Kabanata 13: Ang Bakunawa


Ikalawang araw na namin dito sa Galanos, hanggang ngayon ay hindi pa rin namin alam ang lokasyon ng Bakunawa. Minsan ay naiisip ko na lamang na baka nga kwento-kwento lamang ang pananatili ng Bakunawa sa lugar na ito.

"Maraming salamat, hijo," sabi sa akin ng dalawang matandang manlalakbay matapos ko silang tulungan na buhatin pababa ng karwahe ang kanilang dalang gamit. Itinakip ko ang balabal sa aking mukha. May kinuha sa kanyang bulsa ang matandang babaeng manlalakbay. "Heto ang isang daang pilak bilang pasasalamat sa iyong ginawa." Nakangiti niyang sabi.

Isa rin ito sa napansin ko sa bayang ito, masyadong galante at mababait ang mga tao kung kaya't kapag tinulungan mo sila sa maliliit na bagay ay paniguradong bibigyan ka nila nang kapalit. Ginamit ko rin naman iyong pagkakataon upang kahit papaano ay kumita ng pera upang pambayad sa bahay-panuluyan at pagkain na kinakain namin araw-araw.

Paalis na sana ako ngunit naisipan ko silang tanungin patungkol sa Bakunawa. "Pasensya na po, pero maaari ko po bang maitanong kung totoo ang kwento tungkol sa Bakunawa?" Tanong ko sa kanya.

"Isang kwentong bayan nang maituturing ang patungkol sa Bakunawa at pananatili nito sa Galanos, pero ilang taon na ang lumilipas ngunit wala pa rin naman nakakakita rito. Hindi na nga ako naniniwala na nabubuhay nga ang pitong maalamat na hayop sa mundo natin," paliwanag sa akin ng matandang lalaki na manlalakbay habang inilalatag niya ang kanyang paninda sa alpombra. "Bakit hindi mo tingnan sa karagatan? Hindi ba't pinaniniwalaan na nakatira roon ang Bakunawa?" Payo niya sa akin.

"Salamat." Naglakad na ako paalis at naglakad-lakad sa bayan ng Galanos, pabalik na sana ako sa tinutuluyan namin nung sa hindi kalayuan ay nakita ko si Melia na kausap si Benilda. Saglit ko pa silang pinagmasdan, para bang may ibinigay si Benilda kay Melia bago ito tumakbo paalis.

Nadaanan pa ako ni Benilda sa kanyang pagtakbo. "Ikaw pala 'yan, Basil," nakangiti niyang sabi at tinanguan ko siya. "Kung kinakailangan ninyo ng taong mag-iikot sa inyo rito sa bayan ng Galanos ay maaari ninyo akong maasahan." sabi niya pa bago tuluyang tumakbo palayo.

Bumaling ang tingin ko kay Melia at naglakad tungo sa kanyang direksyon. "Ano ang ibinigay niya sa'yo?" Tanong ko.

"Pagkain, hindi ko nga rin alam kung bakit niya ako binigyan." Bakas ang pagtataka sa mukha ni Melia habang pinagmamasdan ang isang buslo ng prutas.

"Baka natutuwa lang siya sa'yo," sabi ko na lamang pero sa isip-isip ko ay baka nga pusong lalaki itong si Benilda kahit pa ang ganda niyang babae. "Ayos na rin 'yan upang may pagkain tayong mapagsaluhan ngayong umaga."

Bumalik kami sa aming tinutuluyan ni Melia at nakita namin sina Isla at Jacko na naghihintay sa amin na nasa lamesa. "Panginoon, ang tagal ninyo. Gutom na 'ko," reklamo ng batang si Isla kung kaya't ibinaba ni Melia sa lamesa ang buslo na kanyang hawak.

"Heto ang pagkain, pagsaluhan natin." Sabi ni Melia at natuwa naman si Jacko at Isla sa kanyang tinuran.

Pinagmamasdan ko ang dalawa habang kausap nila si Melia, kagaya ko ay wala na ring pamilyang babalikan ang dalawang 'to. Nakakaawa nga lang sila kapag napalapit sila kay Melia dahil iiwan din naman kami nito.

Ang sabi ko sa sarili ko ay hindi na muli ako magtitiwala sa ibang tao pero iba si Jacko at Isla. Pare-parehas kaming may pinaglalaban sa buhay at marami na rin naman kaming bagay na pinagsamahang tatlo. Gagawin ko ang lahat upang protektahan silang dalawa at gawin ang aming misyon bilang pinuno ng Sol Invictus.

"Anong sunod na gagawin natin, pinuno?" Tanong ni Isla sa akin bago kumagat ng mansanas. "Halos... pare-parehas..."

"Ubusin mo muna ang kinakain mo, Isla." Payo ni Melia kay Isla at inabutan niya ito ng isang basong tubig na malugod na tinanggap ng bata.

Nilunok muna ni Isla ang kanyang kinain bago muli nagsalita. "Pare-parehas lang nang sinasabi ang mga tao rito panginoon. Mukhang imposibleng mahanap natin ang Bakunawa sa lugar na ito."

"Pasensya na, Basil," kumunot ang aking noo sa biglaang paghingi ng tawad sa akin ni Jacko. "Ako ang nagsabi sa'yo na maaaring dito nananatili ang Bakunawa kung kaya't kapag wala rito ang Bakunawa ay parang inubos ko lang ang oras mo at oras natin upang magawa ang misyon." Paliwanag niya pa.

"Wala namang oras na nasayang," sabi ko sa malamig na tono. "Pagkatapos ninyong kumain ay uupa tayo ng bangka upang mag-ikot sa karagatan. Titingnan natin kung maaari nating makasalubong o makita ang Bakunawa." Paliwanag ko sa kanila at tumango naman silang dalawa sa akin.

Habang kumakain ay hindi ko namalayan na nakatingin sa akin si Melia. "Alagang-alaga silang dalawa sa'yo," nakangiti niyang sabi.

Umiwas ako nang tingin sa kanya. "Malamang, kasama ko sila." sagot ko sa kanya.

***

Nanghiram kami ng bangka sa isang mangingisda kapalit ang dalawang daang pilak.  Pagkasakay namin sa bangka ay akmang magsasagwan na si Melia. "Hindi mo na kailangang gawin 'yan," sabi ko sa kanya.

"Oo nga, ate Melia!" Nakangiting sabi ni Isla. "Tubig ang kapangyarihan ko kung kaya't mapapagalaw ko itong bangka na ito."

"Nal du ast igira!" 

Bigkas ni Isla na enkantasyon at umandar na ang bangkang sinasakyan namin. Sakto lamang ang bilis nito at hindi gaanong matulin. "Ang galing mo naman," puri ni Melia kay Isla at nginitian lamang siya nito. "Sa murang edad mo ay gamay mo na ang paggamit sa mahika."

"Dahil may isang bagay akong layunin kung kaya ko ito ginagawa! Gusto kong protektahan ang lahat ng hayop na nabubuhay sa karagatan! Gusto kong pahalagahan ng tao ang tubig at alam kong tutulungan ako ni Panginoon upang maparating sa mga tao ang mensaheng ito."

Sa pagkakataong ito ay si Melia naman ang ngumiti sa kanya. "Nakakatuwa naman ang bagay na ipinaglalaban mo."

Hindi ko inaasahan na may ganitong pagkatao si Melia. Nasanay kasi ako nung nagsasanay kami bilang kalahok na isa siyang matapang na babae at parating nagsusungit. Ngayon ay panibagong pagkatao niya ang mas nakikilala ko kung kaya't maging ako ay napangiti.

Sa ilang oras naming pag-iikot sa dagat ay wala kaming Bakunawa na nakita, para naman hindi masayang ang upa namin dito sa bangka ay nanghuli na lang kami ng mga isda upang maibenta sa mga mangangalakal, sa tulong na rin ni Isla ay magagandang klaseng isda ang aming nahuli at panigurado akong maibebenta namin ito sa mahal na presyo.

"Bigo na naman tayo," reklamo ni Jacko. "Ilang araw ba tayo mananatili rito sa Galanos para lang makita ang Bakunawa na iyon." Dugtong niya pa.

"Hindi madaling mahanap ang hayop na iyon lalo na't maalamat ito," sabi sa kanya ni Melia. "Ang Arimoanga nga ay sinasabi na naninirahan ito malapit sa Norton ngunit wala pa rin namang nakakakita rito."

"Norton? Hindi ba't doon ka rin galing panginoon!" Masayang sabi ni Isla. "Magkakilala ba kayo ni ate Melia noon pa, panginoon? Kwentuhan ninyo naman kami tungkol sa bayan ng Norton.

Nagkatinginan kami ni Melia at parang tinatanong ng mata niya kung dapat siyang magkwento ngunit patago na lamang akong umiling. Hindi pa ako handa na ikwento sa kanila ang tungkol sa bagay na iyon. Kahit pa ilang linggo na ang lumilipas simula nung nangyari iyon ay masakit pa rin para sa akin kapag pumapasok ito sa isipan ko.

"Basta ay nagkasama lang kami ni Basil. Magkakilala kami pero hindi kami magkaibigan," nakangiting sabi ni Melia at nawala ang ngiti sa mukha ni Isla. "Hayaan mo, sa susunod ay kekwentuhan kita tungkol sa mga naging paglalakbay ko." Sa sinabing iyon ni Melia ay bumalik ang saya sa mukha ni Isla.

"May tinatago kayong dalawa, 'no?" Bulong sa akin ni Jacko na nasa aking tabi. "Isip bata lang ako, Basil, pero hindi ako ganoon katanga. Wala ka bang balak sabihin sa amin kung ano ang iyong nakaraan?" Tanong niya sa akin.

Bumuntong hininga ako. "Mayroon, pero huwag muna. Hindi muna sa ngayon." 

"Naiintindihan ko."

Nakarating muli kami sa pampang at bumaba kaming apat. Hawak-hawak ni Jacko ang mga isdang nahuli namin. "Ang gagandang klaseng isda nito! Paniguradong maibebenta natin ito sa mahal na halaga o kaya naman ay kainin na lang natin dahil masarap 'to!"

Pagkababa namin sa bangka ay nakangiting naglalakad sa direksyon namin si Benilda. Siya na naman?

"Nangisda kayo?" Tanong niya sa amin.

"Oo, marami rin kaming nahuli." Paliwanag sa kanya ni Melia pero halata naman sa mukha nito na naiilang siya sa kabaitan ni Benilda. Kahit ako ay kahapon ko pa pansin na hindi normal ang kabaitan na pinapakita ng babae na ito.

"Dapat sinama ninyo ako dahil marami akong alam na magandang pwesto na pangisdaan sa dagat." Pinauna ko na sina Isla pabalik sa aming tinitirahan. "Siya nga pala, Melia, pwede ba kitang maimbitahan kumain mamayang gabi?" Tanong niya.

"Ah..." Bakas sa mukha ni Melia ang pangamba.

Hinawakan ko si Melia sa kanyang balikat at idinikit sa akin. "Bakit? May pag-uusapan ba kayo ng aking kasintahan?" Tanong ko at bakas sa mukha ni Benilda ang pagkagulat. Pinagmasdan niya ang kamay ko na nakayapos sa balikat ni Melia. Maging si Melia ay nagulat sa aking sinabi.

"Basil, ano bang sinasab--"

"M-magkasintahan kayo?" Tanong niya.

"Hindi ba halata? Parati kaming magkasama na dalawa," hindi ko naman gusto si Melia pero sabihin na natin na ginagawan ko lamang siya ng pabor upang tigilan na siya nitong si Benilda, hindi naman din namin kailangan ang tulong niya at hindi na tama ang ginagawa niyang panghihimasok sa buhay namin.

Napahakbang paatras si Benilda habang may luha na namumuo sa kanyang mata. "H-hindi pwede! Hindi pwede ang bagay na 'yan, gusto ko si Melia!" Sabi niya.

Napangiti ako dahil lumabas na rin ang totoo niyang motibo. Nagulat si Melia sa sinabi ni Benilda lalo na't parehas silang babae. "Hindi mo siya maaaring agawin sa akin, Basil! Gusto ko siya!

Noong una ay gusto ko lang malaman ang pakay nitong si Benilda kay Melia ngunit ngayon ay hindi na ako natutuwa sa mga nangyayari. May itim na awra ang bumabalot sa kanyang katawan. "Hindi ako papayag!" Sigaw niya pa.

"Humanda ka," Parehas kaming humawak ni Melia sa aming sandata.

Nabalot ng itim ang buong katawan ni Benilda hanggang sa nag-iba ito ng anyo. Mabilis itong pumunta sa dagat. Naging isa siyang malaking ahas na may kaliskis ng dragon. Napakalaki nito at nagsimulang magdilim ang paligid. Matatalim ang pangil nito at tanging puti lamang ang kulay ng kanyang mata. "Hindi mo maaaring agawin sa akin si Melia, sa akin lang siya!" Sigaw niya pa.

"Blade..." sabi sa akin ni Melia na para bang nagulat at natakot siya sa nangyayari.

"Ang Bakunawa." Sabi ko habang pinagmamasdan ko sa mata ang malaking ahas na ito.

***~~~***

This chapter is based on our Philippines Mythology about a beautiful sea goddess named Bakunawa who fell inlove with Haliya (the warrior goddess).

So kahit sa Philippine Mythology natin ay may nangyayaring pag-iibigan sa taong parehas ang kasarian. #lovewins hehehehe

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top