Kabanata 12: Ang paghahanap


Sa wakas, nakarating na rin kami sa aming patutunguhan-- ang bayan ng Galanos. Masiglang-masigla ang bayan na ito hindi katulad sa Havoc. Maririnig mo sa paligid ang maingay na mga tao. "Sa tanang-buhay ko ay ngayon lang ako nakapunta sa bayang ito." Sabi ni Jacko habang naglalakad kaming tatlo pababa sa barko.

Maging ako ay hindi ko maiwasang hindi mamangha sa aking nakikita, lubhang maunlad nga ang kanilang bayan kagaya sa Norton. Kahit saan ako tumingin ay mukhang masagana ang kalakalan at palitan ng gamit dito.

"Panginoon, gutom na 'ko," sabi ni Isla sa akin habang nakahawak sa laylayan ng aking damit. Kahit pa malakas na babae itong si Isla ay hindi pa rin mapagkakaila na isa pa rin itong bata dahil mabilis pa rin siyang makaramdam ng pagod at gutom.

"Ha! Bago tayo bumaba ng barko ay kumain ka na, tapos gutom ka na naman!" reklamo ni Jacko sa kanya.

"Pakialam mo ba, hindi naman ikaw ang kinakausap ko!" 

Napabuntong hininga na lamang ako dahil nagtalo na naman silang dalawa, hindi sila nauubusan na pagtatalunan na dalawa. "Kakain tayo, pero bago 'yon, pumunta muna tayo sa tindahan ng mga damit upang makabili ako ng bagong balabal." sabi ko sa kanila at pumayag silang dalawa. Mabuti na nga lamang ay may dalang panyo si Jacko kung kaya't iyon ang ginamit ko upang matakpan ang marka ng Sol Invictus sa aking katawan.

Pagkarating namin sa sentro ng bayan ay ang daming tao na namimili sa paligid at marami ring iba't-ibang klaseng nilalang. Isang demokratikong bayan ang Galanos kung kaya't pantay-pantay ang tingin sa mga tao at ibang nilalang.

Habang naglalakad kami ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit nakasunod sa amin si Melia, kahit sina Jacko ay naiilang na sa kanyang ginagawa. "Basil, panibago ba natin 'yang kasama sa paglalakbay?" Mahinang bulong sa akin ni Jacko.

Huminto ako sa paglalakad at napatigil din si Melia, hinarap ko siya pero tiningnan niya lang ako sa mata na para bang hindi nakakaistorbo ang kanyang ginagawa. "Bakit mo ba kami sinusundan? Hindi ba't sabi mo'y pupunta ka rito sa bayan ng Galanos upang makaalis sa Norton? Bakit kailangan mo kaming sundan?" Bakas ang otoridad sa aking boses ngunit kilala ko si Melia, alam kong hindi siya matatakot dito.

"Alam mo ang pakay ko... Basil, hindi ko hahayaan na makawala ang isang malaking isda lalo na't nasa harap ko na ito," sabi niya sa akin. Alam ko ang tinutukoy niya, nasabi niya na rin naman sa akin na balak niya akong hulihin.

"Panginoon, ano ang ibig ninyong ituran? Wala kaming naiintindihan," sabi ni Isla sa akin.

Tumalikod na muli ako at nagsimulang maglakad. "Hayaan ninyo siyang sumunod sa atin, mapapagod din 'yan." wika ko na lang at nagtuloy na kami sa pamimili.

"Ibig sabihin ba nito ay sasama ka na sa paglalakbay namin, ate?" narinig kong sabi ni Isla at mukhang kinakausap niya na si Melia. "Magkakaroon na ako ng ate sa paglalakbay na ito!" Bakas ang tuwa sa boses ni Isla.

Sana nga lang ay hindi mapalapit ang loob ni Isla kay Melia dahil alam kong dadating ang araw na tatraydurin din kami nito. Sinabi na rin naman sa akin ni Melia na ang pakay niya talaga ay hulihin ako at hindi tulungan kami sa aming misyon. Lahat ng tao ay katulad lamang ni Avery, kapag ibinigay mo ang tiwala mo rito... sisirain lang nila.

Nagpunta kami sa tindahan ng mga damit at gaya nga ng aking sabi ay bumili lang ako ng panibagong balabal upang pantakip sa aking marka at sa aking mukha. Kahit pa malayo ang bayan ng Galanos sa bayan ng Norton ay marami pa rin namang manlalakbay dito. 

Sabi sa akin ni Kaia ay kumakalat na ang balita na patay na raw ako kung kaya't baka tumigil na rin ang mga tao sa paghahanap sa akin pero mas maganda pa rin na makasigurado.

Matapos naming bumili ay naghanap ako ng bayan-panuluyan kung saan kami mananatili. Kailangan naming mahanap ang Bakunawa sa lalong-madaling panahon, limitado lang ang oras namin upang mapatay ang pitong maalamat na hayop.

Nakakuha kami ng dalawang kwarto kung saan kami mananatili. Kaming dalawa ni Jacko ang magkasama sa isang silid at sina Isla at Melia naman ang magkasama sa kabila.

"Tandaan ninyo, hindi tayo tumungo rito para magbakasyon. Alam ninyong dalawa ang pakay natin," pagkausap ko kay Jacko at Isla at tumango naman silang dalawa. "Hangga't maari ay itago ninyo ang marka sa inyong braso. Wala dapat makaalam na nandito ang miyembro ng Sol Invictus dahil maaari tayong mapaalis sa bayang ito."

"Ang kailangan naming gawin ngayong dalawa ay magtanong kung totoo nga bang nandito ang Bakunawa, hindi ba?" Tanong sa akin ni Jacko at tinanguan ko naman siya bilang sagot. "Madali lang ang pinapagawa mo."

Binilinan ko lang sila nang ilan pang mga bagay bago sila naglakad paalis upang magsimulang magtanong-tanong. Ako din naman ay nag-ikot-ikot din upang magtanong-tanong sa mga tao, pero nakakabahala talaga ang ginagawa sa aking pagsunod ni Melia.

"Kung gusto mo akong hulihin, hulihin mo na ako," sabi ko sa kanya, hindi ko siya tinitingnan dahil nasa likod ko siya bagkus ay nagpatuloy lang ako sa paglalakad. "Pero mabibigo ka lang Melia. Bakit hindi mo na lang hintayin na matapos ko ang misyon ko at sasama ako sa'yo nang matiwasay."

"Iyon nga ang aking ginagawa," sumabay sa aking paglalakad si Melia. "Ano ba ang misyon mo, Blade? Bakit ninyo hinahanap ang Bakunawa?" Tanong niya pa.

"Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag mo akong tinatawag na Blade dahil matagal na siyang patay. Basil na ang pangalan ko." Paliwanag ko sa kanya.

"Hindi naman kita tinatawag na Blade kapag nandito ang dalawa mong kasamahan. Gusto ko lang ipaalala sa'yo na ikaw pa rin si Blade, iyon ang tunay mong pangalan." nakangisi niyang sabi sa akin. Hindi talaga siya natatakot sa prisensya ko. Sa bagay, bakit nga naman siya matatakot sa akin kung nung kalahok pa kami sa Ixion ay mas nakakatakot siya. "Bakit mo nga hinahanap ang Bakunawa?" Pag-uulit niya pa.

Halos lahat ng kalahok noon ay napapasunod ni Melia lalo na't anak siya ni Adara. Ang pagiging anak ng isang tao sa mataas na posisyon ay naging dahilan upang magkaroon ng kapangyarihan si Melia na mapasunod ang mga mangmang na tao.

"Gusto kong patayin ang Bakunawa," napahinto siya sa paglalakad at tila ba nagulat sa aking sinabi. "Alam ko nang magiging ganyan ang ekspresyon mo." ako naman ang ngumisi sa kanya sa pagkakataong ito.

"Hindi ba't nung nasa ixion tayo ay isa sa mga bagay na itinuro sa atin dapat nating pangalagaan ang pitong maalamat na hayop dahil iyon ang magtatanggol sa atin sa oras na dumating ang paglalaho?" tanong niya sa akin. "Ganyan ba talaga ang galit mo sa Ixion, Blade? Maaaring ikapahamak ng sanlibutan ang iyong binabalak!"

Huminto muna ako sa paglalakad at umupo sa bangko malapit sa dagat, umupo din naman si Melia sa aking tabi at pinagmasdan namin ang alon na humahampas sa malaking bato. "Oo. Kung kinakailangan ko na kalabanin ang Ixion at ang gobyerno para lang magawa ang misyon ko ay gagawin ko."

"Blade, bakit ang laki ng galit mo sa gobyerno? Hindi mo ba pansin na ginagawa nila ang lahat para mapanatili ang kapayapa--"

"Dahil iyon ang ipinapakita nila, Melia! Simula nung napagbintangan ako sa kasalanang hindi ko naman nagawa, doon ko nakita ang ibang mukha ng gobyerno. Ang mga mahihirap ay mas lalong isinasadlak sa hirap, may mga panlolokong nagaganap kagaya na lamang nang pagpapataw ng mabibigat na buwis, mga bayang pinangakuan ng tulong ngunit hindi naman tinulungan. Lahat nang iyon ay nakita ko, Melia." Tila ba natahimik si Melia sa mga bagay na sinasabi ko.

"Matatalino naman ang mga opisyal sa gobyerno, nakapagtapos sa magagandang paaralan, pinaliguan ng maraming dunong at aral, karespe-respeto tingnan ang bawat isa dahil sa kanilang pananamit... pero bakit sila pa ang pinakamalalaking magnanakaw ng bayan natin? Galit sila sa mga magnanakaw ngunit sila itong kumukuha ng pera sa kaban ng bayan. Gusto kong itama ang mga maling ito, Melia." kwento ko sa kanya.

"Anong kinalaman ng Bakunawa sa balak mo, Blade?"

"Maniwala ka man o sa hindi, ang maalamat na hayop ang isa sa mga sisira sa mundo natin kapag dumating ang paglalaho. Iyon ang dahilan ko kung bakit binuo ko ang Sol Invictus, upang pigilan ito. Wala akong pakialam kung nasa Ixion ang lahat ng papuri at lahat ng galit ng tao ay ibinabato sa Sol Invictus." Paliwanag ko sa kanya. "Ikaw, Melia, gusto mo bang maging parte ng grupo namin?" Tanong ko sa kanya.

Tumayo si Melia at pinagmasdan ang dagat. "Nakakalimutan mo yata, Blade, nandito ako para hulihin ka at hindi para sumali sa grupo mo. Pero sige, tutulungan kita sa misyon mo, pero sa huli ay siguraduhin mong mahuhuli kita. Magandang pagkakataon na rin ito para sa'yo upang patunayan mo sa akin na wala ka ngang kinalaman sa pagkamatay ni Alvaro."

Nagpatuloy na kami sa pagtatanong, humiwalay sa akin si Melia dahil may bibilhin din daw siyang mga gamit sa ilang mangangalakal sa lugar, sa pag-iikot ko ay isang babae ang nabunggo ko kung kaya't tinulungan ko siyang pulutin ang mga gamit niyang nahulog.

"Pasensya na, hindi ako tumitingin sa aking dinaraanan," sabi niya sa akin. Tumingin ako sa kanyang mukha at sumilay sa akin ang isang napakagandang babae, bagsak ang itim nitong buhok at bilugan ang mata nito, mapupula rin ang labi nito at maliit ang kanyang mukha.

"Ayos lamang." sabi ko sa kanya. "Pasensya na rin, maging ako ay hindi tumitingin sa aking dinaraanan," tumingin siya sa akin at ilang segundo rin nagtama ang aming paningin at ako na ang unang umiwas.

"Isa kang manlalakbay?" Tanong niya sa akin. "Ngayon lang kita nakita rito sa Galanos dahil ilang taon na rin akong namumuhay dito."

"Oo, kakababa ko lang ng barko kanina."

"Ako nga pala si Benilda," pagpapakilala niya sa kanyang sarili.

"Basil." Pagpapakilala ko naman sa aking sarili.

"Basil!" Isang malakas na tinig ang aking narinig mula sa aking likuran at naglalakad pala patungo sa akin si Melia. "Tapos na akong bilihin ang aking mga kailangan."

Hindi pa rin naaalis ang tingin ko kay Benilda, ngunit siya'y napansin kong may malalim na tingin kay Melia. Yung mga tingin nito'y ay para bang nakita niya na ang taong kanyang iniibig. Hindi kaya...

Iniling ko ang aking ulo. Imposibleng magkagusto si Benilda kay Melia lalo na't parehas silang babae.

"Halika na, bumalik na tayo at baka nagugutom na sina Isla." Aya ko kay Melia at nauna na akong maglakad paalis.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top