Kabanata 16: Plano ng Ixion

KAIA

Maaga akong nagising sa pagkakataong ito, matapos ang nangyaring pagpupulong kahapon ay kailangan kong magsanay para mas lalong mapalakas ang aking sarili. Nagawa nila Blade at Melia na matalo ang Bakunawa, ibig sabihin lamang nito ay hindi biro rin ang lakas nilang taglay. 

Dati pa lamang nung nagsasanay kami bilang kalahok ng Ixion ay hindi na talaga ang normal ang lakas nila, halos sa lahat ng pagsasanay namin ay silang dalawa ang nakakakuha ng mga medalya. Ngayong umanib sila sa masama, alam kong hindi magiging madali ito para sa amin.

Naglakad ako patungo sa kampo upang magsanay, pahikab-hikab akong naglalakad at pagkarating ko sa kampo ay nakarinig ako nang ingay, mukhang mas may nauna sa akin para magsanay.

Pagdating ko rito... si Avery. Hawak-hawak niya ang kanyang kampilan at sunod-sunod na pag-atake ang ginawa niya sa artipisyal na tao. Humihingal na rin siya at tagaktak ang kanyang pawis, mukhang kanina pa siya nagsasanay.

"Ang aga mo naman yata," sabi ko sa kanya habang nilalagyan ng tali ang aking kamao upang kahit papaano ay mabawasan ang sakit nito kapag nagsanay na akong sumuntok. "Mukhang inihahanda mo na nga ang sarili mo sa muli ninyong paghaharap ni Blade, ah."

"Gusto ko, sa oras na magharap kami ay malakas na ako. Gusto kong ipakita sa kanya na hindi basta-basta ang pinuno ng Ixion," napangisi ako sa determinasyon na kanyang ipinakita. Kung sa serbisyo sa bayan ang pag-uusapan, tunay na humahanga ako kay Avery dahil tapat siya sa kanyang serbisyo at ginagawa niya ang lahat nang iutos sa kanya. 

Sinungaling nga lang. Kaya niyang manlaglag ng ibang tao para lamang siya'y mapuri at magmukhang bayani.

"Parehas pala tayo." Sabi ko na lang, matapos kong balutan ng tela ang aking kamao ay malakas kong sinuntok ang panuntukan. Gumalaw ito at humangin ng malakas dahil sa matinding pwersa na aking nagawa. "Gusto ko rin na sa oras na magharap kami ni Blade ay matalo ko rin siya."

"Dapat mamatay ang masamang tao na gaya niya," umupo si Avery sa isang bangko habang pinupunasan ang kanyang mukha.

Mas malakas kong sinuntok ang panuntukan, nabutas ito at nagbagsakan ang buhangin na laman nito. "Baka nakakalimutan mo, Avery, ikaw ang dahilan kung bakit naging ganoon si Blade. Ikaw ang bumuhay sa demonyong ugali niya." Hindi ako nakatingin sa kanya pero alam kong ramdam niya ang tensyon sa mga salitang binitawan ko.

Hindi sumagot si Avery bagkus ay naglakad siya palabas ng kampo at mukhang tapos na siya magsanay. "Mamayang alas-onse ay magkakaroon tayo nang pagpupulong. Dumalo ka." Huli niyang sinabi. Napailing-iling na lamang ako at napangisi.

Habang nagsasanay ako ay biglang pumasok si Sabrina, mukhang magsasanay na rin siya. Simula nung malaman namin na ang Sol Invictus ang makakalaban namin ay napadalas ang pagsasanay ng lahat, kagabi rin ay halos hating gabi na kami natapos. Batid kong hindi basta-bastang mga tao ang bumubuo sa grupong iyon, kilala ko rin si Blade, hindi siya kukuha ng mga tao na magiging pabigat sa kanya.

"Bakit mukhang masama ang timpla nung mukha ni Avery? Nakasalubong ko kanina." Sabi ni Sabrina habang nililinis ang kanyang palaso, mukhang magsasanay siya ng kanyang pamamana. "Siguro ay inasar mo na naman si pinuno."

Nagkibit balikat na lamang ako at lumipat sa ibang panuntukan upang magsanay.

"Kaia, sa tingin mo... magagawa ni Blade na gawing bihag si Melia?" Tanong sa akin ni Sabrina na nakapagpatigil sa akin, napatingin ako sa kanya at ang lambot ng ekspresyon ng kanyang mukha. "Ako kasi ay hindi naniniwala, kahit naman nung sinabi nila na si Blade ang may kasalanan ng pagpatay kay Alvaro ay hindi rin ako naniniwala, natatakot lang akong magsalita dahil baka matanggal ako bilang kalahok." Paliwanag niya sa akin. Naiintindihan ko siya, maging ako rin naman ay walang nagawa upang ipagtanggol si Blade nung panahon nang paglilitis.

"Kilala ko si Melia, kaibigan ko siya. Alam kong hindi siya basta-basta magpapabihag kay Blade. Kilala mo rin si Blade, alam mong hindi niya magagawang bihagin si Melia." Pagtutuloy niya. Dati pa man din ay parati nang sinasabi ni Sabrina na gusto niya si Blade, hanggang ngayon siguro ay hindi pa rin namamatay ang nararamdaman niya rito.

"Sabihin na nating nagtutulungan silang dalawa, anong gagawin mo... Sabrina?" Tanong ko sa kanya.

Mas lalong lumungkot ang kanyang mukha at nag-iwas nang tingin. "H-hindi ko alam..."

"Sabrina, parte ka na ng Ixion. Mas prioridad mo ang bayan ke'sa sa iyong nararamdaman, kailangan nating panatilihin ang kapayapaan sa mundong ito... at gulo ang dala ni Blade. Kahit kaibigan ko siya, hindi ako magdadalawang isip na patayin siya dahil sa pagiging masamang tao niya. May sinumpaan tayo sa bayang ito na gagawin natin ang lahat para iligtas ang mga mamamayan." Paliwanag ko sa kanya at mukhang natauhan siya rito.

Humigpit ang kanyang hawak sa kanyang Wrexham (tawag ni Sabrina sa kanyang Pana.) "Tama ka, tayo ang Ixion at tayo ang tagapagtanggol ng naaapi, tagapanatili ng kapayapaan, tagaprotekta sa maalamat na hayop at tagatama sa lahat ng mali. Hindi dapat ako maawa dahil kaibigan ko sila lalo na't hindi tama ang kanilang ginagawa."

Napangiti ako sa ipinakitang ugali ni Sabrina.

***

Bandang alas-dies nung natapos akong magsanay, saglit lamang akong naligo upang mawala ang lagkit sa katawan ko dahil sa pawis bago ako tumungo sa silid kung saan magaganap ang pagpupulong na sinasabi ni Avery.

"Nahuli ka na naman," sabi sa akin ni Avery dahil ako na naman ang huling dumating.

Humikab ako at umupo sa aking pwesto. "Pasensya na." labas sa tenga kong sagot sa kanya.

Nagsimula na ang aming pagpupulong at gaya ng inaasahan, tungkol ito kay Blade at sa pagprotekta sa anim pang natitira na maalamat na hayop.

"Dahil sa nangyaring pagkamatay ng Bakunawa, marami sa mga tao ngayon ay nabalot na nang takot dahil na rin sa pagbabalik ng Sol Invictus lalo na't maaari na sila ang maging dahilan nang pagkasira ng ating mundo," panimula ni Avery.

"Pinapatay nila ang pitong maalamat na hayop upang walang magtanggol sa atin sa pagdating ng paglalaho. Tunay ngang masasama sila," sabi ni Rufus habang nakakuyom ang kanyang kamao. Kahit ako ay walang ideya kung bakit ganoon ang ginagawa ni Blade, ganoon ba kalaki ang galit niya sa mundong ito at ninanais niya na itong sirain? O ganoon na lang kalaki ang galit niya kay Avery at parte lang ito nang paghihiganti niya?

"Kung kaya't kinakailangan nating protektahan ang Minokawa, Arimoanga, Bawa, Tambakanawa, Sawa, at Laho. Hindi nating hahayaan na mamatay pa ang anim na ito." Paliwanag ni Avery sa amin. "At ililigtas din natin si Melia na ngayong bihag ni Blade. Alam kong ibinihag niya si Melia dahil alam niyang anak ito ni Adara, sinusubukan niyang makuha sa kanyang kamay ang buong Norton."

"Napakasama talaga ng taong iyon," Sabi naman ni Tami. "Nung kalahok tayo ay hinahangaan ko siya pero ngayon... lumabas din ang kanyang tunay na kulay. Peke lang pala ang lahat ng kabutihan na kanyang ipinakita."

"Kung kaya't huwag kayong malilinlang sa inyong nakikita." Sabi ni Avery.

"Oo nga," tumingin ako kay Avery at ngumisi. "Huwag kayong magpapalinlang sa inyong nakikita."

Hindi ito pinansin ni Avery pero alam kong nakuha niya ang nais kong ipunto. "Tami, sino sa anim ang malapit sa lokasyon ng Bakunawa?" Tanong niya.

Saglit na binuksan ni Tami ang kanyang maliit na libro at inayos ang suot na salamin, sa aming pito ay si Tami ang pinakanag-aaral. Siya rin ang may pinakamaraming impormasyon na nalalaman.

"Ang Sawa, naninirahan ito sa gubat Felis, halos isang daang kilometro ang layo sa Galanos." Paliwanag ni Tami sa kanya.

"Paniguradong doon sila tutungo kung plano man nilang isa-isahin ang maalamat na hayop, maghanda kayo." sabi ni Avery sa amin. "Tutungo tayo ngayon din sa gubat Felis."

Natapos ang pagpupulong at nauna na akong lumabas, panibagong paglalakbay na naman ang gagawin namin ngayong araw. Baka eto na rin ang pagkakataon na magkrus muli ang landas namin ni Blade. 

Nag-ikot-ikot muna ako sa bayan ng Norton para mamili ng aking gagamitin sa paglalakbay. Ang masiglang ekonomiya ng bayan talaga ang nagbibigay ngiti sa aking labi, nakakapagod man ang pagsasanay pero nawawala ito sa tuwing nakikita ko ang ngiti sa mukha ng mga taong pinoprotektahan namin.

Habang naglalakad ako ay may isang matanda akong nakita at mukhang madami siyang dala. Tumakbo ako tungo sa kanyang direksyon at binuhat ang isang kahon na kanyang hawak. "Tulungan ko na po kayo," nakangiti kong sabi.

"Kaia, ikaw pala 'yan," sabi sa akin ng matanda at ngumiti rin pabalik. "Tunay nga na makisig ka kagaya nang sinasabi ng ibang tao."

Gagawin ko ang lahat para protektahan ang mga taong ito.

***

Blade/ Basil

Nagising na lamang ako dahil tumatama na ang sinag ng araw sa aking mata. Sinubukan kong tumayo pero pinigilan ako ni Melia. "Hindi ka pa magaling," bilin niya sa akin. "Ipahinga mo pa ng ilang oras ang katawan mo bago ka kumilos." Paliwanag niya sa akin.

Hindi ko siya pinansin at isinuot ang aking damit. "Magaling na ako." Deklara ko sa kanya. "Wala akong dapat na sayangin lalo na't umaandar ang oras, kailangan kong tapusin ang misyon ko bago pa man din dumating ang paglalaho." Paliwanag ko sa kanya.

"Ngayong ibinalita mo sa buong mundo na buhay ka, paniguradong alam na rin ng Ixion na buhay ka. Paniguradong hahanapin ka nila muli at ibabalik sa Norton upang ika'y bitayin." Sabi sa akin ni Melia. "Hindi ka ba natatakot?"

"Ba't ako matatakot? Iyon ang gusto kong mangyari, ang malaman ng Ixion na buhay ako. Gusto ko silang makalaban. Gusto kong magkrus ang landas muli namin ni Taksil kong kaibigan na si Avery," kumuyom ang aking kamao. "Ako mismo ang papatay sa kanya. Palalabasin ko sa bibig niya ang katotohanan."

"Panginoon!" Matinis na boses ni Isla ang aking narinig at kasama niya si Jacko, may hila-hila silang malaking oso. "Nakakuha na ako ng pagkain para sa almusal natin!" Sigaw niya.

"Ha! Ako kaya ang humuli sa osong iyan!" Sabi naman ni Jacko.

"Wala ka ngang ginawa, eh! Ako ang halos pumatay sa oso kung kaya't ako ang humuli niyan!" Ganti naman ni Isla. Napabuntong hininga na lamang ako dahil nagbangayan na naman silang dalawa. Normal na senaryo na lamang na naririnig ko silang nag-aaway.

Si Melia na ang nagluto ng karne. Hindi ko rin inasahan na sanay pa lang magluto ang babae na ito.

"Ang sarap ng luto mo, ate Melia!" Puri ni Isla. Napangiti ako, naaalala ko sa kanya si Parisa, halos ganyan din ang sinasabi ng taong iyon kapag nakakakain ng masarap.

"Nakatulala ka diyan," sabi ni Melia. "Hindi ka ba nasarapan sa luto ko?" Tanong niya.

"Masarap. Masarap! May naalala lang ako." Ipinagpatuloy ko na ang pagkain.

Habang kumakain kami ay napag-usapan na rin namin kung saan kami sunod na pupunta. "Basil, may bali-balitang nasa gubat Felis ang Sawa. Doon ba tayo tutungo para patayin ito?" Tanong ni Isla. 

"Malamang! Iyon ang misyon natin, ang patayin ang anim pang natitirang maalamat na hayop!" Sabi naman ni Jacko ay kumain ng malaking karne.

"Hindi tayo sa gubat Felis tutungo," sabi ko sa kanila at nagulat silang tatlo sa aking sinabi. "Alam kong iisipin ng Ixion na doon tayo tutungo ngayon dahil iyon ang pinakamalapit sa Bakunawa. Baka nga simulan na nila ang paglalakbay patungo rito upang protektahan ang Sawa."

"Hindi ako ganoon katanga, para maisahan ng Ixion." Ngumisi ako sa kanilang tatlo. "Pupunta tayo sa lokasyon ng Minokawa na limang daan kilometro ang layo mula sa atin."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top