanyang pinaglalaban."
Nagpatuloy ang aming usapan sa ibang bagay. "Dalawang araw na rin tayo rito sa gubat Felis pero bakit hindi man lang natin nakikita ang Sawa?" tanong sa akin ni Sabrina.
Sa kung paano napalabas ni Blade ang Bakunawa nung nakaraan? Hindi ko alam, sa pagkakaalam ko ay mahirap hagilapin ang pitong maalamat na hayop na ito.
"Hindi man natin ito nakikita, ang mahalaga ay nagagawa natin itong protektahan ngayon." sagot ko kay Sabrina.
Naputol ang aming pag-uusap nung biglang may nakita kaming isang pulang apoy na nagliwanag paangat sa kalangitan. Malayo ito sa kinaroroonan namin pero kitang-kita ang liwanag na iyon.
"Ang apoy na iyon..." napatakip si Sabrina sa kanyang bibig.
"Kung hindi ako nagkakamali ay nandoon sa liwanag na iyon ang lokasyon ng gubat Alfus," sabi ni Tami sa amin at hinawakan ang kanyang salamin. "Sa gubat Alfus nagtatago ang Minokawa. Ang liwanag na iyon..."
"Ano ang liwanag na iyon, Tami!?" Kinuwelyuhan ni Avery si Tami pero umiwas ito nang tingin sa kanya. "Sabihin mo! Ano ang ipinapahiwatig ng liwanag na iyon!?"
"Ang liwanag na iyon... tanda lamang iyon na wala na ang Minokawa." Maging ako ay napakuyom sa aking kamao. Hindi ko alam kung ano ba ang ginagawa ni Blade, hindi ko siya tinulungan na makatakas sa bayan ng Norton para lamang sirain ang mundong ito.
"Blade!" Malakas na sumigaw si Avery at sumakay sa kanyang kabayo. Mabilis niya itong pinatakbo tungo sa direksyon ng apoy.
Nagkatinginan kaming lahat sa Ixion at sumunod kay Avery.
Ano bang binabalak mo Blade?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top