Kabanata 15: Isang naniniwala


Nakangisi ako habang nakatanaw sa kalangitan na punong-puno ng bituin, nakasakay kami ngayon sa karwahe at palayo na kami sa bayan ng Galanos. Nakuha ko itong karwahe na ito dahil ibinigay ito ng isang mangangalakal kasama ang kabayo. Lahat sila sa Galanos at ibinigay nila ang lahat ng bagay na maaari nilang ibigay upang huwag silang patayin.

Napakaraming salapi ang nandito ngayon at mukhang hindi na ako mamomroblema pagdating sa pera. Natakot ang mga taga-Galanos na papatayin namin sila dahil akala nila ay kami ang may gawa nung malalakas na alon at kidlat... pero ang totoo ay ang Bakunawa ang may gawa no'n. 

Ayos din naman palang magmukhang masama sa ibang tao dahil napapasunod ko sila sa mga bagay na gusto kong mangyari

"Panginoon, maaari na tayo nitong makakain ng masasarap na pagkain!" Masayang sabi ni Isla habang may hawak-hawak siyang ginto sa kanyang kamay.

"Hindi ko rin inaasahan na ibibigay nila ang lahat nang mayroon sila, Basil," sabi naman ni Jacko na siyang nagpapatakbo sa karwahe.

"Bakit?" Naputol ang pagsasaya namin ngayon nang biglang magsalita si Melia na kanina pa malungkot, siguro ay kanina niya pa rin dinaramdam ang mga binataong masasakit na salita ng mga taga-Galanos. "Bakit nagagawa ninyong magsaya kung ang sama-sama nang tingin sa inyo ng ibang tao?" Tanong niya pa.

"Alam ninyo ang totoo, alam ninyong hindi tayo ang may gawa nung pag-atake at pagkasira nung Galanos. Iniligtas lamang natin sila pero bakit mas pinili ninyong magmukhang masama sa harap nila?" May luha nang namuo sa mata ni Melia.

"Melia tatanungin kita," umayos ako nang pagkakaupo at humarap sa kanya. "Kaya mo ba pinatay ang Bakunawa ay para sa papuri?"

"Hindi, ginawa ko iyon dahil iyon ang tama. Pero gusto ko rin na makita ng ibang tao na ginawa natin iyon para sa kanila. Ginawa ko iyon para makuha ang pagmamahal nila at para hindi nila tayo lalong kamu--"

"Nais mong makuha ang kanilang pagmamahal, ibig sabihin lamang nito ay gusto mo ngang mapuri ka at ituring na bayani," napayuko si Melia. Naiintindihan ko naman siya, malaking pabigat para sa kanya na isa ring bayani ang kanyang ina kung kaya't alam kong gusto niya ring maging tulad nito. "Hindi madali ang sinasabi mong makuha ang pagmamahal nila, Melia. Lalo na't ang Sol Invictus ang kasama mo, sa kahit anong gawin namin mapamasama o mabuti... iisa lang ang magiging resulta nito, kamumuhian lamang kami ng mga tao."

"Pero Basil, kaya mong baguhin iyon! Hindi kayo masamang tao,"

"Wala akong balak baguhin iyon. Sawa na rin akong magpaliwanag sa ibang tao. Wala na akong pakialam kung masama ang tingin nila sa akin, wala na akong pakialam kung ako na ang pinakamasamang tao para sa kanila. Basta ililigtas ko ang mundong ito sa sarili kong paraan, ililigtas ko ito kahit wala akong nakukuhang papuri o kaya nama'y nabibigyang rekognisyon." Paliwanag ko kay Melia.

"Ngayong alam na ng lahat na kasama ka ng Sol Invictus, Melia, sasama ka ba sa'min?" Tanong ni Jacko.

"Oo nga, ate Melia, sumama ka na sa amin!" Yumakap sa kanya ang batang si Isla. "Mas marami tayo sa paglalakbay na ito ay mas masaya."'

"Melia," tawag ko sa kanya. "Handa ka bang ilaban ang tama kahit na magmukha kang masama sa ibang tao?"

Pinahid ni Melia ang luha sa kanyang mata. "Handa ako. Pero huwag ninyo akong lalagyan ng marka," pakiusap niya at nakuha ko naman ang gusto niyang mangyari. "Gusto ko ang bagay na pinaglalaban ninyo pero hindi ako pabor sa pagbuhay ninyo sa masamang grupo na Sol Invictus. Naniniwala rin ako sa inyo na maaaring ang pitong maalamat na hayop ang sumira sa mundo natin sa pagdating ng paglalaho. Napatunayan ko iyon matapos nating makalaban ang Bakunawa."

Pumasok kami sa isang gubat. Sinabi ko kay Jacko na huminto muna kami sa ginagawa naming paglalakbay dahil malaki na ang dilim at oras na rin para magpahinga kami. Ang dami ko ring malalalim na sugat.

Humiga ako sa lilim ng isang malaking puno at umulo ako sa malaking ugat nito. Lumapit sa akin si Melia at pinagmasdan ang mga sugat sa katawan ko. 

"Huwag kang maawa sa akin," umiwas ako nang tingin sa kanya. "Gagaling din ang mga sugat na iyan."

"Pakiramdam ko ay marami ka ngang pinagdaanan na hirap nung umalis ka sa Norton, tila ba nasanay ka na sa sakit at panghuhusga ng ibang tao." sabi sa akin ni Melia, hinawakan niya ang aking braso at iniwas ko ito. "Nag-aral ako ng mahika patungkol sa panggagamot, pawawalain ko lang ang sakit na nararamdaman mo," paliwanag niya sa akin.

"Aran miopiar du!" 

Nagliwanag ang kamay ni Melia at sa ilang minutong lumipas ay unti-unti akong nakaramdam nang kaginhawaan.

"Blade," tumingin ako sa kanya at bumaling ang tingin ko kanila Isla at Jacko na mahimbing nang natutulog, mukhang napagod din ang dalawang iyon sa mga nangyari ngayong araw. Sobrang daming nangyari ngayon.

"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na matagal ng patay si--"

"Blade naniniwala ako sa'yo. Naniniwala ako sa'yo na wala kang kinalaman sa pagkamatay ni Alvaro." Sa sinabi iyon ni Melia ay napatigil ako.

Hindi ko na namalayan na may luhang pumapatak galing sa aking mata. Ilang ulit ko bang hiniling na sana ay may taong maniwala sa akin. Kahit isang tao lang na paniniwalaan ako na wala akong kasalanang ginawa, para bang kahit papaano ay napawala niya ang bigat sa dibdib ko.

Kumapit ako kay Melia at naalala ko na naman ang mga pangyayari noon. "W-wala akong kasalanan, Melia."

Yumakap si Melia sa akin. "Oo, wala kang kasalanan. Naniniwala ako sa'yo."

Doon na ako napahagulgol nang iyak. Salamat at may taong dumating din upang paniwalaan ako at sinabi ang mga salitang matagal ko nang nais marinig.

***

KAIA

Naglalakad ako ngayon sa hardin ng palasyo upang saglit na magpahinga, mayamaya lamang ay pupunta rin ako kawanihan ni Adara upang mag-ulat sa kanya sa paglalakbay na aming ginawa upang hanapin si Melia.

Hindi ko alam kung nasaan na ba ang babaeng iyon o kung ano ang dahilan na biglaan niyang pag-atras para mapasali sa Ixion, alam ko rin naman na matagal niya nang pinapangarap na mapabilang sa grupong ito lalo na't dating miyembro ng Ixion ang kanyang ina.

Humiga ako sa ilalim ng puno at tinanaw ang bughaw na kalangitan. Masaya ako't ligtas ang kaibigan kong si Blade pero sana nga lang ay huwag na muling magkrus ang aming landas. Sa oras kasi na mangyari iyon ay paniguradong hindi na kami magkaibigan... walang kaibi-kaibigan sa tungkulin na dapat gampanan.

Aalis na dapat ako nung may marinig akong nag-uusap. Hindi ako gumalaw sa aking pagkakahiga dahil mukhang hindi naman nila napansin ang aking prisensya.

"Ano ang nangyari sa bayan ng Galanos?" Boses pa lang ay kilala ko na ito dahil kasamahan ko ito sa Ixion-- si Avery. Mukhang may kausap siya na isang kawal.

"Nakarating sa amin na muli na raw nabuhay ang Sol Invictus at pinatay nila ang Bakunawa." 

Maging ako ay nagulat sa balita, bakit kailangang patayin ng Sol Invictus ang Bakunawa?! nasisiraan na ba sila ng bait? Ito ang halimaw na magliligtas sa amin sa paglalaho. Sino ba ang mga mangmang na nasa likod ng Sol Invictus!?

Paniguradong mapapagalitan kami nito dahil nabigo kaming protektahan ang isa sa mga pitong maalamat na hayop.

"Pinatay nila ang Bakunawa!? Paano nila nagawang patayin ang isang makapangyarihang hayop? Paano nila ito nagawang mahanap lalo na't nagtatago ang mga ito!?" Reklamo ni Avery at bakas sa boses nito ang inis. "Sino!? Sino ang nasa likod ng Sol Invictus? May nakaalam ba?"

"Sa maniwala ka man po o sa hindi... si Blade ang pinuno ng Sol Invictus," ulat nung guwardiya at muli akong nagulat sa aking narinig. Bakit kailangang patayin ni Blade ang Bakunawa? Ganoon ba ang kalaki ang galit niya sa Norton? Nagawa niyang sabutahihin ang ginagawa naming misyon.

Napakuyom ako ng kamao. Hindi ko alam kung ano ang balak ni Blade pero maging ako ay hindi natutuwa sa nangyayari. Kahit pa kaibigan ko siya, iba na kapag misyon na ang pinag-uusapan dito, ang protektahan ang pitong maalamat na hayop ang pangunahing misyon ng Ixion... at kabilang ako sa Ixion.

"Si Blade?! Paanong buhay pa ang taksil na iyon? Buong akala ko ay patay na ito," sabi ni Avery.

"Hindi lang iyon, katulong niya rin si Melia. Mukhang pinaplano nilang patayin ang lahat na maalamat na hayop." sabi nung guwardiya.

"Magbabayad ang mga taksil na iyon, kailangan na rin naming kumilos para protektahan ang anim pang natitirang maalamat na hayop," naglakad na paalis si Avery at doon lang ako bumangon sa pagkakahiga. Mabuti na lamang at tago ang pinagpahingahan ko.

Mukhang nagulat ang guwardiya sa akin. "P-pinunong Kaia."

"Huwag mong sabihin kay Avery na narinig ko ang lahat nang pinag-usapan ninyo," naglakad na rin ako paalis.

Saglit akong pumunta sa silid ni Adara upang iulat ang misyon namin at bakas pa rin ang lungkot sa kanyang mukha dahil sa pangungulila kay Melia. Kumuyom ang kamao ko, ano ba ang binabalak ni Melia at Blade? Bakit nila piniling umanib sa masama?

Hindi nga nagtagal ay ipinatawag na kami ni Heneral Leo, ipinulong niya kaming mga miyembro ng Ixion.

"Tunay ba ang balitang patay na ang Bakunawa!?" Sigaw niya kasabay na malakas na pagkalampag sa lamesa, pare-parehas kaming napaayos ng upo.

"Tunay po, heneral Leo... pero ipinapanga--"

naputol ang ginagawang pagpapaliwanag ni Avery. "Ibig sabihin lamang nito na pumalpak kayong pito upang pangalagaan at protektahan ang mga maalamat na hayop. Hindi kayo pinili na maging miyembro ng Ixion para lamang maging kilala sa buong mundo, pinili kayo upang gampanan ang isang mabigat na gampanin!"

"Humihingi po kami nang tawad," sabi ni Avery at diretsong nakatingin kay Heneral Leo. "Sisiguraduhin naming poprotektahan namin ang anim pang natitirang maalamat na hayop."

Bumuntong hininga si heneral Leo. "Sino? Sino ang may gawa nang kasamaang ito? Ibig ba talaga nilang masira ang ating mundo."

"Ang Sol Invictus, heneral," sabi ni Avery at nagulat ang lahat dahil maging sila ay hindi rin inaasahan na mabubuo muli ang masamang grupo na ito. "Pinamumunuan ito ng taksil sa ating bayan... si Blade," at mas lalong nagulat ang lahat.

"Si Blade?! Sinasabi ko na nga ba na isang masamang nilalang ang kababata mong iyon Avery, gawin ninyo ang lahat para mapatay at mapigilan si Blade sa kanyang gustong mangyari. Maliwanag ba!?" Sigaw ni Heneral.

"Maliwanag!" Sabay-sabay naming sabi. 

Sa puntong ito... wala ng kaibi-kaibigan, misyon muna bago ang pagkakaibigan.

"Bihag din ni Blade si Melia at mukhang binabalak niyang gamitin ito para labanan ang Norton," doon ako naalarma. Hindi iyon ang bagay na narinig ko. Hindi bihag ni Blade si Melia.

Masama kong tiningnan si Avery kahit pa kay heneral Leo siya nakatingin. "Isa kang malaking sinungaling." mahina kong bulong sa aking sarili.

"Kung gayon, kailangan ngang patayin si Blade sa lalong madaling panahon at iligtas si Melia sa kanyang kamay," sabi ni Heneral Leo. "Sana magawa ninyo, Ixion, ang inyong misyon ngayon."

Natapos ang pagpupulong at isa-isa nang naglabasan ang mga tao sa silid. Naiwan kaming dalawa ni Avery dahil tinutulungan ko siyang mag-ayos ng ilang mga papeles. Siguro, sa lahat ng miyembro ng Ixion ay ako lang ang hindi natatakot sa kanya.

"Ganyan ba talaga kalaki ang galit mo kay Blade, Avery?" Sabi ko sa kanya.

"Ano bang sinasabi mo?"

"Siniraan mo na naman siya, wala na nga rito ang tao ay nagpapaulan ka pa rin nang kasinungalingan upang sumama ang tingin ng tao sa kapatid mo." Napansin ko ang pagtigil ni Avery sa kanyang ginagawa at napangisi ako.

"Wala akong kasinungalingan na sinabi, tunay na bihag niya si Melia." Hindi ako tanga dahil narinig ko ang pag-uusap nila ng kawal kanina. "Bakit, Kaia? Ipinagtatanggol mo ba si Blade dahil kaibigan mo siya? Kaibigan pa rin ang turing mo sa taksil na iyon? Tandaan mo, siya ang pumatay kay Alvaro na siyang nagsanay sa atin."

"Bilang parte ng Ixion, kalaban ko rin si Blade. Pero hindi ko maaatim na mas lalo mong pinapasama si Blade kapalit lamang ng pagpuri sa iyo." Paliwanag ko sa kanya.

Natapos si Avery sa pag-aayos ng papeles at iniabot ko sa kanya ang aking inayos. "Hindi ko alam ang iyong sinasabi." sabi niya pa.

"Tunay ngang masarap pakinggan ang kasinungalingan lalo na kapag alam mo na ang katotohanan," napatigil si Avery sa paglalakad. "Sana ay maniwala ka sa salitang karma, Avery."

Hindi niya na ako pinansin at nagtuloy na siya sa paglalakad paalis.

Sumeryoso ang aking mukha. Sa puntong ito, Blade... magkalaban na tayong dalawa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top